‘Bumalik Ka at Palakasin ang Iyong mga Kapatid’
GAYON na lang ang pagtangis ni Pedro matapos niyang itatwa si Jesus. Bagaman kakailanganin niyang magsikap para manumbalik ang kaniyang sigla sa espirituwal, gusto siyang gamitin ni Jesus para tulungan ang iba. Sinabi noon ni Jesus sa kaniya: “Kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Luc. 22:32, 54-62) Nang maglaon, si Pedro ay naging isa sa mga haligi ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano. (Gal. 2:9) Katulad niya, ang isang brother na dating elder ay maaaring makabalik sa pribilehiyo at magalak sa pagpapatibay sa mga kapananampalataya.
May ilan na naalis sa paglilingkod bilang tagapangasiwa, kaya pakiramdam nila ay bigo sila. Si Julio,a na naglingkod nang mahigit 20 taon bilang elder sa South America, ay nagsabi: “Malaking bahagi ng buhay ko noon ang paghahanda ng mga pahayag, pagdalaw sa mga kapatid, at pagpapastol sa mga miyembro ng kongregasyon. Kaya nang biglang mawala ang lahat ng iyon, pakiramdam ko napakalaki ng kulang sa buhay ko. Napakasakit no’n!” Sa ngayon, naglilingkod na uli si Julio bilang elder.
“ITURING NINYONG BUONG KAGALAKAN”
Sumulat ang alagad na si Santiago: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag napaharap kayo sa iba’t ibang pagsubok.” (Sant. 1:2) Ang tinutukoy ni Santiago ay mga pagsubok na resulta ng pag-uusig at ng ating di-kasakdalan. Binanggit niya ang makasariling pagnanasa, paboritismo, at iba pa. (Sant. 1:14; 2:1; 4:1, 2, 11) Maaaring masakit kapag dinisiplina tayo ni Jehova. (Heb. 12:11) Pero hindi iyon dapat mag-alis ng kagalakan natin.
Kahit na naalis tayo sa pribilehiyo sa kongregasyon, may pagkakataon pa rin tayong suriin ang ating pananampalataya at ipakita ang ating pag-ibig kay Jehova. Maaari din nating bulay-bulayin ang motibo natin noon sa paglilingkod. Para ba iyon sa sariling kapakinabangan, o napakilos tayong umabot ng gayong pribilehiyo dahil mahal natin ang Diyos at naniniwala tayo na ang kongregasyon ay pag-aari niya at dapat pangalagaan? (Gawa 20:28-30) Kapag ang mga dating elder ay patuloy na naglilingkod nang may kagalakan, pinatutunayan nila sa lahat, pati na kay Satanas, na talagang mahal nila si Jehova.
Nang si Haring David ay madisiplina dahil sa malubhang pagkakasala, tinanggap niya ang pagsaway at pinatawad siya. Umawit si David: “Maligaya siya na ang kaniyang pagsalansang ay pinagpapaumanhinan, na ang kaniyang kasalanan ay tinatakpan. Maligaya ang tao na sa kaniya ay hindi nagpapataw ng kamalian si Jehova, at sa kaniyang espiritu ay walang panlilinlang.” (Awit 32:1, 2) Nakatulong kay David ang disiplina para madalisay siya at maging mas mabuting pastol ng bayan ng Diyos.
Kadalasan, ang mga brother na nakakabalik sa pribilehiyo ay nagiging mas mabubuting pastol kaysa dati. “Mas alam ko na ngayon kung paano tutulungan ang mga nagkakamali,” ang sabi ng isang elder. Sinabi naman ng isa pa: “Lalo kong napahalagahan ngayon ang pribilehiyong maglingkod sa mga kapatid.”
PUWEDE KA BANG BUMALIK?
Si Jehova ay “hindi . . . habang panahong maghahanap ng kamalian,” ang sabi ng salmista. (Awit 103:9) Kaya hindi natin dapat isipin na hindi na muling magtitiwala ang Diyos sa isa na nakagawa ng malubhang pagkakamali. “Dismayadong-dismayado ako noon sa sarili ko,” ang sabi ni Ricardo, na naalis sa pagkaelder matapos maglingkod nang maraming taon. “Matagal akong walang kumpiyansang bumalik sa paglilingkod bilang tagapangasiwa. Pakiramdam ko hindi na ako karapat-dapat. Pero nasisiyahan ako sa pagtulong sa iba, kaya nagko-conduct ako ng mga Bible study, nagpapatibay ng mga kapatid sa Kingdom Hall, at naglilingkod sa larangan kasama nila. Nakatulong iyon sa akin para bumalik ang kumpiyansa ko. Ngayon, naglilingkod na uli ako bilang elder.”
Kapag ang isang brother ay nagtatanim ng sama ng loob, makakahadlang iyon sa pagbalik niya sa pribilehiyo. Di-hamak na mas mabuting tularan si David, na napilitang tumakas sa naiinggit na si Haring Saul. Hindi naghiganti si David kay Saul, kahit noong may pagkakataon siyang gawin iyon. (1 Sam. 24:4-7; 26:8-12) Nang mamatay si Saul sa labanan, nagdalamhati si David. Tinukoy pa nga niya si Saul at ang anak nitong si Jonatan bilang mga indibiduwal na ‘kaibig-ibig at kaiga-igaya.’ (2 Sam. 1:21-23) Hindi nagtanim ng sama ng loob si David.
Kung pakiramdam mo ay biktima ka ng di-pagkakaunawaan o kawalang-katarungan, huwag kang magpadaig sa hinanakit. Halimbawa, nang maalis si William sa pribilehiyo matapos maglingkod nang mga 30 taon bilang elder sa Britain, sumamâ ang loob niya sa ilan sa mga elder. Ano ang nakatulong kay William para makabangon? “Napatibay ako sa pagbabasa ng aklat ng Job,” ang sabi niya. “Kung natulungan ni Jehova si Job na makipagpayapaan sa kaniyang tatlong kasamahan, tiyak na matutulungan din Niya akong makipagpayapaan sa mga elder sa kongregasyon!”—Job 42:7-9.
PINAGPAPALA NG DIYOS ANG MGA MULING NAKAPAGLILINGKOD BILANG ELDER
Kung nag-step down ka sa pagiging pastol ng kawan ng Diyos, makabubuting pag-isipan kung bakit mo ginawa iyon. Masyado ka bang naapektuhan ng mga personal na problema? May mga bagay bang naging mas mahalaga sa buhay mo? Nasiraan ka ba ng loob dahil sa di-kasakdalan ng iba? Anuman ang nangyari, tandaan na mas malaki ang naitutulong mo sa mga kapatid noong naglilingkod ka bilang elder. Napatibay sila ng mga pahayag mo at ng iyong halimbawa, at natulungan sila ng mga pagdalaw mo para mapagtiisan ang mga pagsubok. Ang gawain mo noon bilang tapat na elder ay nagpasaya kay Jehova, pati sa iyo.—Kaw. 27:11.
Tinutulungan ni Jehova ang mga brother na muling magalak at naising maglingkod bilang tagapangasiwa sa kongregasyon. Kung nag-step down ka o naalis sa pagkaelder, puwede kang muling ‘umabot sa katungkulan ng tagapangasiwa.’ (1 Tim. 3:1) ‘Hindi tumigil si Pablo sa pananalangin’ na ang mga Kristiyanong taga-Colosas ay mapuspos ng tumpak na kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos “sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Col. 1:9, 10) Kung magkapribilehiyo kang maglingkod uli bilang elder, umasa kay Jehova na bigyan ka ng lakas, tulungan kang magtiis, at magkaroon ng kagalakan. Sa mga huling araw na ito, kailangan ng bayan ng Diyos ang suporta ng maibiging mga pastol. Kung nasa kalagayan ka, handa ka bang palakasin ang iyong mga kapatid?
a Binago ang ilang pangalan.