TALAMBUHAY
Sumulong Ako Dahil sa Mayamang Espirituwal na Pamana
HATINGGABI na at nasa harapan kami ng malaking Ilog Niger—mabilis ang agos nito at mga 1.6 kilometro ang lapad. Kasagsagan noon ng giyera sibil sa Nigeria, kaya delikado ang pagtawid sa Niger. Pero kailangan namin itong gawin, hindi lang isang beses. Paano ako nalagay sa sitwasyong ito? Bumalik muna tayo sa panahon bago ako isilang.
Noong 1913, nabautismuhan sa edad na 25 ang tatay ko na si John Mills sa New York City. Si Brother Russell ang nagbigay ng pahayag sa bautismo. Di-nagtagal, nagpunta si Tatay sa Trinidad. Doon, ikinasal siya kay Constance Farmer, isang masigasig na Estudyante ng Bibliya. Tinutulungan noon ni Tatay ang kaibigan niyang si William R. Brown sa pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation,” hanggang noong maatasan ang mag-asawang Brown sa West Africa noong 1923. Nagpatuloy naman sa paglilingkod sa Trinidad ang mga magulang ko na parehong may makalangit na pag-asa.
MAHAL KAMI NG MGA MAGULANG NAMIN
Siyam kaming magkakapatid. Ang panganay ay pinanganlang Rutherford, ang apelyido ng presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society. Isinilang naman ako noong Disyembre 30, 1922, at isinunod ang pangalan ko kay Clayton J. Woodworth, ang editor noon ng The Golden Age (ngayo’y Awake!). Hindi na kami pinakuha ng aming mga magulang ng mataas na edukasyon. Mas gusto nilang magpokus kami sa espirituwal. Napakahusay mangatuwiran ni Nanay mula sa Kasulatan. Gustong-gusto naman ni Tatay na kuwentuhan kami tungkol sa Bibliya. Iminumuwestra niya ito para maging buháy na buháy.
Maganda ang naging resulta ng kanilang pagsisikap. Sa limang magkakapatid na lalaki, tatlo kaming nag-aral sa Gilead. Tatlo sa mga kapatid kong babae ang nagpayunir sa Trinidad and Tobago sa loob ng maraming taon. Sa tulong ng pagtuturo at halimbawa ng aming mga magulang, naitanim kami “sa bahay ni Jehova.” Pinasigla nila kaming manatili roon kaya sumulong kami “sa mga looban ng aming Diyos.”—Awit 92:13.
Sa bahay namin nagtatagpo para sa gawaing pangangaral. Nagsasama-sama roon ang mga payunir at madalas na pinag-uusapan si Brother George Young, isang misyonerong taga-Canada na bumisita sa Trinidad. Masaya namang ikinukuwento ng mga magulang ko ang tungkol sa dati nilang mga kapartner, ang mag-asawang Brown, na noon ay nasa West Africa na. Nakatulong ito sa akin na magsimulang makibahagi sa ministeryo sa edad na 10.
SIMULA NG AKING PAGLILINGKOD
Deretsahan noon ang mensahe ng ating mga magasin—ibinubunyag nito ang huwad na relihiyon, sakim na komersiyo, at ang maruming politika. Kaya noong 1936, inudyukan ng klero ang kahaliling gobernador ng Trinidad na ipagbawal ang lahat ng publikasyon ng Watch Tower. Itinago namin ang mga literatura pero ginamit namin ang mga ito hanggang sa maubos. Gumamit kami ng mga handbill at placard sa aming mga information march at bicycle parade. Nangaral kami hanggang sa pinakaliblib na lugar ng Trinidad kasama ng grupong gumagamit ng sound car mula sa bayan ng Tunapuna. Ang saya-saya noon! Kaya noong 16 anyos ako, nagpabautismo ako.
Dahil sa pamilya ko at sa mga karanasang ito, naging tunguhin kong maging misyonero. Iyan pa rin ang tunguhin ko nang magpunta ako sa Aruba noong 1944 at sumama kay Brother Edmund W. Cummings. Tuwang-tuwa kami na 10 katao ang sumama sa amin para sa Memoryal noong 1945. Nang sumunod na taon, nabuo ang unang kongregasyon sa isla.
Di-nagtagal, napangaralan ko ang katrabaho kong si Oris Williams. Sinikap ni Oris na ipagtanggol ang mga doktrinang naituro sa kaniya. Pero sa pag-aaral ng Bibliya, natutuhan niya kung ano talaga ang itinuturo ng Salita ng Diyos. Nagpabautismo siya noong Enero 5, 1947. Pagkatapos, nahulog ang loob namin sa isa’t isa at nagpakasal kami. Nagpayunir siya noong Nobyembre 1950. Naging mas makulay ang buhay ko nang makasama ko si Oris.
KAPANA-PANABIK NA PAGLILINGKOD SA NIGERIA
Noong 1955, naimbitahan kaming mag-aral sa Gilead. Kaya nagbitiw kami sa trabaho, ibinenta ang aming bahay at mga pag-aari, at umalis sa Aruba. Noong Hulyo 29, 1956, nagtapos kami sa ika-27 klase ng Gilead at naatasan sa Nigeria.
Naalaala ni Oris: “Makakatulong ang espiritu ni Jehova para makapag-adjust ang isa sa mga hamon sa buhay-misyonero. Ayaw kong maging misyonera, di-gaya ng mister ko. Mas gusto kong magkaroon ng sariling tahanan at magpalaki ng mga anak. Pero nabago ang saloobin ko nang makita ko ang pagkaapurahan ng pangangaral ng mabuting balita. Sa pagtatapos namin sa Gilead, buo na ang loob ko sa gawaing pagmimisyonero. Habang pasakay kami ng barkong Queen Mary, sinabi ni Brother Worth Thornton na naglilingkod sa opisina ni Brother Knorr, ‘Bon voyage!’ Sinabi rin niya na sa Bethel kami maglilingkod. ‘Ha, Bethel?’ ang nasabi ko. Pero mabilis ko rin iyong natanggap at minahal ko ang Bethel kung saan nagkaroon ako ng iba’t ibang atas. Na-enjoy ko talaga ang atas ko bilang receptionist. Mahal ko kasi ang mga tao, at dahil sa atas na ito, lagi kong nakakasama ang mga kapatid na taga-Nigeria. Marami ang pumupunta roon na marumi, pagód, uháw, at gutóm. Masaya akong mapaglingkuran sila. Lahat ng iyon ay sagradong paglilingkod kay Jehova, at nagpasaya iyon sa akin.” Oo, dahil sa aming mga atas, naging mas makulay ang buhay namin.
Sa isang salusalo ng pamilya sa Trinidad noong 1961, ikinuwento ni Brother Brown ang ilang masasayang karanasan niya sa Africa. ’Tapos, sinabi ko naman ang pagsulong sa Nigeria. Inakbayan ako ni Brother Brown at sinabi sa tatay ko: “Johnny, hindi ka nakarating sa Africa, daig ka ni Woodworth!” Sinabi naman ni Tatay, “Tuloy-tuloy ka lang, Worth!” Dahil sa pampatibay ng makaranasang mga kapatid na ito, lalo akong naging determinado na lubusang gawin ang aking ministeryo.
Noong 1962, isang pribilehiyo na tumanggap ng karagdagang pagsasanay sa ika-37 klase ng Gilead, isang 10-buwang kurso. Si Brother Wilfred Gooch na tagapangasiwa noon ng sangay sa Nigeria ay nag-aral sa ika-38 klase at naatasan sa England. Ibinigay sa akin ang pananagutang mangasiwa sa sangay sa Nigeria. Tinularan ko ang halimbawa ni Brother Brown. Naglakbay ako sa malalayong lugar, at nakilala at minahal ko ang mga kapatid sa Nigeria. Kahit wala silang materyal na mga bagay na pangkaraniwan lang sa mga nasa mas maunlad na lupain, masaya sila at kontento. Patunay sila na ang makabuluhang buhay ay hindi nakadepende sa pera o materyal na pag-aari. Kahit mahirap sila, kahanga-hangang makita sila sa mga pulong na malinis, maayos, at kagalang-galang. Kapag pumupunta sa mga kombensiyon, marami ang sakay ng trak at bolekajaa (sasakyang bukás sa gilid). Karaniwan nang makikita sa mga sasakyang ito ang agaw-pansing mga slogan. Ang isa: “Nabuo ang malaking dagat dahil sa maliliit na patak.”
Totoong-totoo ang slogan na iyan! Mahalaga ang pagsisikap ng bawat isa; kasama na ang sa amin. Noong 1974, ang Nigeria ang naging unang bansa sa labas ng United States na umabot sa 100,000 ang mga mamamahayag. Talagang lumago ang gawain!
Kasabay ng pagsulong na ito, sumiklab ang giyera sibil sa Nigeria mula 1967 hanggang 1970. Ilang buwang walang kontak sa tanggapang pansangay ang ating mga kapatid sa Biafra na nasa kabilang panig ng Ilog Niger. Kinailangan namin silang dalhan ng espirituwal na pagkain. Gaya ng nabanggit sa simula, sa tulong ng panalangin at pagtitiwala kay Jehova, maraming beses naming tinawid ang ilog na iyon.
Tandang-tanda ko pa ang mapanganib na pagtawid namin sa Niger. Nalagay kami sa bingit ng kamatayan dahil sa agresibong mga sundalo, sakit, at iba pang panganib. Mahirap makalampas sa mapaghinalang mga tropa ng gobyerno, pero mas nakakatakot pa kapag nasa barikada ka na ng Biafra. Isang gabi, tumawid ako sa rumaragasang Ilog Niger sakay ng pampasaherong bangka mula sa Asaba hanggang Onitsha. Nagpatuloy ako hanggang sa Enugu para patibayin ang mga tagapangasiwa roon. Sa isa pang paglalakbay, pinatibay namin ang mga elder sa bayan ng Aba kung saan pinutol ang suplay ng kuryente. Sa Port Harcourt, agad naming tinapos sa panalangin ang pulong nang mapasok ng tropa ng gobyerno ang barikada ng Biafra sa labas ng bayan.
Napakahalaga ng mga pulong na iyon para madama ng minamahal nating mga kapatid ang malasakit ni Jehova at mabigyan sila ng kinakailangang payo sa neutralidad at pagkakaisa. Matagumpay na nalampasan ng mga kapatid sa Nigeria ang kakila-kilabot na labanang iyon. Ipinakita nila na mas makapangyarihan ang pag-ibig kaysa sa pagkakapootan dahil sa lahi, at nanatili silang nagkakaisa bilang mga Kristiyano. Isang pribilehiyong makasama sila sa panahong iyon ng pagsubok!
Noong 1969, si Brother Milton G. Henschel ay naging chairman sa “Peace on Earth” na Internasyonal na Asamblea sa Yankee Stadium, New York. Assistant niya ako kaya marami akong natutuhan sa kaniya. Tamang-tama iyon kasi noong sumunod na taon, idinaos ang “Men of Goodwill” na Internasyonal na Asamblea sa Lagos, Nigeria. Kahit katatapos lang ng giyera sibil, naging matagumpay ang asambleang iyon dahil sa pagpapala ni Jehova. Makasaysayan ito dahil ginanap ito sa 17 wika na dinaluhan ng 121,128. Dumating sina Brother Knorr at Brother Henschel at ang iba pang bisita mula sa United States at England sakay ng inarkilang eroplano. Nasaksihan nila ang isa sa pinakamalaking Kristiyanong bautismo mula noong Pentecostes—3,775 bagong alagad! Siguro ang pinakaabalang bahagi ng buhay ko ay noong tumutulong ako sa pag-aasikaso para sa asambleang iyon. Talagang lumobo ang bilang ng mamamahayag!
Sa loob ng mahigit 30 taon sa Nigeria, may mga pagkakataong naglingkod kami bilang naglalakbay na tagapangasiwa at tagapangasiwa ng sona sa West Africa. Talagang napahalagahan ng mga misyonero ang natanggap nilang personal na atensiyon at pampatibay-loob! Isang pribilehiyo na matiyak sa kanila na hindi sila nakakalimutan! Dahil dito, natutuhan ko na mahalagang magpakita ng malasakit sa mga kapatid para sumulong sila at para manatiling matatag at nagkakaisa ang organisasyon ni Jehova.
Nakayanan lang namin ang mga problemang dulot ng giyera sibil at ng pagkakasakit sa tulong ni Jehova. Damang-dama namin ang pagpapala ni Jehova. Ganito ang sinabi ni Oris:
“Maraming beses kaming nagkamalarya. Minsan nga, isinugod sa ospital sa Lagos si Worth nang walang malay. Sinabi sa akin na posibleng mamatay siya, pero buti na lang nalampasan niya iyon! Nang magkamalay uli siya, nagpatotoo siya tungkol sa Kaharian ng Diyos sa nars na nagbabantay sa kaniya. At dahil nagpakita ng interes sa Bibliya ang nars na iyon na si Mr. Nwambiwe, dinalaw namin siya ni Worth. Tinanggap niya ang katotohanan at naging elder sa Aba. Marami rin akong natulungang maging tapat na lingkod ni Jehova, kahit debotong mga Muslim pa nga. Talagang nagdulot sa amin ng kagalakan na makilala at mahalin ang mga taga-Nigeria, ang kultura nila, kaugalian, at wika.”
Ito ang isa pang aral: Para sumulong sa atas sa ibang bansa, kinailangan naming matutuhang mahalin ang mga kapatid kahit ibang-iba ang kultura nila sa amin.
BAGONG MGA ATAS
Matapos maglingkod sa Bethel sa Nigeria, nakatanggap kami ng bagong atas noong 1987 sa magandang isla ng St. Lucia sa Caribbean bilang misyonero. Ang gandang atas nito, pero may mga bagong hamon. Sa Africa, marami ang asawa ng isang lalaki, pero dito sa St. Lucia, marami ang nagsasama nang hindi kasal. Natulungan ng makapangyarihang Salita ng Diyos ang marami sa aming estudyante sa Bibliya na magbago.
Dahil humihina na kami at nagkakaedad, inilipat kami ng Lupong Tagapamahala sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, U.S.A., noong 2005. Araw-araw kong pinasasalamatan si Jehova dahil kay Oris. Namatay siya noong 2015, at hindi ko mailarawan ang sakit na mawalan ng kabiyak. Wala siyang katulad, masarap mahalin, at mapagmahal. Hindi nagbago ang pagmamahal ko sa kaniya sa loob ng 68 taon naming pagsasama. Natutuhan namin na para maging masaya, sa pag-aasawa man o sa kongregasyon, kailangan ang paggalang sa pagkaulo, pagpapatawad, kapakumbabaan, at pagpapakita ng bunga ng espiritu.
Kapag nadidismaya kami o pinanghihinaan ng loob, nananalangin kami kay Jehova para hindi mabale-wala ang aming mga sakripisyo. Habang hinahayaan naming maituwid ang aming saloobin, nakikita naming laging gumaganda ang mga bagay-bagay—at may mas magandang bagay pa na naghihintay!—Isa. 60:17; 2 Cor. 13:11.
Sa Trinidad and Tobago, pinagpala ni Jehova ang gawain ng aking mga magulang at ng iba pa, dahil ayon sa pinakabagong ulat, 9,892 na ang sumama sa tunay na pagsamba. Sa Aruba, marami ang nakapagpatibay sa dati kong kongregasyon. Sa islang iyon, mayroon na ngayong 14 na masusulong na kongregasyon. Sa Nigeria, umabot na ng 381,398 ang bilang ng mga mamamahayag. Sa isla naman ng St. Lucia, 783 na ang nagtataguyod ng Kaharian ni Jehova.
Ngayon ay mahigit 90 anyos na ako. Sinasabi sa Awit 92:14 tungkol sa mga naitanim sa bahay ni Jehova: “Uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban, mananatili silang mataba at sariwa.” Masayang-masaya ako sa aking naging paglilingkod kay Jehova. Ang mayamang espirituwal na pamanang natanggap ko ay nakapagpatibay sa akin na lubusang maglingkod kay Jehova. Dahil sa matapat na pag-ibig ni Jehova, ‘namukadkad ako sa mga looban ng aking Diyos.’—Awit 92:13.
a Tingnan ang Awake! ng Marso 8, 1972, p. 24-26.