Patibayin Mong Muli ang Pakikipagkaibigan Mo kay Jehova
TAON-TAON, maraming mahalagang tupa ni Jehova ang nanunumbalik sa kongregasyong Kristiyano. Isipin na lang kung gaano ‘kasaya sa langit’ kapag may isang nakabalik sa kongregasyon! (Luc. 15:7, 10) Kung isa ka sa kanila, makakatiyak ka na natutuwa si Jesus, ang mga anghel, at lalong-lalo na si Jehova dahil naninindigan ka na ulit sa katotohanan. Habang pinapatibay mong muli ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova, baka may mga hamong mapaharap sa iyo. Ano ang ilan sa mga ito, at ano ang puwede mong gawin?
ANO ANG MGA HAMON?
Marami ang pinanghihinaan pa rin ng loob kahit nakabalik na sila sa kongregasyon. Baka naiintindihan mo ang naramdaman ni Haring David. Pinatawad na ang mga kasalanan niya noon, pero nasabi pa rin niya: “Natabunan na ako ng mga pagkakamali ko.” (Awit 40:12; 65:3) Kaya posibleng nakokonsensiya o nahihiya pa rin ang isa kahit maraming taon na ang lumipas mula noong manumbalik siya kay Jehova. Si Isabelle ay mahigit 20-taóng tiwalag.a Sinabi niya, “Ang hirap talagang paniwalaan na kaya akong patawarin ni Jehova.” Kung panghihinaan ka ng loob, manghihina ulit ang kaugnayan mo kay Jehova. (Kaw. 24:10) Kaya huwag na huwag mong hahayaan na mangyari iyan!
Pinanghihinaan naman ng loob ang ilan dahil iniisip nila na mahirap nang ibalik ang dati nilang kaugnayan kay Jehova. Matapos makabalik si Antoine, sinabi niya, “Parang nalimutan ko na kung paano mamuhay bilang Kristiyano.” Dahil ganito ang nararamdaman nila, nag-aalangan silang makibahagi sa espirituwal na mga gawain.
Bilang paglalarawan: Kapag nasira ng bagyo ang bahay na ipinundar ng isang tao, baka panghinaan siya ng loob kapag inisip niya kung gaano kalaking panahon at trabaho ang kailangan para maitayo itong muli. Ganiyan din kung nasira ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova dahil sa isang malubhang pagkakasala. Baka maramdaman mo na napakahirap nang maibalik ang dati mong kaugnayan sa kaniya. Pero tandaan, may makakatulong sa iyo.
Inaanyayahan tayo ni Jehova: “Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin.” (Isa. 1:18) At nagawa mo na iyan! Siguradong nagsikap ka na ‘ituwid ang mga bagay-bagay,’ at mahal ka ni Jehova dahil diyan. Ang isipin mo, binigyan mo si Jehova ng matibay na dahilan para masagot ang mga bintang ni Satanas!—Kaw. 27:11.
Dahil nanumbalik ka, ipinakita mong lumalapit ka kay Jehova, at ipinapangako niyang lalapit siya sa iyo. (Sant. 4:8) Pero hindi sapat ang basta makita ng iba na bahagi ka na ulit ng kongregasyon. Dapat na patuloy kang magsikap na mas mapasidhi ang pag-ibig mo kay Jehova, ang iyong Ama at Kaibigan. Paano mo ito magagawa?
MAGTAKDA NG MGA TUNGUHIN NA KAYA MONG ABUTIN
Magtakda ng mga tunguhin na kaya mong abutin. Malamang na matatag pa rin ang espirituwal na pundasyon mo—hindi mo pa rin nakakalimutan ang mga natutuhan mo tungkol kay Jehova at sa mga pangako niya sa hinaharap. Pero baka kailangan mong bumuo ng mahusay na espirituwal na rutin, kasama na ang pangangaral ng mabuting balita at madalas na pakikisama sa mga kapatid. Puwede mong gawing tunguhin ang mga sumusunod.
Dalasan ang pakikipag-usap kay Jehova. Naiintindihan ng iyong Ama na nahihirapan kang manalangin sa kaniya kasi nakokonsensiya ka pa rin sa nagawa mo. (Roma 8:26) Pero kahit ganoon, “magmatiyaga [ka] sa pananalangin,” at sabihin mo kay Jehova na gustong-gusto mo siyang maging kaibigan. (Roma 12:12) Sinabi ni Andrej: “Hiyang-hiya ako at nakokonsensiya. Pero nababawasan iyon kapag nananalangin ako. Mas nagiging payapa ang isip ko.” Kung hindi mo alam ang sasabihin mo sa panalangin, puwede mong gayahin ang panalangin ni Haring David na nasa Awit 51 at 65.
Regular na mag-aral ng Bibliya. Palalakasin nito ang espirituwalidad mo para mas lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova. (Awit 19:7-11) “Wala akong mahusay na espirituwal na rutin noon kaya ako nanghina at nabigo ko si Jehova,” ang sabi ni Felipe. “Ayoko nang maulit ang pagkakamaling iyon, kaya sinikap kong mag-personal study para maprotektahan ang kaugnayan ko kay Jehova.” Puwede mo ring gawin iyan. Kung kailangan mo ng tulong para makahanap ng magagandang paksa na bagay sa iyo, puwede kang magtanong sa isang kaibigan na maygulang sa espirituwal.
Makipagkaibigan ulit sa mga kapatid. Ang ilang nakabalik sa kongregasyon ay nag-aalala na baka hindi maganda ang tingin ng iba sa kanila. Inamin ni Larissa: “Hiyang-hiya ako. Pakiramdam ko, nasaktan ko ang mga kapatid. Hindi agad nawala ang nararamdaman kong ito.” Makakasiguro ka na gustong-gusto ng mga elder at ng ibang may-gulang na kapatid na tulungan ka na patibaying muli ang kaugnayan mo kay Jehova. (Tingnan ang kahong “Ano ang Puwedeng Gawin ng mga Elder?”) Masaya sila na nanumbalik ka, at gusto nila na maging masaya ka rin!—Kaw. 17:17.
Paano ka magiging malapít ulit sa mga kakongregasyon mo? Palagi kang makipagsamahan sa mga kapatid—dumalo ka sa mga pulong at regular na mangaral. Malaki ang maitutulong nito sa iyo. Sinabi ni Felix: “Hinihintay ng mga kakongregasyon ko na makabalik ako. Naramdaman kong mahalaga ako sa kanila. Nakatulong silang lahat para maramdaman kong bahagi na ulit ako ng pamilya, na napatawad na ako, at na kaya kong patuloy na paglingkuran si Jehova.”—Tingnan ang kahong “Ano ang Puwede Mong Gawin?”
HUWAG KANG SUSUKO!
Siguradong magpapadala si Satanas ng marami pang “bagyo” para pahinain ka at sirain ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova. (Luc. 4:13) Maging handa at patibayin ang kaugnayan mo kay Jehova ngayon.
May kinalaman sa mga tupa niya, ipinapangako ni Jehova: “Hahanapin ko ang nawala, ibabalik ko ang napalayo, bebendahan ko ang may bali, at palalakasin ko ang mahina.” (Ezek. 34:16) Napakarami nang nanghina sa espirituwal ang tinulungan ni Jehova. Makakatiyak ka na gusto ka rin niyang tulungan para lalo mo pang mapatibay ang kaugnayan mo sa kaniya.
a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.