Pag-asa Para sa mga Patay—Ang Pagkabuhay-Muli
Naniniwala ka ba sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli?a Sabihin pa, napakaganda ng pag-asang muling makasama ang ating namatay na mga mahal sa buhay. Makatotohanan ba ang pag-asang ito? Para masagot iyan, makabubuting isaalang-alang natin ang halimbawa ng mga apostol ni Jesu-Kristo.
Matibay ang paniniwala ng mga apostol sa pagkabuhay-muli. Bakit? May dalawang dahilan. Una, ang kanilang pag-asa ay pangunahin nang batay sa katotohanang ito: Si Jesus mismo ay ibinangon mula sa mga patay. Nakita ng mga apostol—at ng “mahigit sa limang daang kapatid sa iisang pagkakataon”—ang binuhay-muling si Jesus. (1 Corinto 15:6) Isa pa, ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay pinatotohanan at tinanggap ng marami, gaya ng ipinakikita ng apat na Ebanghelyo.—Mateo 27:62–28:20; Marcos 16:1-8; Lucas 24:1-53; Juan 20:1–21:25.
Ikalawa, nasaksihan ng mga apostol ang di-kukulangin sa tatlong pagkabuhay-muli na isinagawa ni Jesus—una sa Nain, sumunod sa Capernaum, at pagkatapos sa Betania. (Lucas 7:11-17; 8:49-56; Juan 11:1-44) Ang huli sa mga iyon, na inilarawan sa isyung ito, ay may kinalaman sa isang pamilya na malapít kay Jesus. Tingnan natin kung ano pa ang nangyari.
“AKO ANG PAGKABUHAY-MULI”
“Ang iyong kapatid ay babangon.” Sinabi ito ni Jesus kay Marta, na ang kapatid na si Lazaro ay apat na araw nang patay. Sa simula ay hindi naunawaan ni Marta ang sinabi ni Jesus. “Alam kong babangon siya,” ang sagot niya. Pero inakala niyang sa hinaharap pa mangyayari iyon. Isip-isipin ang kaniyang pagkabigla nang pagkatapos marinig ang sinabi ni Jesus na “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” ay nakita niyang ibinangon ni Jesus ang kaniyang kapatid mula sa mga patay!—Juan 11:23-25.
Nasaan si Lazaro sa loob ng apat na araw na patay siya? Walang sinabi si Lazaro na nagpapahiwatig na nabuhay siya sa ibang dako. Walang imortal na kaluluwa si Lazaro na napunta sa langit. Sa pagbuhay-muli kay Lazaro, hindi siya ibinalik ni Jesus sa lupa, anupat inilalayo mula sa lubos na kaligayahan sa langit na malapit sa Diyos. Kaya nasaan si Lazaro noong apat na araw na iyon? Sa katunayan, siya ay natutulog sa libingan.—Eclesiastes 9:5, 10.
Tandaan, inihambing ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog kung saan ang isa ay maaaring gisingin sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Sinasabi ng ulat: “‘Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.’ Sa gayon ay sinabi ng mga alagad sa kaniya: ‘Panginoon, kung namamahinga siya, siya ay gagaling.’ Gayunman, si Jesus ay nagsalita tungkol sa kaniyang kamatayan. Ngunit inakala nilang nagsasalita siya tungkol sa pamamahinga sa pagtulog. Kaya nga, nang pagkakataong iyon ay sinabi ni Jesus sa kanila nang tahasan: ‘Si Lazaro ay namatay.’” (Juan 11:11-14) Sa pamamagitan ng pagbuhay-muli kay Lazaro, ibinalik ni Jesus ang kaniyang buhay at nakasama niyang muli ang kaniyang pamilya. Isa ngang kamangha-manghang regalo ang ibinigay ni Jesus sa pamilyang iyon!
Ang pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus nang siya’y nasa lupa ay patikim lang ng gagawin niya sa hinaharap bilang Hari ng Kaharian ng Diyos.b Sa panahon ng pamamahala niya sa lupa, bubuhaying muli ni Jesus ang mga taong natutulog sa karaniwang libingan. Kaya sinabi niya: “Ako ang pagkabuhay-muli.” Isip-isipin ang kaligayahang madarama mo kapag nakita mong muli ang iyong mga mahal sa buhay! Isipin din ang kagalakan ng mga binuhay-muli sa panahong iyon!—Lucas 8:56.
Isip-isipin ang kaligayahang madarama mo kapag nakita mong muli ang iyong mga mahal sa buhay!
PANANAMPALATAYA SA BUHAY NA WALANG HANGGAN
Sinabi ni Jesus kay Marta: “Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay; at ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.” (Juan 11:25, 26) Ang mga bubuhaying muli ni Jesus sa loob ng kaniyang sanlibong-taóng paghahari ay magkakaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman—hangga’t nananampalataya sila sa kaniya.
“Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay.”—Juan 11:25
Pagkatapos banggitin ang tungkol sa pagkabuhay-muli, tinanong ni Jesus si Marta: “‘Pinaniniwalaan mo ba ito?’ Sinabi niya sa kaniya: ‘Oo, Panginoon; naniniwala ako na ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos.’” (Juan 11:26, 27) Gusto mo rin bang magkaroon ng matibay na pananampalataya sa pag-asa ng pagkabuhay-muli na gaya ng kay Marta? Ang unang hakbang ay kumuha ng kaalaman tungkol sa layunin ng Diyos para sa mga tao. (Juan 17:3; 1 Timoteo 2:4) Ang gayong kaalaman ay maaaring umakay sa pananampalataya. Bakit hindi hilingin sa mga Saksi ni Jehova na ipakita sa iyo kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa paksang ito? Matutuwa silang ipakipag-usap sa iyo ang kamangha-manghang pag-asa ng pagkabuhay-muli.
a Tingnan ang artikulong “Hindi Kamatayan ang Wakas ng Lahat!” sa pahina 6 ng isyung ito.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli sa hinaharap, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Makukuha rin sa www.jw.org/tl.