Mga Magulang—Tulungan ang Inyong Anak na ‘Magpakarunong Ukol sa Kaligtasan’
“Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan.”—2 TIM. 3:15.
1, 2. Bakit nag-aalala ang ilang magulang kapag gusto nang magpabautismo ng kanilang mga anak?
LIBO-LIBONG inaaralan sa Bibliya ang nag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova at nagpapabautismo. Marami sa mga ito ay kabataang pinalaki sa katotohanan, na pinili ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay. (Awit 1:1-3) Kung isa kang Kristiyanong magulang, siguradong inaasam-asam mo ang araw na mabautismuhan ang iyong anak.—Ihambing ang 3 Juan 4.
2 Pero baka nag-aalala ka dahil may kilala kang mga kabataan na nabautismuhan, pero nang maglaon ay nag-alinlangan kung tama bang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Iniwan pa nga ng ilan ang katotohanan. Kaya baka nag-aalala ka na sa simula ay mamuhay ang anak mo bilang Kristiyano, pero pagkatapos, magbago siya at maiwala ang pag-ibig niya sa katotohanan. Baka matulad siya sa ilang Kristiyano noon sa kongregasyon ng Efeso na sinabihan ni Jesus: “Iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apoc. 2:4) Paano mo matutulungan ang iyong anak na maiwasan iyon para “lumaki [siya] tungo sa kaligtasan”? (1 Ped. 2:2) Para masagot iyan, tingnan natin ang halimbawa ni Timoteo.
“ALAM MO NA ANG BANAL NA MGA KASULATAN”
3. (a) Paano naging Kristiyano si Timoteo, at paano niya ikinapit ang mga natutuhan niya? (b) Anong tatlong bagay ang sinabi ni Pablo kay Timoteo?
3 Malamang na natutuhan ni Timoteo ang mga turong Kristiyano noong 47 C.E., nang unang dumalaw si apostol Pablo sa Listra. Posibleng tin-edyer pa lang si Timoteo noon pero ikinapit na niya ang mga natutuhan niya. Pagkalipas ng dalawang taon, isinama siya ni Pablo sa paglalakbay. Mga 16 na taon pagkaraan nito, sumulat si Pablo kay Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nalalaman mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito at na mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan [ang Hebreong Kasulatan], na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Tim. 3:14, 15) Pansinin na sinabi ni Pablo na (1) alam ni Timoteo ang banal na mga kasulatan, (2) nahikayat siyang sampalatayanan ang mga bagay na natutuhan niya, at (3) naging marunong siya ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.
4. Anong mga pantulong ang nakita mong kapaki-pakinabang sa pagtuturo sa iyong maliliit na anak? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
4 Bilang isang Kristiyanong magulang, gusto mong malaman ng iyong anak ang banal na mga kasulatan, na sa ngayon ay binubuo ng Hebreo at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kahit ang maliliit na bata ay puwedeng matuto ng mga pangunahing turo tungkol sa mga tao at mga pangyayari sa Bibliya. Naglaan ang organisasyon ni Jehova ng maraming pantulong na magagamit ng mga magulang para turuan ang kanilang mga anak. Alin sa mga ito ang available sa inyong wika? Tandaan, ang pundasyon ng matibay na kaugnayan kay Jehova ay ang pagkakaroon ng kaalaman sa Kasulatan.
“NAHIKAYAT NA SAMPALATAYANAN”
5. (a) Ano ang kahulugan ng pariralang “nahikayat na sampalatayanan”? (b) Bakit natin masasabi na nahikayat si Timoteo na sumampalataya sa mabuting balita tungkol kay Jesus?
5 Mahalaga ang pagkakaroon ng kaalaman sa banal na mga kasulatan. Pero hindi sapat na turuan lang ang mga anak tungkol sa mga tao at mga pangyayari sa Bibliya. Tandaan na si Timoteo ay ‘nahikayat din na sumampalataya.’ Sa orihinal na wika, ang pariralang “nahikayat na sampalatayanan” ay nangangahulugang “makumbinsi at matiyak na totoo ang isang bagay.” Alam na ni Timoteo ang Hebreong Kasulatan “mula sa pagkasanggol.” Pero nang maglaon, nakumbinsi siya ng matibay na ebidensiya na si Jesus nga ang Mesiyas. Sa ibang salita, bukod sa kaalaman, nagkaroon din si Timoteo ng pananampalataya. Napakatibay ng pananampalataya niya sa mabuting balita kung kaya nagpabautismo siya at sumama kay Pablo sa gawaing pagmimisyonero.
6. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na mahikayat na sumampalataya sa natututuhan nila sa Bibliya?
6 Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na mahikayat na sumampalataya, gaya ni Timoteo? Una, maging matiyaga. Ang pananampalataya ay hindi nalilinang agad-agad; hindi rin ito naipamamana sa iyong anak dahil lang sa nahikayat ka na sumampalataya. Kailangang gamitin ng iyong anak ang kaniyang “kakayahan sa pangangatuwiran” para magkaroon siya ng pananampalataya sa Bibliya. (Basahin ang Roma 12:1.) Napakahalaga ng papel mo rito bilang magulang, lalo na kapag nagtatanong ang iyong anak. Tingnan ang isang halimbawa.
7, 8. (a) Paano naging matiyaga ang isang Kristiyanong ama sa pagtuturo sa kaniyang anak? (b) Magbigay ng sitwasyon na kinailangan mong maging matiyaga sa iyong anak.
7 Si Thomas, na may 11-anyos na anak na babae, ay nagsabi: “Minsan, itinatanong ng anak ko, ‘Hindi kaya ginamit ni Jehova ang ebolusyon para likhain ang buhay sa lupa?’ o, ‘Bakit hindi tayo sumasali sa mga gawain ng komunidad, gaya ng eleksiyon, para sa kaunlaran ng bayan?’ Minsan, kailangan kong pigilan ang sarili ko para hindi ako sumagot nang dogmatiko. Tutal, ang pananampalataya ay hindi lang resulta ng pagkaalam sa iisang malaking katotohanan kundi ng maraming pinagsama-samang maliliit na ebidensiya.”
8 Alam din ni Thomas na kailangang maging matiyaga sa pagtuturo. Sa katunayan, lahat ng Kristiyano ay nangangailangan ng mahabang pagtitiis. (Col. 3:12) Nakita ni Thomas na kailangan niyang ipakipag-usap ang isang bagay nang maraming beses at mangatuwiran mula sa Kasulatan para magkaroon ng pananampalataya ang kaniyang anak sa mga natututuhan nito. Sinabi ni Thomas: “Pagdating sa mahahalagang punto, gusto namin ng misis ko na malaman kung talagang naniniwala ang anak namin sa natututuhan niya at kung naiintindihan niya ang mga ito. Maganda nga kung nagtatanong siya. Ang totoo, mas mag-aalala ako kung basta na lang niya tatanggapin ang isang turo nang hindi nagtatanong.”
9. Paano mo maikikintal sa iyong mga anak ang Salita ng Diyos?
9 Dahil sa matiyagang pagtuturo ng mga magulang, unti-unting maiintindihan ng mga anak “ang lapad at haba at taas at lalim” ng pananampalatayang Kristiyano. (Efe. 3:18) Matuturuan natin sila ayon sa kanilang edad at kakayahan. Habang nagiging kumbinsido sila sa kanilang natututuhan, mas makakaya nilang ipagtanggol ang paniniwala nila sa iba, pati na sa kanilang mga kaeskuwela. (1 Ped. 3:15) Halimbawa, gamit ang Bibliya, kaya bang ipaliwanag ng iyong anak kung ano ang nangyayari pagkamatay ng isang tao? Tanggap ba niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?a Tandaan, kailangang maging matiyaga para maikintal sa iyong anak ang Salita ng Diyos, pero sulit naman ito.—Deut. 6:6, 7.
10. Ano pa ang isang mahalagang bahagi ng iyong pagtuturo?
10 Siyempre pa, mahalaga rin ang iyong halimbawa para magkaroon ng pananampalataya ang iyong mga anak. Si Stephanie, may anak na tatlong babae, ay nagsabi: “Bata pa lang ang mga anak ko, tinatanong ko na ang sarili ko, ‘Ipinakikipag-usap ko ba sa kanila kung bakit ako kumbinsido na totoo si Jehova, na mahal niya tayo, at na matuwid ang kaniyang mga daan? Kitang-kita ba ng mga anak ko na talagang mahal ko si Jehova?’ Hindi ko sila mahihikayat malibang ako mismo ay kumbinsido.”
“MAKAPAGPAPARUNONG SA IYO UKOL SA KALIGTASAN”
11, 12. Ano ang karunungan, at bakit natin masasabing hindi lang ito nasusukat sa edad?
11 Gaya ng nakita natin, (1) alam ni Timoteo ang Kasulatan at (2) may pananampalataya siya sa kaniyang mga natutuhan. Pero ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na ang banal na mga kasulatan ay “makapagpaparunong [kay Timoteo] ukol sa kaligtasan”?
12 Ipinaliliwanag ng Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, na sa Bibliya, kasama sa karunungan “ang kakayahang gamitin nang matagumpay ang kaalaman at pagkaunawa upang lutasin ang mga suliranin, iwasan ang mga panganib, abutin ang mga tunguhin, o payuhan ang iba na gawin ang mga iyon. Kabaligtaran ito ng kamangmangan.” Sinasabi ng Bibliya na “ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.” (Kaw. 22:15) Kung gayon, ang karunungan—na kabaligtaran ng kamangmangan—ay isang tanda ng pagkamaygulang. Ang espirituwal na pagkamaygulang ay hindi nasusukat sa edad kundi sa pagkatakot ng isang tao kay Jehova at pagiging handang sumunod sa mga utos Niya.—Basahin ang Awit 111:10.
13. Paano maipakikita ng isang kabataan na siya ay marunong ukol sa kaligtasan?
13 Ang mga kabataang maygulang sa espirituwal ay hindi “sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito” ng kanilang mga pagnanasa o ng panggigipit ng iba. (Efe. 4:14) Sa halip, sumusulong “ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14) Naipakikita nila na sumusulong sila tungo sa pagkamaygulang kapag gumagawa sila ng matatalinong desisyon—kahit hindi sila nakikita ng kanilang mga magulang o ng ibang adulto. (Fil. 2:12) Kailangan ang ganitong karunungan para sa kaligtasan. (Basahin ang Kawikaan 24:14.) Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na magkaroon nito? Una sa lahat, tiyaking alam ng mga anak mo ang iyong mga pamantayan na natutuhan mo sa Bibliya. Sa salita at gawa, ipakita mo sa kanila na sinusunod mo ang mga pamantayan sa Salita ng Diyos.—Roma 2:21-23.
14, 15. (a) Ano ang dapat pag-isipan ng isang kabataang gustong magpabautismo? (b) Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na pag-isipan ang mga pagpapala ng pagsunod sa mga utos ng Diyos?
14 Pero hindi sapat na basta sabihin lang sa iyong mga anak kung ano ang tama at ang mali. Kailangan mo rin silang tulungang mangatuwiran sa mga tanong na gaya ng: ‘Bakit ipinagbabawal ng Bibliya ang mga bagay na gusto ng laman? Ano ang nakakukumbinsi sa akin na ang mga pamantayan ng Bibliya ay palaging sa ikabubuti ko?’—Isa. 48:17, 18.
15 Gusto na bang magpabautismo ng anak mo? Tulungan mo siyang mangatuwiran sa isa pang bagay—kung ano ang nadarama niya sa mga pananagutang kaakibat ng pagiging Kristiyano. Ano ang mga pakinabang nito? Ano ang mga hamon? Bakit mas maraming pakinabang kaysa sa mga hamon? (Mar. 10:29, 30) Iyan ang mga bagay na malamang na mapaharap sa isa pagkatapos ng bautismo. Kaya napakahalagang pag-isipang mabuti ang mga bagay na ito bago magpabautismo. Tulungan ang mga anak mo na seryosong pag-isipan ang mga pagpapala ng pagsunod at ang masasaklap na resulta ng pagsuway. Sa gayon, mas malamang na magkaroon sila ng pananampalataya na ang mga pamantayan ng Bibliya ay palaging sa ikabubuti nila.—Deut. 30:19, 20.
KAPAG NAG-AALINLANGAN ANG ISANG BAUTISADONG KABATAAN
16. Ano ang dapat gawin ng mga magulang kung magsimulang mag-alinlangan sa katotohanan ang kanilang anak na bautisado?
16 Pero paano kung pagkatapos mabautismuhan, ang iyong anak ay nagsimulang mag-alinlangan sa katotohanan? Halimbawa, baka naaakit siya sa mga bagay sa sanlibutan o nagsisimula na siyang mag-alinlangan kung tama bang mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. (Awit 73:1-3, 12, 13) Ang reaksiyon mo bilang magulang ay makaaapekto sa desisyon ng iyong anak kung patuloy siyang maglilingkod kay Jehova o hindi. Huwag makipagtalo sa iyong anak tungkol dito, bata man siya o isa nang tin-edyer. Sa halip, ipadama sa kaniya na talagang mahal mo siya at na gusto mo siyang tulungan.
17, 18. Kung ang isang kabataan ay nag-aalinlangan, paano siya matutulungan ng kaniyang mga magulang?
17 Siyempre pa, ang isang bautisadong kabataan ay gumawa ng taimtim na pag-aalay kay Jehova. Ang pag-aalay na ito ay isang pangako na iibigin niya ang Diyos at na uunahin niya ang Kaniyang kalooban sa buhay niya. (Basahin ang Marcos 12:30.) Para kay Jehova, seryoso ang pangakong ito, at dapat na ganiyan din ang pananaw natin. (Ecles. 5:4, 5) Sa angkop na panahon at sa mabait na paraan, ipaalaala iyan sa iyong anak. Pero bago gawin iyan, gamitin ang mga pantulong na inilaan ng organisasyon ni Jehova para sa mga magulang. Sa paggawa nito, maidiriin mo sa kaniya ang pagiging seryoso at ang mga pagpapala ng pagiging nakaalay at bautisadong lingkod ni Jehova.
18 Halimbawa, may magagandang payo sa apendise na “Tanong ng mga Magulang” sa bandang dulo ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1. Ganito ang sabi: “Huwag agad isipin na ayaw ng anak mo sa iyong relihiyon. Makabubuting alamin ang mga dahilan kung bakit nawalan siya ng interes sa espirituwal na mga bagay.” Baka ginigipit siya ng kaniyang mga kasama. Baka nalulungkot siya o sa pakiramdam niya, sumusulong sa espirituwal ang ibang kabataan at hindi niya sila kayang tularan. Sinabi pa ng apendise, “Baka nahihirapan lang siya sa sitwasyon ngayon at hindi naman talaga niya iniisip na mali ang mga paniniwala mo.” Pagkatapos, nagbigay ang apendise ng maraming mungkahi kung paano matutulungan ng Kristiyanong magulang ang kaniyang kabataang anak na nag-aalinlangan.
19. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ‘magpakarunong ukol sa kaligtasan’?
19 Bilang isang magulang, mayroon kang mabigat na pananagutan—at pribilehiyo—na palakihin ang iyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Gaya ng nakita natin, hindi sapat na ituro sa kanila ang sinasabi ng Bibliya. Kailangan din silang tulungan na magkaroon ng pananampalataya sa kanilang mga natututuhan. Oo, kailangan nila ng matibay na pananampalataya na magpapakilos sa kanila na ialay ang kanilang buhay kay Jehova at paglingkuran siya nang buong puso. Sa tulong ng Salita ni Jehova, ng kaniyang espiritu, at ng mga pagsisikap mo bilang magulang, sana ay ‘magpakarunong ang iyong anak ukol sa kaligtasan.’
a Ang mga gabay sa pag-aaral na “Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?” ay mahuhusay na pantulong sa mga kabataan at adulto para maintindihan at maipaliwanag ang mga katotohanan sa Bibliya. Makikita ang mga ito sa jw.org sa maraming wika. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > PANTULONG SA PAG-AARAL NG BIBLIYA.