TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG TINGIN NG DIYOS SA MGA DIGMAAN?
Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Noong Sinaunang Panahon
Ang mga tao ay sinisiil. Paulit-ulit silang humihingi ng tulong sa Diyos sa panalangin, pero walang dumating kaagad na tulong. Sila ang mga Israelita, ang bayan ng Diyos noong sinaunang panahon. Ang maniniil ay ang makapangyarihang bansa ng Ehipto. (Exodo 1:13, 14) Sa loob ng mga taon, naghintay ang mga Israelita sa Diyos para wakasan ang kalupitan ng Ehipto. Sa wakas, panahon na para kumilos ang Diyos. (Exodo 3:7-10) Iniuulat ng Bibliya na ang Diyos mismo ang nakipagdigma laban sa mga Ehipsiyo. Nagpasapit siya ng sunod-sunod na mapangwasak na salot, at nilipol ang hari ng Ehipto at ang hukbo nito sa Dagat na Pula. (Awit 136:15) Pinatunayan ng Diyos na Jehova na siya ay isang makapangyarihang “mandirigma” alang-alang sa kaniyang bayan.—Exodo 15:3, 4.
Maliwanag, hindi tutol ang Diyos sa lahat ng pakikipagdigma dahil siya mismo ay nakipagdigma sa mga Ehipsiyo. Sa ibang pagkakataon, pinahintulutan niya ang kaniyang bayang Israel na makipagdigma. Halimbawa, inutusan niya silang makipagdigma sa ubod-samang mga Canaanita. (Deuteronomio 9:5; 20:17, 18) Inutusan niya si David, ang hari ng Israel, na makipagdigma sa mapaniil na mga Filisteo. Nagbigay pa nga ang Diyos kay David ng estratehiya sa pakikipagdigma na tumiyak ng kanilang tagumpay.—2 Samuel 5:17-25.
Ipinakikita ng mga ulat na iyan ng Bibliya na kapag may nagbabantang kasamaan at paniniil sa mga Israelita, pinapayagan ng Diyos ang pakikipagdigma para protektahan ang kaniyang bayan at maingatan ang tunay na pagsamba. Ngunit pansinin ang tatlong punto hinggil sa mga digmaan na iniutos ng Diyos.
ANG DIYOS LANG ANG NAGPAPASIYA KUNG SINO ANG MAKIKIPAGDIGMA. Minsan, sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Hindi ninyo kakailanganing lumaban sa pagkakataong ito.” Bakit? Ang Diyos mismo ang makikipagdigma para sa kanila. (2 Cronica 20:17; 32:7, 8) Maraming beses na niyang ginawa iyon, gaya ng nabanggit sa simula ng artikulong ito. Sa ibang pagkakataon naman, inutusan ng Diyos ang kaniyang bayan sa sinaunang Israel na makipagdigma para makuha at maipagtanggol ang kanilang Lupang Pangako.—Deuteronomio 7:1, 2; Josue 10:40.
ANG DIYOS LANG ANG NAGPAPASIYA KUNG KAILAN MAKIKIPAGDIGMA. Ang mga lingkod ng Diyos noon ay kailangang matiyagang maghintay sa itinakdang panahon ng Diyos para makipagdigma laban sa paniniil at kasamaan. Hindi nila dapat pangunahan ang Diyos. Nang gawin nila iyon, hindi sila sinang-ayunan ng Diyos. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na kapag nakikipagdigma ang mga Israelita nang walang pahintulot ng Diyos, kadalasang kapaha-pahamak ang resulta.a
AYAW NG DIYOS NA MAMATAY ANG TAO, PATI NA ANG MASASAMA. Ang Diyos na Jehova ang Bukal ng buhay at Maylalang ng tao. (Awit 36:9) Kaya hindi siya natutuwang makitang mamatay ang tao. Gayunman, nakalulungkot na may mga taong nagpapakanang maniil at pumatay pa nga ng iba. (Awit 37:12, 14) Para ihinto ang gayong kasamaan, pinapayagan ng Diyos kung minsan ang pakikipagdigma laban sa masasama. Pero sa mga panahong iyon na pinayagan niyang makipagdigma ang mga Israelita, ang Diyos pa rin ay “maawain” at “mabagal sa pagkagalit” sa mga naniniil sa Israel. (Awit 86:15) Halimbawa, iniutos niyang bago makipaglaban ang mga Israelita sa isang lunsod, dapat muna nilang ipaalam ang “mga kundisyon ng pakikipagpayapaan,” upang bigyan ng pagkakataon ang mga naninirahan doon na magbago sa gayo’y maiwasan ang digmaan. (Deuteronomio 20:10-13) Sa gayon, ipinakita ng Diyos na “hindi [siya nalulugod] sa kamatayan ng balakyot, kundi sa panunumbalik ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.”—Ezekiel 33:11, 14-16.b
Kaya nakita natin na para sa Diyos, ang pakikipagdigma noong sinaunang panahon ay isang matuwid na paraan para wakasan ang iba’t ibang anyo ng paniniil at kasamaan. Ngunit ang Diyos—hindi ang mga tao—ang may karapatang magpasiya kung kailan at kung sino ang makikipagdigma. May-pananabik bang nakipagdigma ang Diyos, na para bang uhaw sa dugo? Hinding-hindi. Talagang kinapopootan niya ang karahasan. (Awit 11:5) Nagbago ba ang tingin ng Diyos sa mga digmaan nang pasimulan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang ministeryo nito noong unang siglo?
a Halimbawa, natalo ang mga Israelita nang makipagdigma sila sa mga Amalekita at Canaanita gayong sinabi ng Diyos na huwag itong gawin. (Bilang 14:41-45) Pagkalipas ng maraming taon, ang tapat na haring si Josias ay nakipagdigma nang walang pahintulot ng Diyos, at pinagbayaran niya ng kaniyang buhay ang padalos-dalos na pagkilos na ito.—2 Cronica 35:20-24.
b Hindi ipinaalam ng mga Israelita ang mga kundisyon ng pakikipagpayapaan bago makipagdigma sa mga Canaanita. Bakit? Dahil ang mga Canaanita ay binigyan ng 400 taon para ituwid ang kanilang masamang gawain. Nang makipagdigma sa kanila ang mga Israelita, ang mga Canaanita sa pangkalahatan ay wala nang pag-asang magbago. (Genesis 15:13-16) Kaya dapat silang lubusang lipulin. Pero ang indibiduwal na mga Canaanita na nagbago ng kanilang landasin ay iniligtas.—Josue 6:25; 9:3-27.