Interfaith—Ito ba ang Paraan ng Diyos?
“Pinagkakaisa ba tayo o pinagwawatak-watak ng relihiyon?” Iyan ang itinanong sa mga mambabasa ng The Sydney Morning Herald. Sa mga sumagot, inaakala ng karamihan—mga 89 na porsiyento—na pinagwawatak-watak tayo ng relihiyon.
IBA naman ang opinyon ng mga tagapagtaguyod ng interfaith. “May relihiyon bang hindi nagpapakita ng habag . . . , hindi nangangalaga sa kapaligiran . . . , hindi nagpapakita ng pagkamapagpatuloy?” ang tanong ni Eboo Patel, tagapagtatag ng Interfaith Youth Core.
Nagsanib-puwersa ang mga Budista, Katoliko, Protestante, Hindu, Muslim, at maraming iba pa upang labanan ang kahirapan, ikampanya ang mga karapatang pantao, ipagbawal ang mga nakatanim na bomba, o itawag-pansin ang mga isyu tungkol sa kapaligiran. Nagtipon ang iba’t ibang relihiyon upang pag-usapan kung paano sila magkakaunawaan at magpapatibayang-loob. Ipinagdiwang nila ang kanilang pagkakaiba-iba sa pamamagitan ng mga seremonya ng pagsisindi ng kandila, kapistahan, musika, panalangin, at iba pa.
Ang pagsasama-sama ba ng mga relihiyon ang paraan upang mawala ang alitan sa gitna nila? Ang interfaith ba ang paraan ng Diyos upang maging mas mabuti ang daigdig?
PAGKAKAISA—ANO ANG KABAYARAN?
Ipinagmamalaki ng isa sa pinakamalaking organisasyon ng interfaith na may mga miyembro ito mula sa mahigit 200 relihiyon at aktibo ito sa 76 na bansa. Ang layunin nito ay “isulong ang namamalagi at araw-araw na pagtutulungan ng iba’t ibang relihiyon.” Pero mas madaling sabihin iyan kaysa sa gawin. Halimbawa, ayon sa mga tagapag-organisa nito, maingat na pinili ang mga salita sa paggawa ng kanilang karta upang hindi makasakit sa maraming relihiyon na pipirma sa dokumento. Bakit? Ang isang dahilan ay ang di-pagkakasundo kung dapat bang isama sa karta ang tungkol sa Diyos. Sa dakong huli, iniwasan nila ang anumang pagtukoy o pagbanggit sa Diyos.
Kung hindi isasama ang Diyos, ano ang papel na ginagampanan ng pananampalataya? Isa pa, ano ang pagkakaiba ng kilusang interfaith sa mga organisasyong nagkakawanggawa? Kaya naman, inilalarawan ng nabanggit na lupong ito ng interfaith na hindi sila isang relihiyosong instrumento, kundi isang organisasyong nagsusulong ng pagtutulungan.
SAPAT NA BA ANG PAGTATAGUYOD LANG NG MABUTI?
“Ang lahat ng pangunahing tradisyon ng relihiyon ay may iisang mensahe: iyon ay pag-ibig, habag, at pagpapatawad,” ang sabi ng Dalai Lama ng mga Budista, kilaláng tagapagtaguyod ng interfaith. Sinabi pa niya: “Ang mahalaga, dapat maging bahagi ito ng ating buhay araw-araw.”
Totoo, napakahalaga ng mga katangiang gaya ng pag-ibig, habag, at pagpapatawad. Sa tinatawag na Gintong Aral, sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ngunit ang tunay na pananampalataya ba ay pagtataguyod lang ng mabuti?
Tungkol sa marami na nag-aangking naglilingkod sa Diyos noong panahon ni apostol Pablo, sinabi niya: “Nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” Ano ang problema? “Dahil sa hindi pagkaalam sa katuwiran ng Diyos,” sinabi ni Pablo na kanilang “pinagsisikapang itatag ang sa kanilang sarili.” (Roma 10:2, 3) Kulang sila sa tumpak na kaalaman sa kung ano ang nais ng Diyos na gawin nila, kaya ang kanilang sigasig—at pananampalataya—ay walang kabuluhan.—Mateo 7:21-23.
ANG SINASABI NG BIBLIYA TUNGKOL SA INTERFAITH
“Maligaya ang mga mapagpayapa,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:9) Namuhay si Jesus ayon sa kaniyang ipinangaral. Nagdala siya ng mensahe ng kapayapaan sa mga tao na may iba’t ibang relihiyon at itinuro niya sa kanila na huwag maging marahas. (Mateo 26:52) Ang mga tumugon ay nahikayat dahil sa matibay na buklod ng pag-ibig. (Colosas 3:14) Pero layunin ba ni Jesus na pagkaisahin lang ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan upang maging mapayapa sila? Nakisama ba siya sa kanilang paraan ng pagsamba?
Si Jesus ay mahigpit na sinalansang ng mga lider ng Pariseo at Saduceo—gusto pa nga nilang ipapatay siya. Ano ang reaksiyon niya? Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na tagaakay.” (Mateo 15:14) Hindi nakisama si Jesus sa kanilang paraan ng pagsamba.
Nang maglaon, isang kongregasyong Kristiyano ang naitatag sa Corinto, Gresya—isang lunsod na kilala sa napakaraming relihiyon. Paano dapat gumawi ang mga Kristiyano roon? Sinulatan sila ni Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” Bakit? Nangatuwiran siya: “Anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial [o, Satanas]? O anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-sumasampalataya?” Saka siya nagpayo: “Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo.”—2 Corinto 6:14, 15, 17.
Maliwanag, hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang interfaith. Pero baka maitanong mo, ‘Paano magkakaroon ng tunay na pagkakaisa?’
PAGTATATAG NG TUNAY NA PAGKAKAISA
Ang International Space Station—isang kamangha-manghang proyekto ng teknolohiya na umiikot sa lupa—ay resulta ng sama-samang pagsisikap ng mga 15 bansa. Mabubuo kaya ang proyektong ito kung ang mga bansang nakibahagi rito ay hindi nagkaisa sa kung ano ang gagamiting plano o blueprint?
Ganiyan ang kalagayan sa kilusan ngayon ng interfaith. Bagaman isinusulong nila ang pagtutulungan at paggalang, wala silang napagkasunduang plano para patibayin ang pananampalataya. Kaya nababahagi pa rin sila sa mga isyung moral at sa doktrina.
Ang Bibliya ay naglalaman ng mga pamantayan ng Diyos, gaya ng isang plano. Maaari nating hubugin ang ating buhay ayon sa sinasabi nito. Napagtagumpayan ng mga namumuhay ayon sa Bibliya ang mga pagtatangi dahil sa lahi at relihiyon. Natuto silang gumawang magkakasama nang payapa at nagkakaisa. Inihula ng Diyos: “Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” Ang pagkakaisa ay resulta ng “dalisay na wika,” ang pagsunod sa pamantayan ng Diyos sa pagsamba.—Zefanias 3:9; Isaias 2:2-4.
Malugod kang inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova na dumalo sa Kingdom Hall na malapit sa inyo para makita ang kapansin-pansing kapayapaan at pagkakaisa sa gitna nila.—Awit 133:1.