Mag-ingat sa mga Intensiyon ng Iyong Puso
“Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib,” ang sabi ng Bibliya. (Jer. 17:9) Kapag masidhing ninanasa ng ating puso ang isang bagay, hindi ba’t nagdadahilan ito para masunod ang gusto nito?
Nagbabala ang Bibliya: “Mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang patotoo, mga pamumusong.” (Mat. 15:19) Maaari tayong dayain ng ating makasagisag na puso at udyukan tayong ipagmatuwid ang isang landasing salungat sa kalooban ng Diyos. At baka hindi natin mamalayan ito hanggang sa makagawa na tayo ng pagkakamali. Paano natin malalaman ang mga intensiyon ng ating puso bago tayo malihis ng landas?
KUNG PAANO MO MALALAMAN ANG MGA INTENSIYON NG IYONG PUSO
Basahin ang Bibliya araw-araw at bulay-bulayin ito.
“Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu,” isinulat ni apostol Pablo. Ang mensahe ng Diyos na nasa Bibliya ay “may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Kapag pinag-aaralan natin ang Bibliya, dapat nating suriin ang ating pag-iisip at pagkilos. Tutulong ito para malaman natin ang mga intensiyon ng ating puso. Napakahalaga ngang basahin natin ang Salita ng Diyos araw-araw at bulay-bulayin ito para maunawaan at matularan natin ang pangmalas ni Jehova!
Kung magbibigay-pansin tayo sa sinasabi ng Bibliya, masasanay ang ating budhi, na parang isang tinig sa loob natin. Maaari nitong ibulong sa atin na mali ang isang bagay at pigilan tayong ipagmatuwid ang paggawa ng masama. (Roma 9:1) May mga halimbawa rin sa Bibliya na nagsisilbing “babala sa atin.” (1 Cor. 10:11) Ang mga aral dito ay hahadlang sa atin sa pagtahak sa maling landasin. Ano ang dapat nating gawin?
Manalangin sa Diyos na tulungan kang malaman ang mga intensiyon ng iyong puso.
Si Jehova ay “tagasuri ng puso.” (1 Cro. 29:17) Siya ay “mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Wala tayong maitatago sa kaniya. Kung sasabihin natin kay Jehova sa panalangin ang ating álalahanín, damdamin, at hangarin, matutulungan niya tayong malaman ang mga intensiyon ng ating puso. Puwede pa nga nating hilingin sa Diyos na ‘likhain sa atin ang isang dalisay na puso.’ (Awit 51:10) Kaya naman napakahalaga ng panalangin para malaman ang mga hilig ng ating puso.
Magbigay-pansin sa mga pulong.
Ang matamang pakikinig sa mga pulong ay tutulong sa atin na suriin ang ating panloob na pagkatao—ang ating puso. Totoo na hindi naman laging bago ang mga impormasyong naririnig natin sa mga pulong. Pero kung lagi tayong dumadalo, mas mauunawaan natin ang mga simulain sa Bibliya. At tatanggap tayo ng mahalagang paalaala para masuri ang mga intensiyon ng ating puso. Mahalaga rin ang mga komento ng mga kapatid para mapadalisay ang ating panloob na pagkatao. (Kaw. 27:17) Makasasamâ sa atin ang di-pagdalo sa mga pulong at pagbubukod ng ating sarili. Baka mauwi ito sa ‘paghahanap ng ating makasariling hangarin.’ (Kaw. 18:1) Makabubuting tanungin ang sarili, ‘Nakaugalian ko bang dumalo sa lahat ng pulong at magbigay-pansin sa mga tinatalakay rito?’—Heb. 10:24, 25.
PAANO TAYO MAAARING DAYAIN NG ATING PUSO?
Maaari tayong iligaw ng ating mapandayang puso sa iba’t ibang paraan. Talakayin natin ang apat sa mga ito: paghahangad ng materyal na mga bagay, paggamit ng mga inuming de-alkohol, pagpili ng mga kaibigan, at paglilibang.
Paghahangad ng materyal na mga bagay.
Natural lang na gusto nating masapatan ang ating pisikal na mga pangangailangan. Pero nagbabala si Jesus tungkol sa labis-labis na pagpapahalaga sa materyal na mga bagay. Sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, binanggit ni Jesus ang isang taong mayaman na may mga kamalig na punô ng butil. Wala na siyang mapaglagyan ng kaniyang susunod na ani. Gustong gibain ng lalaking ito ang kaniyang mga kamalig at magtayo ng mas malalaking imbakan. Nangatuwiran siya: “Doon ko titipunin ang lahat ng aking butil at ang lahat ng aking mabubuting bagay; at sasabihin ko sa aking kaluluwa: ‘Kaluluwa, marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.’” Pero nakaligtaan ng taong mayaman na ito ang isang bagay: Puwede siyang mamatay nang gabing iyon mismo, at mawawalan ng silbi ang lahat ng kaniyang pagpapagal.—Luc. 12:16-20.
Habang nagkakaedad tayo, baka labis tayong mabahala sa paghahanda para sa ating pagtanda anupat ipagmatuwid natin ang pag-o-overtime sa panahon ng mga pulong o pagpapabaya sa ating mga pananagutang Kristiyano. Hindi ba dapat tayong mag-ingat laban sa pangangatuwirang iyan? O baka naman nasa kabataan pa tayo at alam nating wala nang mas magandang karera kaysa sa buong-panahong paglilingkod. Pero ipinagpapaliban ba natin ang pagpapayunir, anupat nagdadahilan na kailangan muna nating mag-ipon? Hindi ba ngayon na ang panahon para maging mayaman tayo sa Diyos? Malay natin kung buháy pa tayo bukas?
Paggamit ng mga inuming de-alkohol.
“Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak,” ang sabi ng Kawikaan 23:20. Kung ang isa ay mahilig sa inuming de-alkohol, baka ipagmatuwid niya ang madalas na pag-inom. Baka sabihin niya na umiinom siya para marelaks, hindi para malasing. Pero kung kailangan nating uminom para marelaks, baka panahon na para tapatang suriin ang hilig ng ating puso.
Pagpili ng mga kaibigan.
Araw-araw, nakakasalamuha natin ang mga taong hindi naglilingkod kay Jehova—sa paaralan, trabaho, at pati sa ministeryo. Pero ibang usapan naman ang paggugol ng di-kinakailangang panahon kasama nila, o ang pakikipagkaibigan pa nga sa kanila. Ipinagmamatuwid ba natin ang pakikipagsamahang ito sa pagsasabing marami naman silang mabubuting katangian? “Huwag kayong palíligaw,” ang babala ng Bibliya. “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Cor. 15:33) Kung paanong ang kaunting polusyon ay makapagpaparumi sa malinis na tubig, ang pakikipagkaibigan sa mga hindi umiibig sa Diyos ay maaaring makapagparumi sa atin sa espirituwal na paraan. Baka maimpluwensiyahan tayo nito na manamit, magsalita, at gumawi gaya ng mga tao sa sanlibutan.
Paglilibang.
Dahil sa modernong teknolohiya, napakadali nang makahanap ng lahat ng uri ng libangan. Pero karamihan sa mga ito ay makasasamâ sa mga Kristiyano. ‘Ang bawat uri ng karumihan ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo,’ ang isinulat ni Pablo. (Efe. 5:3) Paano kung natutukso ang ating puso na manood o makinig ng mga bagay na marumi? Baka ikatuwiran natin na lahat tayo ay nangangailangan ng kaunting pagrerelaks, at na personal na desisyon ang pagpili ng libangan. Pero isapuso natin ang payo ni Pablo at huwag hayaang pumasok sa ating mga mata o tainga ang karumihan.
PUWEDE TAYONG MAGBAGO
Kung nalinlang man tayo ng ating puso at nakagawian nating ipagmatuwid ang maling mga pagkilos, hindi pa huli para magbago. (Efe. 4:22-24) Isaalang-alang natin ang dalawang halimbawa.
Kinailangang baguhin ni Miguela ang pangmalas niya sa materyal na mga bagay. Sinabi niya: “Kami ng mag-iina ko ay nakatira sa isang bansa kung saan napakaimportanteng magkaroon ng pinakamaganda at pinakabagong teknolohiya at mga luho. Dumating sa punto na sinikap kong makuha ang lahat ng iniaalok ng sanlibutan, sa pag-aakalang magagawa ko ito nang hindi nagiging materyalistiko. Pero di-nagtagal, natanto kong walang patutunguhan ang paghahabol sa materyal na mga bagay. Ipinanalangin ko kay Jehova ang laman ng aking isip at ang mga intensiyon ng aking puso. Ipinaalam ko sa kaniya na gusto naming maglingkod sa kaniya nang lubusan bilang isang pamilya. Nagpasiya kaming pasimplehin ang aming buhay at lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Di-nagtagal, nakapagpayunir kami. Napatunayan namin na hindi namin kailangan ang maraming materyal na bagay para maging kontento at masaya.”
Ipinakikita naman ng karanasan ni Lee na mahalagang suriin ang ating sarili para maputol ang pakikipagkaibigan sa masasamang kasama. “Sa trabaho ko,” ang sabi ni Lee, “madalas kong makasalamuha ang mga dayuhang supplier. Alam kong magkakaroon ng walang-patumanggang inuman sa mga miting na iyon, pero excited akong sumama. Maraming beses na muntik-muntikan na akong malasing, at nakokonsiyensiya ako pagkatapos. Kinailangan kong tapatang suriin ang puso ko. Ang payo ng Salita ng Diyos at ang mga mungkahi ng mga elder ay nakatulong sa akin na makitang naghahangad akong makisalamuha sa mga taong hindi umiibig kay Jehova. Sa ngayon, hangga’t maaari, sa telepono na lang ako nakikipagtransaksiyon at binawasan ko na rin ang pakikipagkita sa mga supplier.”
Kailangang maging tapat tayo sa ating sarili at alamin ang mga intensiyon ng ating puso. Para magawa ito, hingin natin ang tulong ni Jehova sa panalangin, yamang “batid niya ang mga lihim ng puso.” (Awit 44:21) Inilaan din ng Diyos ang kaniyang Salita, na maaaring magsilbing salamin sa atin. (Sant. 1:22-25) Napakahalaga rin ng mga paalaala at payo na natatanggap natin sa Kristiyanong mga publikasyon at mga pulong! Sa tulong ng mga ito, maiingatan natin ang ating puso at patuloy tayong makalalakad sa landas ng katuwiran.
a Binago ang mga pangalan.