Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w15 2/15 p. 5-9
  • Tularan ang Kapakumbabaan at Pagkamagiliw ni Jesus

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tularan ang Kapakumbabaan at Pagkamagiliw ni Jesus
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MAPAGPAKUMBABA SI JESUS
  • TULARAN ANG KAPAKUMBABAAN NI JESUS
  • MAGILIW SI JESUS
  • TULARAN ANG PAGKAMAGILIW NI JESUS
  • “Ako ay . . . Mapagpakumbaba”
    Halika Maging Tagasunod Kita
  • Si Jesus—Parisan ng Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Bakit Dapat Maging Mapagpakumbaba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Linangin ang Tunay na Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
w15 2/15 p. 5-9

Tularan ang Kapakumbabaan at Pagkamagiliw ni Jesus

“Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.”—1 PED. 2:21.

PAANO MO SASAGUTIN?

  • Bakit karapat-dapat tularan si Jesus?

  • Paano mo matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus?

  • Paano mo matutularan ang pagkamagiliw ni Jesus?

 1. Bakit mas mapapalapít tayo kay Jehova kung tutularan natin si Jesus?

KARANIWAN nang gusto nating tularan ang personalidad at ginagawa ng mga taong hinahangaan natin. Sa lahat ng taong nabuhay sa lupa, si Jesu-Kristo ang pinakakarapat-dapat tularan. Bakit? Sinabi mismo ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Kitang-kita kay Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama. Kaya habang natututo tayo tungkol kay Jesus, natututo rin tayo tungkol kay Jehova. At habang tinutularan natin si Jesus, mas napapalapít tayo kay Jehova, ang pinakadakilang Persona sa uniberso. Napakagandang gantimpala nga kung tutularan natin ang mga katangian at ginawa ng kaniyang Anak!

2, 3. (a) Bakit naglaan sa atin si Jehova ng detalyadong ulat tungkol sa kaniyang Anak? Ano ang inaasahan niyang gagawin natin? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo?

2 Pero paano natin makikilala si Jesus? Nagpapasalamat tayo dahil si Jehova ay naglaan ng detalyadong ulat tungkol kay Jesus. Inilaan ni Jehova ang ulat na ito, na nasa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dahil gusto niyang makilala natin ang kaniyang Anak para matularan natin siya. (Basahin ang 1 Pedro 2:21.) Sa Bibliya, ang halimbawang iniwan ni Jesus ay itinulad sa mga “yapak,” o bakas ng paa. Sa diwa, sinasabi sa atin ni Jehova na sundan natin si Jesus at ang mga yapak niya. Totoo, sakdal ang halimbawang iniwan ni Jesus para sa atin, at tayo ay hindi sakdal. Pero hindi inaasahan ni Jehova na lubusan nating masusundan ang mga yapak ni Jesus. Sa halip, inaasahan ng Ama na tutularan natin ang kaniyang Anak sa abot ng ating makakaya bilang di-sakdal na mga tao.

3 Suriin natin ngayon ang ilang magagandang katangian ni Jesus. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang kaniyang kapakumbabaan at pagkamagiliw; sa susunod na artikulo, susuriin naman natin ang kaniyang lakas ng loob at kaunawaan. May kaugnayan sa bawat katangian, sasagutin natin ang tatlong tanong: Ano ang kahulugan nito? Paano ito ipinakita ni Jesus? Paano natin siya matutularan?

MAPAGPAKUMBABA SI JESUS

 4. Ano ang kahulugan ng kapakumbabaan?

4 Ano ang kapakumbabaan? Sa mapagmapuring sanlibutang ito, iniisip ng ilan na ang kapakumbabaan ay senyales ng kahinaan o kawalan ng kumpiyansa. Pero kadalasan nang hindi ito totoo. Para makapagpakita ng kapakumbabaan, kailangan ang katatagan at lakas ng loob. Ang kapakumbabaan ay binibigyang-kahulugan na “kabaligtaran ng pagmamataas at kayabangan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang isinalin bilang “kapakumbabaan” ay maaari ding isaling “kababaan ng pag-iisip.” (Fil. 2:3) Para maging mapagpakumbaba, kailangan muna tayong magkaroon ng tamang pananaw tungkol sa ating sarili. “Ang kapakumbabaan ay ang pag-alam kung gaano talaga tayo kababa sa harap ng Diyos,” ang sabi ng isang diksyunaryo sa Bibliya. Kung talagang mapagpakumbaba tayo, iiwasan din nating isipin na nakahihigit tayo sa ating kapuwa. (Roma 12:3) Hindi madali para sa di-sakdal na mga tao na magpakita ng kapakumbabaan. Pero matututo tayong magpakumbaba kung bubulay-bulayin natin ang ating katayuan sa harap ng Diyos at susundan ang mga yapak ng kaniyang Anak.

5, 6. (a) Sino si Miguel na arkanghel? (b) Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Miguel?

5 Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus? Noon pa man ay nagpakita na ng kapakumbabaan ang Anak ng Diyos, bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang sa langit at bilang isang sakdal na tao sa lupa. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

6 Saloobin niya. Ang manunulat ng Bibliya na si Judas ay nag-ulat ng isang halimbawa ng kapakumbabaan ni Jesus bago siya nabuhay bilang tao. (Basahin ang Judas 9.) Bilang Miguel na arkanghel, si Jesus ay ‘nagkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo’ at ‘nakipagtalo’ rito “tungkol sa katawan ni Moises.” Alalahanin na pagkamatay ni Moises, inilibing ni Jehova ang katawan nito sa isang lugar na walang sinuman ang nakaaalam. (Deut. 34:5, 6) Marahil gustong gamitin ng Diyablo ang katawan ni Moises para sa huwad na pagsamba. Anuman ang masamang balak ng Diyablo, buong-tapang siyang pinigilan ni Miguel. Sinasabi ng isang reperensiyang aklat na ang mga terminong Griego na isinaling “magkaroon ng pakikipaghidwaan” at “makipagtalo” ay “ginagamit din may kaugnayan sa usapin sa batas” at maaaring nagpapahiwatig na “hinamon ni Miguel ‘ang karapatan ng Diyablo’ na kunin ang katawan ni Moises.” Pero kinilala ng Punong Anghel na wala siyang awtoridad na maglapat ng hatol. Sa halip, dinala niya ang kasong ito sa Kataas-taasang Hukom, si Jehova. Sa gayon, si Miguel ay hindi kumilos nang lampas sa kaniyang awtoridad, kahit pa nga nakatutuksong gawin iyon. Isa ngang mapagpakumbabang saloobin!

 7. Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus sa kaniyang pananalita at pagkilos?

7 Noong nasa lupa si Jesus, makikita sa sinasabi at ikinikilos niya ang tunay na kapakumbabaan. Pananalita niya. Hindi kailanman ginusto ni Jesus na siya ang purihin ng iba. Sa halip, ibinigay niya sa kaniyang Ama ang lahat ng kaluwalhatian. (Mar. 10:17, 18; Juan 7:16) Hindi niya kailanman hinamak ang kaniyang mga alagad o ipinadamang mababa sila. Iginalang niya sila, pinuri sa magagandang katangian nila, at ipinadamang nagtitiwala siya sa kanila. (Luc. 22:31, 32; Juan 1:47) Pagkilos niya. Pinili ni Jesus na mamuhay nang simple at hindi napabibigatan ng maraming materyal na bagay. (Mat. 8:20) Handa niyang gawin kahit ang pinakahamak na gawain. (Juan 13:3-15) Nagpakita siya ng namumukod-tanging kapakumbabaan sa pamamagitan ng pagiging masunurin. (Basahin ang Filipos 2:5-8.) Di-tulad ng mapagmataas na mga tao na ayaw sumunod sa iba, mapagpakumbabang nagpasakop si Jesus sa kalooban ng Diyos para sa kaniya, anupat naging “masunurin hanggang sa kamatayan.” Maliwanag na si Jesus, ang Anak ng tao, ay “mababa ang puso.”—Mat. 11:29.

TULARAN ANG KAPAKUMBABAAN NI JESUS

8, 9. Paano natin maipakikita ang kapakumbabaan?

8 Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus? Saloobin natin. Kung mapagpakumbaba tayo, iiwasan nating kumilos nang lampas sa ating awtoridad. Kapag kinikilala nating wala tayong awtoridad na humatol, hindi natin huhusgahan ang iba sa kanilang mga pagkakamali o pagdududahan ang motibo nila. (Luc. 6:37; Sant. 4:12) Ang kapakumbabaan ay tumutulong sa atin na huwag “lubhang magpakamatuwid.” Ibig sabihin, hindi natin iisiping mas mahusay tayo kaysa sa iba na walang kakayahan o pribilehiyo na katulad ng sa atin. (Ecles. 7:16) Hindi iniisip ng mapagpakumbabang mga elder na nakahihigit sila sa kanilang mga kapananampalataya. Sa halip, “itinuturing [ng mga pastol na ito] na ang iba ay nakatataas” at gumagawi sila na gaya ng isang nakabababa.—Fil. 2:3; Luc. 9:48.

9 Isaalang-alang si W. J. Thorn, na nagsimulang maglingkod bilang pilgrim, o naglalakbay na tagapangasiwa, noong 1894. Pagkatapos ng maraming taon, inatasan naman siyang mag-alaga ng mga manok sa Kingdom Farm sa upstate New York. Sinabi niya: “Kapag masyado ko nang binibigyan ng importansiya ang sarili ko, sinasaway ko ang aking sarili, at sinasabi: ‘Alikabok ka lang. Ano’ng ipinagmamalaki mo?’” (Basahin ang Isaias 40:12-15.) Isa ngang mapagpakumbabang saloobin!

10. Paano natin maipakikita ang kapakumbabaan sa ating pananalita at sa ating pagkilos?

10 Pananalita natin. Kung talagang mapagpakumbaba tayo, makikita ito sa mga sinasabi natin. (Luc. 6:45) Kapag nakikipag-usap sa iba, iiwasan nating ituon ang usapan sa mga nagawa at pribilehiyo natin. (Kaw. 27:2) Sa halip, hahanapin natin ang mabubuting nagawa ng ating mga kapatid at bibigyan sila ng komendasyon sa magagandang katangian nila at kakayahan. (Kaw. 15:23) Pagkilos natin. Ang mapagpakumbabang mga Kristiyano ay hindi naghahangad na maging prominente sa sistemang ito. Mas pinipili nilang mamuhay nang simple at kumuha ng trabaho na sa tingin ng iba ay mababa para mas makapaglingkod sila kay Jehova. (1 Tim. 6:6, 8) Pero higit sa lahat, maipakikita natin ang kapakumbabaan sa pamamagitan ng pagsunod. Kailangan ang kababaan ng pag-iisip para “maging masunurin [tayo] doon sa mga nangunguna” sa kongregasyon at sa mga tagubiling tinatanggap natin mula sa organisasyon ni Jehova.—Heb. 13:17.

MAGILIW SI JESUS

11. Ipaliwanag ang kahulugan ng pagkamagiliw.

11 Ano ang pagkamagiliw? Ang salitang “magiliw” ay binibigyang-kahulugan bilang “kakikitaan ng, pagtugon sa, o pagpapahayag ng mas banayad na mga emosyon.” Ang pagkamagiliw ay isang aspekto ng pag-ibig at may pagkakatulad sa “mas banayad na mga emosyon” na gaya ng habag at awa. Ang Bibliya ay may binabanggit na “magiliw na pagkamahabagin,” “magiliw na kaawaan,” at “magiliw na pagmamahal.” (Luc. 1:78; 2 Cor. 1:3; Fil. 1:8) Tungkol sa panawagan ng Kasulatan na maging mahabagin, sinasabi ng isang reperensiya sa Bibliya: “Ang panawagang iyon ay hindi lang paghimok na mahabag tayo at maawa sa mga nangangailangan. Panawagan ito na magmalasakit at tumulong sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay na tutulong sa iba na makapagpasimula uli ng bagong buhay.” Ang pagkamagiliw ay isang katangian na nag-uudyok sa isa na tumulong para mapabuti ang iba.

12. Ano ang nagpapakitang nakadama si Jesus ng magiliw na pagkahabag sa iba, at paano siya inudyukan nito?

12 Paano ipinakita ni Jesus ang pagkamagiliw? Magiliw na damdamin at pagkilos niya. Nakadama si Jesus ng magiliw na pagkahabag sa iba. Nang makita niya ang kaibigan niyang si Maria at ang iba pang tumatangis dahil sa pagkamatay ng kapatid nitong si Lazaro, si Jesus ay “lumuha.” (Basahin ang Juan 11:32-35.) Pagkatapos, malamang na dahil sa habag—gaya noong buhayin niyang muli ang anak ng isang babaeng balo—binuhay niyang muli si Lazaro. (Luc. 7:11-15; Juan 11:38-44) Dahil sa pagkamagiliw ni Jesus, maaaring nabigyan si Lazaro ng pag-asang mabuhay sa langit. Bago nito, si Jesus ay “nakadama ng magiliw na pagmamahal” para sa pulutong na lumapit sa kaniya. Udyok ng habag, “nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Mar. 6:34; Kingdom Interlinear) Tiyak na binago nito ang buhay ng mga taong sumunod sa mga turo niya! Pansinin na si Jesus ay hindi lang basta nakadama ng pagkamagiliw, inudyukan din siya nito na tulungan ang iba.—Mat. 15:32-38; 20:29-34; Mar. 1:40-42.

13. Paano nagsalita si Jesus sa iba sa magiliw na paraan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

13 Magiliw na pananalita niya. Dahil sa pagkamahabagin, magiliw na nakipag-usap si Jesus sa iba, lalo na sa mga nasisiil. Ikinapit kay Jesus ng apostol na si Mateo ang sinabi ni Isaias: “Ang lamog na tambo ay hindi niya babaliin; at kung tungkol sa malamlam na linong mitsa, hindi niya iyon papatayin.” (Isa. 42:3; Mat. 12:20) Nagsalita si Jesus sa paraang nakagiginhawa sa mga taong parang bugbog na tambo o aandap-andap na mitsa ng isang lampara. Nangaral siya ng isang mensahe ng pag-asa sa mga “may pusong wasak.” (Isa. 61:1) Inanyayahan niya ang mga “nagpapagal at nabibigatan” na lumapit sa kaniya, at tiniyak niya sa kanila na “masusumpungan [nila] ang kaginhawahan” para sa kanilang sarili. (Mat. 11:28-30) Tiniyak niya sa kaniyang mga tagasunod na ang Diyos ay magiliw na nagmamalasakit sa bawat mananamba Niya, pati na sa “maliliit,” o mga waring di-mahalaga sa pananaw ng sanlibutan.—Mat. 18:12-14; Luc. 12:6, 7.

TULARAN ANG PAGKAMAGILIW NI JESUS

14. Paano natin malilinang ang magiliw na damdamin para sa iba?

14 Paano natin matutularan ang pagkamagiliw ni Jesus? Magiliw na damdamin natin. Baka hindi likas sa atin ang ganitong damdamin, pero hinihimok tayo ng Bibliya na linangin ito. Ang “magiliw na pagmamahal na may habag” ay bahagi ng bagong personalidad na inaasahan sa lahat ng Kristiyano. (Basahin ang Colosas 3:9, 10, 12.) Paano mo malilinang ang magiliw na damdamin para sa iba? Buksan ang puso mo. (2 Cor. 6:11-13) Makinig na mabuti kapag sinasabi sa iyo ng isa ang nadarama at ikinababahala niya. (Sant. 1:19) Tanungin ang sarili: ‘Kung ako ang nasa sitwasyon niya, ano kaya ang madarama ko? Ano kaya ang kakailanganin ko?’—1 Ped. 3:8.

15. Paano natin matutulungan ang mga taong parang bugbog na tambo o aandap-andap na mitsa?

15 Magiliw na pagkilos natin. Inuudyukan tayo ng pagkamagiliw na tumulong para mapabuti ang iba, lalo na ang mga taong parang bugbog na tambo o aandap-andap na mitsa. Paano natin sila matutulungan? “Makitangis sa mga taong tumatangis,” ang sabi ng Roma 12:15. Sa maraming pagkakataon, mas kailangan ng mga tao ang empatiya kaysa solusyon sa kanilang problema. Isang sister na namatayan ng anak na babae at dinamayan ng mga kapananampalataya niya ang nagsabi: “Laking pasasalamat ko nang puntahan ako ng mga kaibigan ko at umiyak silang kasama ko.” Maipakikita rin natin ang magiliw na pagmamahal sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa iba. May kilala ka bang balo na nangangailangan ng tulong dahil may dapat kumpunihin sa bahay niya? Kailangan ba ng isang Kristiyanong may-edad ng masasakyan para makadalo sa mga pulong, makasama sa ministeryo, o makapunta sa doktor? Kahit ang isang maliit na gawa ng kabaitan ay malaking tulong na sa ating kapananampalatayang nangangailangan. (1 Juan 3:17, 18) Pero higit sa lahat, maipakikita natin ang magiliw na pagmamalasakit sa iba kung lubos tayong makikibahagi sa ministeryo. Ito ang pinakamagandang paraan para makatulong tayo sa mga tapat-puso!

16. Paano natin mapatitibay ang mga nanlulumo?

16 Magiliw na pananalita natin. Inuudyukan tayo ng magiliw na pagmamahal sa iba na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tes. 5:14) Paano natin sila mapatitibay? Maaari nating sabihin na talagang nagmamalasakit tayo sa kanila. Magbigay ng taimtim na komendasyon para makita nila ang magagandang katangian nila at kakayahan. Puwede rin nating ipaalaala sa kanila na inilapit sila ni Jehova sa kaniyang Anak, kaya tiyak na napakahalaga nila sa kaniya. (Juan 6:44) Tiyakin natin sa kanila na talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga lingkod niya na “wasak ang puso” o “may espiritung nasisiil.” (Awit 34:18) Ang magiliw na pananalita natin ay makapagpapaginhawa sa mga nangangailangan ng tulong.—Kaw. 16:24.

17, 18. (a) Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga elder pagdating sa pakikitungo sa mga tupa niya? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

17 Mga elder, inaasahan ni Jehova na pakikitunguhan ninyo sa magiliw na paraan ang kaniyang mga tupa. (Gawa 20:28, 29) Tandaan, responsibilidad ninyo na turuan, patibayin, at paginhawahin ang mga tupa niya. (Isa. 32:1, 2, 1 Ped. 5:2-4) Kaya naman kung ang isang elder ay may magiliw na pagmamahal, hindi niya kokontrolin ang mga kapatid sa pamamagitan pangongonsensiya o paggawa ng mga tuntunin para mapilitan silang gumawa nang higit sa makakaya nila. Sa halip, sisikapin niyang makadama sila ng kagalakan, at nagtitiwala siyang ang pag-ibig nila kay Jehova ang magpapakilos sa kanila na maglingkod sa Kaniya sa abot ng makakaya nila.—Mat. 22:37.

18 Habang pinag-iisipan natin ang kapakumbabaan at pagkamagiliw ni Jesus, napakikilos tayo na patuloy na sundan ang kaniyang mga yapak. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang dalawa pang magagandang katangian ni Jesus—lakas ng loob at kaunawaan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share