Naisasagawa ng mga Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan ang Layunin Nito
1. Ano ang nagagawa ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
1 Minsan, tinipon ni Jesus ang 70 sa kaniyang mga alagad bago niya sila isugo para mangaral. (Luc. 10:1-11) Pinatibay niya sila at ipinaalaalang hindi sila nag-iisa at na ginagabayan sila ni Jehova, ang “Panginoon ng pag-aani.” Nagbigay siya ng mga tagubilin para maihanda sila sa gawain. Inorganisa rin niya sila at isinugo “nang dala-dalawa.” Ganiyan din ang nagagawa ng mga pagtitipon natin bago lumabas sa larangan—napatitibay tayo, naihahanda, at naoorganisa.
2. Ilang minuto na lang ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
2 Sa kasalukuyan, ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay 10 hanggang 15 minuto, kasama na ang pag-oorganisa sa mga grupo, pag-aatas ng teritoryo, at panalangin. Pero babaguhin na ito. Simula sa Abril, ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay magiging lima hanggang pitong minuto. Kung gagawin ito pagkatapos ng pulong ng kongregasyon, dapat na mas maikli pa ang pagtitipon dahil nasiyahan na sa mainam na talakayan sa Kasulatan ang mga dadalo rito. Dahil maikli lang ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, mas maraming panahon ang mailalaan sa ministeryo. Saglit lang na mapuputol ang oras ng mga payunir o mamamahayag na nagsimula nang mangaral bago ang pagtitipon.
3. Para makinabang nang husto ang mga mamamahayag, paano dapat isaayos ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
3 Ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay dapat isaayos para makinabang nang husto ang mga mamamahayag. Sa maraming kongregasyon, mas makabubuti kung hiwa-hiwalay na magtitipon ang mga grupo kaysa sa magsama-sama sila sa iisang lugar. Makatutulong ito para ang mga mamamahayag ay mas madaling makapunta sa tagpuan at sa teritoryo. Mabilis na maoorganisa ang mga mamamahayag, at magiging mas madali sa mga tagapangasiwa ng grupo na maasikaso ang mga kagrupo nila. Puwedeng isaalang-alang ng lupon ng matatanda ang iba’t ibang kalagayan at saka magpasiya kung ano ang pinakamabuti. Bago tapusin sa maikling panalangin ang pagtitipon, dapat na alam na ng lahat kung saan ang teritoryo at kung sino ang partner nila.
4. Bakit dapat nating ituring na kasinghalaga ng ibang mga pulong ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
4 Kasinghalaga ng Ibang mga Pulong: Dahil ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay para sa kapakinabangan ng mga makikibahagi sa ministeryo, hindi ito kailangang daluhan ng buong kongregasyon. Pero dapat pa rin itong ituring na kasinghalaga ng ibang mga pulong. Gaya ng iba pang pulong, ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay paglalaan mula kay Jehova at pagkakataon para mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa. (Heb. 10:24, 25) Kaya dapat na maghandang mabuti ang mangangasiwa sa pagtitipon para makinabang ang mga dadalo at maparangalan si Jehova. Hangga’t maaari, ang mga mamamahayag na makikibahagi sa ministeryo ay dapat magsikap na dumalo.
Ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay dapat ituring na kasinghalaga ng ibang mga pulong
5. (a) Ano ang mga dapat gawin ng tagapangasiwa sa paglilingkod para maging maayos ang mga pagtitipon? (b) Paano dapat idaos ng isang sister ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
5 Paghahanda ng Mangangasiwa: Para maihandang mabuti ng isa ang kaniyang bahagi sa pulong, dapat na maaga niyang matanggap ang atas. Ganiyan din sa pangangasiwa sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Siyempre, kapag hiwa-hiwalay na nagtitipon ang mga grupo, ang mga tagapangasiwa ng grupo o mga assistant nila ang mangangasiwa. Pero kapag sama-samang nagtitipon ang mga grupo, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay mag-aatas ng mangunguna. Ang ilang tagapangasiwa sa paglilingkod ay nagbibigay ng iskedyul sa lahat ng mangangasiwa at nagpapaskil ng kopya nito sa information board. Dapat gumamit ng mahusay na pagpapasiya ang mga tagapangasiwa sa paglilingkod kapag pumipili ng mga mangangasiwa dahil ang kalidad ng pagtitipon ay nakadepende rin sa kakayahan ng mangangasiwa na magturo at mag-organisa. Kung may mga araw na walang mangangasiwang elder, ministeryal na lingkod, o ibang kuwalipikadong bautisadong brother, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay mag-aatas ng isang mahusay at bautisadong sister para manguna sa pagtitipon.—Tingnan ang artikulong “Kapag Sister ang Kailangang Manguna.”
6. Bakit mahalagang maghandang mabuti ang mangangasiwa?
6 Kapag may bahagi tayo sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo o sa Pulong sa Paglilingkod, sineseryoso natin ito at pinaghahandaang mabuti. Hindi naman siguro natin sisimulang ihanda ang bahagi natin kapag nasa biyahe na tayo papuntang pulong. Ganiyan din sa atas na mangasiwa sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Ngayong paiikliin na ang pagtitipon, lalo nang mahalaga ang paghahandang mabuti para maging kapaki-pakinabang ito at matapos sa oras. Kasama na rito ang patiunang pag-alam ng teritoryo.
7. Ano ang ilang puwedeng talakayin ng mangangasiwa?
7 Kung Ano ang Tatalakayin: Dahil iba-iba ang kalagayan sa bawat teritoryo, ang tapat na alipin ay hindi nagbibigay ng outline para sa bawat pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Pero may ilang mungkahi sa kahong “Mga Puwedeng Talakayin sa Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan.” Karaniwan na, ang pagtitipon ay gagawing talakayan. Paminsan-minsan, puwedeng magkaroon ng pagtatanghal na pinaghandaang mabuti o manood ng angkop na video mula sa jw.org. Kapag naghahanda para sa pagtitipon, dapat pag-isipan ng mangangasiwa kung ano ang makapagpapatibay at makatutulong sa mga lalabas sa larangan sa araw na iyon.
Kapag naghahanda para sa pagtitipon, dapat pag-isipan ng mangangasiwa kung ano ang makapagpapatibay at makatutulong sa mga lalabas sa larangan sa araw na iyon
8. Ano ang ilan sa pinakamagandang puwedeng talakayin sa mga pagtitipon sa larangan kapag Sabado at Linggo?
8 Halimbawa, kapag Sabado, karaniwan nang nag-aalok ng Bantayan at Gumising! ang mga mamamahayag. Marami sa mga naglilingkod ng Sabado ay hindi nakakalabas sa ibang araw ng linggong iyon, kaya baka hindi na nila gaanong matandaan ang pinaghandaan nilang presentasyon sa kanilang Pampamilyang Pagsamba. Kaya makatutulong kung rerepasuhin ng mangangasiwa ang isa sa mga sampol na presentasyon na nasa likod ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Puwede ring talakayin kung paano maiuugnay ang isang balita, pangyayari, o pista opisyal sa iaalok na magasin o kung ano ang sasabihin sa may-bahay para maging handa ito sa susunod na pagdalaw sakaling tanggapin niya ang mga magasin. Kung nasubukan na ng ilan sa mga dumalo sa pagtitipon na ialok ang mga magasin, puwede silang hilingang magbigay ng maikling mungkahi o nakapagpapatibay na karanasan. Kapag Linggo, puwedeng ganiyan din ang gawin ng mangangasiwa para sa alok sa buwang iyon. Ang mga publikasyong ginagamit sa pagtuturo, gaya ng mga brosyur na Magandang Balita at Listen to God at ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, ay puwedeng ialok anumang araw. Kaya sa maikli, maaaring talakayin ng mangangasiwa kung paano iaalok ang mga publikasyong ito.
9. Ano ang puwedeng talakayin sa dulo ng sanlinggo kapag may espesyal na kampanya?
9 Kapag may espesyal na kampanya sa dulo ng sanlinggo, puwedeng talakayin ng mangangasiwa kung paano iaalok ang mga magasin kasabay ng pamamahagi ng imbitasyon o tract o kung ano ang gagawin kapag interesado ang may-bahay. Puwede ring maglahad ng mga karanasan na nagtatampok sa kahalagahan ng gayong mga kampanya.
10, 11. Bakit mahalaga ang paghahanda ng mga mamamahayag para maging matagumpay ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
10 Paghahanda ng mga Mamamahayag: May bahagi rin ang mga mamamahayag para maging matagumpay ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Kapag patiuna silang naghanda para sa paglilingkod, marahil sa pampamilyang pagsamba, may maibabahagi sila sa ibang mga mamamahayag. Dapat ding nakakuha na sila ng mga magasin at literatura bago pumunta sa tagpuan para makaalis agad ang lahat patungong teritoryo.
11 Mahalaga ring planuhing dumating sa tagpuan mga ilang minuto bago magsimula ang pagtitipon. Siyempre, sinisikap nating dumating nang maaga sa mga pulong ng kongregasyon. Pero mas malaking abala kung mahuhulí tayo sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Bakit? Maraming bagay na isinasaalang-alang ang nangangasiwa para maorganisa ang grupo. Kung kaunti ang lumabas, baka ipasiya niyang ituloy ang teritoryong nasimulan nang gawin. Kung malayo ang gagawing teritoryo, baka pinagpartner na niya ang mga walang sasakyan at may sasakyan. Kung delikado sa teritoryo, baka naipartner na niya ang mga brother sa mga grupo ng sister o naatasan ang mga brother na gumawa malapit sa mga ito. Baka ang mga may-edad o maysakit ay naatasan nang mangaral sa lugar na patag ang daan o na ang mga bahay ay mababa lang ang hagdan. Baka naipartner na niya ang mga baguhan sa mas makaranasang mga mamamahayag. Pero kung nahulí tayo, kadalasan nang kailangang baguhin ang nagawa nang mga kaayusan. Ang totoo, may makatuwirang dahilan naman kung minsan kaya tayo nahuhulí. Pero kung nakagawian na natin ito, baka dapat na nating tanungin ang ating sarili kung ito ba ay dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan o dahil hindi natin nagawa nang mas maaga ang mga dapat nating gawin.
12. Kung halos laging ikaw ang pumipili ng partner mo, ano ang puwede mong pag-isipan?
12 Ang mga mamamahayag ay puwedeng pumili ng partner bago magsimula ang pagtitipon, o puwede nilang hintayin kung sino ang ipapartner sa kanila. Kung halos laging ikaw ang pumipili ng partner mo, baka puwedeng “magpalawak” ka at pumili naman ng iba sa halip na malalapít na kaibigan mo lang. (2 Cor. 6:11-13) Puwede mo kayang samahan paminsan-minsan ang isang baguhan para matulungan siyang mapasulong ang kakayahan niya sa pagtuturo? (1 Cor. 10:24; 1 Tim. 4:13, 15) Makinig na mabuti sa mga tagubilin, gaya ng kung saan kayo magsisimulang mangaral. Pagkatapos ng pagtitipon, iwasang baguhin ang mga nagawang kaayusan at pumunta na agad sa teritoryo.
13. Kung sisikapin ng lahat na gawin ang bahagi nila sa pagtitipon, ano ang magiging epekto nito sa atin?
13 Matapos mangaral, ang 70 alagad na inorganisa ni Jesus ay “bumalik na may kagalakan.” (Luc. 10:17) Siguradong nakatulong sa kanila ang pagtitipon kasama ni Jesus bago sila nangaral. Ganiyan din ang puwedeng maging resulta ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Kung sisikapin ng lahat na gawin ang bahagi nila sa pagtitipon, mapatitibay tayo, maihahanda, at maoorganisa para sa atas na magbigay ng “patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Mat. 24:14.