ARALING ARTIKULO 48
‘Tapusin ang Sinimulan Mo’
“Tapusin . . . ninyo ang sinimulan ninyo.”—2 COR. 8:11.
AWIT 35 Unahin ang mga Bagay na Mas Mahalaga
NILALAMANa
1. Ano ang ipinapahintulot ni Jehova na gawin natin?
PINAPAHINTULUTAN tayo ni Jehova na gumawa ng sarili nating desisyon. Tinuturuan niya tayong maging matalino sa paggawa nito, at tinutulungan niya tayong maging matagumpay kapag nakakapagpasaya sa kaniya ang desisyon natin. (Awit 119:173) Kapag sinusunod natin ang karunungan mula sa Salita ng Diyos, mas makakagawa tayo ng matatalinong desisyon.—Heb. 5:14.
2. Ano ang kadalasang mahirap gawin pagkatapos magdesisyon?
2 Pero kahit maganda ang desisyon natin, baka mahirapan tayong tapusin ang nasimulan natin. Tingnan ang ilang halimbawa: Nagdesisyon ang isang kabataang brother na basahin ang buong Bibliya. Araw-araw siyang nakakapagbasa sa mga unang linggo, pero nahinto ito. Nagdesisyon ang isang sister na magpayunir pero paulit-ulit niya itong ipinagpapaliban. Nagdesisyon ang isang lupon ng matatanda na dalasan ang pagse-shepherding, pero ilang buwan na ang nakakalipas, hindi pa rin nila ito nagagawa. Magkakaiba ang mga sitwasyong ito pero may pagkakatulad. Hindi nila lubusang naisagawa ang mga desisyon nila. Nangyari din iyan sa mga Kristiyano sa Corinto noong unang siglo. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa kanila.
3. Ano ang napagdesisyunan ng mga taga-Corinto, pero ano ang nangyari?
3 Noong mga 55 C.E., gumawa ng mahalagang desisyon ang mga taga-Corinto. Nabalitaan nila na naghihirap ang mga kapatid sa Jerusalem at Judea at nag-iipon ng pera ang ibang mga kongregasyon para makatulong. Dahil sa kabaitan at pagkabukas-palad, nagdesisyon ang mga taga-Corinto na tumulong, kaya nagtanong sila kay apostol Pablo kung ano ang magagawa nila. Nagbigay siya ng tagubilin sa kongregasyon at inatasan si Tito para tumulong sa paglikom. (1 Cor. 16:1; 2 Cor. 8:6) Pero pagkalipas ng ilang buwan, nalaman ni Pablo na wala pang nagagawa ang mga taga-Corinto. Kaya baka hindi maisama ang kontribusyon nila kapag dinala na sa Jerusalem ang tulong galing sa ibang kongregasyon.—2 Cor. 9:4, 5.
4. Ayon sa 2 Corinto 8:7, 10, 11, ano ang sinabi ni Pablo na gawin ng mga taga-Corinto?
4 Maganda ang desisyon ng mga taga-Corinto, at pinuri ni Pablo ang pananampalataya nila at kagustuhang tumulong. Pero pinasigla niya rin silang tapusin ang sinimulan nila. (Basahin ang 2 Corinto 8:7, 10, 11.) Makikita rito na kahit ang tapat na mga Kristiyano ay puwedeng mahirapang isagawa ang napagdesisyunan nila.
5. Anong mga tanong ang sasagutin natin?
5 Gaya ng mga taga-Corinto, baka mahirapan din tayong isagawa ang mga desisyon natin. Bakit? Hindi kasi tayo perpekto, kaya baka magpaliban-liban tayo. O baka may mga pangyayaring hindi natin inaasahan kaya imposible nang maisagawa ang desisyon natin. (Ecles. 9:11; Roma 7:18) Paano natin masusuri ang desisyon natin para malaman kung kailangan natin itong baguhin? At paano natin matitiyak na maisasagawa natin ang mga desisyon natin?
BAGO GUMAWA NG DESISYON
6. Bakit may mga desisyon tayong kailangang baguhin?
6 May mahahalagang desisyon tayo na hinding-hindi natin babaguhin. Halimbawa, naninindigan tayo sa desisyon nating paglingkuran si Jehova, at desidido tayong maging tapat sa asawa natin. (Mat. 16:24; 19:6) Pero may mga desisyon na baka kailangan nating baguhin. Bakit? Dahil nagbabago ang sitwasyon. Ano ang makakatulong sa atin na makagawa ng magandang desisyon?
7. Ano ang dapat nating ipanalangin, at bakit?
7 Manalangin para sa karunungan. Sa patnubay ni Jehova, isinulat ni Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, dahil sagana Siyang nagbibigay sa lahat.” (Sant. 1:5) Masasabing tayong lahat ay “kulang sa karunungan.” Kaya umasa kay Jehova kapag gumagawa ng desisyon at kapag kailangan mong baguhin ang isang desisyon. Sa gayon, tutulungan ka ni Jehova na gumawa ng matatalinong desisyon.
8. Paano ka magsasaliksik bago gumawa ng desisyon?
8 Magsaliksik nang mabuti. Kumonsulta sa Salita ng Diyos, magbasa ng mga publikasyon ng organisasyon ni Jehova, at makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan mo. (Kaw. 20:18) Mahalaga ang ganitong pagsasaliksik kapag kailangan mong magdesisyon kung lilipat ka ng trabaho o tirahan o kapag pipili ka ng edukasyon na makakasuporta sa ministeryo mo.
9. Paano tayo makikinabang kung tapat tayo sa sarili?
9 Suriin ang motibo mo. Mahalaga kay Jehova ang motibo natin. (Kaw. 16:2) Gusto niyang maging tapat tayo sa lahat ng bagay. Kaya kapag gumagawa ng desisyon, gusto rin nating maging tapat sa ating sarili at sa iba pagdating sa motibo natin. Kung hindi tayo tapat, baka mahirapan tayong isagawa ang desisyon natin. Halimbawa, baka nagdesisyon ang isang kabataang brother na magpayunir. Pero pagkalipas ng ilang panahon, nahihirapan na siyang abutin ang oras at nawawala na ang kagalakan niya sa ministeryo. Baka iniisip niya na ang talagang motibo niya sa pagpapayunir ay para pasayahin si Jehova. Pero posible kayang ang pinakadahilan niya ay para pasayahin ang mga magulang niya o ang iba?
10. Ano ang kailangan para makapagbago?
10 Isipin ang isang Bible study na nagdesisyong huminto sa paninigarilyo. Sa una, nakayanan niya ito nang isa o dalawang linggo, pero bumalik siya sa paninigarilyo. Nang bandang huli, napagtagumpayan niya rin ito! Naihinto niya ang bisyo niya dahil sa pag-ibig kay Jehova at sa kagustuhan niyang pasayahin ang Diyos.—Col. 1:10; 3:23.
11. Bakit kailangan mong magkaroon ng espesipikong tunguhin?
11 Magkaroon ng espesipikong tunguhin. Kapag mas espesipiko ang tunguhin mo, mas malamang na matapos mo ang nasimulan mo. Halimbawa, baka nagdesisyon kang dalasan ang pagbabasa mo ng Bibliya. Pero kung wala kang espesipikong iskedyul, baka hindi mo iyon magawa.b O baka nagdesisyon ang mga elder sa kongregasyon na dalasan ang pagse-shepherding, pero pagkalipas ng ilang panahon, hindi pa rin nila naisasagawa ang desisyon nila. Para maging matagumpay, puwede nilang itanong: “Natukoy na ba namin kung sino-sino ang mas makikinabang sa shepherding? Nakapagtakda ba kami ng espesipikong panahon para dalawin sila?”
12. Ano ang kailangan nating gawin kung minsan, at bakit?
12 Maging realistiko. Hindi natin magagawa ang lahat ng gusto natin kasi limitado lang ang panahon, pag-aari, at lakas natin. Kaya maging realistiko at makatuwiran. Baka may desisyon na kailangan mo talagang baguhin dahil hindi mo iyon kayang isagawa. (Ecles. 3:6) Ngayon, ipagpalagay nang nasuri mo na ang desisyon mo, nakagawa ka na ng mga kailangang pagbabago, at nakita mong kaya mo itong isagawa. May limang paraan na makakatulong sa iyo na matapos ang nasimulan mo.
KUNG PAANO ISASAGAWA ANG DESISYON MO
13. Paano ka magkakaroon ng lakas na kailangan para maisagawa ang desisyon mo?
13 Manalangin para magkaroon ng lakas na kumilos. Mabibigyan ka ng Diyos ng “lakas para kumilos” at maisagawa ang desisyon mo. (Fil. 2:13) Kaya humiling ng banal na espiritu kay Jehova para magkaroon ka ng lakas na kailangan mo. Patuloy na manalangin kahit na sa tingin mo ay hindi pa nasasagot ang panalangin mo. Kaayon iyan ng sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi at bibigyan kayo [ng banal na espiritu].”—Luc. 11:9, 13.
14. Paano ka matutulungan ng Kawikaan 21:5 sa pagsasagawa ng desisyon?
14 Gumawa ng plano. (Basahin ang Kawikaan 21:5.) Para matapos ang anumang proyektong sinimulan mo, kailangan mo ng plano. At kailangan mong sundin ang plano. Ganiyan din kapag nakapagdesisyon ka na—kailangan mong gumawa ng espesipikong plano para maisagawa mo ang desisyon. Kung hahati-hatiin mo ang malalaking trabaho sa mas maliliit na gawain, mas masusubaybayan mo ang mga nagagawa mo. Pinasigla ni Pablo ang mga taga-Corinto na magtabi ng kontribusyon “sa unang araw ng bawat linggo” imbes na hintayin pa siyang dumating bago mag-ipon ng pondo. (1 Cor. 16:2) Kapag hinati-hati mo ang malalaking trabaho sa mas maliliit na gawain, hindi ka mabibigatan.
15. Kapag may plano ka na, ano pa ang puwede mong gawin?
15 Matutulungan ka ng malinaw at nakasulat na plano para maisagawa ang desisyon mo. (1 Cor. 14:40) Halimbawa, tinagubilinan ang mga lupon ng matatanda na mag-atas ng elder na magrerekord ng desisyon ng lupon, pati na kung sino ang magsasagawa nito at kung kailan ito dapat matapos. Kapag sinusunod ng mga elder ang tagubiling ito, mas malamang na maisagawa nila ang desisyon nila. (1 Cor. 9:26) Puwede mo ring gayahin iyan sa personal na mga desisyon mo. Halimbawa, puwede mong ilista ayon sa pagkakasunod-sunod ang mga kailangan mong gawin sa araw-araw. Hindi ka lang matutulungan nito na maisagawa ang desisyon mo; mas marami ka ring magagawa sa mas kaunting panahon.
16. Ano ang kailangan para maisagawa mo ang desisyon mo, at ano ang sinasabi ng Roma 12:11 tungkol dito?
16 Magsikap. Kailangan ng pagsisikap para masunod mo ang plano at matapos ang nasimulan mo. (Basahin ang Roma 12:11.) Sinabi ni Pablo kay Timoteo na patuloy na “magsikap” at “ibigay . . . ang buong makakaya” para maging mas mahusay na guro. Kailangan din iyan sa iba pang espirituwal na tunguhin.—1 Tim. 4:13, 16.
17. Paano makakatulong sa iyo ang Efeso 5:15, 16 sa pagsasagawa ng desisyon?
17 Maging matalino sa paggamit ng panahon. (Basahin ang Efeso 5:15, 16.) Itakda kung kailan mo isasagawa ang desisyon mo, at sundin mo iyon. Huwag mo nang hintayin ang pinakamagandang sitwasyon bago ka kumilos—malamang na hindi iyon darating. (Ecles. 11:4) Huwag hayaang maubos ang panahon mo sa di-gaanong mahahalagang bagay at mawalan ka na ng lakas para sa mas mahahalagang bagay. (Fil. 1:10) Kung posible, iiskedyul ang mahahalagang gawain kung kailan ka hindi masyadong maaabala. Ipaalám sa iba na kailangan mong magpokus sa panahong iyon. Puwede mong i-off ang cellphone mo at iwasan munang tingnan ang iyong e-mail o social media.c
18-19. Ano ang makakatulong sa iyo na hindi agad sumuko kapag may mga hadlang?
18 Magpokus sa resulta. Ang resulta ng desisyon mo ay parang destinasyon mo sa paglalakbay. Kung gusto mo talaga itong marating, magpapatuloy ka kahit may saradong daan at kailangan mong magbago ng ruta. Kung magpopokus din tayo sa resulta ng desisyon natin, hindi tayo agad susuko kapag may mga hadlang.—Gal. 6:9.
19 Mahirap gumawa ng magandang desisyon, pati ang pagsasagawa nito. Pero sa tulong ni Jehova, magkakaroon ka ng karunungan at lakas para matapos ang nasimulan mo.
AWIT 65 Sulong Na!
a May desisyon ka ba na pinagsisihan mo? O baka nahihirapan kang bumuo ng desisyon at isagawa ito. Matutulungan ka ng artikulong ito na maharap ang mga hamong ito at tapusin ang nasimulan mo.
b Puwede mong gamitin ang “Iskedyul sa Pagbabasa ng Bibliya” sa jw.org® para matulungan kang mag-iskedyul ng pagbabasa ng Bibliya.
c May mga mungkahi tungkol sa paggamit ng panahon sa artikulong “20 Paraan Para Magkaroon ng Higit na Panahon” sa Abril 2010 ng Gumising!