Susundin Mo ba ang Maibiging Patnubay ni Jehova?
“Ang bawat landas ng kabulaanan ay kinapopootan ko.”—AWIT 119:128.
1, 2. (a) Kapag humihingi ka ng direksiyon papunta sa isang lugar, anong babala ang pahahalagahan mo, at bakit? (b) Anong mga babala ang ibinibigay ni Jehova sa mga lingkod niya, at bakit?
ISIPIN ito: Kailangan mong pumunta sa isang lugar. Nagtanong ka sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan na nakaaalam ng daan. Nagbigay siya ng detalyadong direksiyon, pero baka magbabala rin siya: “Mag-ingat ka, sa susunod na kanto, may karatula na kapag sinundan mo, maliligaw ka. Marami na ang naligaw dahil doon.” Hindi ka ba magpapasalamat sa malasakit niya at susundin siya? Si Jehova ay gaya ng kaibigang iyon. Binibigyan niya tayo ng mga tagubilin para makarating tayo sa ating destinasyon—ang buhay na walang hanggan. Pero nagbababala rin siya tungkol sa mga panganib na puwedeng magligaw sa atin.—Deut. 5:32; Isa. 30:21.
2 Sa artikulong ito at sa sumusunod, tatalakayin natin ang ilan sa mga panganib na ibinabala ng ating Kaibigan, ang Diyos na Jehova. Mahal niya tayo at gusto niyang makarating tayo sa ating destinasyon. Nasasaktan siya kapag nakikita niya ang mga tao na gumagawa ng maling pasiya at nalilihis ng landas. (Ezek. 33:11) Sa artikulong ito, tatlong panganib ang tatalakayin natin. Ang una ay galing sa ibang tao, ang ikalawa, sa atin mismo, at ang ikatlo ay galing sa isang bagay na hindi totoo, pero napakapanganib. Kailangan nating malaman kung anu-ano ito at kung paano tayo tinutulungan ng ating Ama sa langit na maiwasan ang mga ito. Sinabi ng isang salmista kay Jehova: “Ang bawat landas ng kabulaanan ay kinapopootan ko.” (Awit 119:128) Ganiyan din ba ang nadarama mo? Pag-usapan natin kung paano natin mapatitibay ang ating determinasyon na iwasan ang bawat “landas ng kabulaanan.”
Huwag Sumunod “sa Karamihan”
3. (a) Kung naliligaw ka, bakit mapanganib na basta na lang sumunod sa mga nauuna sa iyo? (b) Anong mahalagang simulain ang nasa Exodo 23:2?
3 Paano kung naglalakbay ka nang malayo at hindi ka sigurado sa dinaraanan mo? Baka matukso kang sundan na lang ang mga nauuna sa iyo, lalo na kung marami sila. Pero mapanganib iyan. Kasi baka magkakaiba naman kayo ng destinasyon o baka naliligaw rin sila. Ang halimbawang ito ay tutulong sa atin na maunawaan ang simulaing nasa likod ng isang utos na ibinigay sa sinaunang Israel. Ang mga hukom at saksi sa isang kaso ay binabalaan na huwag ‘sumunod sa karamihan.’ (Basahin ang Exodo 23:2.) Talagang madali para sa di-sakdal na mga tao na magpadala sa panggigipit at baluktutin ang katarungan. Pero para lang ba sa mga hukom at saksi ang simulain tungkol sa hindi pagsunod sa karamihan? Hindi.
4, 5. Anong panggigipit ang naranasan nina Josue at Caleb, pero paano nila napagtagumpayan iyon?
4 Ang totoo, maaari tayong mapaharap sa panggigipit na ‘sumunod sa karamihan’ sa kahit anong aspekto ng ating buhay. Baka mangyari ito nang biglaan at maaaring mahirap itong paglabanan. Kunin nating halimbawa ang panggigipit na naranasan nina Josue at Caleb. Kasama sila sa 12 lalaki na naniktik sa Lupang Pangako. Pagbalik nila, sampu sa kanila ang nagbigay ng negatibo at nakapanghihinang ulat. Iginiit pa nga ng mga ito na ang ilang tagaroon ay higanteng inapo ng mga Nefilim—mga anak ng rebeldeng mga anghel at babae. (Gen. 6:4) Imposible iyon dahil nalipol sa Delubyo ang mga balakyot na mestisong iyon daan-daang taon na ang nakalilipas, at wala silang naiwang mga supling. Pero dahil mahina ang pananampalataya ng mga Israelita, naniwala sila sa maling ulat ng mga lalaking iyon. Kaya naman mabilis na kumalat ang takot at inisip ng karamihan na hindi nila dapat sundin ang utos ni Jehova na pumasok sa Lupang Pangako. Ano ang ginawa nina Josue at Caleb?—Bil. 13:25-33.
5 Hindi sila sumunod sa karamihan. Bagaman ayaw marinig ng karamihan ang katotohanan, sinabi pa rin ito nina Josue at Caleb at pinanindigan ito—kahit pinagbantaan silang batuhin hanggang mamatay! Saan nila hinugot ang kanilang lakas ng loob? Sa kanilang pananampalataya kay Jehova. Kapag ang mga tao ay may matibay na pananampalataya, naniniwala sila sa pangako ng Diyos na Jehova at hindi sa maling ideya ng mga tao. Nang maglaon, ipinahayag ng mga lalaking iyon ang pananampalataya nila kay Jehova at sinabing laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako. (Basahin ang Josue 14:6, 8; 23:2, 14.) Mahal nina Josue at Caleb si Jehova at nagtitiwala sila sa kaniya. Ayaw nilang gumawa ng anumang bagay na magpapalugod nga sa ibang tao pero magpapalungkot naman kay Jehova. Napakagandang halimbawa nga sa atin ang kanilang paninindigan!—Bil. 14:1-10.
6. Sa anong mga sitwasyon tayo maaaring matukso na sumunod sa karamihan?
6 Kung minsan ba ay natutukso kang sumunod sa karamihan? Maraming tao ang hindi gumagalang kay Jehova. Hinahamak nila ang kaniyang mga pamantayang moral. May sarili silang mga ideya tungkol sa tama at mali at hinihikayat nila tayong maniwala rito. Halimbawa, sinasabi nila na wala namang masama sa mga palabas sa TV, pelikula, at mga computer game na nagpapakita ng imoralidad, karahasan, at espiritismo. (2 Tim. 3:1-5) Kapag pumipili ng libangan, nagpapaimpluwensiya ka ba sa mga hindi sumusunod sa pamantayan ng Diyos? Kung gayon, hindi ba pagsunod iyan sa karamihan?
7, 8. (a) Paano masasanay ang ating “mga kakayahan sa pang-unawa,” at bakit mas mabuti ito kaysa basta umasa sa sasabihin ng iba? (b) Bakit natutuwa kang makita ang magandang halimbawa ng maraming kabataang Kristiyano?
7 Binigyan tayo ni Jehova ng isang mahalagang regalo na makatutulong sa atin sa paggawa ng desisyon—ang ating “mga kakayahan sa pang-unawa.” Pero kailangan nating sanayin ang mga kakayahang ito sa pamamagitan ng “paggamit.” (Heb. 5:14) Kung susunod lang tayo sa karamihan o basta aasa sa sasabihin ng iba, hindi natin masasanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa. Kaya naman ang bayan ni Jehova ay hindi binibigyan ng listahan ng mga pelikula, aklat, o Internet site na dapat iwasan. Napakabilis magbago ang sanlibutang ito kaya maluluma agad ang gayong listahan. (1 Cor. 7:31) Higit sa lahat, ayaw nating umasa lang sa sasabihin ng iba dahil hindi tayo matututong gumamit ng ating kakayahang magpasiya. Gusto ni Jehova na pag-isipan natin ang sinasabi ng Bibliya, hilingin ang kaniyang patnubay, at gumawa ng desisyong nakalulugod sa kaniya.—Efe. 5:10.
8 Pero kapag nagpapasiya tayo batay sa simulain ng Bibliya, baka kainisan tayo ng iba. Maaaring mapaharap ang mga kabataang Kristiyano sa matinding panggigipit na gayahin ang ginagawa ng iba sa paaralan. (1 Ped. 4:4) Kaya naman nakatutuwang makita ang ating mga kapatid, bata at matanda, na nagpapakita ng pananampalatayang gaya ng kina Josue at Caleb at hindi sumusunod sa karamihan.
Huwag Sumunod sa ‘Iyong Puso at sa Iyong Mata’
9. (a) Sa paglalakbay, bakit mapanganib na lumiko kahit saan mo gusto? (b) Bakit mahalagang sundin ng sinaunang bayan ng Diyos ang utos sa Bilang 15:37-39?
9 Ang ikalawang panganib naman ay galing sa atin mismo. Pag-isipan ito: Kung pupunta ka sa isang lugar na hindi ka pamilyar, isasaisantabi mo ba ang iyong mapa at liliko kahit saan mo gusto dahil sa tingin mo’y maganda ang tanawin doon? Hindi, dahil hindi ka makararating sa iyong pupuntahan. Makatutulong ang halimbawang ito para maunawaan natin ang simulaing nasa likod ng isa pang utos ni Jehova sa mga Israelita. Baka hindi maunawaan ng maraming tao sa ngayon kung bakit inutusan sila ni Jehova na maglagay ng palawit at panaling asul sa kanilang damit. (Basahin ang Bilang 15:37-39.) Ikaw, nauunawaan mo ba kung bakit mahalaga ang utos na iyan? Ang pagsunod dito ay nakatulong para manatiling naiiba at hiwalay ang bayan ng Diyos sa paganong mga bansang nakapalibot sa kanila. Napakahalaga nito para makamit at mapanatili nila ang pagsang-ayon ni Jehova. (Lev. 18:24, 25) Pero isinisiwalat din ng utos na iyan ang panganib na maaaring maglihis sa atin mula sa daang patungo sa buhay na walang hanggan. Paano?
10. Paano ipinakita ni Jehova na kilalang-kilala niya ang mga tao?
10 Pansinin kung bakit ibinigay ni Jehova ang utos na iyon sa kaniyang bayan: “Huwag kayong gumala-gala sa pagsunod sa inyong mga puso at sa inyong mga mata, na sinusundan ninyo sa imoral na pakikipagtalik.” Talagang kilalang-kilala ni Jehova ang mga tao. Alam niya na ang ating puso, ang ating panloob na pagkatao, ay madaling matukso ng mga bagay na nakikita natin. Kaya naman nagbababala ang Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jer. 17:9) Iyan ang dahilan kung bakit inutusan ni Jehova ang mga Israelita na huwag sundin ang kanilang puso at mata. Alam niyang kapag tiningnan ng mga Israelita ang mga bansang pagano, posibleng matukso silang tularan ang pananamit, pag-iisip, at pagkilos ng mga ito.—Kaw. 13:20.
11. Sa anong sitwasyon tayo maaaring matukso ng mga bagay na nakikita natin?
11 Sa ngayon, napakaraming tukso sa sanlibutan at napakadaling maakit ang ating mapandayang puso sa mga bagay na nakikita natin. Kaya paano natin maikakapit ang simulain sa Bilang 15:39? Halimbawa: Kung ang mga kasama mo sa paaralan, sa trabaho, o sa inyong lugar ay mapang-akit manamit, posible kayang maimpluwensiyahan ka nila? Matutukso ka bang ‘sundin ang iyong puso at mata’? Kung oo, baka matukso kang ibaba ang iyong mga pamantayan at tumulad sa kanilang paraan ng pananamit.—Roma 12:1, 2.
12, 13. (a) Ano ang dapat nating gawin kung natutukso tayong tumingin sa masama? (b) Ano ang mag-uudyok sa atin na iwasang mapukaw ang pagnanasa ng iba?
12 Napakahalagang linangin natin ang pagpipigil sa sarili. Kung natutukso tayong tumingin sa masama, alalahanin natin ang tapat na si Job. Nakipagkasundo siya sa kaniyang mga mata at nagpasiyang huwag magpakita ng interes sa hindi niya asawa. (Job 31:1) Ganiyan din ang naging determinasyon ni Haring David: “Hindi ako maglalagay sa harap ng aking mga mata ng anumang walang-kabuluhang bagay.” (Awit 101:3) Anumang bagay na makapagpaparumi sa ating budhi at makasisira sa ating kaugnayan kay Jehova ay “walang-kabuluhang bagay” sa atin. Kasali rito ang anumang nakikita natin na maaaring pumukaw ng pagnanasa at tutukso sa atin na gumawa ng masama.
13 Pero tayo mismo ay maaaring maging “walang-kabuluhang bagay” sa iba kung napupukaw natin ang kanilang pagnanasa. Kaya naman dapat nating seryosohin ang payo ng Bibliya na manamit nang maayos at mahinhin. (1 Tim. 2:9) Kung mahinhin tayo, hindi lang natin iisipin kung ano ang gusto natin. Igagalang natin ang iniisip ng iba. Mas gugustuhin nating palugdan ang iba kaysa sa ating sarili. (Roma 15:1, 2) Napakaraming kabataan sa kongregasyong Kristiyano ang mahuhusay na halimbawa pagdating sa bagay na ito. Maipagmamalaki natin sila dahil hindi nila ‘sinusunod ang kanilang puso at mata.’ Sa halip, pinalulugdan nila si Jehova sa lahat ng bagay—pati na sa kanilang pananamit!
Huwag Sumunod sa “mga Kabulaanan”
14. Ano ang ibinabala ni Samuel tungkol sa pagsunod sa “mga kabulaanan”?
14 Ipagpalagay na sa paglalakbay mo, kailangan kang dumaan sa isang malawak na disyerto. Ano ang mangyayari kung lilihis ka ng daan dahil parang may nakita kang tubig, pero namamalikmata ka lang pala? Puwede kang maligaw at mamatay sa disyerto! Alam na alam ni Jehova na mapanganib magtiwala sa isang bagay na hindi totoo. Binabalaan niya ang mga Israelita tungkol dito. Gusto kasi nilang tularan ang mga bansa sa palibot nila na may mga haring tao. Mabigat na kasalanan iyon dahil para na rin nilang itinakwil si Jehova bilang kanilang Hari. Pinagbigyan sila ni Jehova pero isinugo niya si propeta Samuel para babalaan sila tungkol sa pagsunod sa “mga kabulaanan.”—Basahin ang 1 Samuel 12:21.
15. Paano sumunod sa kabulaanan ang mga Israelita?
15 Iniisip kaya ng mga Israelita na mas maaasahan nila ang isang haring tao kaysa kay Jehova? Kung oo, talagang sumusunod sila sa kabulaanan! At mas madali na silang mapaniwala sa marami pang kabulaanan ni Satanas. Madali na rin silang maaakay ng mga haring tao na sumamba sa idolo. Ang mga mananamba sa idolo ay hindi nagtitiwala sa Diyos na Jehova, na gumawa ng lahat ng bagay, dahil hindi siya nakikita. Inaakala nilang mas makapagtitiwala sila sa mga diyos na kahoy o bato dahil nakikita at nahihipo nila ang mga ito. Pero gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ang mga idolo ay “walang anuman,” o walang saysay. (1 Cor. 8:4) Hindi sila nakakakita, nakaririnig, nakapagsasalita, at nakakakilos. Kaya kamangmangan na sumamba sa mga idolong hindi makatutulong sa atin. Ang mga ito ay “kabulaanan,” at ang mga nagtitiwala sa mga ito ay “magiging tulad nila.”—Awit 115:4-8.
16. (a) Paano napapasunod ni Satanas ang mga tao sa mga kabulaanan? (b) Bakit masasabing kabulaanan ang materyal na mga bagay, lalo na kung ihahambing kay Jehova?
16 Napakatuso ni Satanas, at napapasunod pa rin niya ang mga tao sa mga kabulaanan. Halimbawa, napapaniwala niya ang marami na magiging maligaya sila at panatag kung sila ay mapera, may matatag na trabaho, at maraming ari-arian. Pero ano ang magagawa ng mga bagay na iyan kapag nagkasakit ang isa, bumagsak ang ekonomiya, o nagkaroon ng kalamidad? Ano ang silbi ng mga ito kung walang direksiyon ang buhay ng isa at hindi masagot ang mga tanong niya sa buhay? Maililigtas ba ng mga ito ang isa sa kamatayan? Kung sa materyal na mga bagay lang tayo aasa, mabibigo tayo. Hindi nito masasapatan ang ating espirituwal na mga pangangailangan. Hindi tayo maipagsasanggalang ng mga ito mula sa sakit at kamatayan. Kabulaanan ang mga ito. (Kaw. 23:4, 5) Pero si Jehova ay hindi kabulaanan—siya ang tunay na Diyos! Magiging panatag lang tayo kung mayroon tayong matibay na kaugnayan sa kaniya. Napakalaking pagpapala nga nito! Huwag na huwag natin siyang ipagpalit sa mga kabulaanan.
17. Ano ang gagawin mo kung tungkol sa mga babalang tinalakay natin sa artikulong ito?
17 Talagang pinagpala tayo dahil kaibigan natin si Jehova at pinapatnubayan niya tayo sa ating paglalakbay! Kung patuloy nating pakikinggan ang kaniyang maibiging babala tungkol sa tatlong panganib—ang karamihan, ang ating puso, at mga kabulaanan—makakarating tayo sa ating destinasyon, ang buhay na walang hanggan. Sa susunod na artikulo, isasaalang-alang natin ang tatlo pang babala ni Jehova na tutulong sa atin na kapootan at iwasan ang mga landas ng kabulaanan na nagliligaw sa marami.—Awit 119:128.
Ano ang Masasabi Mo?
Paano mo maikakapit ang mga simulain sa mga tekstong ito?
[Larawan sa pahina 11]
Kung minsan ba ay natutukso kang ‘sumunod sa karamihan’?
[Larawan sa pahina 13]
Bakit mapanganib na sundin ang iyong puso at mata?
[Larawan sa pahina 14]
Sumusunod ka ba sa mga kabulaanan?