Pag-abot sa Puso ng mga Kamag-anak na Di-kapananampalataya
“UMUWI ka sa iyong mga kamag-anak, at iulat mo sa kanila ang lahat ng mga bagay na ginawa ni Jehova para sa iyo at ang awa na ipinakita niya sa iyo,” ang sabi ni Jesu-Kristo. Malamang na nasa Gadara siya noon, sa timog-silangan ng Dagat ng Galilea, at kausap ang isang lalaking gustong maging tagasunod niya. Makikita sa sinabi ni Jesus na nauunawaan niya ang isang likas na katangian ng tao—ang pagnanais na sabihin sa mga kamag-anak ang mga importanteng bagay.—Mar. 5:19.
Madalas din nating makita ngayon ang katangiang iyan, lalo na sa ibang mga kultura. Kaya naman kapag ang isang indibiduwal ay naging mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova, kalimitan ay gusto niyang sabihin sa kaniyang mga kamag-anak ang bago niyang mga paniniwala. Pero paano niya dapat gawin iyon? Paano niya maaabot ang puso ng kaniyang mga kamag-anak na iba ang relihiyon o hindi naniniwala sa Diyos? Ang Bibliya ay nagbibigay ng positibo at makatotohanang payo.
“NASUMPUNGAN NA NAMIN ANG MESIYAS”
Noong unang siglo, isa si Andres sa mga unang nakakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas. At kanino niya iyon agad sinabi? “Una ay nasumpungan ng isang ito [ni Andres] ang sarili niyang kapatid, si Simon, at sinabi sa kaniya: ‘Nasumpungan na namin ang Mesiyas’ (na kapag isinalin ay nangangahulugang Kristo).” Dinala ni Andres kay Jesus si Simon Pedro, at sa gayon ay nabigyan ito ng pagkakataong maging alagad ni Jesus.—Juan 1:35-42.
Makalipas ang mga anim na taon, noong si Pedro ay nasa Jope, inimbitahan siyang maglakbay pahilaga papuntang Cesarea para bumisita sa bahay ni Cornelio, isang opisyal ng hukbo. Sinu-sino ang dinatnan doon ni Pedro at ng mga kasama niya? “Sabihin pa, inaasahan sila ni Cornelio, at tinipon niya ang kaniyang mga kamag-anak at matatalik na kaibigan.” Sa ginawang iyon ni Cornelio, nabigyan niya ng pagkakataon ang kaniyang mga kamag-anak na mapakinggan si Pedro at magdesisyon batay sa narinig nila.—Gawa 10:22-33.
Ano ang matututuhan natin sa ginawa nina Andres at Cornelio para sa kanilang mga kamag-anak?
May ginawang pagsisikap sina Andres at Cornelio. Personal na ipinakilala ni Andres kay Jesus si Pedro. Isinaayos naman ni Cornelio na mapakinggan ng mga kamag-anak niya si Pedro. Pero hindi nila pinilit ang kanilang mga kamag-anak ni minaniobra man ang mga bagay-bagay para maging tagasunod ni Kristo ang mga ito. May nakikita ka bang aral dito? Makakatulong kung tutularan natin sila. Baka nasasabi naman natin sa ating mga kamag-anak ang mga katotohanan sa Bibliya at naipapakilala natin sila sa ating mga kapananampalataya. Gayunman, iginagalang natin ang kanilang kalayaang magpasiya at hindi natin sila pinipilit. Bilang halimbawa kung paano matutulungan ang ating mga kamag-anak, isaalang-alang ang karanasan nina Jürgen at Petra, mag-asawang taga-Germany.
Nakipag-aral ng Bibliya si Petra sa mga Saksi ni Jehova at nabautismuhan. Ang mister niyang si Jürgen ay opisyal sa militar. Noong una, hindi ikinatuwa ni Jürgen ang naging desisyon ng kaniyang misis. Pero nang bandang huli, nakita niyang ang mga Saksi ay nagtuturo ng katotohanan mula sa Bibliya. Inialay rin niya ang kaniyang buhay kay Jehova, at isa na siyang elder ngayon. Ano ang maipapayo niya tungkol sa pag-abot sa puso ng isang kamag-anak na iba ang mga paniniwala?
Sinabi ni Jürgen: “Hindi natin dapat pilitin ang ating mga kamag-anak at paulanan sila ng mga impormasyon mula sa Bibliya. Baka lalo lang silang tumanggi. Mas makabubuti kung mataktika natin silang patototohanan nang paunti-unti. Makakatulong din kung ipapakilala natin sila sa mga kapatid na kaedad nila at kapareho nila ang interes. Sa ganitong paraan, baka makuha natin ang loob nila.”
Si apostol Pedro at ang mga kamag-anak ni Cornelio ay tumugon agad sa mensahe ng Bibliya. Pero ang ibang napangaralan noong unang siglo ay nangailangan ng mahaba-habang panahon bago nakapagpasiya.
KUMUSTA ANG MGA KAPATID NI JESUS?
May ilang kamag-anak si Jesus na nanampalataya sa kaniya noong panahong nangangaral siya. Halimbawa, posibleng pinsan niya ang mga apostol na sina Santiago at Juan at tiyahin niya ang kanilang inang si Salome. Maaaring isa si Salome sa “marami pang ibang babae na naglilingkod sa kanila [kay Jesus at sa mga apostol] mula sa kanilang mga tinatangkilik.”—Luc. 8:1-3.
Pero may mga kapamilya si Jesus na hindi agad nanampalataya. Halimbawa, mahigit isang taon matapos mabautismuhan si Jesus, may mga pulutong na nagtipon sa isang bahay para makinig sa kaniya. “Ngunit nang marinig ng kaniyang mga kamag-anak ang tungkol dito, lumabas sila upang pigilan siya, sapagkat sinabi nila: ‘Nasisiraan na siya ng kaniyang isip.’ ” Noong minsan namang alamin ng kaniyang mga kapatid sa ina ang mga plano niya sa paglalakbay, hindi niya sila tuwirang sinagot. Bakit? Dahil “ang kaniyang mga kapatid, sa katunayan, ay hindi nananampalataya sa kaniya.”—Mar. 3:21; Juan 7:5.
Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga kamag-anak? Hindi siya nagalit nang sabihin ng ilan sa kanila na nasisiraan siya ng bait. Maging noong patayin siya at buhaying muli, pinatibay ni Jesus ang kaniyang mga kamag-anak nang magpakita siya sa kaniyang kapatid sa ina na si Santiago. Lumilitaw na nakatulong ito para makumbinsi si Santiago, pati ang iba pang mga kapatid ni Jesus sa ina, na talagang Siya ang Mesiyas. Kaya naman kasama sila noon ng mga apostol at ng iba pa sa isang silid sa itaas sa Jerusalem at maliwanag na tumanggap din ng banal na espiritu. Nang maglaon, si Santiago at si Judas, na kapatid din ni Jesus sa ina, ay nagkaroon ng mahahalagang pribilehiyo.—Gawa 1:12-14; 2:1-4; 1 Cor. 15:7.
KAILANGAN NG ILAN ANG MAHABANG PANAHON
May mga kamag-anak din tayo ngayon na nangangailangan ng mahaba-habang panahon bago tumanggap ng katotohanan. Halimbawa, si Roswitha ay aktibong Romano Katoliko nang mabautismuhan ang mister niya noong 1978 bilang Saksi ni Jehova. Dahil dito, sinalansang ni Roswitha ang mister niya. Pero sa paglipas ng panahon, unti-unti siyang tumigil sa pagsalansang at nakita niyang ang mga Saksi ay nagtuturo ng katotohanan. Noong 2003, nabautismuhan siya. Bakit siya nagbago? Sa halip na mainis sa pananalansang, hinayaan ng mister ni Roswitha na magkaroon siya ng mga pagkakataong magbago ng pananaw. Ano ang maipapayo ni Roswitha? “Malaki ang magagawa ng pagtitiis, pagtitiis, at higit pang pagtitiis.”
Si Monika ay nabautismuhan noong 1974, at naging Saksi ang dalawa niyang anak na lalaki makalipas ang mga sampung taon. Hindi naman sila sinalansang ng mister niyang si Hans, pero noong 2006 lang siya nabautismuhan. Batay sa karanasan nila, ano ang maipapayo ng pamilyang ito? “Manatiling tapat kay Jehova, at huwag ikompromiso ang pananampalataya.” Siyempre, mahalagang maipadama nila noon kay Hans na hindi nagbabago ang pagmamahal nila sa kaniya. At patuloy silang umasa na magiging lingkod din siya ni Jehova.
NAPAGINHAWA NG TUBIG NG KATOTOHANAN
Inilarawan ni Jesus ang mensahe ng katotohanan bilang tubig na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. (Juan 4:13, 14) Gusto nating maginhawahan ang ating mga kamag-anak sa pag-inom ng malamig at malinaw na tubig ng katotohanan. Tiyak na hindi natin sila gustong malunod dahil napakaraming tubig ang pilit nating ipinaiinom sa kanila agad-agad. Depende sa kung paano natin ipinaliliwanag sa kanila ang ating mga paniniwala, puwede silang maginhawahan o malunod. Sinasabi ng Bibliya na “ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot” at na “pinangyayari ng puso ng marunong na ang kaniyang bibig ay magpakita ng kaunawaan, at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ito ng panghikayat.” Paano natin maikakapit ang payong ito?—Kaw. 15:28; 16:23.
Baka gustong ipaliwanag ng asawang babae sa mister niya ang kaniyang paniniwala. Kung ‘magbubulay-bulay siya upang makasagot,’ pag-iisipan muna niya ang kaniyang sasabihin at hindi magsasalita nang padalus-dalos. Hindi siya dapat magbigay ng impresyon na siya ang tama o mas magaling. Kung pag-iisipan niyang mabuti ang kaniyang sasabihin, makagiginhawa iyon at magdudulot ng kapayapaan. Kailan ba relaks at madaling kausapin ang mister niya? Ano ba ang mga gusto nitong pag-usapan o basahin? Interesado ba ito sa siyensiya, pulitika, o isport? Ano ang maaari niyang gawin para maging interesado ito sa Bibliya samantalang iginagalang pa rin ang damdamin at opinyon nito? Makakatulong ang ganitong pag-iisip para makapagsalita siya at makakilos nang may kaunawaan.
Para maabot ang puso ng ating di-Saksing mga kapamilya, hindi sapat na ipaliwanag natin nang paunti-unti ang ating mga paniniwala. Ang ating sinasabi ay dapat na may kasamang mabuting paggawi.
MAINAM NA PAGGAWI
“Ikapit ang mga simulain sa Bibliya araw-araw. Napakaepektibo nito para magkainteres sa katotohanan ang ating kamag-anak, hindi man niya ito aminin,” ang paliwanag ni Jürgen, na binanggit na. Sang-ayon dito si Hans, na nabautismuhan makalipas ang halos 30 taon mula nang mabautismuhan ang misis niya. “Mahalaga ang mainam na Kristiyanong paggawi para makita ng kamag-anak natin ang positibong epekto ng katotohanan sa ating buhay.” Dapat makita ng ating mga kamag-anak na naiiba man tayo dahil sa ating paniniwala, nakakabuti iyon at hindi nakakasama.
Nagbigay si apostol Pedro ng mahalagang payo sa mga babae na may asawang di-kapananampalataya: “Magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang. At ang inyong kagayakan ay huwag yaong panlabas na pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”—1 Ped. 3:1-4.
Ayon kay Pedro, ang asawang lalaki ay maaaring mahikayat dahil sa mainam na paggawi ng kaniyang asawa. Alam ni Christa ang simulaing iyan sa Bibliya, kaya naman mula nang mabautismuhan siya noong 1972, sinisikap na niyang abutin ang puso ng mister niya sa pamamagitan ng kaniyang paggawi. Dati nang nakipag-aral sa mga Saksi ang mister niya, pero hindi pa nito sineseryoso ang katotohanan. Nakadalo na ito sa ilang Kristiyanong pagpupulong at nakakahalubilo ng mga kapatid sa kongregasyon. Iginagalang naman nila ang karapatan nitong magpasiya. Paano sinisikap ni Christa na abutin ang puso ng mister niya?
“Determinado akong manatili sa landas ni Jehova. Kasabay nito, sinisikap kong mawagi ang mister ko ‘nang walang salita’ sa pamamagitan ng mabuting paggawi. Kung wala namang nalalabag na simulain ng Bibliya, sinusunod ko ang gusto niya. At siyempre, nirerespeto ko ang kalayaan niyang magpasiya at bahala na si Jehova.”
Makikita sa karanasan ni Christa na mahalaga ang pakikibagay. Mayroon siyang espirituwal na rutina, kasali na rito ang regular na pagdalo sa pulong at masigasig na pakikibahagi sa ministeryo. Pero maunawain din siya, at alam niyang may karapatan ang mister niya sa kaniyang pagmamahal, panahon, at atensiyon. Sa sinumang may di-sumasampalatayang kapamilya, isang katalinuhan na makibagay at maging maunawain. “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon,” ang paliwanag ng Bibliya. Kasama rito ang panahon para sa pamilya, lalo na sa asawang di-kapananampalataya. Mahalaga ito sa komunikasyon. Batay sa karanasan, ang magandang komunikasyon ay nakakatulong para hindi makadama ng kalungkutan o selos ang mga kapamilyang di-sumasampalataya.—Ecles. 3:1.
HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA
“Mahalagang ipakita sa kapamilya ang pagmamahal natin sa kaniya at ipanalangin natin siya,” ang sabi ni Holger, na ang ama ay nabautismuhan 20 taon pa mula nang mabautismuhan ang ibang miyembro ng kanilang pamilya. Sinabi naman ni Christa na ‘patuloy siyang aasa na balang-araw ang mister niya ay maglilingkod kay Jehova at tatanggap ng katotohanan.’ Pagdating sa ating mga kamag-anak na di-kapananampalataya, dapat na lagi tayong positibo at punô ng pag-asa.
Tunguhin nating mapanatiling matibay ang relasyon natin sa ating mga kapamilya at kamag-anak, mabigyan sila ng pagkakataong malaman ang katotohanan, at maantig ng mensahe ng Bibliya. At sa lahat ng bagay, dapat tayong gumawi nang may “mahinahong kalooban at matinding paggalang.”—1 Ped. 3:15.