ARALING ARTIKULO 31
Maghihintay Ka Ba kay Jehova?
“Matiyaga akong maghihintay.”—MIK. 7:7.
AWIT 128 Magtiis Hanggang sa Wakas
NILALAMANa
1-2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
ANO ang mararamdaman mo kung may inaasahan kang package na kailangang-kailangan mo pero hindi pa dumarating? Madidismaya ka ba? Normal iyan kasi sinasabi sa Kawikaan 13:12: “Ang inaasahan na hindi nangyayari ay nagpapalungkot sa puso.” Pero paano kung nalaman mo na may makatuwirang dahilan kung bakit hindi pa dumarating ang package na iyon? Malamang na matiyaga kang maghihintay.
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang prinsipyo sa Bibliya na tutulong sa atin na ‘matiyagang maghintay.’ (Mik. 7:7) Aalamin natin ang dalawang sitwasyon na dapat tayong magtiis at matiyagang maghintay kay Jehova. Pag-uusapan din natin ang mga pagpapala para sa mga handang maghintay.
MGA PRINSIPYO SA BIBLIYA NA TUTULONG SA ATIN NA MAGING MAPAGHINTAY
3. Anong prinsipyo ang itinuturo ng Kawikaan 13:11?
3 Itinuturo sa atin ng Kawikaan 13:11 kung bakit dapat tayong maging mapaghintay. Sinasabi nito: “Ang yaman na madaling nakuha ay mauubos, pero ang yaman na unti-unting tinipon ay darami.” Ano ang prinsipyo sa tekstong ito? Magiging maganda ang resulta kung mapaghintay tayo at hindi natin mamadaliin ang mga bagay-bagay.
4. Anong prinsipyo ang itinuturo ng Kawikaan 4:18?
4 Sinasabi sa Kawikaan 4:18 na “ang landas ng mga matuwid ay gaya ng maningning na liwanag sa umaga, na patuloy na lumiliwanag hanggang sa katanghaliang-tapat.” Malinaw na ipinapakita ng tekstong ito na unti-unti ang paraan ng pagsisiwalat ni Jehova ng layunin niya. Pero puwede rin itong tumukoy sa espirituwal na pagsulong ng isang Kristiyano. Hindi minamadali ang espirituwal na pagsulong. Kailangan ang panahon. Kung pag-aaralan nating mabuti ang Bibliya at susundin ang mga payo nito at ng organisasyon ng Diyos, unti-unti nating maipapakita ang mga katangian ni Kristo. Lalo rin nating makikilala ang Diyos. Tingnan natin kung paano iyan inilarawan ni Jesus.
5. Paano inilarawan ni Jesus ang unti-unting pagsulong ng isang tao?
5 Sinabi ni Jesus na ang mensahe ng Kaharian na ipinapangaral natin ay gaya ng isang maliit na binhi na unti-unting tumutubo sa puso ng isang tao. Sinabi niya: “Ang binhi ay tumutubo at tumataas—kung paano ay hindi [alam ng naghasik]. Ang lupa ay kusang nagsisibol ng bunga nang unti-unti—una ay ang tangkay, sumunod ay ang uhay, at sa huli ay ang hinog na mga butil sa uhay.” (Mar. 4:27, 28) Ano ang punto ni Jesus? Kung paanong unti-unti ang paglaki ng isang halaman, unti-unti rin ang pagsulong ng isang tao na tumatanggap sa mensahe ng Kaharian. Halimbawa, habang mas napapalapit kay Jehova ang tapat-pusong mga Bible study natin, nakikita natin ang unti-unting pagbabago na ginagawa nila. (Efe. 4:22-24) Pero dapat nating tandaan na si Jehova ang nagpapalago sa binhi.—1 Cor. 3:7.
6-7. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng paglalang ni Jehova sa lupa?
6 Laging naglalaan si Jehova ng sapat na panahon para matapos ang ginagawa niya. Hindi niya iyon minamadali. Ginagawa niya iyon para maluwalhati ang pangalan niya at para sa ikakabuti ng iba. Halimbawa, hindi minadali ni Jehova ang paglalang sa lupa. Unti-unti niya itong inihanda para sa mga tao.
7 Sinasabi ng Bibliya na nang lalangin ni Jehova ang lupa, itinakda niya ang “mga sukat nito,” ibinaon ang “mga tuntungan nito,” at inilagay ang “batong-panulok nito.” (Job 38:5, 6) Naglaan pa nga siya ng panahon para pagmasdan ang mga ginawa niya. (Gen. 1:10, 12) Naiisip ba ninyo kung ano ang nararamdaman ng mga anghel habang nakikita nila na unti-unting natatapos ni Jehova ang mga nilalalang niya? Siguradong tuwang-tuwa sila! ‘Napasigaw pa nga sila ng papuri.’ (Job 38:7) Ano ang matututuhan natin dito? Libo-libong taon bago natapos ni Jehova ang paglalang, pero nang pagmasdan niya ang lahat ng ginawa niya, sinabi niya na iyon ay “napakabuti.”—Gen. 1:31.
8. Ano ang tatalakayin natin ngayon?
8 Nakita natin sa mga halimbawang ito na maraming prinsipyo sa Bibliya ang nagtuturo sa atin kung bakit mahalaga na maging mapaghintay. Talakayin naman natin ngayon ang dalawang sitwasyon na kailangan nating magtiis at matiyagang maghintay kay Jehova.
MGA SITWASYONG KAILANGAN NATING MAGHINTAY KAY JEHOVA
9. Ano ang isang sitwasyon na kailangan nating maghintay kay Jehova?
9 Baka kailangan nating hintayin ang sagot sa mga panalangin natin. Kapag humihiling tayo ng lakas para makayanan ang isang pagsubok o ng tulong para mapagtagumpayan ang isang kahinaan, baka pakiramdam natin, ang tagal bago iyon sagutin ni Jehova. Bakit hindi agad sinasagot ni Jehova ang lahat ng panalangin natin?
10. Bakit kailangan nating maging matiyaga sa pananalangin?
10 Pinapakinggang mabuti ni Jehova ang mga panalangin natin. (Awit 65:2) Para sa kaniya, ang taimtim na mga panalangin natin ay katibayan ng ating pananampalataya. (Heb. 11:6) Gustong-gusto rin ni Jehova na makita kung gaano tayo kadeterminadong gawin ang kalooban niya at mamuhay ayon sa mga panalangin natin. (1 Juan 3:22) Kaya kung mayroon tayong kahinaan o ugali na gustong baguhin, baka kailangan nating maging matiyaga at magsikap na gawin ang ipinapanalangin natin. Ipinahiwatig ni Jesus na hindi agad sinasagot ni Jehova ang ilang panalangin natin. Sinabi niya: “Patuloy kayong humingi at bibigyan kayo, patuloy kayong maghanap at makakakita kayo, patuloy kayong kumatok at pagbubuksan kayo; dahil bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakakakita, at bawat isa na kumakatok ay pinagbubuksan.” (Mat. 7:7, 8) Kung susundin natin ang payong iyan at ‘magmamatiyaga sa pananalangin,’ makakatiyak tayo na papakinggan at sasagutin ng ating Ama sa langit ang mga panalangin natin.—Col. 4:2.
11. Paano makakatulong sa atin ang Hebreo 4:16 kapag parang hindi agad sinasagot ni Jehova ang panalangin natin?
11 May mga panalangin tayo na parang hindi agad sinasagot ni Jehova, pero ipinapangako niya na sasagutin niya ang mga iyon “sa tamang panahon.” (Basahin ang Hebreo 4:16.) Kaya hindi natin dapat sisihin si Jehova kapag hindi agad nangyayari ang isang bagay na inaasahan natin. Halimbawa, marami ang matagal nang nananalangin na dumating na sana ang Kaharian ng Diyos para matapos na ang masamang sistemang ito. Kahit si Jesus, sinabi niya na ipanalangin natin ito. (Mat. 6:10) Kaya hindi katalinuhan kung hahayaan ng isa na manghina ang pananampalataya niya sa Diyos dahil hindi pa dumarating ang wakas sa panahong inaasahan ng mga tao! (Hab. 2:3; Mat. 24:44) Tama lang na patuloy tayong maghintay kay Jehova at magtiwala na sasagutin niya ang mga panalangin natin. May itinakda nang “araw at oras” si Jehova kung kailan darating ang wakas. Kaya makakatiyak tayo na darating iyon sa eksaktong panahon. At ang araw na iyon ang pinakatamang panahon.—Mat. 24:36; 2 Ped. 3:15.
12. Sa anong sitwasyon mas masusubok ang ating pagiging mapaghintay?
12 Baka kailangan nating maghintay hanggang sa makamit ang katarungan. Kadalasan nang hindi patas ang pagtrato ng marami sa mga taong iba ang kasarian, lahi, tribo, kultura, o bansang pinagmulan. Ang iba naman ay may kapansanan o sakit sa isip kaya biktima rin sila ng kawalang-katarungan. Marami ring Saksi ni Jehova ang dumanas ng kawalang-katarungan dahil sa kanilang pananampalataya. Kapag ganiyan ang trato sa atin, dapat nating tandaan ang sinabi ni Jesus: “Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.” (Mat. 24:13) Pero paano kung nalaman mo na may nagawang malubhang kasalanan ang isang kakongregasyon mo? Kung naipaalam na ito sa mga elder, ipapaubaya mo na ba ito sa kanila at matiyagang maghihintay at magtitiwala na aasikasuhin nila ito sa paraang gusto ni Jehova? Pero paano ba nila ito ginagawa?
13. Ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga elder kapag may nakagawa ng malubhang pagkakasala?
13 Kapag nalaman ng mga elder na may nakagawa ng malubhang kasalanan sa kongregasyon, humihingi sila ng “karunungan mula sa itaas” para malaman ang pananaw ni Jehova sa sitwasyon. (Sant. 3:17) Tunguhin nila na matulungan ang nagkasala na ‘manumbalik mula sa maling landasin niya,’ kung posible. (Sant. 5:19, 20) Gusto rin nila na gawin ang lahat ng magagawa nila para protektahan ang kongregasyon at aliwin ang mga nasaktan. (2 Cor. 1:3, 4) Kapag may hinahawakang kaso ng malubhang pagkakasala ang mga elder, inaalam muna nila ang lahat ng detalye at malamang na mangailangan iyon ng panahon. Pagkatapos, mananalangin sila at maingat na magbibigay ng payo mula sa Bibliya at ng pagtutuwid “sa tamang antas.” (Jer. 30:11) Hindi sila nagpapaliban, pero hindi rin sila nagmamadali sa paghatol. Kapag inasikaso nang tama ang mga bagay-bagay, makikinabang ang buong kongregasyon. Pero kahit ganoon, baka nasasaktan pa rin ang nagawan ng pagkakasala. Kung ganiyan ang kalagayan mo, ano ang puwede mong gawin para mabawasan ang sakit na nararamdaman mo?
14. Anong halimbawa sa Bibliya ang makakatulong sa iyo kung sobra kang nasaktan ng isang kapananampalataya?
14 Nagawan ka na ba ng pagkakamali ng iba, baka ng isang kapananampalataya pa nga? May magagandang halimbawa sa Bibliya na magtuturo sa atin kung paano natin hihintayin si Jehova na ituwid ang mga bagay-bagay. Isa na diyan si Jose. Dumanas siya ng kawalang-katarungan sa kamay ng mismong mga kapatid niya, pero hindi niya hinayaan na manaig ang galit sa puso niya. Sa halip, nagpokus siya sa paglilingkod kay Jehova, at ginantimpalaan siya dahil sa kaniyang pagtitiis. (Gen. 39:21) Sa paglipas ng panahon, napatawad ni Jose ang mga nakasakit sa kaniya at pinagpala siya ni Jehova. (Gen. 45:5) Gaya ni Jose, mababawasan ang sakit na nararamdaman natin kung magiging malapít tayo kay Jehova at maghihintay hanggang sa ilapat niya ang katarungan sa tamang panahon.—Awit 7:17; 73:28.
15. Ano ang nakatulong sa isang sister nang hindi maganda ang naging pagtrato sa kaniya?
15 Hindi naman lahat ng kawalang-katarungan ay kasinlala ng naranasan ni Jose. Pero siyempre, nasasaktan pa rin tayo kapag hindi maganda ang trato sa atin. Kapag may ginawang hindi maganda sa atin ang iba, kasama na ang mga hindi sumasamba kay Jehova, makakabuti kung susundin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Fil. 2:3, 4) Tingnan ang isang halimbawa. Sobrang nasaktan ang isang sister nang malaman niya na sinisiraan siya ng isang katrabaho niya. Imbes na komprontahin agad ang katrabaho niya, pinag-isipan niya ang halimbawa ni Jesus. Nang insultuhin si Jesus, hindi siya gumanti ng pang-iinsulto. (1 Ped. 2:21, 23) Dahil doon, hindi na ginawang isyu ng sister ang nangyari. Bandang huli, nalaman niya na may malalang sakit pala ang katrabaho niya. Inisip ng sister na hindi iyon sinasadya ng katrabaho niya at nagawa lang niya iyon dala ng stress. Masaya ang sister na tiniis niya ang hindi magandang pagtrato sa kaniya, at napanatag na siya.
16. Ano ang mahalagang tandaan kapag naging biktima ka ng kawalang-katarungan? (1 Pedro 3:12)
16 Kung biktima tayo ng kawalang-katarungan o nasaktan tayo ng iba, tandaan na malapit si Jehova sa mga “may pusong nasasaktan.” (Awit 34:18) Mahal ka niya dahil nagtitiis ka at inihahagis mo sa kaniya ang pasanin mo. (Awit 55:22) Siya ang Hukom ng buong lupa. Nakikita niya ang lahat ng bagay. (Basahin ang 1 Pedro 3:12.) Kaya kung may problema ka na hindi mo kayang solusyunan, maghihintay ka ba kay Jehova?
WALANG-HANGGANG PAGPAPALA PARA SA MGA NAGHIHINTAY KAY JEHOVA
17. Ayon sa Isaias 30:18, ano ang ipinapangako ni Jehova sa atin?
17 Malapit na tayong pagpalain ng ating Ama sa langit sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Sinasabi sa Isaias 30:18: “Si Jehova ay matiyagang naghihintay para magpakita ng kabutihan sa inyo, at kikilos siya para magpakita sa inyo ng awa. Dahil si Jehova ay Diyos ng katarungan. Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.” Lahat ng patuloy na naghihintay kay Jehova ay tatanggap ng maraming pagpapala ngayon at sa bagong sanlibutan.
18. Anong mga pagpapala ang naghihintay sa atin?
18 Sa bagong sanlibutan, lahat ng álalahanín at problemang nararanasan natin ngayon ay mawawala na. Mawawala na ang kawalang-katarungan at hindi na rin tayo masasaktan. (Apoc. 21:4) Hindi na tayo mag-aalala sa mga pangangailangan natin dahil maglalaan nang sagana si Jehova para sa lahat. (Awit 72:16; Isa. 54:13) Talagang napakaganda ng mga pagpapalang naghihintay sa atin!
19. Saan tayo unti-unting inihahanda ni Jehova?
19 Habang unti-unti nating binabago ang pangit na mga ugali natin at nagkakaroon tayo ng magagandang katangian, naihahanda tayo ni Jehova para sa buhay sa ilalim ng pamamahala niya. Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa, at huwag kang tumigil sa paglilingkod kay Jehova. Napakaganda ng buhay na mararanasan natin sa hinaharap! Kaya patuloy na magtiis at matiyagang maghintay hanggang sa tuparin ni Jehova ang lahat ng pangako niya.
AWIT 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya
a May narinig ka na bang matagal nang lingkod ni Jehova na nagsabi, ‘Hindi ko akalain na aabot ako sa ganitong edad na wala pa ang wakas’? Gustong-gusto nating lahat na wakasan ni Jehova ang sistemang ito, lalo na ngayong napakahirap ng buhay. Pero dapat tayong matutong magtiis at maghintay. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya na tutulong sa atin na maging mapaghintay. Aalamin natin ang dalawang sitwasyon na dapat tayong magtiis at matiyagang maghintay kay Jehova. Pag-uusapan din natin ang mga pagpapala para sa mga handang maghintay.
b LARAWAN: Mula pagkabata, lagi nang nananalangin ang isang sister kay Jehova. Bata pa lang, tinuruan na siya ng mga magulang niya kung paano manalangin. Noong tin-edyer na siya, nagpayunir siya at lagi niyang hinihiling kay Jehova na pagpalain ang ministeryo niya. Makalipas ang mga taon, nagkaroon ang asawa niya ng malalang sakit, at nagsumamo siya kay Jehova na bigyan siya ng lakas para matiis ang pagsubok na iyon. Ngayong biyuda na, matiyaga pa rin siyang nananalangin at nagtitiwala na sasagutin ng kaniyang Ama sa langit ang mga panalangin niya—gaya ng naranasan niya sa buong buhay niya.