Paano Pagkakasyahin ang Lumiit na Kita?
SI Obed ay may dalawang anak. Sampung taon siyang nagtrabaho sa isang five-star hotel sa isang malaking lunsod sa Aprika at wala siyang gaanong problema sa pagsuporta sa kaniyang pamilya. Naipapasyal pa nga niya sila paminsan-minsan sa mga game preserve sa kanilang bansa. Pero nagbago ang lahat nang mawalan siya ng trabaho dahil wala nang masyadong tumutuloy sa kanilang hotel.
Sa loob ng mahigit 22 taóng pagtatrabaho, si Stephen ay umasenso at naging executive sa isang malaking bangko. Kabilang sa marami niyang benepisyo ang isang malaking bahay, kotse, mga katulong, at kilaláng mga paaralan para sa kaniyang mga anak. Nang magkaroon ng reorganisasyon sa bangko, nawalan siya ng trabaho. “Nabigla ako at ang aking pamilya,” ang sabi ni Stephen. “Nakadama ako ng kawalang-pag-asa, hinanakit, at takot.”
Karaniwan na lang ang ganiyang mga kuwento. Dahil sa krisis sa ekonomiya sa buong daigdig, milyun-milyong may magandang kita ang nawalan ng trabaho. Marami ang nakahanap nga ng trabaho pero maliit naman ang suweldo kaya nahihirapan sila sa pataas nang pataas na presyo ng mga bilihin. Mayaman man o mahirap na bansa ay puwedeng maapektuhan ng pagbagsak ng ekonomiya.
Kailangan ang Praktikal na Karunungan
Kapag lumiit ang ating kita o nawalan tayo ng trabaho, madali tayong madaig ng negatibong mga kaisipan. Kung sa bagay, normal lang naman na makadama ng takot. Pero sinabi minsan ng isang marunong na tao: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Sa halip na magpanik, kailangan tayong bumaling sa Salita ng Diyos para sa “praktikal na karunungan.”—Kawikaan 2:7.
Bagaman ang Bibliya ay hindi naman aklat tungkol sa pananalapi, ang mga praktikal na payo nito tungkol sa gayong bagay ay nakatulong na sa milyun-milyon sa buong daigdig. Suriin natin ang ilang simulain sa Bibliya.
Magtuos. Pansinin ang sinabi ni Jesus sa Lucas 14:28: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” Para maikapit ang simulaing iyan, kailangan mong gumawa ng badyet at sundin iyon. Pero gaya ng sinabi ni Obed, mahirap itong gawin. “Bago ako mawalan ng trabaho,” ang sabi niya, “lagi kaming bumibili sa supermarket ng maraming bagay na hindi namin talaga kailangan. Wala kaming sinusunod na badyet, kasi parang hindi kami nauubusan ng pera.” Kung may plano, ang lumiit na kita ay tiyak na magagamit sa mahahalagang pangangailangan ng pamilya.
Mag-adjust. Mahirap talagang mamaluktot kapag maigsi ang kumot, pero kailangang gawin iyan. “Para makatipid, kailangan naming lumipat sa sarili naming bahay na mas maliit at hindi pa talaga tapós,” ang sabi ni Stephen. “Kailangan ding ilipat ang mga bata sa mas murang paaralan pero mahusay pa rin ang turo.”
Para magtagumpay sa pag-aadjust, kailangang pag-usapan ito ng pamilya. Sinabi ni Austin, na siyam na taon sa isang pinansiyal na institusyon bago nawalan ng trabaho: “Inilista naming mag-asawa ang mga bagay na talagang kailangan namin. Kinailangan naming bawasan ang mamahaling pagkain, magagastos na bakasyon, at di-kinakailangang pagbili ng bagong mga damit. Natutuwa ako’t nakipagtulungan ang aking pamilya sa pag-aadjust na ito.” Maaaring hindi ito lubusang maiintindihan ng maliliit na anak, pero bilang mga magulang, matutulungan ninyo silang maunawaan ito.
Huwag maging mapamili sa trabaho. Kung nasanay ka na sa pag-oopisina, baka mahirapan ka sa pisikal na trabaho. “Mahirap para sa akin na gawin ang hamak na mga trabaho dahil nasanay ako sa pagiging manedyer sa isang malaking kompanya,” ang sabi ni Austin. Hindi na iyan nakapagtataka dahil sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 29:25: “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo.” Kung lagi mong iisipin ang sasabihin ng iba, wala kang maipakakain sa iyong pamilya. Ano ang makatutulong sa iyo para madaig ang gayong negatibong kaisipan?
Napakahalaga ng kapakumbabaan. Nang mawalan ng trabaho si Obed, niyaya siya ng dati niyang katrabaho na pumasok sa talyer nito. Sa trabahong ito, naglalakad siya nang malayo sa maaalikabok na daan para bumili ng mga pintura at aksesorya. Sinabi ni Obed: “Ayoko ng trabahong ito, pero wala naman akong magawâ. Natulungan ako ng kapakumbabaan para makapag-adjust sa isang trabaho na kahit wala pang one-fourth ng dati kong suweldo, sapat naman sa aming pamilya.” May matututuhan ka ba sa pangmalas na iyan?
Makontento. Ayon sa isang diksyunaryo, ang isang kontentong tao ay “masaya at nasisiyahan anuman ang kaniyang kalagayan.” Ang gayong paglalarawan ay waring hindi kapit sa isang taong problemado sa pera. Pero pansinin ang sinabi ni apostol Pablo, isang misyonero na nakaaalam ng ibig sabihin ng kakapusan: “Natutuhan ko, anuman ang kalagayan ko, na masiyahan sa sarili. Alam ko nga kung paano magkaroon ng kakaunting paglalaan, alam ko nga kung paano magkaroon ng kasaganaan.”—Filipos 4:11, 12.
Dahil nagbabago ang panahon, hindi natin tiyak kung bubuti o sásamâ ang ating kalagayan. Makikinabang tayo nang husto kung isasapuso natin ang payo ni Pablo: “Ang totoo, ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” Hindi naman sa tinuturuan tayo ni Pablo na maging tamad, ipinakikita lang niya kung paano ilalagay sa tamang lugar ang pisikal na pangangailangan.—1 Timoteo 6:6, 8.
Ang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan
Ang tunay na kaligayahan ay hindi nagmumula sa pagkakaroon ng lahat ng bagay na gusto natin o sa pagiging mayaman. Si Jesus mismo ang nagsabi: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” Oo, ang kaligayahan at pagkakontento ay nagmumula sa pagtulong sa iba at pagpapatibay sa kanila.—Gawa 20:35.
Alam na alam ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang lahat ng ating kailangan. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, naglaan siya ng praktikal na mga payo na nakatulong sa marami para bumuti ang kanilang buhay at mabawasan ang di-kinakailangang kabalisahan. Siyempre pa, hindi naman ibig sabihin nito na bigla na lang bubuti ang pinansiyal na kalagayan ng isa. Pero tiniyak ni Jesus sa mga patuloy na ‘naghahanap muna ng kaharian at ng katuwiran ng Diyos’ na lahat ng pangangailangan nila sa araw-araw ay ibibigay sa kanila.—Mateo 6:33.