“Sino Talaga ang Tapat at Maingat na Alipin?”
“Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan?”—MAT. 24:45.
1, 2. Sino ang ginagamit ni Jesus para pakainin tayo ngayon? Bakit mahalagang makilala natin kung sino iyon?
“MGA kapatid, laging nasa mga artikulong inilalathala ninyo ang pampatibay na kailangan ko.” Iyan ang isinulat ng isang sister para magpasalamat sa mga kapatid sa ating pandaigdig na punong-tanggapan. Tiyak na ganiyan din ang nadarama mo. At hindi naman iyan nakapagtataka.
2 Ang napapanahong espirituwal na pagkaing tinatanggap natin ay katibayan na tinutupad ni Jesus, na Ulo ng kongregasyon, ang pangako niyang pakakainin tayo. Sino ang ginagamit niya para pakainin tayo? Nang ibigay niya ang tanda ng kaniyang pagkanaririto, sinabi ni Jesus na gagamitin niya “ang tapat at maingat na alipin” para magbigay ng “pagkain sa tamang panahon” sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan.a (Basahin ang Mateo 24:45-47.) Sa panahong ito ng kawakasan, ang tapat na aliping iyan ang ginagamit ni Jesus para pakainin ang kaniyang mga tunay na tagasunod. Mahalagang makilala natin kung sino ang tapat na alipin. Malaking papel ang ginagampanan ng aliping ito sa ating espirituwal na kalusugan at sa ating kaugnayan sa Diyos.—Mat. 4:4; Juan 17:3.
3. Ano ang sinasabi noon sa ating mga publikasyon hinggil sa ilustrasyon tungkol sa tapat na alipin?
3 Kaya paano natin uunawain ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa tapat na alipin? Sinasabi noon sa ating mga publikasyon ang mga sumusunod: Noong Pentecostes 33 C.E., inatasan ni Jesus ang tapat na alipin para mangasiwa sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan. Ang alipin ay kumakatawan sa lahat ng pinahirang Kristiyano na nasa lupa bilang isang grupo sa anumang partikular na panahon mula noong 33 C.E. Ang mga lingkod ng sambahayan naman ay tumutukoy rin sa mga pinahiran bilang mga indibiduwal. Noong 1919, inatasan ni Jesus ang tapat na alipin para mangasiwa “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari”—lahat ng bagay sa lupa na ginagamit para suportahan ang pangangaral tungkol sa Kaharian. Pero ipinakikita ng higit na pagsusuri at may-pananalanging pagbubulay-bulay na kailangang linawin ang pagkaunawa natin sa sinabi ni Jesus tungkol sa tapat at maingat na alipin. (Kaw. 4:18) Suriin natin ang ilustrasyon at tingnan kung paano ito nakaaapekto sa atin, sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa.
KAILAN NATUPAD ANG ILUSTRASYON?
4-6. Bakit natin masasabi na ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa tapat na alipin ay nagsimulang matupad pagkaraan lang ng 1914?
4 Ipinakikita ng konteksto ng ilustrasyon tungkol sa tapat at maingat na alipin na nagsimula itong matupad, hindi noong Pentecostes 33 C.E., kundi sa panahong ito ng kawakasan. Tingnan natin sa Kasulatan kung bakit makatuwiran ang konklusyong iyan.
5 Ang ilustrasyon tungkol sa tapat na alipin ay bahagi ng hula ni Jesus tungkol sa “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3) Ang unang bahagi ng hula, na nakaulat sa Mateo 24:4-22, ay may dalawang katuparan—una, noong mga taon mula 33 C.E. hanggang 70 C.E., at ikalawa, sa panahon natin pero sa mas malawak na paraan. Ibig bang sabihin, dalawa rin ang katuparan ng sinabi ni Jesus tungkol sa tapat na alipin? Hindi.
6 Simula sa mga salitang nakaulat sa Mateo 24:29, pangunahing nagpokus si Jesus sa mga pangyayaring magaganap sa panahon natin. (Basahin ang Mateo 24:30, 42, 44.) Tungkol sa magaganap sa malaking kapighatian, sinabi niya na “makikita [ng mga tao] ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit.” Pagkatapos, sa mga salitang para sa mga nabubuhay sa mga huling araw, hinimok niya silang magbantay, na sinasabi: “Hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon” at, “Sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”b Sa kontekstong ito—nang sinasabi niya ang tungkol sa mga pangyayaring magaganap sa mga huling araw—inilahad ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa tapat na alipin. Kaya masasabi natin na ang kaniyang mga salita tungkol sa tapat na aliping iyon ay natupad pagkaraan lang na magsimula ang mga huling araw noong 1914. Bakit makatuwiran ang konklusyong iyan?
7. Anong mahalagang tanong ang bumangon sa pasimula ng panahon ng pag-aani, at bakit?
7 Pag-isipan sandali ang tanong na ito: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin?” Noong unang siglo, halos walang dahilan para itanong iyan. Gaya ng nalaman natin sa nakaraang artikulo, ang mga apostol ay nakagawa ng mga himala at naipasa pa nga nila ang makahimalang mga kaloob bilang katibayan na sinusuportahan sila ng Diyos. (Gawa 5:12) Kaya walang magtatanong kung sino talaga ang inatasan ni Kristo para manguna. Gayunman, ibang-iba ang sitwasyon noong 1914. Nagsimula ang panahon ng pag-aani nang taóng iyon. Panahon na para ibukod ang panirang-damo mula sa trigo. (Mat. 13:36-43) Sa pasimula ng panahon ng pag-aani, napakaraming huwad na Kristiyano ang nag-aangking tunay na tagasunod ni Jesus. Kaya ito ang mahalagang tanong: Paano makikilala ang trigo, o mga pinahirang Kristiyano? Sinasagot ito ng ilustrasyon tungkol sa tapat na alipin. Ang mga pinahirang tagasunod ni Kristo ang napapakaing mabuti sa espirituwal.
SINO ANG TAPAT AT MAINGAT NA ALIPIN?
8. Bakit angkop na ang tapat na alipin ay binubuo ng mga pinahirang Kristiyano?
8 Ang tapat na alipin ay dapat na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa. “Isang maharlikang pagkasaserdote” ang tawag sa kanila at inatasan silang ‘“ipahayag nang malawakan ang mga kagalingan” ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Ped. 2:9) Angkop lang na ang mga miyembro ng “maharlikang pagkasaserdote” na iyan ay tuwirang makibahagi sa pagtuturo ng katotohanan sa kanilang mga kapananampalataya.—Mal. 2:7; Apoc. 12:17.
9. Lahat ba ng pinahirang nasa lupa ay kabilang sa tapat na alipin? Ipaliwanag.
9 Lahat ba ng pinahirang nasa lupa ay kabilang sa tapat na alipin? Hindi. Ang totoo, hindi lahat ng pinahiran ay nakikibahagi sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa mga kapananampalataya sa buong mundo. May mga brother na pinahiran na naglilingkod bilang elder o ministeryal na lingkod sa kanilang kongregasyon. Nagtuturo sila sa bahay-bahay at sa kongregasyon, at tapat silang sumusuporta sa mga tagubilin ng punong-tanggapan. Pero hindi sila aktuwal na naglalaan ng espirituwal na pagkain sa pandaigdig na kapatiran. May mga mapagpakumbabang sister din na pinahiran, at hindi sila kailanman mangangahas na magturo sa kongregasyon.—1 Cor. 11:3; 14:34.
10. Sino ang tapat at maingat na alipin?
10 Sino kung gayon ang tapat at maingat na alipin? Kaayon ng ginawa ni Jesus sa pagpapakain sa marami sa pamamagitan ng iilan, ang aliping iyon ay binubuo ng isang maliit na grupo ng mga pinahirang brother na tuwirang nakikibahagi sa paghahanda at pamamahagi ng espirituwal na pagkain sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Sa buong yugto ng mga huling araw, ang mga pinahirang brother na bumubuo sa tapat na alipin ay magkakasamang naglilingkod sa punong-tanggapan. Sa mga nakaraang dekada, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang gumaganap bilang ang aliping iyan. Pero pansinin na bagaman ang alipin ay binubuo ng higit sa isang indibiduwal, inilalarawan ito sa ilustrasyon ni Jesus bilang isang alipin. Kaya ang mga desisyon ng Lupong Tagapamahala ay ginagawa nila nang magkakasama.
SINO ANG MGA LINGKOD NG SAMBAHAYAN?
11, 12. (a) Ano ang dalawang atas na ibinigay sa tapat at maingat na alipin? (b) Kailan inatasan ni Jesus ang tapat na alipin para mangasiwa sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, at sino ang pinili niya?
11 Kapansin-pansin na sa ilustrasyon ni Jesus, dalawang magkaibang atas ang ibinigay sa tapat at maingat na alipin. Una, mangasiwa sa mga lingkod ng sambahayan; ikalawa, mangasiwa sa lahat ng pag-aari ng panginoon. Yamang sa panahong ito ng kawakasan natutupad ang ilustrasyon, ang dalawang pag-aatas ay magaganap lamang pagkaraang dumating si Jesus bilang Hari noong 1914.
12 Kailan inatasan ni Jesus ang tapat na alipin para mangasiwa sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan? Para masagot iyan, bumalik tayo sa 1914—ang pasimula ng panahon ng pag-aani. Gaya ng napag-aralan natin, maraming grupo ang nag-aangking Kristiyano noong panahong iyon. Mula sa anong grupo pipili si Jesus ng aatasan niya bilang tapat na alipin? Nasagot ang tanong na iyan matapos siyasatin ni Jesus at ng kaniyang Ama ang templo, o espirituwal na kaayusan para sa pagsamba, mula 1914 hanggang sa mga unang buwan ng 1919.c (Mal. 3:1) Natuwa sila sa isang maliit na grupo ng tapat na mga Estudyante ng Bibliya na nagpakitang mahal nila si Jehova at ang kaniyang Salita. Siyempre pa, kailangan din silang linisin, pero mapagpakumbaba silang tumugon sa maikling yugtong iyon ng pagsubok at pagdadalisay. (Mal. 3:2-4) Ang tapat na mga Estudyante ng Bibliya na iyon ay tunay na trigong Kristiyano. Noong 1919, pumili si Jesus mula sa kanila ng may-kakayahang mga pinahirang brother para maging ang tapat at maingat na alipin at inatasan ang mga ito sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan.
13. Sinu-sino ang kabilang sa mga lingkod ng sambahayan, at bakit?
13 Sino kung gayon ang mga lingkod ng sambahayan? Sa simpleng pananalita, sila ang pinakakain. Sa pasimula ng mga huling araw, ang lahat ng lingkod ng sambahayan ay mga pinahiran. Nang maglaon, naging bahagi rin ng mga lingkod ng sambahayan ang malaking pulutong ng ibang mga tupa. Ngayon, ang kalakhang bahagi ng “isang kawan” na pinangungunahan ni Kristo ay binubuo ng ibang mga tupa. (Juan 10:16) Ang dalawang grupo ay nakikinabang sa iisang espirituwal na pagkain sa tamang panahon na inilalaan ng tapat na alipin. Paano naman ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na bumubuo ngayon sa tapat at maingat na alipin? Kailangan din silang pakainin sa espirituwal. Kaya mapagpakumbaba nilang kinikilala na sila, bilang mga indibiduwal, ay mga lingkod din ng sambahayan tulad ng iba pang mga tunay na tagasunod ni Jesus.
14. (a) Anong responsibilidad ang iniatas sa tapat na alipin, at ano ang kasama rito? (b) Anong babala ang ibinigay ni Jesus sa tapat at maingat na alipin? (Tingnan ang kahong “Kung Sakaling ang Masamang Aliping Iyon . . .”)
14 Isang mabigat na pananagutan ang ibinigay ni Jesus sa tapat at maingat na alipin. Noong panahon ng Bibliya, ang isang pinagkakatiwalaang alipin, o katiwala, ay tagapamahala sa sambahayan. (Luc. 12:42) Kaya iniatas sa tapat at maingat na alipin ang pananagutang pangasiwaan ang sambahayan ng mga mananampalataya. Kasama sa pananagutang iyan ang pangangasiwa sa materyal na mga pag-aari, gawaing pangangaral, mga programa sa asamblea at kombensiyon, at ang paglalathala ng salig-Bibliyang mga literatura na gagamitin sa ministeryo at sa personal at pangkongregasyong pag-aaral. Ang mga lingkod ng sambahayan ay umaasa sa lahat ng espirituwal na pagkaing inilalaan ng tapat na alipin.
INATASAN SA LAHAT NG PAG-AARI NG PANGINOON—KAILAN?
15, 16. Kailan aatasan ni Jesus ang tapat na alipin para mangasiwa sa lahat ng kaniyang pag-aari?
15 Kailan ginawa ni Jesus ang ikalawang pag-aatas—ang pangangasiwa “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari”? Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mat. 24:46, 47) Pansinin na ginawa ni Jesus ang ikalawang pag-aatas nang dumating siya at madatnan ang alipin na “gayon ang ginagawa”—tapat na naglalaan ng espirituwal na pagkain. Kaya may panahon sa pagitan ng dalawang pag-aatas. Para maunawaan kung paano at kung kailan inatasan ni Jesus ang alipin sa lahat ng kaniyang pag-aari, dalawang bagay ang kailangan nating malaman: kung kailan siya darating at kung ano ang kasama sa kaniyang mga pag-aari.
16 Kailan dumating si Jesus? Nasa konteksto ang sagot. Tandaan na nang banggitin sa naunang mga talata ang ‘pagdating’ ni Jesus, tumutukoy ito sa panahong ipapahayag niya at ilalapat ang hatol sa masasama sa wakas ng sistemang ito.d (Mat. 24:30, 42, 44) Kaya ang ‘pagdating’ ni Jesus na binanggit sa ilustrasyon tungkol sa tapat na alipin ay magaganap sa panahon ng malaking kapighatian.
17. Ano ang kasama sa mga pag-aari ni Jesus?
17 Ano ang kasama sa ‘lahat ng pag-aari ni Jesus’? Ang salitang “lahat” ay hindi lang tumutukoy sa mga pag-aari niya dito sa lupa. Kabilang sa kaniyang pag-aari ang mga bagay sa langit. “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa,” ang sabi niya. (Mat. 28:18; Efe. 1:20-23) Kasama na ngayon sa kaniyang mga pag-aari ang Mesiyanikong Kaharian, na naging kaniya mula noong 1914 at kung saan makakasama niyang mamahala ang kaniyang mga pinahirang tagasunod.—Apoc. 11:15.
18. Bakit matutuwa si Jesus na iatas sa tapat na alipin ang lahat ng kaniyang pag-aari?
18 Batay sa mga tinalakay, ano ang konklusyon natin? Pagdating ni Jesus para humatol sa panahon ng malaking kapighatian, madadatnan niyang ang tapat na alipin ay patuloy na naglalaan ng napapanahong espirituwal na pagkain sa mga lingkod ng sambahayan. Kaya naman matutuwa si Jesus na gawin ang ikalawang pag-aatas—ang pangangasiwa sa lahat ng kaniyang pag-aari. Ibibigay sa mga kabilang sa tapat na alipin ang atas na ito kapag tinanggap na nila ang kanilang gantimpala sa langit, ang mamahala kasama ni Kristo.
19. Mas malaki ba ang gantimpala sa langit ng tapat na alipin kaysa sa iba pang mga pinahiran? Ipaliwanag.
19 Mas malaki ba ang gantimpala sa langit ng tapat na alipin kaysa sa iba pang mga pinahiran? Hindi. Ang gantimpalang ipinangako sa isang maliit na grupo ay maaari ding maging gantimpala ng iba sa kalaunan. Halimbawa, pag-isipan ang sinabi ni Jesus sa kaniyang 11 tapat na apostol noong gabi bago siya mamatay. (Basahin ang Lucas 22:28-30.) Ipinangako ni Jesus sa maliit na grupong iyon ng mga lalaki na isang napakagandang gantimpala ang naghihintay sa kanila dahil sa kanilang katapatan. Mamamahala silang kasama niya bilang mga hari. Pero makalipas ang maraming taon, sinabi niya na lahat ng 144,000 ay uupo sa trono at mamamahala kasama niya. (Apoc. 1:1; 3:21) Sa katulad na paraan, gaya ng sinabi sa Mateo 24:47, ipinangako niya sa isang maliit na grupo ng mga lalaki—ang mga pinahirang brother na bumubuo sa tapat na alipin—na aatasan niya sila sa lahat ng kaniyang pag-aari. Pero ang totoo, lahat ng 144,000 ay mamamahalang kasama niya sa langit.—Apoc. 20:4, 6.
20. Bakit inatasan ni Jesus ang tapat na alipin, at ano ang determinado mong gawin?
20 Gaya ng ginawa ni Jesus noong unang siglo, pinakakain niya ang marami sa pamamagitan ng iilan—ang tapat at maingat na alipin. Inatasan ni Jesus ang tapat na alipin para tiyakin na ang kaniyang mga tunay na tagasunod—pinahiran man o ibang mga tupa—ay patuluyang mapaglalaanan ng napapanahong espirituwal na pagkain sa mga huling araw. Maging determinado nawa tayong ipakita ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng tapat na pagsuporta sa mga pinahirang brother na bumubuo sa tapat at maingat na alipin.—Heb. 13:7, 17.
a Parapo 2: Bago nito, inilahad ni Jesus ang isang katulad na ilustrasyon kung saan tinukoy niya ang “alipin” bilang “katiwala” at ang “mga lingkod ng sambahayan” bilang “kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod.”—Luc. 12:42-44.
b Parapo 6: Ang ‘pagdating’ ni Kristo (Griego, erʹkho·mai) ay iba sa kaniyang “pagkanaririto” (pa·rou·siʹa). Ang kaniyang di-nakikitang pagkanaririto ay magsisimula bago siya dumating para maglapat ng hatol.
c Parapo 12: Tingnan ang artikulong “Narito! Ako ay Sumasainyo sa Lahat ng mga Araw,” sa isyu ring ito, pahina 10-12, parapo 5-8.
d Parapo 16: Tingnan ang artikulong “Sabihin Mo sa Amin, Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?” sa isyu ring ito, pahina 7-8, parapo 14-18.