Pakikipag-usap sa Iba
Pinarurusahan ba ng Diyos ang mga Tao sa Impiyerno?
NATUTUWA ang mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap ang Bibliya sa iba. May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung oo, huwag kang mahiyang magtanong kapag may nakausap kang Saksi. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.
Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Mauricio ang Saksing dumadalaw kay Alejandro.
Parurusahan ba ng Diyos ang Masasamang Tao?
Mauricio: Natutuwa akong makausap kang muli, Alejandro.
Alejandro: Ako rin.
Mauricio: Pinag-isipan ko y’ong binanggit mo sa akin noong nakaraang punta ko rito.
Alejandro: Ano ’yon?
Mauricio: Sabi mo, ngayon mo lang nalaman na hindi pala naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa impiyerno.
Alejandro: Ah, oo. Hindi nga ako makapaniwala na wala kayong impiyerno.
Mauricio: Buti sinabi mo sa akin ’yan. Gusto rin kasi naming marinig ang pananaw ng iba. Dahil iba-iba ang ideya ng mga tao tungkol sa impiyerno, puwede ko bang malaman kung ano naman ang paniniwala mo?
Alejandro: Naniniwala akong sa impiyerno napupunta ang masasamang tao kapag namatay sila at pinahihirapan doon magpakailanman.
Mauricio: Ganiyan din ang paniniwala ng marami. Pero maitanong ko lang, nakaranas ka na ba ng masamang pangyayari sa buhay mo?
Alejandro: Oo, pinatay y’ong kapatid kong babae, mga limang taon na ngayon.
Mauricio: Gan’on ba, nakakalungkot naman. Tiyak na nami-miss mo siya.
Alejandro: Oo, araw-araw ko siyang naiisip.
Mauricio: Napansin kong kaya gan’on na lang ang paniniwala ng ilang tao sa impiyerno ay dahil sa ginawa sa kanila ng masasamang tao. Gusto kasi nilang maparusahan ang mga ’yon.
Alejandro: Tama ka! Talagang gusto kong pagbayaran ng pumatay sa kapatid ko ang ginawa niya sa aming pamilya.
Mauricio: Natural lang na ganiyan ang maramdaman mo. Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos man ay galít na galít kapag ginagawan ng masama ang inosenteng mga tao—at nangangako siyang parurusahan niya ang masasama. Pansinin mo ang binabanggit sa Isaias 3:11: “Sa aba ng balakyot!—Kapahamakan; sapagkat ang pakikitungo na ginawa ng kaniyang sariling mga kamay ay gagawin sa kaniya!” Kaya sigurado tayong parurusahan ng Diyos ang masasama.
Alejandro: Paano mangyayari ’yon kung walang impiyerno, gaya ng sinasabi mo?
Mauricio: Magandang tanong ’yan. Ang totoo, sinasabi ng Bibliya na ang parusa ng Diyos sa masasama ay walang-hanggang pagkapuksa. Pakibasa mo ang 2 Tesalonica 1:9.
Alejandro: Ang sabi rito: “Ang mga ito mismo ay daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa mula sa harap ng Panginoon.”
Mauricio: Gaya ng mapapansin mo, wala nang pag-asa ang masasamang tao, dahil walang-hanggang kamatayan ang parusa ng Diyos sa kanila. Wala na silang pag-asang mabuhay sa hinaharap.
Alejandro: Pero parang hindi naman yata patas ’yan. Lahat naman talaga ay namamatay. Hindi ba’t dapat ay mas mabigat ang parusa sa masasama?
Makatarungan Ba?
Mauricio: Sa tingin ko, talagang mahalaga sa iyo ang katarungan.
Alejandro: Siyempre.
Mauricio: Maganda ’yan. Ang totoo, nilalang ng Diyos ang mga tao taglay ang kakayahang makilala kung ano ang tama at mali. Napakahalaga rin sa Diyos ang katarungan. Pero kapag itinuturo ng mga lider ng relihiyon na pinarurusahan ng Diyos ang mga tao sa impiyerno, pinalalabas nilang hindi makatarungan ang Diyos.
Alejandro: Ano’ng ibig mong sabihin?
Mauricio: Halimbawa, pamilyar ka ba sa ulat ng Bibliya tungkol kina Adan at Eva?
Alejandro: Oo. Inutusan sila ng Diyos na huwag kainin ang prutas ng isang puno, pero sumuway sila.
Mauricio: Tama. Tingnan natin ang binabanggit sa Genesis 2:16, 17: “Ang Diyos na Jehova ay nag-utos din sa tao ng ganito: ‘Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.’” Ano nga ang sinabi ng Diyos na mangyayari kapag kumain si Adan ng ipinagbabawal na bunga?
Alejandro: Mamamatay raw si Adan.
Mauricio: Tama. Pag-isipan mo ito: Dahil sa kasalanan ni Adan, ang lahat ng tao ay isinisilang na makasalanan.a Pero may sinabi ba ang Diyos tungkol sa pagpaparusa sa impiyerno?
Alejandro: Wala.
Mauricio: Kung talagang pahihirapan magpakailanman sina Adan at Eva, hindi ba’t dapat na iyon ang sinabi ng Diyos sa kanila?
Alejandro: Gan’on nga sana.
Mauricio: Pansinin mo rin kung ano ang sinabi ng Diyos kina Adan at Eva pagkatapos nilang magkasala. Pakibasa mo naman ang Genesis 3:19.
Alejandro: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”
Mauricio: Salamat. Ayon sa sinabi ng Diyos, saan daw babalik si Adan pagkamatay niya?
Alejandro: Sa alabok daw.
Mauricio: Tama. Hindi ba’t para masabing babalik ang isang tao sa isang lugar, dapat ay nanggaling siya roon?
Alejandro: Siyempre naman.
Mauricio: Nasaan ba si Adan bago siya lalangin ng Diyos?
Alejandro: Hindi siya umiiral.
Mauricio: Tama. At gaya ng mapapansin mo, walang binanggit na impiyerno sa hatol ng Diyos. Makatuwiran bang sabihin ng Diyos kay Adan na babalik siya sa alabok gayong sa impiyerno pala siya mapupunta?
Alejandro: Hindi nga makatuwiran ’yon.
Susundin ba ng Diyablo ang Gusto ng Diyos?
Mauricio: May isa pang bagay tayong dapat isaalang-alang tungkol sa turo ng impiyerno.
Alejandro: Ano ’yon?
Mauricio: Sino ba ang karaniwang sinasabi ng mga tao na “namamahala” sa impiyerno at nagpaparusa sa mga naroroon?
Alejandro: Ang Diyablo.
Mauricio: Hindi ba’t siya ang pinakamahigpit na kaaway ng Diyos? Kung dinadala ng Diyos ang mga tao sa impiyerno para pahirapan ng Diyablo, lalabas na magkasabuwat sila.
Alejandro: Oo nga ’no!
Mauricio: Para lalo mong maintindihan—may anak ka na, ’di ba?
Alejandro: Oo. Binatilyo na, kinse anyos.
Mauricio: Kunwari’y nagrerebelde ang anak mo at maraming ginagawang di-maganda, ano’ng gagawin mo?
Alejandro: Pagsasabihan ko siya.
Mauricio: Tiyak na tutulungan mo siyang tumino.
Alejandro: Siyempre.
Mauricio: Paano kung hindi ka niya pakinggan? Hindi ba’t maiisip mong kailangan na siyang parusahan kahit paano?
Alejandro: Oo naman.
Mauricio: Pero paano kung malaman mong may isang taong nagtuturo sa anak mo na gumawa ng masama?
Alejandro: Aba, magagalit ako sa taong ’yon.
Mauricio: Kung ang masamang taong ’yon ay nagsusulsol sa anak mo na lumaban sa iyo, hihilingan mo ba ang taong iyon na parusahan ang anak mo?
Alejandro: Mali naman yata ’yon.
Mauricio: Ngayon, sa tingin mo ba’y hihilingan ng Diyos si Satanas na Diyablo—ang mismong umiimpluwensiya sa masasamang tao—na parusahan ang mga tao ring ’yon?
Alejandro: Hindi.
Mauricio: Kung gusto ng Diyos na parusahan ang masasama, susundin ba ng Diyablo, na pangunahing kaaway ng Diyos, ang gusto ng Diyos at pahihirapan sila?
Alejandro: Bago sa akin ’yan ah!
Wawakasan ni Jehova ang Lahat ng Kasamaan
Mauricio: Pero isang bagay ang tiyak, kikilos ang Diyos laban sa masasama. At para mas maging maliwanag sa iyo ang napag-usapan natin, pakibasa naman ang binabanggit sa Awit 37:9.
Alejandro: Ang sabi rito: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.”
Mauricio: Salamat. Napansin mo ba kung ano ang gagawin ng Diyos na Jehova sa mga manggagawa ng kasamaan?
Alejandro: Sabi rito, lilipulin sila ng Diyos.
Mauricio: Sa ibang salita, pupuksain niya sila. Pero ang mabubuting tao—ang “mga umaasa kay Jehova”—ay mabubuhay sa lupa magpakailanman. Siyempre, may maiisip ka na namang mga tanong. Halimbawa, bakit hindi pinigilan ng Diyos ang mga tao na gumawa ng masama noong simula pa lang? At kung talagang gusto niyang parusahan ang masasamang tao, bakit hindi pa niya ito ginagawa?
Alejandro: Magagandang tanong ’yan.
Mauricio: Puwede kong sagutin ’yan gamit ang Bibliya sa susunod na pag-uusap natin.b
Alejandro: Okey.
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.