Hanapin ang Kaharian, Hindi ang Materyal na mga Bagay
‘Patuluyan ninyong hanapin ang kaharian ng Diyos, at ang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.’—LUC. 12:31.
1. Ano ang kaibahan ng pangangailangan natin at ng kagustuhan natin?
SINASABING kakaunti lang ang kailangan ng tao, pero walang katapusan naman ang kaniyang mga gusto. Para sa marami, hindi nila makita ang pagkakaiba ng mga bagay na kailangan nila at ng mga bagay na gusto lang nila. Ano ba ang kaibahan? Ang isang “pangangailangan” ay bagay na mahalaga para mabuhay ka, gaya ng pagkain, pananamit, at tirahan. Ang isang “kagustuhan” ay bagay na nais mong makuha, pero hindi naman kailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.
2. Ano ang ilang bagay na gusto ng mga tao?
2 Iba-iba ang kagustuhan ng mga tao, depende kung saan sila nakatira. Sa papaunlad na mga bansa, masaya na ang marami kapag may pambili sila ng cellphone, motorsiklo, o maliit na lote. Sa mayayamang bansa naman, marami ang naghahangad ng magagarang damit, mas malaking bahay, o mamahaling sasakyan. Pero anuman ang kalagayan natin, puwede tayong mahulog sa materyalismo—ang paghahangad ng mas marami pang materyal na bagay, kailangan man natin iyon o hindi, may pambili man tayo o wala.
MAG-INGAT SA MATERYALISMO
3. Ano ang materyalismo?
3 Ano ba ang materyalismo? Ito ay ang pagbubuhos ng atensiyon at panahon sa materyal na mga bagay sa halip na sa espirituwal na mga kayamanan. Ang materyalismo ay udyok ng mga pagnanasa, priyoridad, at pokus sa buhay ng isa. Dahil dito, naghahangad tayo ng mas marami pang materyal na pag-aari. Hindi kailangang mapera o may mamahaling gamit ang isa para masabing materyalistiko siya. Kahit ang mahihirap ay puwedeng mabiktima ng materyalismo at mapabayaan ang pag-una sa Kaharian.—Heb. 13:5.
4. Paano ginagamit ni Satanas ang “pagnanasa ng mga mata”?
4 Ginagamit ni Satanas ang sistema ng komersiyo ng sanlibutan para papaniwalain tayo na mahalagang magkaroon ng higit at higit pang materyal na mga bagay para maging masaya tayo. Alam na alam niya kung paano pupukawin ang “pagnanasa ng mga mata.” (1 Juan 2:15-17; Gen. 3:6; Kaw. 27:20) Iniaalok ng sanlibutan ang lahat ng uri ng materyal na bagay—mula sa mahalaga hanggang sa walang kuwenta—at ang ilan ay talagang nakaaakit. Naranasan mo na bang bumili ng isang bagay, hindi dahil kailangan mo ito, kundi dahil nakita mo ito sa isang advertisement o sa tindahan? Pagkatapos, naisip mo ba na mabubuhay ka naman pala kahit wala iyon? Ang gayong di-kinakailangang mga bagay ay nagpapakomplikado lang ng ating buhay at pabigat sa atin. Puwede tayong masilo ng mga ito at mailihis sa ating rutin ng pag-aaral ng Bibliya, paghahanda at pagdalo sa mga pulong, at paglilingkod sa larangan. Tandaan ang babala ni apostol Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.”
5. Ano ang mangyayari sa mga umuubos ng kanilang lakas para magkaroon ng mas maraming materyal na bagay?
5 Gusto ni Satanas na magpaalipin tayo sa Kayamanan sa halip na kay Jehova. (Mat. 6:24) Pero miserable ang buhay ng mga umuubos ng kanilang lakas para sa materyal na mga bagay dahil pagpapalugod lang sa sarili ang iniintindi nila. At mas malala pa, napapabayaan nila ang kanilang espirituwalidad at punô sila ng problema. (1 Tim. 6:9, 10; Apoc. 3:17) Katulad ito ng binanggit ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa manghahasik. Kapag ang mensahe ng Kaharian ay “naihasik sa gitna ng mga tinik . . . , ang mga pagnanasa sa iba pang mga bagay ay nakakapasok at sumasakal sa salita, at ito ay nagiging di-mabunga.”—Mar. 4:14, 18, 19.
6. Anong aral ang matututuhan natin kay Baruc?
6 Pag-isipan ang halimbawa ni Baruc, na kalihim ni propeta Jeremias. Nang malapit na ang inihulang pagkawasak ng Jerusalem, nagsimulang maghanap si Baruc ng “mga dakilang bagay” para sa kaniyang sarili—mga bagay na hindi naman talaga mahalaga. Pero ipinangako ni Jehova sa kaniya: “Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang samsam.” (Jer. 45:1-5) Sapat na sanang maisalba ang buhay niya dahil hindi ililigtas ng Diyos ang materyal na pag-aari ng sinuman sa isang lunsod na nakatalagang mawasak. (Jer. 20:5) Dahil papalapít na tayo sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay, hindi ngayon ang panahon para magkamal ng mas marami pang materyal na bagay. Huwag tayong umasa na maisasalba natin sa malaking kapighatian ang ating materyal na ari-arian, gaano man kahalaga o kamahal ang mga ito.—Kaw. 11:4; Mat. 24:21, 22; Luc. 12:15.
7. Ano ang tatalakayin natin, at bakit?
7 Nagbigay si Jesus ng pinakamahusay na payo para magkaroon tayo ng mga pangangailangan natin sa buhay nang hindi nagiging materyalistiko, o labis-labis na nababalisa. Kasama ang payo na iyan sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mat. 6:19-21) Basahin natin at suriin ang bahaging nakaulat sa Mateo 6:25-34. Tutulong ito sa atin na maging kumbinsido na ‘patuluyang hanapin ang kaharian,’ hindi ang materyal na mga bagay.—Luc. 12:31.
INILALAAN NI JEHOVA ANG PANGANGAILANGAN NATIN
8, 9. (a) Bakit hindi tayo dapat masyadong mag-alala sa mga pangangailangan natin? (b) Ano ang alam ni Jesus tungkol sa mga tao at sa kanilang mga pangangailangan?
8 Basahin ang Mateo 6:25. Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na ‘huwag na silang mabalisa tungkol sa kanilang mga kaluluwa,’ para bang sinasabi niya na “huwag na kayong mag-alala.” Nababalisa sila sa mga bagay na hindi naman nila dapat ikabalisa. Sinabi ni Jesus na huwag na nilang gawin iyon—at mayroon siyang mabuting dahilan. Ang labis na pagkabalisa o pag-aalala, kahit para sa tunay na pangangailangan ng isa, ay makagagambala sa kaniyang isip at makahahadlang sa mas importanteng espirituwal na mga bagay. Nagmamalasakit si Jesus sa kapakanan ng kaniyang mga alagad kaya sa kaniyang sermon, apat na ulit pa siyang nagbabala hinggil sa mapanganib na tendensiyang ito.—Mat. 6:27, 28, 31, 34.
9 Bakit sinabi ni Jesus na huwag tayong mag-alala sa ating kakainin, iinumin, o isusuot? Hindi ba kabilang ang mga ito sa pangunahing pangangailangan natin sa buhay? Oo naman. At kung wala tayong pambili ng ganitong mga bagay, hindi ba natural lang na mabalisa tayo? Siyempre mababalisa tayo, at alam iyon ni Jesus. Alam na alam niya ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tao. Higit pa riyan, alam niya ang mahihirap na kalagayang haharapin ng kaniyang mga alagad na mabubuhay sa “mga huling araw,” na inilarawan bilang “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Kasama sa mga kalagayang iyon ang kawalan ng trabaho, pagtaas ng mga bilihin, kakapusan sa pagkain, at matinding kahirapan. Pero alam din ni Jesus na “higit na mahalaga ang kaluluwa [o buhay] kaysa sa pagkain at ang katawan kaysa sa pananamit.”
10. Nang turuan ni Jesus ang mga tagasunod niya kung paano mananalangin, ano ang sinabi niyang dapat na maging pinakaimportante sa buhay nila?
10 Bago nito, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na manalangin sa kanilang Ama sa langit para sa pisikal na pangangailangan nila: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito.” (Mat. 6:11) Ganito naman ang itinuro niya sa ibang pagkakataon: “Ibigay mo sa amin ang aming tinapay para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito.” (Luc. 11:3) Pero hindi ibig sabihin niyan na materyal na panustos lang ang lagi nating iisipin. Sa modelong panalangin ding iyon, binigyang-priyoridad ni Jesus ang pananalangin sa pagdating ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 6:10; Luc. 11:2) Para mapanatag ang isip ng kaniyang mga tagapakinig, itinampok naman ni Jesus ang walang-katulad na kakayahan ni Jehova bilang Tagapaglaan.
11, 12. Ano ang matututuhan natin sa pangangalaga ni Jehova sa mga ibon sa langit? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
11 Basahin ang Mateo 6:26. Dapat nating ‘masdang mabuti ang mga ibon sa langit.’ Kahit maliliit lang sila, kumakain sila ng maraming prutas, buto ng halaman, insekto, o uod. Sa katunayan, kung ang isang ibon ay kasinlaki ng tao, mas marami itong makakain kumpara sa tao. Pero hindi nila kailangang magsaka o magtanim. Inilalaan ni Jehova ang lahat ng kailangan nila. (Awit 147:9) Siyempre pa, hindi niya basta isinusubo ang pagkain sa kanilang tuka! Kailangan nilang maghanap ng pagkain, pero sagana naman ito.
12 Para kay Jesus, imposibleng ilaan ng kaniyang Ama sa langit ang pagkain ng mga ibon at hindi ilalaan ang pangangailangan ng mga tao.[1] (1 Ped. 5:6, 7) Hindi niya isusubo sa bibig natin ang pagkain, pero maaari niyang pagpalain ang mga pagsisikap nating magtanim o kumita ng pambili ng ating pang-araw-araw na panustos. Kapag nagigipit tayo, puwede niyang udyukan ang iba na ibahagi sa atin ang anumang mayroon sila. Bagaman hindi sinabi ni Jesus ang tungkol sa tirahan ng mga ibon, binigyan sila ni Jehova ng likas na talino, kakayahan, at materyales na magagamit nila sa paggawa ng pugad. Matutulungan din tayo ni Jehova na makahanap ng angkop na tirahan para sa ating pamilya.
13. Ano ang katunayan na mas mahalaga tayo kaysa sa mga ibon sa langit?
13 Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: “Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa [mga ibon sa langit]?” Siguradong nasa isip ni Jesus na malapit na niyang ibigay ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan. (Ihambing ang Lucas 12:6, 7.) Ang haing pantubos ni Kristo ay hindi inilaan para sa ibang nilalang. Hindi namatay si Jesus para sa mga ibon sa langit; namatay siya para sa atin upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.—Mat. 20:28.
14. Ano ang hinding-hindi magagawa ng taong nababalisa?
14 Basahin ang Mateo 6:27. Bakit kaya sinabi ni Jesus na ang taong nababalisa ay hindi makapagdaragdag ng kahit isang siko sa haba ng kaniyang buhay? Dahil ang labis na pag-aalala sa pang-araw-araw na pangangailangan natin ay hindi makapagpapahaba ng ating buhay. Sa halip, posible pa ngang paikliin ng sobrang stress ang ating buhay.
15, 16. (a) Ano ang matututuhan natin sa pangangalaga ni Jehova sa mga liryo sa parang? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang kailangan nating itanong sa sarili, at bakit?
15 Basahin ang Mateo 6:28-30. Sino ang ayaw ng magandang damit, lalo na kung isusuot ito para sa ministeryo o sa mga pulong o asamblea? Gayunman, dapat ba tayong mabalisa “may kinalaman sa pananamit”? Nagbigay uli si Jesus ng ilustrasyon mula sa mga gawa ni Jehova. Tungkol naman ito sa “mga liryo sa parang.” Marahil tinutukoy ni Jesus ang tulad-liryong mga bulaklak gaya ng gladyola, hyacinth, iris, at tulip—na may kani-kaniyang ganda. Ang mga bulaklak na ito ay hindi nag-iikid ng sinulid, nananahi, o naghahabi ng damit. Pero napakaganda nilang tingnan! Aba, “kahit si Solomon sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito”!
16 Ito ang punto ni Jesus: “Kung dinaramtan nga ng Diyos nang gayon ang pananim sa parang, . . . hindi ba mas lalong daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya?” Tiyak na gagawin iyon ng Diyos! Pero lumilitaw na kulang sa pananampalataya ang mga alagad ni Jesus. (Mat. 8:26; 14:31; 16:8; 17:20) Kailangan nilang patibayin ang pananampalataya at tiwala nila kay Jehova. Kumusta naman tayo? Matibay ba ang pananampalataya natin na gusto at kaya ni Jehova na maglaan para sa atin?
17. Ano ang maaaring makasira ng kaugnayan natin kay Jehova?
17 Basahin ang Mateo 6:31, 32. Huwag nating tutularan ang mga tao ng “mga bansa.” Wala silang pananampalataya sa isang maibiging Ama sa langit na nagmamalasakit sa mga nagsisikap na unahin ang interes ng Kaharian sa kanilang buhay. Kung susubukan nating makamit “ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa,” masisira ang kaugnayan natin kay Jehova. Sa halip, magtiwala tayo na kung gagawin natin ang dapat nating gawin—unahin sa buhay ang espirituwal na mga bagay—hindi ipagkakait ni Jehova ang mabuti sa atin. Dahil sa ating “makadiyos na debosyon,” kontento na tayo sa pagkakaroon ng “pagkain at pananamit.”—1 Tim. 6:6-8.
INUUNA MO BA ANG KAHARIAN NG DIYOS SA IYONG BUHAY?
18. Ano ang alam ni Jehova tungkol sa bawat isa sa atin, at ano ang gagawin niya para sa atin?
18 Basahin ang Mateo 6:33. Dapat na laging pangunahin sa buhay ng mga alagad ni Kristo ang Kaharian. Kung gagawin natin iyan, gaya ng sinabi ni Jesus, “ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag” sa atin. Bakit niya nasabi iyon? Ipinaliwanag niya sa naunang talata: “Nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito,” ibig sabihin, ang mga pangangailangan natin sa buhay. Alam ni Jehova ang magiging pangangailangan ng bawat isa sa atin pagdating sa pagkain, pananamit, at tirahan, bago pa man natin malaman iyon. (Fil. 4:19) Alam niya kung aling damit natin ang susunod na maluluma. Alam niya kung anong pagkain ang kailangan natin, at kung ano ang angkop na tirahan para sa atin, depende sa laki ng ating pamilya. Titiyakin ni Jehova na magkakaroon tayo ng talagang kinakailangan natin.
19. Bakit hindi tayo dapat mag-alala sa posibleng mangyari sa hinaharap?
19 Basahin ang Mateo 6:34. Pansinin na sa ikalawang pagkakataon, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa.” Gusto niyang harapin natin ang mga problema nang paisa-isang araw lang at magtiwala na tutulungan tayo ni Jehova. Kung ang isa ay masyadong nababalisa sa posibleng mangyari sa hinaharap, baka magsimula na siyang umasa sa sarili sa halip na sa Diyos, at makasisira iyan sa kaugnayan niya kay Jehova.—Kaw. 3:5, 6; Fil. 4:6, 7.
HANAPIN MUNA ANG KAHARIAN, AT IDARAGDAG NI JEHOVA ANG IBA PANG BAGAY
20. (a) Ano ang tunguhin mo sa paglilingkod kay Jehova? (b) Ano ang puwede mong gawin para pasimplehin ang buhay mo?
20 Wala tayong mapapala kung isasakripisyo natin ang mga interes ng Kaharian para mapanatili ang materyalistikong pamumuhay. Sa halip, dapat nating unahin ang espirituwal na mga tunguhin. Halimbawa, puwede ka bang lumipat sa isang kongregasyon na mas malaki ang pangangailangan sa mga mamamahayag ng Kaharian? Maaari ka bang magpayunir? Kung isa ka nang payunir, puwede ka kayang mag-aplay sa School for Kingdom Evangelizers? Puwede ka kayang maglingkod sa Bethel o sa isang remote translation office bilang part-time commuter? Maaari ka bang magboluntaryo nang part-time sa Local Design/Construction at tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall? Pag-isipan kung paano mo mapasisimple ang iyong buhay para mas makabahagi ka sa mga gawaing pang-Kaharian. Manalangin at bulay-bulayin ang kahong “Kung Paano Pasisimplehin ang Iyong Buhay,” at kumilos para maabot ang tunguhin mo.
21. Ano ang tutulong sa iyo na lalong mapalapít kay Jehova?
21 Tama si Jesus nang ituro niya na hanapin natin ang Kaharian, hindi ang materyal na mga bagay. Kapag ginawa natin iyan, hindi tayo kailangang mabalisa sa materyal na pangangailangan natin. Lalo tayong mapapalapít kay Jehova kapag nagtitiwala tayo sa kaniya at hindi natin pinagbibigyan ang bawat kapritso natin o binibili ang bawat bagay na iniaalok ng sanlibutan, kahit kaya nating bilhin iyon. Kung pasisimplehin natin ang buhay natin ngayon, ‘makapanghahawakan tayong mahigpit sa tunay na buhay’ na ipinangako sa atin.—1 Tim. 6:19.
^ [1] (parapo 12) Para maunawaan kung bakit pinahihintulutan ni Jehova kung minsan na magutom ang isang Kristiyano, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Setyembre 15, 2014, p. 22.