Mga Magulang—Pastulan ang Inyong mga Anak
“Dapat mo ngang alamin ang kaanyuan ng iyong kawan.”—KAW. 27:23.
1, 2. (a) Ano ang ilang pananagutan ng isang pastol sa sinaunang Israel? (b) Bakit parang mga pastol din ang mga magulang?
NAPAKAHIRAP ng trabaho ng mga pastol sa sinaunang Israel. Bukod sa matinding init o lamig na kailangan nilang tiisin, kailangan din nilang protektahan ang kanilang kawan laban sa panganib mula sa mga tao at hayop. Regular na sinusuri ng mga pastol ang mga tupa at inaasikaso ang mga nagkasakit o nasugatan. Partikular nilang binibigyang-pansin ang maliliit na tupa dahil ang mga ito ay mahihina pa at hindi kasinlakas ng mga adultong tupa.—Gen. 33:13.
2 Ang mga Kristiyanong magulang ay parang mga pastol din. Pananagutan nilang palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Madaling trabaho ba iyon? Hindi! Ang mga kabataan ay puntirya ng mga propaganda ni Satanas at may mga kahinaan. (2 Tim. 2:22; 1 Juan 2:16) Kung may mga anak ka, paano mo sila matutulungan? Talakayin natin ang tatlong bagay na magagawa mo bilang pastol ng iyong mga anak—kilalanin sila, pakainin sila, at gabayan sila.
KILALANIN ANG IYONG MGA ANAK
3. Bilang mga magulang, ano ang ibig sabihin ng ‘pag-alam sa kaanyuan’ ng inyong mga anak?
3 Maingat na sinusuri ng isang mabuting pastol ang bawat tupa para matiyak na malusog ito. Parang ganiyan din ang ginagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sinasabi ng Bibliya: “Dapat mo ngang alamin ang kaanyuan ng iyong kawan.” (Kaw. 27:23) Para magawa iyan, kailangan mong bigyang-pansin ang kanilang mga ikinikilos, iniisip, at nadarama. Paano? Malaking tulong ang madalas na pakikipag-usap sa iyong mga anak.
4, 5. (a) Anong praktikal na mga mungkahi ang makakatulong upang ang mga anak ay magsabi ng kanilang niloloob? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang ginagawa mo para makipag-usap sa iyo ang mga anak mo?
4 Napansin ng ilang magulang na mas malaking hamon ang pakikipag-usap sa kanilang mga anak kapag tin-edyer na ang mga ito. Baka may tendensiya silang manahimik at maasiwang sabihin ang kanilang iniisip at nadarama. Kung ganiyan ang mga anak mo, ano ang puwede mong gawin? Sa halip na paupuin ang iyong anak para sa isang mahaba at seryosong pag-uusap, kausapin siya sa di-pormal na mga pagkakataon. (Deut. 6:6, 7) Baka kailangan mo ng karagdagang pagsisikap para magkaroon kayo ng pagkakataong magkasama. Puwede kayong maglaro, maglakad-lakad, o gumawa ng gawaing-bahay nang magkasama. Sa gayong mga sitwasyon, ang mga kabataan ay maaaring mas relaks at mas handang magsabi ng kanilang niloloob.
5 Pero paano kung parang ayaw pa ring makipag-usap ng anak mo? Subukan mo naman ang ibang paraan. Halimbawa, sa halip na tanungin siya kung ano ang nangyari sa kaniya sa maghapon, ikaw ang magkuwento ng mga ginawa mo. Baka magkuwento rin siya ng mga ginawa niya. O kung gusto mong malaman ang iniisip ng anak mo tungkol sa isang bagay, magtanong nang hindi direktang patungkol sa kaniya. Puwede mong itanong kung ano ang masasabi ng kaibigan niya tungkol doon. Saka mo itanong kung ano ang maipapayo niya sa kaniyang kaibigan.
6. Ano ang ibig sabihin ng pagiging available at madaling lapitan?
6 Siyempre, para makipag-usap sa iyo ang mga anak mo, kailangang makita nila na available ka at madaling lapitan. Kapag ang mga magulang ay parang laging busy para makipag-usap, malamang na sarilinin na lang ng mga kabataan ang kanilang problema. Ano naman ang ibig sabihin ng pagiging madaling lapitan? Higit pa iyan sa pagsasabing “Puwede mo akong lapitan kahit anong oras.” Kailangang madama ng mga anak mo na hindi mo babale-walain ang kanilang problema o hindi ka sobrang magre-react. Maraming magulang ang mabuting halimbawa sa bagay na ito. Sinabi ng 19-anyos na si Kayla: “Nasasabi ko’ng lahat kay Daddy. Hindi siya sumasabad, at hindi siya nanghuhusga; nakikinig lang siya. Pagkatapos, binibigyan niya ako ng magagandang payo.”
7. (a) Paano magiging balanse ang mga magulang sa pakikipag-usap tungkol sa mga paksang gaya ng pakikipag-date? (b) Paanong sa di-sinasadya ay inisin ng mga magulang ang kanilang mga anak?
7 Kahit mga bagay na maselan ang pag-uusapan—gaya ng pakikipag-date—iwasang puro babala na lang ang sabihin dahil baka hindi mo na maituro sa iyong mga anak kung ano ang tamang gawin. Bilang ilustrasyon: Ipaghalimbawang pumasok ka sa isang restawran at ang nakita mo sa menu ay puro babala tungkol sa lason sa mga pagkain doon. Malamang na umalis ka at humanap ng ibang makakainan. Maaaring ganoon din ang maging reaksiyon ng mga anak mo kung paglapit nila sa iyo ay makita nilang puro mahihigpit na babala ang nasa “menu.” (Basahin ang Colosas 3:21.) Kaya sikaping maging balanse. Sinabi ng kabataang sister na si Emily: “Kapag kinakausap ako ng mga magulang ko tungkol sa pakikipag-date, hindi sila negatibo. Sinasabi nila na masayang makilala ang isang tao at makahanap ng mapapangasawa. Nakatulong iyon para hindi ako mailang na makipag-usap sa kanila tungkol doon. Kaya naman pagdating sa pakikipag-boyfriend, open ako sa kanila.”
8, 9. (a) Bakit mas mabuting makinig nang hindi sumasabad? (b) Ano ang naging magandang resulta ng pakikinig mo sa iyong mga anak?
8 Kaayon ng sinabi ni Kayla, maipakikita mong madali kang lapitan kung matiyaga kang makinig sa iyong mga anak. (Basahin ang Santiago 1:19.) Inamin ng nagsosolong ina na si Katia: “Dati, madali akong makunsumi sa anak ko. Hindi ko siya pinapatapos sa sinasabi niya. Minsan kasi, pagód na pagód na ako para makinig o ayoko lang talagang maistorbo. Ngayong nagbago na ako, nagbago rin ang anak ko. Mas nagsasabi na siya ngayon ng niloloob niya.”
9 Ganiyan din ang naging karanasan ni Ronald, na may anak na tin-edyer na babae. “Nang sabihin niya sa akin na in love daw siya sa isang kabataang lalaki sa paaralan, ang una kong reaksiyon ay magalit,” ang sabi niya. “Pero nang maalala ko na si Jehova ay matiisin at makatuwiran sa pakikitungo sa kaniyang mga lingkod, naisip ko na mas mabuti kung hahayaan ko muna ang anak ko na sabihin ang kaniyang nadarama bago ako magpayo. Buti na lang gan’on ang ginawa ko! Noon ko lang naintindihan ang damdamin ng anak ko. Nang matapos siyang magsalita, mas madali na sa akin na kausapin siya sa maibiging paraan. Nakakatuwa naman, kasi nakinig siyang mabuti sa payo ko. Sinabi niyang gusto talaga niyang magbago.” Kapag madalas mong kinakausap ang iyong mga anak, mas malalaman mo ang kanilang mga iniisip at nadarama. Bilang resulta, mas matutulungan mo sila sa paggawa ng mga desisyon.a
PAKAININ ANG IYONG MGA ANAK
10, 11. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak para hindi sila mapalayo?
10 Alam ng isang mabuting pastol na puwedeng mapalayo sa kawan ang isang tupa. Baka manginain ito ng damo sa di-kalayuan, at habang tumatagal ay palayo na ito nang palayo hanggang sa mahiwalay sa kawan. Sa katulad na paraan, ang isang kabataan ay maaaring unti-unting mapalayo at manganib sa espirituwal. Baka maakit siya ng masasamang kasama o libangan. (Kaw. 13:20) Paano mo siya matutulungang umiwas sa gayong panganib?
11 Sa pagtuturo sa iyong mga anak, kumilos agad kung may makita kang posibleng maging kahinaan niya. Tulungan silang mapasulong pa ang mga katangiang Kristiyano na mayroon sila. (2 Ped. 1:5-8) Magagawa mo iyan sa inyong regular na pampamilyang pagsamba. Tungkol sa kaayusang ito, sinabi ng Ministeryo sa Kaharian ng Oktubre 2008: “Pinasisigla ang mga ulo ng pamilya na gampanan ang kanilang pananagutan kay Jehova na tiyaking nasusunod ng kanilang pamilya ang isang makabuluhan at regular na programa ng pampamilyang pag-aaral sa Bibliya.” Sinasamantala mo ba ang maibiging kaayusang ito para pastulan ang iyong mga anak? Tiyak na pahahalagahan ng iyong mga anak ang pagbibigay mo ng priyoridad sa kanilang espirituwal na pangangailangan.—Mat. 5:3; Fil. 1:10.
12. (a) Paano nakikinabang sa regular na pampamilyang pagsamba ang mga kabataan? (Ilakip ang kahong “Nagpapasalamat Sila.”) (b) Paano ka personal na nakikinabang sa pampamilyang pagsamba?
12 Ikinuwento ng tin-edyer na si Carissa kung paano nakinabang ang kanilang pamilya sa pampamilyang pagsamba. “Natutuwa ako kapag sama-sama kaming nakaupo at nag-uusap. May pagkakataon kaming mag-bonding at maging masaya. Hindi pumapalya si Daddy sa aming sesyon ng Pampamilyang Pagsamba. Sineseryoso niya ito kaya naman sineseryoso ko rin. At mas natutuhan kong igalang siya bilang ama at Kristiyanong ulo ng aming pamilya.” Sinabi naman ng kabataang si Brittney: “Naging mas malapít ako sa mga magulang ko dahil sa pampamilyang pagsamba. Interesado silang pakinggan ang mga problema ko at talagang nagmamalasakit sila. Nakakatulong iyon para magkaisa ang pamilya namin at tumibay ang aming samahan.” Maliwanag, ang pagpapakain sa iyong mga anak sa espirituwal—lalo na sa pamamagitan ng pampamilyang pagsamba—ay isang mahalagang paraan para maging mabuting pastol ka.b
GABAYAN ANG IYONG MGA ANAK
13. Paano mapapasigla ang isang kabataan na paglingkuran si Jehova?
13 Ang isang mabuting pastol ay gumagamit ng baston para akayin at protektahan ang kaniyang mga tupa. Ang isang pangunahing tunguhin niya ay akayin sila sa “mabuting pastulan.” (Ezek. 34:13, 14) Bilang magulang, hindi ba’t ganoon din ang tunguhin mo? Gusto mong gabayan ang iyong mga anak para maglingkod sila kay Jehova. Gusto mong madama nila ang gaya ng sinabi ng salmista: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8) Kapag nagkaroon ng gayong pagpapahalaga ang mga kabataan, mag-aalay sila ng kanilang buhay kay Jehova at magpapabautismo. Siyempre, dapat na sarili nilang pasiya iyon at udyok ng taimtim na pagnanais na paglingkuran si Jehova.
14, 15. (a) Ano ang dapat na maging tunguhin ng mga magulang na Kristiyano? (b) Ano ang maaaring dahilan ng pag-aalinlangan ng isang kabataan tungkol sa tunay na pagsamba?
14 Pero paano kung parang hindi sumusulong sa espirituwal ang iyong mga anak—at baka kinukuwestiyon pa nga ang kanilang mga paniniwala? Turuan silang mahalin si Jehova at pahalagahan ang lahat ng kaniyang ginawa para sa atin. (Apoc. 4:11) Pagkatapos, kapag handa na sila, makagagawa sila ng personal na desisyong sambahin ang Diyos.
15 Samantala, paano kung may mga alinlangan ang iyong mga anak? Paano mo sila mapapastulan at matutulungang makita na ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay at magbibigay sa kanila ng tunay na kaligayahan? Sikaping alamin ang tunay na dahilan kung bakit sila nag-aalinlangan. Halimbawa, talaga bang hindi naniniwala ang iyong anak sa mga turo ng Bibliya, o wala lang siyang kumpiyansang ipagtanggol ang mga iyon sa ibang kabataan? Talaga bang hindi kumbinsido ang anak mo na isang katalinuhan ang pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos, o pakiramdam niya’y nag-iisa siya at walang gustong makipagkaibigan sa kaniya?
16, 17. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova?
16 Matutulungan mo ang iyong anak na makita ang tunay na dahilan kung bakit siya nag-aalinlangan. Paano? Ang isang mungkahi na napatunayan ng maraming magulang na epektibo ay ang pagtatanong sa kanilang anak: “Ano ang nadarama mo tungkol sa pagiging Kristiyano? Ano sa palagay mo ang mga pakinabang nito? Ano ang mga hamon? Mas marami ba ang hamon kung ikukumpara sa mga pakinabang ngayon at sa hinaharap? Bakit mo nasabi iyan?” Siyempre, dapat mong itanong ang mga iyan sa sarili mong pananalita at sa mabait at mapagmalasakit na paraan. Iwasang magtunog na parang imbestigador. Puwede ninyong pag-usapan ang Marcos 10:29, 30. Baka gusto ng ilang kabataan na isulat sa dalawang kolum ang mga iniisip nila—isang kolum para sa mga hamon at isa para sa mga pakinabang. Kapag nakikita nila ito sa papel, mas naiintindihan nila ang problema at nakakatulong ito para makaisip sila ng solusyon. Kung ang mga interesado ay tinuturuan natin sa mga aklat na Itinuturo ng Bibliya at Pag-ibig ng Diyos, mas dapat nating gawin iyon sa ating mga anak! Ginagawa mo ba?
17 Darating ang panahon na kailangang magpasiya ng iyong mga anak kung sino ang paglilingkuran nila. Huwag isipin na awtomatiko nilang mamamana ang pananampalataya mo. Dapat silang magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova. (Kaw. 3:1, 2) Kung parang nahihirapan ang isang kabataan na gawin iyan, tulungan siyang pag-isipan ang mga tanong na gaya ng: “Ano ang nakakumbinsi sa akin na may Diyos? Ano ang katibayan ko na nagmamalasakit sa akin si Jehova? Bakit ako nakakatiyak na palaging sa ikabubuti ko ang pagsunod sa mga utos ng Diyos?” Mga magulang, maging mabuting pastol at matiyagang gabayan ang inyong mga anak. Tulungan silang mapatunayan na ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay.c—Roma 12:2.
18. Paano matutularan ng mga magulang si Jehova, ang Pinakadakilang Pastol?
18 Gusto ng lahat ng tunay na Kristiyano na tularan ang Pinakadakilang Pastol. (Efe. 5:1; 1 Ped. 2:25) Lalo nang dapat gawin ito ng mga magulang sa kanilang kawan—ang kanilang mahal na mga anak. Dapat nilang kilalanin ang mga ito at gawin ang lahat para magabayan sila tungo sa mga pagpapala ni Jehova. Oo, pastulan ang iyong mga anak—patuloy silang palakihin sa daan ng katotohanan!
a Para sa iba pang mungkahi, tingnan ang Bantayan, Agosto 1, 2008, pahina 10-12.
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Pampamilyang Pagsamba—Napakahalaga Para Maligtas!” sa Bantayan, Oktubre 15, 2009, pahina 29-31.
c Ang paksang ito ay higit pang tinalakay sa Bantayan, Pebrero 1, 2012, pahina 18-21.