Gawing Tunay na Matagumpay ang Iyong Buhay
“Gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at . . . kikilos ka nang may karunungan.”—JOS. 1:8.
1, 2. (a) Paano sinusukat ng marami ang tagumpay? (b) Paano mo malalaman kung ano ang pangmalas mo sa tagumpay?
ANO ang ibig sabihin ng pagiging matagumpay sa buhay? Itanong mo iyan sa mga tao at makikita mong iba-iba ang sagot nila. Halimbawa, para sa marami, ang tagumpay ay ang pag-asenso sa kabuhayan, o pagkakaroon ng magandang propesyon, o edukasyon. Sinusukat naman ito ng iba ayon sa husay nilang makisama sa kanilang mga kapamilya, kaibigan, o katrabaho. Baka isipin pa nga ng isang naglilingkod sa Diyos na ang sukatan ng tagumpay ay ang pagkakaroon ng pribilehiyo sa kongregasyon o ang mga naisagawa nila sa ministeryo.
2 Para malaman mo kung ano ang pangmalas mo sa tagumpay, isulat ang pangalan ng ilang taong itinuturing mong matagumpay—mga taong hinahangaan at iginagalang mo. Anong katangian ang taglay nilang lahat? Mayaman ba sila o sikat? Kilala ba sila sa lipunan? Makikita sa sagot mo kung ano ang nasa puso mo, at makaaapekto iyan sa mga desisyon at tunguhin mo.—Luc. 6:45.
3. (a) Ano ang dapat gawin ni Josue para maging matagumpay ang kaniyang lakad? (b) Ano ang tatalakayin natin?
3 Ang importante ay kung itinuturing tayo ni Jehova na matagumpay, yamang nakasalalay sa pagsang-ayon niya ang kaligtasan natin. Nang ibigay ni Jehova kay Josue ang mabigat na atas na pangunahan ang mga Israelita papasók sa Lupang Pangako, sinabihan Niya siya na basahin ang Kautusang Mosaiko “araw at gabi” at maingat na sundin ang nakasulat doon. Tiniyak sa kaniya ng Diyos: “Sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan.” (Jos. 1:7, 8) Alam nating nagtagumpay si Josue. Kumusta naman tayo? Paano natin malalaman kung kaayon ng pangmalas ng Diyos ang pangmalas natin sa tagumpay? Suriin natin ang halimbawa ng dalawang lalaking binanggit sa Bibliya.
MATAGUMPAY BA ANG BUHAY NI SOLOMON?
4. Bakit natin masasabi na naging matagumpay si Solomon?
4 Naging matagumpay si Solomon sa maraming paraan. Bakit? Sa loob ng maraming taon, may takot siya kay Jehova at naging masunurin, kung kaya pinagpala Niya siya nang husto. Maaalaala natin na nang tanungin ni Jehova si Solomon kung ano ang kahilingan niya, humingi ang hari ng karunungan para mapatnubayan ang bayan. Kaya naman binigyan siya ng Diyos ng karunungan at kayamanan. (Basahin ang 1 Hari 3:10-14.) Ang karunungan niya ay “mas malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng taga-Silangan at kaysa sa lahat ng karunungan ng Ehipto.” Napabantog si Solomon “sa lahat ng bansa sa buong palibot.” (1 Hari 4:30, 31) Kung kayamanan ang pag-uusapan, ang timbang ng ginto na pumapasok sa kabang-yaman ni Solomon taun-taon ay mga 25 tonelada! (2 Cro. 9:13) Mahusay siya sa diplomasya, konstruksiyon, at komersiyo. Oo, matagumpay si Solomon noong maganda ang katayuan niya sa Diyos.—2 Cro. 9:22-24.
5. Ano ang nasabi ni Solomon tungkol sa mga taong matagumpay sa paningin ng Diyos?
5 Ipinakikita ng mga isinulat ni Solomon sa aklat ng Eclesiastes na hindi niya inisip na mayayaman at prominente lang ang puwedeng maging matagumpay at masaya. Sumulat siya: “Nalaman ko na wala nang mas mabuti sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.” (Ecles. 3:12, 13) Naunawaan niya na magiging kasiya-siya lang ang mga bagay na ito kung ang isa ay may mabuting kaugnayan sa Diyos. Kaya naman tama ang sinabi ni Solomon: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Ecles. 12:13.
6. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Solomon hinggil sa pagsukat sa tunay na tagumpay?
6 Sa loob ng maraming taon, lumakad si Solomon nang may takot sa Diyos. Mababasa natin na “patuloy na inibig ni Solomon si Jehova sa pamamagitan ng paglakad sa mga batas ni David na kaniyang ama.” (1 Hari 3:3) Hindi ka ba sasang-ayon na iyan ay maituturing na tunay na tagumpay? Sa patnubay ng Diyos, nagtayo si Solomon ng isang maringal na templo para sa tunay na pagsamba at sumulat ng tatlong aklat ng Bibliya. Hindi tayo umaasang magagawa rin natin iyan. Pero ang halimbawa ni Solomon noong tapat siya sa Diyos ay nagtuturo sa atin kung paano dapat sukatin ang tunay na tagumpay at kung paano natin makakamit iyon. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, isinulat ni Solomon na ang kayamanan, karunungan, katanyagan, at kapangyarihan—na itinuturing ng marami sa ngayon na sukatan ng tagumpay—ay walang kabuluhan. Walang silbi ang mga bagay na ito, at “paghahabol [lang] sa hangin.” Marahil naobserbahan mo na ang mga maibigin sa kayamanan ay hindi nakokontento. Kadalasan, nababalisa sila sa mga tinataglay nila. At balang-araw, mapupunta lang sa iba ang mga ito.—Basahin ang Eclesiastes 2:8-11, 17; 5:10-12.
7, 8. Paano naging di-tapat si Solomon? Ano ang resulta nito?
7 Alam natin na nang maglaon, hindi nanatiling tapat at masunurin si Solomon. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “At nangyari, nang panahon ng pagtanda ni Solomon ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos; at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos tulad ng puso ni David na kaniyang ama. . . . Si Solomon ay nagsimulang gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.”—1 Hari 11:4-6.
8 Yamang hindi nalugod si Jehova, sinabi niya kay Solomon: “Sa dahilang . . . hindi mo tinupad ang aking tipan at ang aking mga batas na ibinigay ko bilang utos sa iyo, walang pagsalang pupunitin ko ang kaharian mula sa iyo, at ibibigay ko nga ito sa iyong lingkod.” (1 Hari 11:11) Napakasaklap! Bagaman naging matagumpay si Solomon sa maraming paraan, nang maglaon ay binigo niya si Jehova. Nabigo si Solomon sa pinakamahalagang aspekto ng buhay—ang katapatan sa Diyos. Tanungin ang sarili, ‘Ikakapit ko ba ang aral na natutuhan ko sa buhay ni Solomon para magtagumpay ako?’
ISANG BUHAY NA TUNAY NA MATAGUMPAY
9. Sa mata ng maraming tao, matagumpay ba si Pablo? Ipaliwanag.
9 Ibang-iba ang naging buhay ni apostol Pablo kay Haring Solomon. Hindi naupo si Pablo sa tronong gawa sa garing, ni nakipagpiging man siya sa mga hari. Sa halip, dumanas siya ng gutom, uhaw, ginaw, at kahubaran. (2 Cor. 11:24-27) Dahil sa pagtanggap ni Pablo kay Jesus bilang Mesiyas, naiwala niya ang tinitingalang posisyon sa Judaismo. Kinapootan pa nga siya ng mga Judiong lider ng relihiyon. Ibinilanggo siya, hinagupit, hinampas, at binato. Sinabi ni Pablo na siya at ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay nilait, pinag-usig, at siniraang-puri. “Naging gaya kami ng basura ng sanlibutan, ang sukal ng lahat ng bagay, hanggang ngayon.”—1 Cor. 4:11-13.
10. Bakit maaaring isipin ng iba na sinayang ni Pablo ang oportunidad na magtagumpay?
10 Noong kabataan pa si Pablo, na kilala noon bilang Saul, waring malayo ang mararating niya. Malamang na isinilang siya sa isang prominenteng pamilya. Naging estudyante siya ni Gamaliel, isang respetadong guro. Nang maglaon ay isinulat niya: “Sumusulong ako sa Judaismo nang higit kaysa sa maraming kasinggulang ko.” (Gal. 1:14) Matatas siya sa wikang Hebreo at Griego. Bilang mamamayang Romano, si Saul ay may napakagandang mga pribilehiyo at karapatan. Kung nagpursigi siyang maging matagumpay sa sanlibutan, malamang na naging tanyag siya at umasenso sa buhay. Pero mas pinili niya ang landasin na sa paningin ng marami—marahil pati na ng ilang kamag-anak niya—ay isang kahibangan. Bakit iyon ang pinili niya?
11. Anong mga bagay ang mahalaga kay Pablo at ano ang tunguhin niya? Bakit?
11 Mahal ni Pablo si Jehova at hangad niyang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa halip na ang kayamanan at katanyagan. Nang malaman ni Pablo ang katotohanan, pinahalagahan niya ang pantubos, ang ministeryong Kristiyano, at ang pag-asang buhay sa langit—mga bagay na hindi mahalaga sa sanlibutan. Napag-unawa ni Pablo na may usaping kailangang lutasin. Nagparatang si Satanas na maitatalikod niya ang mga tao sa paglilingkod sa Diyos. (Job 1:9-11; 2:3-5) Anumang pagsubok ang danasin ni Pablo, determinado siyang manatiling tapat sa Diyos at magpatuloy sa tunay na pagsamba. Hindi kasama iyan sa tunguhin ng mga tagasanlibutan na gustong magtagumpay.
12. Bakit mo inilagak sa Diyos ang iyong pag-asa?
12 Ganiyan din ba ang determinasyon mo? Bagaman hindi madaling mamuhay nang may katapatan, alam nating nagdudulot ito ng pagpapala at pagsang-ayon ni Jehova, at iyan ang tunay na tagumpay. (Kaw. 10:22) Ngayon pa lang ay nakikinabang na tayo, at tiyak na pagpapalain tayo sa hinaharap. (Basahin ang Marcos 10:29, 30.) Kaya naman dapat nating ilagak ang ating pag-asa, “hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.” Tayo ay ‘nag-iimbak para sa ating sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan tayong mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Tim. 6:17-19) Oo, nakatitiyak tayo na sandaang taon, sanlibong taon, o higit pa ang lumipas, makapagbabalik-tanaw tayo at masasabi natin, “Hindi ako nagkamali sa pinili kong landas tungo sa tunay na tagumpay!”
KUNG NASAAN ANG IYONG KAYAMANAN
13. Ano ang ipinayo ni Jesus hinggil sa pag-iimbak ng mga kayamanan?
13 Ganito ang sinabi ni Jesus hinggil sa mga kayamanan: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”—Mat. 6:19-21.
14. Bakit hindi katalinuhang maghangad ng kayamanan sa lupa?
14 Hindi lang salapi ang itinuturing ng mga tao na kayamanan sa lupa. Maaaring kabilang dito ang prestihiyo, katanyagan, o kapangyarihan—mga bagay na ayon kay Solomon ay ginagawang sukatan ng tagumpay. Idiniin ni Jesus ang puntong binanggit ni Solomon sa aklat ng Eclesiastes—ang makasanlibutang kayamanan ay pansamantala lang. Marahil naobserbahan mo na ang gayong mga kayamanan ay nasisira at napakadaling maglaho. Ganito ang isinulat ni Propesor F. Dale Bruner tungkol sa gayong mga kayamanan: “Alam nating lahat na ang kasikatan ay naglalaho. Ang sikat ngayon, bukas ay laos na. Ang nagtagumpay sa negosyo noong isang taon, sa susunod na taon ay bangkarote na. . . . Mahal [ni Jesus] ang mga tao. Hinihimok niya silang iwasan ang hinagpis na dulot ng kumukupas na kaluwalhatian. Hindi ito nagtatagal. Ayaw ni Jesus na madismaya ang [kaniyang] mga alagad. ‘Araw-araw, umiikot ang mundo, at ang nasa tuktok ngayon, mayamaya ay nasa ilalim na.’ ” Kahit marami ang sasang-ayon sa komentong ito, ilan kaya sa kanila ang magbabago ng kanilang pangmalas sa buhay? Handa ka bang gawin iyon?
15. Anong uri ng tagumpay ang dapat nating pagsikapang abutin?
15 Sinasabi ng ilang lider ng relihiyon na maling magsumikap para magtagumpay at na dapat supilin iyon. Pero pansinin na hindi hinatulan ni Jesus ang gayong pagsisikap. Sa halip, hinimok niya ang kaniyang mga alagad na ibaling ang kanilang pagsisikap sa ibang direksiyon, anupat pinasigla silang mag-imbak ng di-nasisirang “mga kayamanan sa langit.” Gusto nating maging matagumpay ayon sa pangmalas ni Jehova. Pinaaalalahanan tayo ni Jesus na maaari tayong pumili kung ano ang itataguyod natin. Pero ang totoo, itataguyod natin kung ano ang nasa puso natin, kung ano ang mahalaga sa atin.
16. Sa ano tayo makapagtitiwala?
16 Kung talagang nasa puso natin na palugdan si Jehova, makapagtitiwala tayo na ilalaan niya ang mga bagay na kailangan natin. Baka pahintulutan niya tayong pansamantalang dumanas ng gutom o uhaw, gaya ni apostol Pablo. (1 Cor. 4:11) Pero makapagtitiwala tayo sa matalinong payo ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mat. 6:31-33.
MAGING MATAGUMPAY SA PANINGIN NG DIYOS
17, 18. (a) Saan nakadepende ang tunay na tagumpay? (b) Saan hindi nakadepende ang tagumpay?
17 Tandaan ang puntong ito: Ang pagiging tunay na matagumpay ay hindi nakadepende sa ating mga naisagawa o sa katayuan natin sa sanlibutan. Hindi rin ito nasusukat sa pagkakaroon ng pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano. Pero ang pagkakaroon ng pribilehiyo ay nauugnay sa ating pagkamasunurin at katapatan sa Diyos—ang tunay na sukatan ng tagumpay. Tinitiyak sa atin ni Jehova: “Ang hinahanap sa mga katiwala ay ang masumpungang tapat ang isang tao.” (1 Cor. 4:2) At dapat tayong magbata para makapanatiling tapat. Sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mat. 10:22) Tiyak na sasang-ayon ka na ang kaligtasan ay isang di-maikakailang katibayan ng tagumpay!
18 Kung pag-iisipan natin ang mga natalakay na, makikita natin na ang pananatiling tapat sa Diyos ay walang kinalaman sa katanyagan, edukasyon, salapi, o katayuan sa lipunan; hindi rin ito nakadepende sa talino, talento, o abilidad. Anuman ang kalagayan natin, maaari tayong manatiling tapat sa Diyos. Noong unang siglo, ang ilang lingkod ng Diyos ay mayayaman, ang iba naman ay mahihirap. Pinayuhan ni Pablo ang mayayaman na “gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi.” Kapuwa ang mayayaman at mahihirap ay maaaring “makapanghawakan [nang] mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Tim. 6:17-19) Totoo rin iyan sa ngayon. Lahat tayo ay may pare-parehong oportunidad at responsibilidad, samakatuwid nga, ang manatiling tapat at “maging mayaman sa maiinam na gawa.” Kung gagawin natin ito, magiging matagumpay tayo sa paningin ng Maylalang, at magiging maligaya dahil alam nating napalulugdan natin siya.—Kaw. 27:11.
19. Kung tungkol sa tagumpay, ano ang determinasyon mo?
19 Baka hindi mo na mababago ang iyong sitwasyon, pero mababago mo ang pangmalas mo rito. Pagsikapang maging tapat, anuman ang iyong kalagayan. Sulit ang iyong pagsisikap. Magtiwala na sagana kang pagpapalain ni Jehova—ngayon at magpakailanman. Tandaan ang sinabi ni Jesus sa mga pinahirang Kristiyano: “Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.” (Apoc. 2:10) Iyan ang tunay na tagumpay!