Hanapin ang Katotohanan
Mahalagang malaman ang katotohanan dahil buhay ang nakataya. Halimbawa, pansinin kung paano nakaapekto sa buhay natin ang sagot sa tanong na, Paano kumakalat ang sakit?
Sa nakalipas na libo-libong taon, walang makasagot sa tanong na iyan, kaya milyon-milyon ang namatay dahil sa mga salot at epidemya. Mabuti na lang at nalaman ng mga siyentipiko ang katotohanan. Nalaman nila na ang mga sakit ay kadalasan nang dahil sa mikrobyo—mga mikroorganismo, gaya ng baktirya at virus. Isang katotohanan lang iyan, pero natulungan nito ang bilyon-bilyon na maiwasan at malunasan ang maraming sakit kaya naging mas malusog ang mga tao at humaba ang kanilang buhay.
Pero paano naman ang ibang mahahalagang tanong? Paano kaya makakaapekto sa iyo ang sagot sa mga tanong na ito?
Sino ang Diyos?
Sino si Jesu-Kristo?
Ano ang Kaharian ng Diyos?
Ano ang mangyayari sa hinaharap?
Nalaman ng milyon-milyong tao ang sagot sa mga tanong na iyan kaya mas gumanda ang buhay nila. Gaganda rin ang buhay mo kung aalamin mo ang sagot.
PUWEDE MO BANG MALAMAN ANG KATOTOHANAN?
Baka maisip mo, ‘Posible ba talagang malaman ang katotohanan tungkol sa lahat ng bagay?’ Sa ngayon, pahirap nang pahirap ang pag-alam sa katotohanan tungkol sa maraming bagay. Bakit?
Hindi na umaasa ang mga tao na magsasabi ng totoo ang gobyerno, mga negosyante, at media. Pinapalabas kasi ng mga ito na mapagkakatiwalaan ang mga impormasyon kaya nahihirapan silang malaman kung ang natatanggap nila ay totoo, opinyon lang, may halong kasinungalingan, o talagang kasinungalingan. Dahil wala nang tiwala sa isa’t isa ang mga tao at laganap na ang mga maling impormasyon, hindi sila magkasundo sa kung ano ang totoo at kung mahalaga pa ito.
Kahit mahirap, posibleng malaman ang tamang sagot sa mahahalagang tanong sa buhay. Paano? Kung gagamitin mo ang paraan na ginagamit mo para malaman ang sagot sa karaniwang mga tanong sa buhay.
ANG PAGHAHANAP MO SA KATOTOHANAN
Sa araw-araw, masasabing hinahanap mo ang katotohanan. Tingnan ang halimbawa ni Jessica. “Malala ang allergy ng anak ko sa mani,” ang sabi niya, “kaunting protina lang na galing dito ay puwede niyang ikamatay.” Kailangang matiyak ni Jessica na ang mga bibilhin niya ay puwedeng kainin ng kaniyang anak. “Tinitingnan ko munang mabuti ang label ng pagkain para makita ang mga ingredient nito. Nagre-research ako at kinokontak ko pa nga ang manufacturer para masigurong walang napahalong protina ng mani sa produkto. Naghahanap din ako ng mapagkakatiwalaang impormasyon para matiyak na sumusunod ang kompanya sa tamang proseso ng paghahanda ng pagkain.”
Baka hindi naman ganiyan kahalaga ang katotohanang inaalam mo araw-araw, pero gaya ni Jessica, inaalam mo ang katotohanan sa pamamagitan ng:
Pagkuha ng tamang impormasyon.
Pagre-research.
Pagtiyak na mapagkakatiwalaan ang pinagkukunan mo ng impormasyon.
Ganiyan din ang puwede mong gawin para malaman ang sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay. Paano?
WALANG-KATULAD NA AKLAT NG KATOTOHANAN
Para mahanap ang katotohanan sa Bibliya, ginamit ni Jessica ang paraan na ginagamit niya sa pagre-research tungkol sa allergy ng kaniyang anak. Sinabi niya, “Ang pagbabasa at pagre-research nang mabuti ang nakatulong sa akin na mahanap ang katotohanan sa Bibliya.” Gaya ni Jessica, nalaman ng milyon-milyong tao ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na:
Ano ang layunin ng buhay?
Ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao?
Bakit may pagdurusa?
Ano ang gagawin ng Diyos para alisin ang lahat ng pagdurusa?
Paano magiging masaya ang pamilya ko?
Mahahanap mo ang sagot sa mga tanong na ito kung babasahin mo ang Bibliya at magre-research ka online sa www.jw.org/tl.