BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Natagpuan Ko Na ang Tunay na Kalayaan”
ISINILANG: 1981
BANSANG PINAGMULAN: ESTADOS UNIDOS
DATING SUWAIL NA ANAK
ANG AKING NAKARAAN:
Ipinanganak ako sa Moundsville, isang tahimik na nayon sa kahabaan ng Ohio River sa hilaga ng West Virginia, E.U.A. Pangalawa ako sa apat na magkakapatid. Dahil tatlo kaming lalaki, punung-puno ng kakulitan ang bahay namin. Ang mga magulang namin ay tapat at masipag. Mahal nila ang kanilang kapuwa. Hindi kami mayaman, pero hindi rin naman kami mahirap. Mga Saksi ni Jehova ang magulang namin kaya ginawa nila ang buo nilang makakaya para maitanim sa puso naming magkakapatid ang mga simulain sa Bibliya.
Pero nang magbinata ako, unti-unti kong tinalikuran ang mga itinuro sa akin. Kinuwestiyon ko kung talaga bang magiging makabuluhan ang buhay ng isa kung susundin niya ang mga simulain sa Bibliya. Inisip kong magiging maligaya lang ako kung magagawa ko ang lahat ng gusto ko. Di-nagtagal, hindi na ako dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Ginaya ako ng dalawa kong kapatid. Ginawa ng mga magulang namin ang lahat para tulungan kami, pero hindi kami nakinig sa kanila.
Hindi ko alam na ang hinahangad ko palang “kalayaan” ang maglulugmok sa akin sa adiksiyon. Isang araw, habang papauwi ako galing eskuwela, inalok ako ng kaibigan ko ng sigarilyo. Tinanggap ko naman. Mula noon, hindi na ako nakatanggi sa maraming iba pang bisyo. Nagsimula na rin akong magdroga, uminom, at maging imoral. Nang sumunod na mga taon, gumamit ako ng mas matatapang na droga, at naadik sa marami sa mga iyon. Para masuportahan ang mga bisyo ko, nagtulák ako ng droga.
Kahit pilit kong binabale-wala ang konsiyensiya ko, lagi pa rin ako nitong inuusig. Pero pakiramdam ko’y huli na ang lahat para magbago ako. Kahit nasa mga party at concert, nadedepres pa rin ako at parang nag-iisa. Kung minsan, naiisip ko kung gaano kadisente at kabuting tao ang mga magulang ko at kung bakit nagkaganito ang buhay ko.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Kahit suko na ako sa sarili ko, may mga nagtiwala pa rin sa akin. Noong 2000, inimbitahan ako ng mga magulang ko na dumalo sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Nag-alangan ako, pero sumama ako. Nagulat ako dahil sumama rin ang dalawa kong kapatid.
Habang nasa kombensiyon, naalala ko na doon din ginanap ang isang rock concert na pinuntahan ko noong nakaraang taon. Kitang-kita ko ang kaibahan. Sa concert, ang pasilidad na ito ay puro basura at punô ng usok ng sigarilyo. Walang pakialam ang mga tao sa iba, at nakakadepres ang mensahe ng musika. Pero sa kombensiyon, ang mga tao ay tunay na maligaya. Mainit nila akong tinanggap kahit ilang taon na kaming hindi nagkita-kita. Malinis ang paligid, at ang mensahe sa kombensiyon ay nagbibigay ng pag-asa. Sa nakita kong magandang epekto ng katotohanan sa Bibliya, naisip ko tuloy kung bakit ko nga ba ito tinalikuran.—Isaias 48:17, 18.
“Sa tulong ng Bibliya, naihinto ko ang paggamit at pagtutulák ng droga at naging mas mabuting tao ako”
Pagkatapos ng kombensiyon, nagdesisyon akong bumalik sa kongregasyong Kristiyano. At dahil sa naranasan ng dalawa kong kapatid sa kombensiyon, nagpasiya rin silang manumbalik sa kongregasyon. Kaming tatlo ay muling nag-aral ng Bibliya.
Talagang napakilos ako ng sinasabi sa Santiago 4:8: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Kung gusto kong lumapit sa Diyos, kailangan kong linisin ang buhay ko. Kailangan kong ihinto ang paggamit ng tabako at pag-abuso sa droga at alkohol.—2 Corinto 7:1.
Nilayuan ko ang dati kong mga kasama at nakipagkaibigan ako sa mga sumasamba kay Jehova. Malaking tulong sa akin ang Kristiyanong elder na nagturo sa akin ng Bibliya. Lagi niya akong tinatawagan at dinadalaw para kumustahin. Hanggang ngayon, isa siya sa pinakamalalapít kong kaibigan.
Noong tagsibol ng 2001, nagpabautismo ako bilang sagisag ng pag-aalay ko sa Diyos, gayundin ang dalawa kong kapatid. Napakasaya ng mga magulang namin at ng tapat naming nakababatang kapatid. Sa wakas, buong pamilya na kaming sumasamba kay Jehova!
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Dati, ang tingin ko sa mga simulain sa Bibliya ay nakakasakal. Pero ngayon, itinuturing ko na itong napakahalagang proteksiyon. Sa tulong ng Bibliya, naihinto ko ang paggamit at pagtutulák ng droga at naging mas mabuting tao ako.
Bahagi na ako ngayon ng pandaigdig na kapatiran ng mga mananamba ni Jehova. Tunay ang pag-ibig ng mga taong ito sa isa’t isa, at nagkakaisa sila sa pagsamba sa Diyos. (Juan 13:34, 35) Mula sa kapatirang iyan ay nakilala ko ang isang napakaespesyal na babae—si Adrianne, ang mahal kong asawa. Masayang-masaya kaming dalawa habang naglilingkod sa Maylalang.
Dati, sarili ko lang ang iniisip ko. Pero ngayon, isa na akong buong-panahong ministro na nagtuturo sa iba kung paano sila makikinabang sa Salita ng Diyos. Maligayang-maligaya ako sa gawaing ito. Talagang masasabi kong binago ng Bibliya ang aking buhay. Sa wakas, natagpuan ko na ang tunay na kalayaan.