Kaninong Pagkilala ang Hinahangad Mo?
“Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”—HEB. 6:10.
1. Ano ang likas na hangarin ng bawat isa sa atin, at ano ang kasama rito?
ANO ang madarama mo kapag ang isa na kilala mo at iginagalang ay makalimot sa pangalan mo, o mas malala pa, hindi ka na niya kilala? Tiyak na malulungkot ka. Bakit? Kasi, likas sa bawat isa sa atin na hangaríng tanggapin tayo ng iba. Pero hindi lang basta makilala; gusto rin nating malaman nila ang ating pagkatao at ang mga nagagawa natin.—Bil. 11:16; Job 31:6.
2, 3. Paano maaaring mapilipit ang hangarin nating pahalagahan tayo ng iba? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
2 Pero gaya ng iba pang likas na hangarin ng tao, ang paghahangad na pahalagahan tayo ng iba ay puwedeng maging di-timbang, dahil napipilipit ito ng ating di-kasakdalan. Baka udyukan tayo nitong maghangad ng di-nararapat na pagkilala. Pinasisidhi ng sanlibutan ni Satanas ang paghahangad ng tao na maging tanyag at kilalá, kung kaya nababale-wala ang Isa na siyang nararapat sa pagkilala at pagsamba, ang ating Ama sa langit, ang Diyos na Jehova.—Apoc. 4:11.
3 Noong panahon ni Jesus, mali ang pananaw ng ilang relihiyosong lider sa pagkilala. Nagbabala si Jesus sa mga tagasunod niya: “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanasang magpalakad-lakad na may mahahabang damit at nagnanais ng mga pagbati sa mga pamilihan at ng mga upuan sa unahan sa mga sinagoga at ng pinakatanyag na mga dako sa mga hapunan.” Dagdag pa niya: “Ang mga ito ay tatanggap ng mas mabigat na hatol.” (Luc. 20:46, 47) Samantala, pinuri ni Jesus ang isang mahirap na babaeng balo na nagbigay ng maliit na donasyon na malamang na hindi man lang pinahalagahan ng iba. (Luc. 21:1-4) Talagang ibang-iba ang pananaw ni Jesus sa pagkilala. Tutulungan tayo ng artikulong ito na mapanatili ang tamang pananaw, ang pananaw na sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova.
ANG PINAKAMATAAS NA URI NG PAGKILALA
4. Ano ang pinakamataas na uri ng pagkilala, at bakit?
4 Ano nga ba ang pinakamataas na uri ng pagkilala na puwede nating pagsikapang makamit? Hindi ito ang uri ng atensiyong hinahangad ng mga tao sa larangan ng edukasyon, negosyo, at paglilibang ng sanlibutang ito. Sa halip, ito ang uri ng pagkilalang inilalarawan ni Pablo sa atin: “Ngayong nakilala na ninyo ang Diyos, o sa halip pa nga ay ngayong nakilala na kayo ng Diyos, ano’t muli kayong bumabalik sa mahihina at malapulubing panimulang mga bagay at nagnanais na muling paalipin sa mga ito?” (Gal. 4:9) Isa ngang napakalaking pribilehiyo na ‘makilala ng Diyos,’ ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso! Gusto niyang maging kaibigan niya tayo. Sabi nga ng isang iskolar, tayo ay “pinag-uukulan niya ng pansin.” Kapag kinikilala tayo ni Jehova bilang mga kaibigan niya, naaabot natin ang mismong dahilan ng ating pag-iral.—Ecles. 12:13, 14.
5. Paano tayo makikilala ng Diyos?
5 Nakatanggap si Moises ng ganiyang pagpapala. Nang makiusap siya kay Jehova na ipaalam sa kaniya ang Kaniyang mga daan, sinabi ni Jehova: “Ang bagay na ito na sinalita mo sa akin ay gagawin ko rin, sapagkat nakasumpong ka ng lingap sa aking paningin at kilala kita sa pangalan.” (Ex. 33:12-17) Puwede rin tayong makatanggap ng mga pagpapala kapag personal tayong nakilala ni Jehova. Pero paano tayo makikilala ni Jehova? Dapat natin siyang mahalin at ialay sa kaniya ang ating buhay.—Basahin ang 1 Corinto 8:3.
6, 7. Ano ang puwedeng umakay sa atin na maiwala ang kaugnayan natin kay Jehova?
6 Pero siyempre, kailangan nating mapanatili ang napakahalagang kaugnayan sa ating makalangit na Ama. Gaya ng mga Kristiyano sa Galacia na sinulatan ni Pablo, tayo rin ay kailangang umiwas na magpaalipin sa “mahihina at malapulubing panimulang mga bagay” ng sanlibutang ito, pati na ang hangaring papurihan nito. (Gal. 4:9) Kilala na ng Diyos ang unang-siglong mga Kristiyanong iyon. Pero sinabi ni Pablo na sila ay ‘muling bumabalik’ sa walang-kabuluhang mga bagay. Para bang sinasabi ni Pablo: “Malayo na ang narating n’yo, bakit pa kayo babalik sa walang-kabuluhang mga bagay na iniwan na ninyo?”
7 Puwede rin ba itong mangyari sa atin ngayon? Puwede. Noong una nating makilala si Jehova, baka iniwan na rin natin, gaya ni Pablo, ang pagiging prominente sa sanlibutan ni Satanas. (Basahin ang Filipos 3:7, 8.) Baka tinalikuran na natin ang pagkakataong tumanggap ng mataas na edukasyon, o baka tinanggihan na natin ang mga promosyon o posibilidad na kumita nang malaki sa larangan ng negosyo. Kung magaling tayo sa musika o sports, posibleng sumikat tayo at yumaman, pero tinalikuran natin ang lahat ng iyan. (Heb. 11:24-27) Isa ngang malaking pagkakamali kung iisipin nating ‘nasayang’ ang gayong mga tamang desisyon! Baka akayin tayo nitong hangarín ang mga bagay na itinuring na nating “mahihina at malapulubing” bagay ng sanlibutang ito.a
PATIBAYIN ANG IYONG DETERMINASYON
8. Ano ang magpapatibay sa determinasyon nating hangarín ang pagkilala ni Jehova?
8 Paano natin mapatitibay ang determinasyon nating hangarín ang pagkilala ni Jehova at hindi ng sanlibutan? Para magawa iyan, kailangan nating tandaan ang dalawang mahahalagang bagay. Una, laging kinikilala ni Jehova ang mga tapat na naglilingkod sa kaniya. (Basahin ang Hebreo 6:10; 11:6) Napakahalaga sa kaniya ang bawat lingkod niya, at itinuturing niyang isang ‘kalikuan’ na bale-walain ang mga tapat sa kaniya. Laging “kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.” (2 Tim. 2:19) “Inaalam [niya] ang lakad ng mga matuwid” at alam niya kung paano sila ililigtas mula sa pagsubok.—Awit 1:6; 2 Ped. 2:9.
9. Magbigay ng mga halimbawa kung paano ipinakita ni Jehova ang pagsang-ayon niya sa kaniyang bayan.
9 May mga pagkakataong ipinakita ni Jehova ang pagsang-ayon niya sa kaniyang bayan sa natatanging paraan. (2 Cro. 20:20, 29) Kuning halimbawa ang paraan ng pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan sa Dagat na Pula noong tinutugis sila ng makapangyarihang hukbo ni Paraon. (Ex. 14:21-30; Awit 106:9-11) Kamangha-mangha ang pangyayaring ito, kaya kahit 40 taon na ang lumipas, pinag-uusapan pa rin ito ng mga tagaroon. (Jos. 2:9-11) Talagang nakapagpapatibay alalahanin ang gayong kapahayagan ng pag-ibig at kapangyarihan ni Jehova dahil mapapaharap tayo sa matagal-nang-inihulang pag-atake ng Gog ng Magog! (Ezek. 38:8-12) Sa panahong iyon, tiyak na laking pasasalamat natin dahil hinangad natin ang pagkilala ng Diyos at hindi ng sanlibutan.
10. Ano pa ang dapat nating tandaan sa pagkilalang ipinagkakaloob ni Jehova?
10 Kailangan din nating tandaan ang ikalawang mahalagang bagay: Maaari tayong kilalanin ni Jehova sa paraang hindi natin sukat-akalain. Ang mga gumagawa ng mabuti para lang mapansin ng iba ay sinabihan na wala silang aasahang gantimpala mula kay Jehova. Bakit? Dahil natanggap na nila ang kanilang gantimpala nang purihin sila ng iba. (Basahin ang Mateo 6:1-5.) Pero sinabi ni Jesus na ang kaniyang Ama ay “tumitingin sa lihim,” at nakikita ang mga gumagawa ng mabuti na hindi nabibigyan ng papuri. Nakikita niya ang mga gawang iyon at ginagantihan niya ang bawat isa ayon doon. Pero kung minsan, ginagantimpalaan tayo ni Jehova sa paraang hindi natin sukat-akalain. Tingnan ang ilang halimbawa.
TUMANGGAP ANG ISANG MAPAGPAKUMBABANG DALAGA NG PAGKILALANG HINDI NIYA SUKAT-AKALAIN
11. Paano binigyan ni Jehova ng pagkilala ang dalagang si Maria?
11 Nang kailangan nang ipanganak ang Anak ng Diyos bilang tao, pinili ni Jehova ang isang mapagpakumbabang dalaga, si Maria, para maging ina ng espesyal na sanggol na ito. Nakatira si Maria sa maliit na lunsod ng Nazaret, malayo sa Jerusalem at sa maringal na templo nito. (Basahin ang Lucas 1:26-33.) Bakit kaya si Maria ang napili? Sinabi sa kaniya ni anghel Gabriel na “nakasumpong [siya] ng lingap ng Diyos.” Pagkatapos, nakita ang mahusay na espirituwalidad ni Maria nang makipag-usap siya sa kamag-anak niyang si Elisabet. (Luc. 1:46-55) Oo, pinagmamasdan ni Jehova si Maria, at dahil sa kaniyang katapatan, pinagpala siya ng isang pribilehiyong hindi niya sukat-akalain.
12, 13. Paano binigyan ng pagkilala si Jesus noong isilang siya at noong dalhin siya sa templo pagkalipas ng 40 araw?
12 Nang ipanganak ni Maria si Jesus, hindi pinarangalan ni Jehova ang mga prominenteng opisyal o tagapamahala sa Jerusalem at Betlehem dahil hindi niya sa kanila ipinaalam ang pangyayaring ito. Nagpakita ang mga anghel sa mga hamak na pastol na nagbabantay ng mga tupa sa parang sa labas ng Betlehem. (Luc. 2:8-14) Pagkatapos, pinuntahan ng mga pastol ang bagong-silang na sanggol. (Luc. 2:15-17) Tiyak na nagulat sina Maria at Jose na makitang sa ganoong paraan pinarangalan si Jesus! Pansinin ang pagkakaiba ng paraan ni Jehova at ng Diyablo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Nang isugo ni Satanas ang mga astrologo para dalawin si Jesus at ang mga magulang nito, naligalig ang buong Jerusalem sa balitang isinilang na si Jesus. (Mat. 2:3) Dahil sa ganitong paghahayag sa publiko ng tungkol sa pagsilang ni Jesus, maraming inosenteng bata ang ipinapatay.—Mat. 2:16.
13 Apatnapung araw matapos isilang si Jesus, kinailangan ni Maria na maghandog kay Jehova sa templo sa Jerusalem, na mga siyam na kilometro mula sa Betlehem. (Luc. 2:22-24) Habang naglalakbay kasama sina Jose at Jesus, naiisip siguro ni Maria kung ang nangangasiwang saserdote ang magbibigay ng espesyal na pagkilala sa magiging papel ni Jesus sa hinaharap. Nagkaroon naman ng pagkilala, pero hindi sa paraang inaasahan marahil ni Maria. Sa halip, ginamit ni Jehova ang ‘matuwid at mapagpitagang’ si Simeon, kasama ang 84-anyos na balo, ang propetisang si Ana, para kilalanin na ang batang ito ang magiging ipinangakong Mesiyas, o Kristo.—Luc. 2:25-38.
14. Anong mga pagpapala ang tinanggap ni Maria mula kay Jehova?
14 Kumusta naman si Maria? Patuloy ba siyang kinilala ni Jehova dahil sa pag-aalaga at pagpapalaki sa Anak niya? Oo. Ang mga ginawa at sinabi ni Maria ay ipinasulat ng Diyos sa Bibliya. Lumilitaw na wala sa kalagayan si Maria na maglakbay kasama ni Jesus sa loob ng tatlo at kalahating-taóng pagmiministeryo niya. Marahil bilang biyuda, kinailangan niyang manatili sa Nazaret. Pero kahit marami siyang napalampas na pribilehiyo, naroroon naman siya noong araw na mamatay si Jesus. (Juan 19:26) Pero nang maglaon, si Maria ay nasa Jerusalem kasama ng mga alagad ilang araw bago ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes. (Gawa 1:13, 14) Malamang na pinahiran din siya kasama ng iba pang naroroon. Kung gayon, mangangahulugan ito na binigyan siya ng pagkakataong makasama ni Jesus sa langit magpakailanman. Isa ngang napakagandang gantimpala sa tapat niyang paglilingkod!
ANG PAGKILALA NI JEHOVA SA KANIYANG ANAK
15. Noong nasa lupa si Jesus, paano ipinakita ni Jehova ang pagsang-ayon niya sa kaniyang Anak?
15 Hindi hinangad ni Jesus na parangalan siya ng mga lider ng relihiyon o politika noong panahon niya. Pero tiyak na napatibay siya nang kilalanin siya ni Jehova sa tatlong pagkakataon nang magsalita Siya mula sa langit. Matapos bautismuhan si Jesus sa Ilog Jordan, sinabi ni Jehova: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mat. 3:17) Maliwanag na narinig din ni Juan Bautista ang mga salitang iyon. Pagkatapos, mga isang taon bago patayin si Jesus, narinig ng tatlong apostol niya ang sinabi ni Jehova tungkol kay Jesus: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.” (Mat. 17:5) At mga ilang araw na lang bago patayin si Jesus, nagsalita ulit si Jehova sa kaniyang Anak mula sa langit.—Juan 12:28.
16, 17. Paano pinarangalan ni Jehova si Jesus sa paraang hindi sukat-akalain?
16 Kahit alam ni Jesus na daranas siya ng kahiya-hiyang kamatayan, na inakusahang mamumusong, ipinanalangin niyang maganap sana ang kalooban ni Jehova at hindi ang sa kaniya. (Mat. 26:39, 42) “Nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan,” at hindi naghahangad ng pagkilala mula sa sanlibutan, kundi mula sa kaniyang Ama lamang. (Heb. 12:2) Paano ipinagkaloob ni Jehova ang pagkilalang iyon?
17 Habang nasa lupa, inihayag ni Jesus ang pagnanais niyang makabalik sa kaluwalhatiang taglay niya noon sa langit sa piling ng kaniyang Ama. (Juan 17:5) Walang pahiwatig na higit pa roon ang inaasahan ni Jesus. Hindi siya umaasa ng “mas mataas” na posisyon sa langit. Pero ano ang ginawa ni Jehova? Pinarangalan niya si Jesus sa paraang hindi sukat-akalain. Binuhay niyang muli si Jesus tungo sa isang “nakatataas na posisyon” at ipinagkaloob sa kaniya ang isang pagpapalang noon pa lang Niya ibibigay—ang imortal na buhay bilang espiritu!b (Fil. 2:9; 1 Tim. 6:16) Isa ngang natatanging pagkilala sa katapatan ni Jesus!
18. Ano ang tutulong sa atin na huwag hangarín ang pagsang-ayon ng sanlibutang ito?
18 Ano ang tutulong sa atin na huwag hangarín ang pagsang-ayon ng sanlibutang ito? Tandaan na laging kinikilala ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya at na madalas na ginagantimpalaan niya sila sa paraang hindi sukat-akalain. Sino nga ba ang nakaaalam kung anong mga pagpapala ang naghihintay sa atin sa hinaharap? Samantala, habang nagbabata tayo ng hirap at pagsubok sa masamang sanlibutang ito, lagi nating tandaan na ang sanlibutang ito, pati na ang anumang pagkilalang iniaalok nito, ay lumilipas. (1 Juan 2:17) Ang ating maibiging Ama, si Jehova, ay ‘hindi liko upang limutin ang ating gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan.’ (Heb. 6:10) Oo, ipakikita niyang sinasang-ayunan niya tayo—marahil sa paraan pa ngang hindi natin sukat-akalain!
a Sa ibang salin ng Bibliya, ang salitang ‘malapulubi’ ay isinasaling “walang halaga,” “hamak,” at “walang kabuluhan.”
b Posibleng isa itong di-inaasahang pagpapala, dahil walang binabanggit na imortalidad sa Hebreong Kasulatan.