Tularan ang Pananampalataya at Pagkamasunurin Nina Noe, Daniel, at Job
“Si Noe, si Daniel at si Job, sila mismo dahil sa kanilang katuwiran ay makapagliligtas ng kanilang kaluluwa.”—EZEK. 14:14.
1, 2. (a) Bakit tayo mapatitibay ng halimbawa nina Noe, Daniel, at Job? (b) Ano ang sitwasyon nang isulat ni Ezekiel ang mga salita sa Ezekiel 14:14?
MAY pinagdaraanan ka ba, gaya ng pagkakasakit, problema sa pera, o pag-uusig? Minsan ba ay nahihirapan kang manatiling masaya sa paglilingkod kay Jehova? Kung oo, mapatitibay ka ng halimbawa nina Noe, Daniel, at Job. Hindi sila sakdal, at napaharap sila sa mga hamong gaya ng nararanasan natin. Nanganib pa nga ang buhay nila. Pero nanatili silang tapat, kaya naman para sa Diyos, sila ay mga huwaran ng pananampalataya at pagkamasunurin.—Basahin ang Ezekiel 14:12-14.
2 Isinulat ni Ezekiel ang mga salita ng ating temang teksto noong 612 B.C.E. sa Babilonia.a (Ezek. 1:1; 8:1) Malapit nang puksain noon ang apostatang Jerusalem, at nangyari ito noong 607 B.C.E. Iilang indibiduwal lang ang may mga katangiang gaya ng kina Noe, Daniel, at Job, na minarkahan para sa kaligtasan. (Ezek. 9:1-5) Kasama sa mga ito sina Jeremias, Baruc, Ebed-melec, at ang mga Recabita.
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Sa ngayon din naman, tanging mga taong matuwid sa paningin ni Jehova—gaya nina Noe, Daniel, at Job—ang mamarkahan para sa kaligtasan kapag nagwakas ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Apoc. 7:9, 14) Kaya alamin natin kung bakit itinuring ni Jehova na matuwid sina Noe, Daniel, at Job. Suriin natin (1) kung anong mga hamon ang napaharap sa kanila at (2) kung paano natin matutularan ang kanilang pananampalataya at pagkamasunurin.
SI NOE—MAY PANANAMPALATAYA AT MASUNURIN SA LOOB NG MAHIGIT 900 TAON
4, 5. Anong mga hamon ang napaharap kay Noe, at bakit kahanga-hanga ang kaniyang pagbabata?
4 Mga hamong napaharap kay Noe. Noong panahon ni Enoc, na lolo sa tuhod ni Noe, masyado nang di-makadiyos ang mga tao. Nagsasalita pa nga sila ng “nakapangingilabot na mga bagay” laban kay Jehova. (Jud. 14, 15) Tumitindi ang karahasan. Sa katunayan, noong panahon ni Noe, “ang lupa ay napuno ng karahasan.” Ang masasamang anghel ay nagkatawang-tao, kumuha ng mga asawa, at nagkaroon ng mga anak na malulupit at mararahas. (Gen. 6:2-4, 11, 12) Pero ibang-iba si Noe. “Si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova. . . . Siya ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.”—Gen. 6:8, 9.
5 Ano ang ipinahihiwatig niyan tungkol kay Noe? Una, hindi siya lumakad kasama ng Diyos nang 70 o 80 taon lang—ang karaniwang haba ng buhay ng mga tao sa ngayon. Halos 600 taon siyang nabuhay sa napakasamang sanlibutang iyon bago ang Baha! (Gen. 7:11) Ikalawa, di-tulad natin, wala siyang mga kakongregasyon na makapagpapatibay sa kaniya. Lumilitaw na kahit mga kapatid niya sa laman ay hindi rin nakatulong sa kaniya sa espirituwal.b
6. Paano nagpakita si Noe ng lakas ng loob?
6 Para kay Noe, hindi sapat na maging mabuting tao lang. Siya rin ay naging matapang na “mangangaral ng katuwiran,” at ipinahayag niya sa iba ang pananampalataya niya kay Jehova. (2 Ped. 2:5) “Sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay hinatulan niya ang sanlibutan,” ang sabi ni apostol Pablo. (Heb. 11:7) Kaya tiyak na dumanas si Noe ng pagtuya at pagsalansang, at baka pinagbantaan pa nga siya na sasaktan. Pero hindi siya ‘nanginig sa harap ng mga tao.’ (Kaw. 29:25) Taglay ni Noe ang lakas ng loob na ibinibigay ni Jehova sa tapat na mga lingkod niya.
7. Anong mga hamon ang napaharap kay Noe sa pagtatayo ng arka?
7 Pagkatapos lumakad ni Noe kasama ng Diyos nang mahigit 500 taon, inutusan siya ni Jehova na magtayo ng arka para mailigtas ang mga tao at mga hayop. (Gen. 5:32; 6:14) Tiyak na napakahirap ng proyektong iyon—at hindi lang dahil sa mismong pagtatayo nito! Alam ni Noe na lalo siyang tutuyain at sasalansangin dahil dito. Pero nanampalataya si Noe kay Jehova at sumunod siya. “Gayung-gayon ang ginawa niya.”—Gen. 6:22.
8. Paano nagtiwala si Noe kay Jehova bilang kaniyang Tagapaglaan?
8 Ang isa pang hamon kay Noe ay ang paglalaan ng materyal na pangangailangan ng kaniyang asawa at mga anak. Bago ang Baha, hirap na hirap ang mga tao sa pagtatanim, at tiyak na gayundin si Noe. (Gen. 5:28, 29) Pero naging pangunahin sa buhay niya ang paglilingkod sa Diyos, hindi ang pag-aalala sa materyal. Kahit abala siya sa pagtatayo ng arka, na maaaring inabot nang 40 o 50 taon, nanatiling nakapokus si Noe sa espirituwal. At patuloy niyang ginawa iyan nang 350 taon pa pagkatapos ng Baha! (Gen. 9:28) Napakahusay na halimbawa ng pananampalataya at pagkamasunurin!
9, 10. (a) Paano natin matutularan ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Noe? (b) Kung determinado kang sumunod sa mga batas ng Diyos, ano ang maaasahan mo?
9 Kung paano natin matutularan ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Noe. Magagawa natin ito kung itataguyod natin ang katuwiran ng Diyos, mananatiling hiwalay sa sanlibutan ni Satanas, at uunahin ang Kaharian. (Mat. 6:33; Juan 15:19) Kaya naman, ayaw sa atin ng sanlibutan. Sa katunayan, dahil sa ating paninindigan sa mga batas ng Diyos pagdating sa sekso at pag-aasawa, umani tayo ng negatibong publisidad sa ilang bansa. (Basahin ang Malakias 3:17, 18.) Pero gaya ni Noe, may takot tayo kay Jehova, hindi sa mga tao. Alam nating siya lang ang makapagbibigay ng buhay na walang hanggan.—Luc. 12:4, 5.
10 Kumusta ka naman? Patuloy ka bang ‘lalakad na kasama ng Diyos’ kahit tinutuya o pinipintasan ka ng iba? Magtitiwala ka pa rin ba sa ating Tagapaglaan kahit mahirap ang buhay? Kung tutularan mo ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Noe, makaaasa kang pangangalagaan ka ni Jehova.—Fil. 4:6, 7.
SI DANIEL—MAY PANANAMPALATAYA AT MASUNURIN KAHIT NASA UBOD-SAMANG LUNSOD
11. Anong mabibigat na hamon ang napaharap kay Daniel at sa kaniyang tatlong kasamahan sa Babilonya? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
11 Mga hamong napaharap kay Daniel. Namuhay si Daniel bilang isang bihag sa Babilonya, isang lunsod na punô ng idolatriya at espiritismo. Hinahamak din ng mga Babilonyo ang mga Judio, pati na ang kanilang Diyos na si Jehova. (Awit 137:1, 3) Tiyak na napakasakit nito para sa tapat na mga Judio, gaya ni Daniel! Marami ring nagmamasid sa kaniya at sa kaniyang tatlong kasamahan—sina Hananias, Misael, at Azarias—dahil sasanayin sila para maglingkod sa hari ng Babilonya. Pati ang pagkain nila ay itinakda. Di-nagtagal, naging isyu ang pagkain at inumin dahil ipinasiya ni Daniel na “hindi niya durumhan ang kaniyang sarili ng masasarap na pagkain ng hari.”—Dan. 1:5-8, 14-17.
12. (a) Anong magagandang katangian ang ipinakita ni Daniel? (b) Ano ang tingin ni Jehova kay Daniel?
12 Maaaring napaharap din si Daniel sa isang kakaibang hamon. Dahil sa pambihirang husay at talino, nakatanggap siya ng espesyal na mga pribilehiyo. (Dan. 1:19, 20) Pero sa halip na maging arogante at isiping laging tama ang kaniyang opinyon, nanatili siyang mapagpakumbaba at lagi niyang ibinibigay ang kapurihan kay Jehova. (Dan. 2:30) Sa katunayan, kabataan pa si Daniel nang banggitin siya ni Jehova bilang mabuting halimbawa, kasama nina Noe at Job. May saligan ba ang tiwala ng Diyos kay Daniel? Oo naman! Hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay, may pananampalataya si Daniel at naging masunurin. Halos 100 taóng gulang na siya nang sabihin sa kaniya ng anghel ng Diyos: “O Daniel, ikaw [ay] lubhang kalugud-lugod na lalaki.”—Dan. 10:11.
13. Bakit posibleng naging pagpapala si Daniel sa kaniyang mga kapuwa Judio?
13 Dahil sa tulong ni Jehova, si Daniel ay naging mataas na opisyal sa ilalim ng Imperyo ng Babilonya, at nang maglaon, sa Imperyo ng Medo-Persia. (Dan. 1:21; 6:1, 2) Marahil, minaniobra ito ni Jehova para maging pagpapala si Daniel sa kaniyang mga kababayan, gaya ni Jose noon sa Ehipto at nina Esther at Mardokeo sa Persia.c (Dan. 2:48) Tiyak na napatibay ang mga bihag na Judio, pati na si Ezekiel, dahil ginamit ni Jehova si Daniel para tulungan sila!
14, 15. (a) Ano ang pagkakatulad ng kalagayan natin sa sitwasyon noon ni Daniel? (b) Ano ang matututuhan ng mga magulang sa halimbawa ng mga magulang ni Daniel?
14 Kung paano natin matutularan ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Daniel. Sa ngayon, namumuhay rin tayong gaya ng mga banyaga sa sanlibutang punô ng imoralidad at espiritismo dahil sa impluwensiya ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon at “tahanang dako ng mga demonyo.” (Apoc. 18:2) Dahil dito, kitang-kita ang ating kaibahan, at nagiging puntirya tayo ng panunuya. (Mar. 13:13) Kaya naman, gaya ni Daniel, maging malapít tayo sa ating Diyos na si Jehova. Kung tayo ay mapagpakumbaba, masunurin, at nagtitiwala sa kaniya, magiging kalugod-lugod din tayo sa kaniyang paningin.—Hag. 2:7.
15 Ano ang matututuhan ng mga magulang sa halimbawa ng mga magulang ni Daniel? Sa kabila ng masasamang kalagayan noon sa Juda, natutuhang ibigin ng batang si Daniel ang Diyos na Jehova. Hindi ito nagkataon lang. Katibayan ito ng mahusay na pagsasanay ng mga magulang niya. (Kaw. 22:6) Ipinahihiwatig din ng pangalan ni Daniel, na nangangahulugang “Ang Aking Hukom ay [ang] Diyos,” na may takot sa Diyos ang kaniyang mga magulang. (Dan. 1:6) Mga magulang, huwag sumuko. Matiyagang turuan ang inyong mga anak. (Efe. 6:4) Manalanging kasama nila at ipanalangin din sila. Kapag sinisikap ninyong itanim sa kanilang puso ang katotohanan, tiyak na pagpapalain kayo ni Jehova.—Awit 37:5.
SI JOB—MAY PANANAMPALATAYA AT MASUNURIN MAYAMAN MAN O MAHIRAP
16, 17. Anong mga hamon ang naranasan ni Job?
16 Mga hamong napaharap kay Job. Dumanas si Job ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Noong una, siya ang “pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan.” (Job 1:3) Mayaman siya, kilalá, at talagang iginagalang. (Job 29:7-16) Pero hindi inisip ni Job na nakahihigit siya sa iba o na hindi na niya kailangan ang Diyos. Tinawag pa nga siya ni Jehova na “aking lingkod,” at sinabing isa siyang “lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.”—Job 1:8.
17 Pero sa maikling panahon, biglang nagbago ang mundo ni Job. Nawala sa kaniya ang lahat kung kaya nanlumo siya at gusto nang mamatay. Alam natin na kagagawan ito ng maninirang-puri na si Satanas. Pinagbintangan niya si Job at sinabing naglilingkod lang ito sa Diyos dahil sa sariling pakinabang. (Basahin ang Job 1:9, 10.) Hindi binale-wala ni Jehova ang masamang bintang na iyon. Kaya naman binigyan Niya si Job ng pagkakataong patunayan na tapat siya at naglilingkod udyok ng pag-ibig.
18. (a) Ano ang hinahangaan mo sa katapatan ni Job? (b) Ano ang matututuhan natin kay Jehova sa pakikitungo niya kay Job?
18 Sunod-sunod ang pag-atake ni Satanas kay Job kung kaya inakala ni Job na kagagawan ng Diyos ang mga paghihirap niya. (Job 1:13-21) Dumating pa ang tatlong lalaki na kunwari ay mga kaibigan ni Job pero nagsabi lang ng masasakit na salita sa kaniya. Masama raw siya kung kaya pinarurusahan siya ng Diyos! (Job 2:11; 22:1, 5-10) Pero nanatili pa ring tapat si Job. Kung minsan, nakakapagsalita si Job nang padalos-dalos. Pero inunawa ni Jehova ang nadarama niya. (Job 6:1-3) Alam ng Diyos na nanlulumo si Job. At kahit paulit-ulit na sinalakay ni Satanas si Job sa pamamagitan ng pang-iinsulto, hindi tinalikuran ni Job ang Diyos. Kaya pagkatapos ng kalbaryo ni Job, binigyan siya ni Jehova nang doble ng mga bagay na taglay niya noon, at nabuhay pa siya nang 140 taon. (Sant. 5:11) Patuloy rin siyang nagbigay ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. Paano natin nalaman? Dahil isinulat ni Ezekiel ang mga salita ng ating temang teksto daan-daang taon pagkamatay ni Job.
19, 20. (a) Paano natin matutularan ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Job? (b) Sa pakikitungo natin sa iba, paano natin matutularan ang habag ng Diyos?
19 Kung paano natin matutularan ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Job. Anuman ang sitwasyon natin, lagi nating unahin si Jehova sa ating buhay. Magtiwala tayo sa kaniya nang lubusan at sundin natin siya nang buong puso. Kumpara kay Job, mas marami tayong dahilan para gawin iyan! Pag-isipan ito: Mas marami na tayong alam tungkol kay Satanas at sa mga taktika niya. (2 Cor. 2:11) Nakatulong ang aklat ng Job para malaman natin kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Sa tulong naman ng hula ni Daniel, nauunawaan natin na ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na gobyernong pinamamahalaan ni Kristo Jesus. (Dan. 7:13, 14) Alam din natin na tuluyang wawakasan ng Kahariang ito ang lahat ng pagdurusa.
20 Ipinakikita rin ng nangyari kay Job na kailangan tayong magpakita ng habag sa mga kapuwa Kristiyano na dumaranas ng mga problema. Gaya ni Job, baka makapagsalita sila nang padalos-dalos. (Ecles. 7:7) Huwag natin silang husgahan. Sa halip, unawain natin sila at kahabagan. Sa gayon, tinutularan natin si Jehova, ang ating maibigin at maawaing Ama.—Awit 103:8.
“PALALAKASIN NIYA KAYO”
21. Paano makikita sa buhay nina Noe, Daniel, at Job na totoo ang mga salita ng 1 Pedro 5:10?
21 Nabuhay sina Noe, Daniel, at Job sa magkakaibang panahon at kalagayan. Pero napagtagumpayan nila ang mga hamong napaharap sa kanila. Makikita sa karanasan nila na totoo ang isinulat ni apostol Pedro: “Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos ng buong di-sana-nararapat na kabaitan . . . ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.”—1 Ped. 5:10.
22. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
22 Sa mga salitang iyan ni Pedro, tinitiyak sa atin ni Jehova na patatatagin at palalakasin niya ang kaniyang mga lingkod. Totoo rin ang mga salitang iyan sa bayan ng Diyos ngayon. Gusto nating lahat na palakasin tayo ni Jehova, at makapanatiling matatag sa paglilingkod sa kaniya. Kaya naman, gusto nating tularan ang pananampalataya at pagkamasunurin nina Noe, Daniel, at Job! Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, nakapanatili silang tapat kay Jehova dahil kilalang-kilala nila siya. Sa katunayan, ‘naunawaan nila ang lahat’ ng kaniyang mga kahilingan. (Kaw. 28:5) Magagawa rin natin iyan.
a Dinalang bihag si Ezekiel noong 617 B.C.E. Isinulat niya ang Ezekiel 8:1–19:14 “nang ikaanim na taon” matapos siyang ipatapon, o noong 612 B.C.E.
b Si Lamec, ang may takot sa Diyos na ama ni Noe, ay namatay mga limang taon bago ang Baha. Kung buháy man ang ina at mga kapatid ni Noe nang magsimula ang Baha, hindi sila nakaligtas.