‘Gawing Matagumpay ang Iyong Lakad’—Paano?
“TAGUMPAY”—isang napakagandang salita! Ang ilan ay nagkaroon ng mataas na posisyon sa trabaho, yumaman, at naging tanyag. Ang iba naman ay nangarap na magtagumpay pero nabigo.
Ang tagumpay ay nakadepende nang malaki sa kung saan nakapokus ang iyong buhay. Nakadepende rin ito sa paraan ng paggamit mo ng iyong panahon at lakas at sa iyong pagkukusa.
Napatunayan ng maraming Kristiyano na ang lubusang pakikibahagi sa ministeryo ay nagdudulot ng malaking kasiyahan. Ang buong-panahong paglilingkod ay nakatulong sa matatanda’t bata na maging matagumpay. Pero para sa ilan, ang ministeryo ay nakababagot kung kaya umaabót sila ng ibang mga tunguhin at pangalawahin na lang sa kanilang buhay ang ministeryo. Bakit kaya? Ano ang puwede mong gawin para hindi mawala ang iyong pokus sa mga bagay na talagang mahalaga? At paano mo ‘gagawing matagumpay ang iyong lakad’?—Jos. 1:8.
Mga Extracurricular Activity at Libangan
Ang mga kabataang Kristiyano ay kailangang maging timbang pagdating sa paglilingkod sa tunay na Diyos at sa iba pang mga gawain. Ang ganitong mga kabataan ay magtatagumpay sa buhay at nararapat papurihan.
Gayunman, ang ilang kabataang Kristiyano ay masyadong naging abala sa mga extracurricular activity at libangan. Hindi naman masama ang gayong mga gawain. Pero dapat itanong ng mga kabataan sa kanilang sarili: ‘Gaano kalaking panahon ang mauubos ko sa mga gawaing iyon? Sinu-sino ang makakahalubilo ko? Anong saloobin nila ang maaaring makaimpluwensiya sa akin? At ano ang posibleng maging pangunahin sa buhay ko?’ Malamang na alam mong posibleng mawili nang husto ang isang tao sa gayong mga gawain, anupat kaunti na lang ang panahon o lakas na matitira para sa espirituwal na mga bagay. Talagang mahalagang magtakda ng mga priyoridad.—Efe. 5:15-17.
Pag-isipan ang nangyari kay Wiktor.a Ikinuwento niya: “Noong 12 anyos ako, sumali ako sa isang volleyball club. Di-nagtagal, humakot ako ng premyo at parangal. Nagkaroon ako ng pagkakataong sumikat.” Nang maglaon, nabahala si Wiktor dahil nakaaapekto na ito sa kaniyang espirituwalidad. May pagkakataon pa nga na nakatulog siya habang nagbabasa ng Bibliya. Napansin din niya na hindi na siya gaanong masaya sa paglilingkod sa larangan. “Inuubos ng isport ang aking lakas at di-nagtagal, napansin kong tinatabangan na rin ako sa espirituwal na gawain. Alam kong hindi ko na ginagawa ang aking buong makakaya.”
Mataas na Edukasyon?
Sinasabi ng Bibliya na obligasyon ng isang Kristiyano na pangalagaan ang kaniyang pamilya, at kasama rito ang paglalaan ng kanilang materyal na pangangailangan. (1 Tim. 5:8) Pero talaga bang kailangang makatapos sa kolehiyo o unibersidad para magawa iyan?
Makabubuting pag-isipan kung ano ang maaaring maging epekto ng pagkuha ng mataas na edukasyon sa kaugnayan ng isa kay Jehova. Talakayin natin ang isang halimbawa sa Bibliya.
Si Baruc ay kalihim ni propeta Jeremias. May panahon na sa halip na magtuon ng pansin sa mga pribilehiyo niya sa paglilingkod kay Jehova, nag-ambisyon si Baruc. Napansin ito ni Jehova at binabalaan siya sa pamamagitan ni Jeremias: “Patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap.”—Jer. 45:5.
Anong “mga dakilang bagay” ang patuloy na hinahanap ni Baruc? Maaaring natukso siyang maging tanyag sa Judiong sistema ng mga bagay. O baka naghangad siyang yumaman. Anuman ang nasa isip niya, nawala na ang kaniyang pokus sa mga bagay na higit na mahalaga—ang espirituwal na mga bagay. (Fil. 1:10) Gayunman, maliwanag na pinakinggan ni Baruc ang babala ni Jehova at sa gayo’y nakaligtas nang mawasak ang Jerusalem.—Jer. 43:6.
Ano ang matututuhan natin dito? Makikita sa ipinayo kay Baruc na may problema siya. Naghahangad siya ng mga dakilang bagay para sa kaniyang sarili. Kung nasusuportahan mo naman ang iyong sarili, talaga bang kailangan mo pang gumugol ng panahon, pera, at lakas sa pagkuha ng karagdagang edukasyon para lang matupad ang mga pangarap mo o ng iyong mga magulang o mga kamag-anak?
Kuning halimbawa si Grzegorz, isang computer programmer. Udyok ng mga kasamahan niya, kumuha siya ng kurso para sa karagdagang espesyal na pagsasanay. Di-nagtagal, nawalan na siya ng panahon sa espirituwal na mga gawain. Sinabi niya: “Hindi ako mapanatag. Nakokonsiyensiya ako dahil hindi ko maabot ang aking espirituwal na mga tunguhin.”
Subsob sa Trabaho
Pinapayuhan ng Bibliya ang mga tunay na Kristiyano na maging masipag at responsableng mga empleado at amo. Sumulat si apostol Pablo: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.” (Col. 3:22, 23) Magandang katangian ang kasipagan, pero mayroon pang kailangan—ang mabuting kaugnayan sa ating Maylalang. (Ecles. 12:13) Kung ang isang Kristiyano ay subsob sa trabaho, malamang na maging pangalawahin na lang sa kaniya ang espirituwal na mga gawain.
Bukod diyan, baka manghina siya, hindi na makapanatiling timbang sa espirituwal, at mapabayaan ang kaniyang pamilya. Sinabi ni Haring Solomon na ang “dalawang dakot ng pagpapagal” ay kadalasan nang “paghahabol sa hangin.” Kung masyadong abala sa trabaho ang isang Kristiyano, maaaring mauwi iyon sa matinding stress na nagtatagal. Maaari pa nga siyang maging alipin ng kaniyang trabaho at maubusan ng lakas. Kapag nangyari iyan, puwede pa kaya siyang ‘magsaya at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal’? (Ecles. 3:12, 13; 4:6) At ang mas mahalaga, may matitira pa kaya siyang pisikal at emosyonal na lakas para sa kaniyang pamilya at sa espirituwal na mga gawain?
Si Janusz, taga-Silangang Europa, ay masyadong naging abala sa kaniyang negosyo. Sinabi niya: “Hanga sa akin ang mga tao dahil maabilidad ako at natatapos ko ang lahat ng trabaho ko. Pero naapektuhan ang espirituwalidad ko at hindi na ako nakapaglilingkod sa larangan. Di-nagtagal, tumigil na rin ako sa pagdalo sa pulong. Lumaki ang ulo ko kaya bale-wala na sa akin ang payo ng mga elder at lumayo na ako sa kongregasyon.”
Maaari Mong Gawing Matagumpay ang Iyong Buhay
Tinalakay natin ang tatlong pitak na maaaring pagkaabalahan ng isang Kristiyano at makasira sa kaniyang espirituwalidad. Naaapektuhan ka ba ng alinman sa mga ito? Kung gayon, ang sumusunod na mga tanong, teksto, at komento ay makatutulong sa iyo para makatiyak na magtatagumpay ka.
Mga extracurricular activity at libangan: Gaano ka kaabala sa mga ito? Inaagaw ba nito ang panahon mo na dati’y para sa espirituwal na mga gawain? Tinatabangan ka na bang makisama sa mga kapatid? Kung oo, bakit hindi mo tularan si Haring David, na nagsumamo kay Jehova: “Ipaalam mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran.”—Awit 143:8.
Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang tumulong kay Wiktor, na binanggit sa pasimula. Sinabi sa kaniya ng tagapangasiwa: “Wala ka na yatang bukambibig kundi volleyball.” “Bigla akong natauhan,” ang sabi ni Wiktor. “Napag-isip-isip kong hindi na pala ako timbang. Di-nagtagal, iniwasan ko na ang mga kaibigan ko sa volleyball club at humanap ako ng mga kaibigan sa kongregasyon.” Sa ngayon, si Wiktor ay masigasig na naglilingkod kay Jehova sa kanilang kongregasyon. Ang payo niya: “Itanong sa iyong mga kaibigan, mga magulang, o mga elder sa kongregasyon kung ano ang napapansin nila sa iyo—kung inilalapit o inilalayo ka kay Jehova ng mga gawain sa paaralan.”
Bakit hindi sabihin sa mga elder na gusto mong umabót ng karagdagang pribilehiyo sa paglilingkod sa Diyos? Makapaglalaan ka ba ng panahon sa mga may-edad nang nangangailangan ng kasama o makakatulong, marahil sa pamimili o mga gawaing-bahay? Anuman ang edad mo, maaari kang maglingkod nang buong panahon, anupat ibinabahagi sa iba ang dahilan ng iyong kagalakan.
Mataas na edukasyon: Nagbabala si Jesus laban sa ‘pagnanasa ng sariling kaluwalhatian.’ (Juan 7:18) Anumang sekular na edukasyon ang ipasiya mong kunin, ‘natiyak mo na ba ang mga bagay na higit na mahalaga’?—Fil. 1:9, 10.
Si Grzegorz, ang nabanggit na computer programmer, ay gumawa ng ilang pagbabago sa kaniyang buhay. Sinabi niya: “Sineryoso ko ang payo ng mga elder at pinasimple ko ang aking buhay. Naisip kong hindi ko na kailangan ang karagdagang sekular na edukasyon. Uubusin lang nito ang aking panahon at lakas.” Si Grzegorz ay nagpokus sa mga gawain sa kongregasyon. Nang maglaon, nakagradweyt siya sa tinatawag ngayong Bible School for Single Brothers. Oo, ‘binili niya ang panahon’ para sa karagdagang teokratikong edukasyon.—Efe. 5:16.
Trabaho: Subsob ka ba sa trabaho anupat napapabayaan mo na ang espirituwal na mga bagay? Naglalaan ka ba ng sapat na panahon para makipag-usap sa iyong pamilya? Pinasusulong mo ba ang kalidad ng iyong mga bahagi sa pulong? Nakikipag-usap ka ba sa iba para makipagpatibayan? “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos,” at tatanggap ka ng saganang pagpapala ni Jehova at ng ‘kabutihan dahil sa iyong pagpapagal.’—Ecles. 2:24; 12:13.
Si Janusz, ang nabanggit na negosyante, ay hindi nagtagumpay sa negosyo. Nang malugi siya at mabaon sa utang, bumaling siya kay Jehova. Inayos niya ang kaniyang buhay at naglilingkod na ngayon bilang regular pioneer at elder sa kongregasyon. Sinabi niya: “Nang makontento ako sa simpleng buhay at magpokus sa espirituwal na mga gawain, nagkaroon ako ng kapayapaan ng isip at puso.”—Fil. 4:6, 7.
Bakit hindi mo tapatang suriin ang iyong mga motibo at priyoridad? Ang paglilingkod kay Jehova ay magdudulot ng panghabambuhay na tagumpay. Dito mo isentro ang iyong buhay.
Baka kailangan mong gumawa ng ilang pagbabago at alisin pa nga ang di-kinakailangang mga bagay para mapatunayan sa iyong sarili “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Pero kung maglilingkod ka sa kaniya nang buong kaluluwa, ‘gagawin mong matagumpay ang iyong lakad.’
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
[Kahon/Larawan sa pahina 31]
Paano Mo Gagawing Matagumpay ang Iyong Lakad?
Yamang napakaraming pang-abala sa ngayon, ano ang dapat mong gawin para hindi mawala ang iyong pokus sa mga bagay na talagang mahalaga? Suriin ang iyong mga motibo at priyoridad sa pamamagitan ng sumusunod na mga tanong:
MGA EXTRACURRICULAR ACTIVITY AT LIBANGAN
▪ Gaano kalaking panahon ang mauubos mo rito?
▪ Posible kayang ito ang maging sentro ng iyong buhay?
▪ Inaagaw ba nito ang panahon mo na dati’y para sa espirituwal na mga gawain?
▪ Sinu-sino ang makakahalubilo mo, at anong saloobin nila ang maaaring makaimpluwensiya sa iyo?
▪ Mas masaya ka bang kasama sila kaysa sa mga kapatid?
MATAAS NA EDUKASYON
▪ Kung nasusuportahan mo naman ang iyong sarili, talaga bang kailangan mo pang gumugol ng panahon, pera, at lakas para sa karagdagang edukasyon?
▪ Para masuportahan ang iyong sarili, talaga bang kailangan mong makatapos sa kolehiyo o unibersidad?
▪ Ano ang magiging epekto nito sa iyong pagdalo sa mga pulong?
▪ ‘Natiyak mo na ba ang mga bagay na higit na mahalaga’?
▪ Kailangan mo bang patibayin ang iyong pagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na maglaan para sa iyo?
TRABAHO
▪ Sa pinili mong trabaho, may panahon ka pa bang ‘magsaya at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng iyong pagpapagal’?
▪ May natitira ka pa bang pisikal at emosyonal na lakas para sa pamilya at sa espirituwal na mga gawain?
▪ Naglalaan ka ba ng sapat na panahon para makipag-usap sa iyong pamilya?
▪ Subsob ka ba sa trabaho anupat napapabayaan mo na ang espirituwal na mga bagay?
▪ Naaapektuhan ba nito ang kalidad ng iyong mga bahagi sa pulong?
[Larawan sa pahina 30]
Binabalaan ni Jehova si Baruc tungkol sa pag-aambisyon