Si Jehova—Ating Pinakamatalik na Kaibigan
“Si Abraham . . . ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’”—SANT. 2:23.
1. Dahil nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos, anong mga kakayahan ang taglay natin?
MADALAS nating marinig, “Like father, like son.” Totoo, maraming anak ang halos kaparehung-kapareho ng kanilang mga magulang. Natural lang iyon dahil ang genes ng mga anak ay galing sa kanilang ama’t ina. Si Jehova, na Ama natin sa langit, ang Tagapagbigay ng buhay. (Awit 36:9) At bilang mga anak niya sa lupa, tayo ay may pagkakatulad sa kaniya. Dahil nilalang tayo ayon sa kaniyang larawan, may kakayahan tayong mangatuwiran, gumawa ng mga desisyon, at makipagkaibigan.—Gen. 1:26.
2. Paano naging posible na maging Kaibigan natin si Jehova?
2 Si Jehova ay puwede nating maging pinakamatalik na Kaibigan. Posible ang gayong pakikipagkaibigan dahil sa pag-ibig ng Diyos sa atin at sa pananampalataya natin sa kaniya at sa kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Maraming tao ang nagkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Talakayin natin ang dalawang halimbawa.
‘SI ABRAHAM NA AKING KAIBIGAN’
3, 4. Paano naiiba si Abraham sa kaniyang mga inapo pagdating sa pakikipagkaibigan kay Jehova?
3 Tinukoy ni Jehova ang patriyarka at ninuno ng mga Israelita na si Abraham bilang “aking kaibigan.” (Isa. 41:8) Paano naging malapít na kaibigan ni Abraham ang kaniyang Maylalang? Dahil sa kaniyang pananampalataya.—Gen. 15:6; basahin ang Santiago 2:21-23.
4 Ang mga inapo rin ni Abraham na bumubuo sa sinaunang bansang Israel ay nagkapribilehiyong maging Ama at Kaibigan si Jehova. Pero nakalulungkot, naiwala nila ang pakikipagkaibigan sa Diyos. Bakit? Dahil nawalan sila ng pananampalataya sa mga pangako ni Jehova.
5, 6. (a) Paano mo naging Kaibigan si Jehova? (b) Anong mga tanong ang makabubuting pag-isipan?
5 Habang mas nakikilala mo si Jehova, lalong tumitibay ang pananampalataya at pag-ibig mo sa kaniya. Alalahanin noong una mong nalaman na ang Diyos ay totoong Persona at na maaari kang magkaroon ng matalik na kaugnayan sa kaniya. Nalaman mo rin na lahat tayo ay ipinanganak na makasalanan dahil sa pagsuway ni Adan. Naunawaan mong sa pangkalahatan, ang mga tao ay hiwalay sa Diyos. (Col. 1:21) Pagkatapos, naging malinaw sa iyo na ang ating maibiging Ama sa langit ay madaling lapitan at nagmamalasakit sa atin. Nang malaman natin ang tungkol sa inilaan niyang haing pantubos sa pamamagitan ni Jesus at manampalataya tayo roon, nagsimula tayong makipagkaibigan sa Diyos.
6 Habang inaalaala ang mga iyon, makabubuting itanong sa sarili: ‘Lumalalim ba ang pakikipagkaibigan ko sa Diyos? Patuloy bang tumitibay ang pagtitiwala at pag-ibig ko sa aking mahal na Kaibigan, si Jehova?’ Ang isa pang nagkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova ay si Gideon. Tingnan natin kung ano ang ating matututuhan sa halimbawa niya.
“SI JEHOVA AY KAPAYAPAAN”
7-9. (a) Anong pambihirang pangyayari ang naranasan ni Gideon, at ano ang naging resulta? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.) (b) Paano natin mapatitibay ang pakikipagkaibigan kay Jehova?
7 Si Hukom Gideon ay naglingkod kay Jehova noong panahong nililigalig ng mga kaaway ang Israel matapos silang pumasok sa Lupang Pangako. Iniuulat ng Hukom kabanata 6 na dinalaw ng anghel ni Jehova si Gideon sa Opra. Nagbabanta noon sa Israel ang kalapít na mga Midianita. Kaya naman sa halip na sa bukid maggiik ng trigo, ginagawa iyon ni Gideon sa isang pisaan ng ubas para mabilis niyang maitago ang mga binutil. Nang biglang magpakita ang anghel at tawagin siyang “magiting at makapangyarihan,” itinanong ni Gideon kung talagang tutulungan sila ni Jehova, na nagligtas sa mga Israelita noon sa Ehipto. Bilang kinatawan ng Maylalang, tiniyak ng anghel kay Gideon na tutulungan siya ni Jehova.
8 Palaisipan kay Gideon kung paano niya ‘maililigtas ang Israel mula sa palad ng Midian.’ Pero tuwirang sinabi ni Jehova: “Sapagkat ako ay sasaiyo, at tiyak na pababagsakin mo ang Midian na parang iisang lalaki.” (Huk. 6:11-16) Malamang na iniisip pa rin ni Gideon kung paano iyon mangyayari kaya humingi siya ng tanda. Pansinin na sa pag-uusap na ito, totoong-totoo si Jehova kay Gideon.
9 Ang sumunod na nangyari ay nagpatibay sa pananampalataya ni Gideon, sa gayo’y lalo siyang naging malapít sa Diyos. Naghanda si Gideon ng pagkain at inihain ito sa anghel. Nang salingin ito ng anghel sa pamamagitan ng kaniyang baston at makahimala itong matupok ng apoy, naunawaan ni Gideon na ang anghel ay isinugo ni Jehova at natakot siya. Napabulalas si Gideon: “Ay, Soberanong Panginoong Jehova, sa dahilang nakita ko ang anghel ni Jehova nang mukhaan!” (Huk. 6:17-22) Nakasamâ ba sa kaugnayan ni Gideon sa Diyos ang pangyayaring ito? Hindi! Sa halip, nakadama siya ng mapayapang kaugnayan sa Diyos. Ipinahihiwatig iyan ng ipinangalan sa altar na itinayo ni Gideon sa lugar na iyon—“Jehova-shalom,” nangangahulugang “Si Jehova ay Kapayapaan.” (Basahin ang Hukom 6:23, 24.) Kung bubulay-bulayin natin ang mga ginagawa ni Jehova para sa atin araw-araw, makikita natin na isa siyang tunay na Kaibigan. Kapag regular tayong nananalangin sa Diyos, lalo tayong nakadarama ng kapayapaan at tumitibay ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya.
SINO ANG MAGIGING ‘PANAUHIN SA TOLDA NI JEHOVA’?
10. Ayon sa Awit 15:3, 5, ano ang mga hinihiling ni Jehova sa atin para maging kaibigan niya?
10 Gayunman, may mga kahilingan para maging Kaibigan natin si Jehova. Sa Awit 15, umawit si David tungkol sa mga hinihiling sa atin para maging ‘panauhin sa tolda ni Jehova,’ o kaibigan ng Diyos. (Awit 15:1) Talakayin natin ang dalawa sa mga iyon—iwasan ang paninirang-puri at maging tapat sa lahat ng bagay. Tungkol sa magiging panauhin sa tolda ni Jehova, sinabi ni David: “Hindi siya naninirang-puri sa pamamagitan ng kaniyang dila. . . . Hindi siya tumatanggap ng suhol laban sa walang-sala.”—Awit 15:3, 5.
11. Bakit dapat nating iwasan ang paninirang-puri?
11 Sa isa pang awit, nagbabala si David: “Ingatan mo ang iyong dila laban sa kasamaan.” (Awit 34:13) Kung hindi natin susundin ang kinasihang payong ito, makasisira ito sa kaugnayan natin sa ating Ama sa langit. Sa katunayan, ang paninirang-puri ay gawain ni Satanas, ang pangunahing kaaway ni Jehova. Ang salitang “Diyablo” ay mula sa salitang Griego na nangangahulugang “maninirang-puri.” Kung mag-iingat tayo sa sinasabi natin tungkol sa iba, mananatili tayong malapít kay Jehova. Lalo na tayong dapat maging maingat pagdating sa saloobin natin sa mga inatasang lalaki sa kongregasyon.—Basahin ang Hebreo 13:17; Judas 8.
12, 13. (a) Bakit dapat tayong maging tapat sa lahat ng bagay? (b) Kapag tapat tayo, ano ang maaaring maging resulta?
12 Ang mga lingkod ni Jehova ay kilaláng tapat at hindi mapagsamantala. Isinulat ni apostol Pablo: “Magpatuloy kayo sa pananalangin para sa amin, sapagkat nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Heb. 13:18) Dahil determinado tayong “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay,” iniiwasan nating maging mapagsamantala sa ating mga kapatid. Halimbawa, kung namamasukan sila sa atin, hindi natin sila inaagrabyado at sinusuwelduhan natin sila ayon sa napagkasunduan. Bilang mga Kristiyano, tapat tayo sa pakikitungo sa ating mga empleado at sa iba pa. Kung nagtatrabaho naman tayo sa isang kapatid, iniiwasan nating maging abusado at umasang bibigyan tayo ng espesyal na konsiderasyon.
13 Madalas mapuri ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang katapatan. Halimbawa, napansin ng direktor ng isang malaking kompanya na may isang salita ang mga Saksi ni Jehova. “Lagi kayong tumutupad sa kasunduan,” ang sabi niya. (Awit 15:4) Nakakatulong ang katapatan para mapanatili natin ang pakikipagkaibigan kay Jehova. Nagdudulot din ito ng papuri sa ating maibiging Ama sa langit.
TULUNGAN ANG IBA NA MAGING KAIBIGAN NI JEHOVA
14, 15. Sa ministeryo, paano natin matutulungan ang iba na maging kaibigan ni Jehova?
14 Marami tayong nakakausap sa ministeryo na naniniwala sa Diyos pero hindi siya itinuturing na matalik na Kaibigan. Paano natin sila matutulungan? Pansinin ang tagubilin ni Jesus sa kaniyang 70 alagad nang isugo niya sila nang dala-dalawa para mangaral: “Saanman kayo pumasok sa isang bahay ay sabihin muna, ‘Magkaroon nawa ng kapayapaan ang bahay na ito.’ At kung naroon ang isang kaibigan ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kaniya. Ngunit kung wala, babalik ito sa inyo.” (Luc. 10:5, 6) Maaakit natin ang mga tao sa katotohanan kung magiging palakaibigan tayo sa pakikipag-usap. Makakatulong din ito para mawala ang pagkainis ng mga sumasalansang at makinig sila sa ibang pagkakataon.
15 Kapag may nakakausap tayong mga panatiko sa kanilang relihiyon o di-makakasulatang mga tradisyon, sinisikap pa rin nating maging palakaibigan at mahinahon. Tinatanggap natin ang lahat sa ating mga pulong, lalo na ang mga taong dismayado sa mga nangyayari sa ngayon at gustong higit na makilala ang Diyos na sinasamba natin. Marami tayong mababasang ganitong karanasan sa mga artikulo ng seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay.”
PAGGAWANG KASAMA NG ATING PINAKAMATALIK NA KAIBIGAN
16. Sa anong diwa masasabing kapuwa kaibigan at “kamanggagawa” tayo ni Jehova?
16 Ang mga taong gumagawang magkasama ay madalas na nagiging matalik na magkaibigan. Lahat ng nakaalay kay Jehova ay may pribilehiyong maging kapuwa kaibigan at “kamanggagawa” niya. (Basahin ang 1 Corinto 3:9.) Oo, habang nakikibahagi tayo sa pangangaral at paggawa ng mga alagad, higit nating nakikilala ang ating kamangha-manghang Ama sa langit. Nakikita rin natin kung paano tayo tinutulungan ng kaniyang banal na espiritu para magampanan ang ating atas na mangaral.
17. Paano makikita sa inilalaang espirituwal na pagkain sa ating mga asamblea at kombensiyon na Kaibigan natin si Jehova?
17 Kapag madalas tayong nakikibahagi sa paggawa ng alagad, mas napapalapít tayo kay Jehova. Naoobserbahan natin kung paano binibigo ni Jehova ang mga mananalansang. Sa nakalipas na mga taon, hindi ba’t kitang-kita natin kung paano tayo ginagabayan ng Diyos? Namamangha tayo sa walang-patid na suplay ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain. Makikita sa programa ng ating mga kombensiyon at asamblea na alam ni Jehova ang ating mga pangangailangan at problema. Pagkatapos ng isang kombensiyon, isang pamilya ang sumulat: “Talagang tumagos sa puso namin ang programa. Nadama namin na mahal na mahal ni Jehova ang bawat isa sa atin at gusto niya tayong magtagumpay.” Matapos dumalo sa isang espesyal na kombensiyon sa Ireland, isang mag-asawa mula sa Germany ang nagpahayag ng pasasalamat sa mainit na pagtanggap at pag-aasikaso sa kanila. Sinabi rin nila: “Pero higit kaming nagpapasalamat kay Jehova at sa hinirang niyang Hari na si Jesu-Kristo. Inanyayahan nila kami na maging bahagi ng nagkakaisang bayang ito. Hindi lang natin bukambibig ang pagkakaisa, kundi araw-araw natin itong nararanasan. Ang mga karanasan namin sa espesyal na kombensiyon sa Dublin ay laging magpapaalaala sa amin na may napakaganda kaming pribilehiyo na maglingkod sa ating dakilang Diyos kasama ninyong lahat.”
NAG-UUSAP ANG MAGKAIBIGAN
18. Ano ang maaari nating itanong tungkol sa pakikipag-usap natin kay Jehova?
18 Nagiging mas malapít ang magkaibigan kapag lagi silang nag-uusap. Sa ngayon, usung-uso na ang pagte-text at social networking. Kumusta naman ang komunikasyon natin sa ating pinakamatalik na Kaibigan, si Jehova? Totoo, siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Pero gaano kadalas ba tayong nakikipag-usap sa kaniya?
19. Ano ang makakatulong kapag nahihirapan tayong sabihin sa ating Ama sa langit ang laman ng ating puso?
19 Ang ilang lingkod ng Diyos ay nahihirapang magsabi ng laman ng kanilang puso. Pero iyon ang gusto ni Jehova na gawin natin kapag nananalangin tayo. (Awit 119:145; Panag. 3:41) Kapag nahihirapan tayong sabihin ang nadarama natin, may makakatulong sa atin. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Ang suliranin ng kung ano ang dapat nating ipanalangin ayon sa ating pangangailangan ay hindi natin alam, ngunit ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin na may mga daing na di-mabigkas. Gayunma’y siya na sumasaliksik sa mga puso ay nakaaalam kung ano ang pakahulugan ng espiritu, sapagkat ito ay nakikiusap kaayon ng Diyos para sa mga banal.” (Roma 8:26, 27) Ang pagbubulay-bulay sa mga pananalita ng mga aklat ng Bibliya gaya ng Job, Awit, at Kawikaan ay makakatulong para masabi natin kay Jehova ang ating niloloob.
20, 21. Paano tayo mapatitibay ng pananalita ni Pablo sa Filipos 4:6, 7?
20 Kapag may mabibigat tayong problema, sundin natin ang kinasihang payo ni Pablo sa mga taga-Filipos: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” Sa gayong pakikipag-usap sa ating pinakamatalik na Kaibigan, gagaan ang ating loob at mapapanatag tayo, dahil sinabi pa ni Pablo: “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 4:6, 7) Lagi nawa nating pahalagahan ang walang-katulad na “kapayapaan ng Diyos,” na talagang nagbabantay sa ating puso at kakayahang pangkaisipan.
21 Nakakatulong ang panalangin para lumalim ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Kaya “manalangin [tayo] nang walang lubay.” (1 Tes. 5:17) Mapatibay nawa ng pag-aaral na ito ang ating napakahalagang kaugnayan sa Diyos at ang determinasyon nating sumunod sa kaniyang matuwid na mga kahilingan. At maglaan tayo ng panahon na bulay-bulayin ang mga pagpapalang tinatamasa natin dahil talagang si Jehova ang ating Ama, Diyos, at Kaibigan.