Inggit—Masamang Ugaling Makalalason sa Ating Isip
Nagkaroon nito si Napoleon Bonaparte. Nagkaroon nito si Julio Cesar. Nagkaroon nito si Alejandrong Dakila. Sa kabila ng kanilang kapangyarihan at katanyagan, ang mga lalaking ito ay nagkimkim sa kanilang puso ng isang masamang ugali na makalalason sa isip. Lahat sila ay nakadama ng inggit.
“Si Napoleon ay nainggit kay Cesar. Si Cesar naman ay nainggit kay Alejandro[ng Dakila], at si Alejandro, sa palagay ko, ay nainggit kay Hercules, na hindi naman umiral,” ang isinulat ng pilosopong Ingles na si Bertrand Russell. Kahit sino ay puwedeng tubuan ng inggit, gaano man siya kayaman, ano man ang mabubuting katangian niya, at gaano man siya katagumpay sa buhay.
Ang inggit ay ang paghihinanakit sa iba dahil sa kanilang mga ari-arian, kasaganaan, mga bentaha, at iba pa. Upang ipakita ang pagkakaiba ng inggit at paninibugho, isang reperensiya tungkol sa Bibliya ang nagsabi: “Ang ‘paninibugho’ . . . ay tumutukoy sa hangaring pantayan ang pag-asenso ng iba, at ang salitang ‘inggit’ naman ay tumutukoy sa hangaring agawin kung ano ang taglay ng iba.” Ang taong naiinggit ay hindi lang naiinis sa taglay ng iba kundi gusto rin niya itong kunin mula sa kanila.
Makabubuting suriin natin kung paano tayo maaaring tubuan ng inggit at kung ano ang mga ibubunga nito. Higit sa lahat, kailangan nating malaman kung ano ang dapat nating gawin para hindi makontrol ng inggit ang ating buhay.
ISANG SALOOBING MAKAPAGPAPATINDI NG INGGIT
Lahat ng di-sakdal na tao ay may “hilig na mainggit,” pero may mga salik na maaaring magpalala sa tendensiyang ito. (Sant. 4:5) Binanggit ni apostol Pablo ang isa sa mga ito nang isulat niya: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” (Gal. 5:26) Ang pakikipagpaligsahan ay maaaring magpalala ng ating tendensiya na mainggit. Napatunayan iyan ng mga Kristiyanong sina Cristina at José.a
Ganito ang sabi ng regular pioneer na si Cristina: “Madalas kong mapansin na naiinggit ako sa iba. Ikinukumpara ko ang sarili ko sa kanila.” Minsan, kasalo ni Cristina sa pagkain ang isang mag-asawang naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Palibhasa’y alam niyang halos kasing-edad nila ng kaniyang asawang si Eric ang mag-asawa at magkakapareho naman ang mga atas nila noon, sinabi ni Cristina: “Elder din naman ang asawa ko! Bakit kayo nasa traveling work na, kami ganito pa rin?” Dahil sa kaniyang inggit, na pinatindi ng pakikipagpaligsahan, hindi niya napahalagahan ang mga ginagawa nilang mag-asawa at hindi na siya masaya.
Gusto ni José na maging ministeryal na lingkod. Pero nang mahirang ang iba sa halip na siya, nainggit siya sa kanila at nagtanim ng sama ng loob sa kanilang koordineytor ng lupon ng matatanda. “Nagkimkim ako ng galit sa brother na ito at pinagsuspetsahan ko ang kaniyang mga motibo,” ang pag-amin ni José. “Kapag nakontrol ka ng inggit, magiging makasarili ka at hindi na makakapag-isip nang tama.”
ARAL MULA SA MGA HALIMBAWA SA BIBLIYA
Maraming babalang halimbawa sa Bibliya. (1 Cor. 10:11) Ipinakikita ng mga ito kung paano nagsisimula ang inggit at kung paano ito nagiging lason sa mga nagpapadaig dito.
Halimbawa, nagalit ang panganay nina Adan at Eva na si Cain nang tanggapin ni Jehova ang hain ni Abel at tanggihan ang sa kaniya. Puwede sanang ayusin ni Cain ang problema, pero nagpadaig siya sa inggit kung kaya pinatay niya ang kaniyang kapatid. (Gen. 4:4-8) Kaya naman sinasabi ng Bibliya na si Cain ay “nagmula sa isa na balakyot,” si Satanas!—1 Juan 3:12.
Nainggit ang sampung kapatid ni Jose dahil malapít siya sa kanilang ama. Lalo pa silang nagalit kay Jose nang ikuwento niya sa kanila ang kaniyang makahulang mga panaginip. Gusto pa nga nila siyang patayin. Pero sa halip, ipinagbili nila siya bilang alipin at pinapaniwala ang kanilang ama na patay na si Jose. (Gen. 37:4-11, 23-28, 31-33) Pagkalipas ng maraming taon, inamin nila ang kanilang pagkakamali: “Walang pagsalang tayo ay nagkasala may kinalaman sa ating kapatid, sapagkat nakita natin ang kabagabagan ng kaniyang kaluluwa nang magsumamo siya na kahabagan natin, ngunit hindi tayo nakinig.”—Gen. 42:21; 50:15-19.
Tumubo naman ang inggit sa puso nina Kora, Datan, at Abiram nang ikumpara nila ang kanilang pribilehiyo sa mga pribilehiyo nina Moises at Aaron. Sinabi nilang si Moises ay ‘nag-aastang prinsipe’ at nagmamataas sa kongregasyon. (Bil. 16:13) Kasinungalingan iyon. (Bil. 11:14, 15) Si Jehova mismo ang humirang kay Moises. Pero kinainggitan ng mga rebeldeng ito ang posisyon ni Moises. Kaya naman nilipol sila ni Jehova.—Awit 106:16, 17.
Nakita ni Haring Solomon kung hanggang saan maaaring humantong ang inggit. Tinangka ng isang babaing namatayan ng bagong-silang na sanggol na papaniwalain ang babaing kasama niya sa bahay na ang sanggol nito ang namatay. Nang humarap sila sa paglilitis, sumang-ayon pa nga ang sinungaling na babae na patayin ang sanggol. Pero ibinalik ni Solomon ang bata sa tunay na ina nito.—1 Hari 3:16-27.
Kapaha-pahamak ang maaaring maging resulta ng inggit. Ipinakikita ng nabanggit na mga halimbawa sa Bibliya na maaari itong humantong sa pagkapoot, kawalang-katarungan, at pagpatay. Bukod diyan, sa mga kasong ito, ang taong kinainggitan ay wala namang ginawang masama para tumanggap ng gayong pagtrato. Ano ang magagawa natin para huwag tayong kontrolin ng inggit? Ano ang puwede nating ipanlaban dito?
MABISANG MGA PANLABAN SA INGGIT!
Linangin ang pag-ibig at pagmamahal sa kapatid. Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: “Ngayong dinalisay na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagkamasunurin sa katotohanan na ang resulta ay walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid, ibigin ninyo ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso.” (1 Ped. 1:22) At ano ang pag-ibig? Ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.” (1 Cor. 13:4, 5) Ang paglilinang ng gayong pag-ibig sa iba ay makasusugpo sa ating hilig na mainggit. (1 Ped. 2:1) Magandang halimbawa si Jonatan. Sa halip na mainggit kay David, “inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.”—1 Sam. 18:1.
Makisama sa mga taong makadiyos. Ang kumatha ng Awit 73 ay nainggit sa mga balakyot na namumuhay nang maalwan at walang problema. Pero napagtagumpayan niya ang inggit nang pumunta siya sa “maringal na santuwaryo ng Diyos.” (Awit 73:3-5, 17) Ang pakikisama sa mga kapananampalataya ay nakatulong sa salmista na makita ang mga pagpapalang tinanggap niya dahil sa “paglapit sa Diyos.” (Awit 73:28) Mararanasan din natin iyan kung regular tayong makikisama sa mga kapananampalataya sa mga Kristiyanong pagpupulong.
Gumawa ng mabuti. Nang makita ni Jehova na nagkikimkim si Cain ng inggit at poot, sinabi sa kaniya ng Diyos: ‘Gumawa ka ng mabuti.’ (Gen. 4:7) Paano ‘gagawa ng mabuti’ ang mga Kristiyano? Sinabi ni Jesus na ‘dapat nating ibigin si Jehova na ating Diyos nang ating buong puso at nang ating buong kaluluwa at nang ating buong pag-iisip at ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili.’ (Mat. 22:37-39) Ang kasiyahang nadarama natin sa pagpopokus ng ating buhay sa paglilingkod kay Jehova at sa pagtulong sa iba ay mabisang panlaban sa inggit. Ang makabuluhang pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad ay mainam na paraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapuwa at nagdudulot sa atin ng “pagpapala ni Jehova.”—Kaw. 10:22.
“Makipagsaya sa mga taong nagsasaya.” (Roma 12:15) Nakipagsaya si Jesus sa tagumpay ng kaniyang mga alagad, at sinabi niyang mas marami silang maisasakatuparan sa gawaing pangangaral kaysa sa kaniya. (Luc. 10:17, 21; Juan 14:12) Nagkakaisa tayong mga lingkod ni Jehova; kaya naman ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat. (1 Cor. 12:25, 26) Hindi ba dapat tayong makipagsaya sa halip na mainggit kapag ang iba ay nakatatanggap ng mas mabibigat na responsibilidad?
HINDI MADALING PAGLABANAN!
Maaaring tumagal ang pakikipagpunyagi sa inggit. Inamin ni Cristina: “Madali pa rin akong mainggit. Kahit na ayaw na ayaw ko ang ganitong damdamin, hindi ito maalis-alis, at kailangan ko itong kontrolin palagi.” Ganiyan din ang pinaglalabanan ni José. “Tinulungan ako ni Jehova na mapahalagahan ang magagandang katangian ng koordineytor ng lupon ng matatanda,” ang sabi niya. “Napakalaking tulong ang mabuting kaugnayan sa Diyos.”
Ang inggit ay isa sa “mga gawa ng laman” na kailangang paglabanan ng bawat Kristiyano. (Gal. 5:19-21) Magiging mas maligaya tayo at mapalulugdan natin ang ating makalangit na Ama, si Jehova, kung hindi tayo magpapakontrol sa inggit.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Blurb sa pahina 17]
“Makipagsaya sa mga taong nagsasaya”