ARALING ARTIKULO 9
Tularan ang Pagiging Mapagsakripisyo ni Jesus
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—GAWA 20:35.
AWIT 17 Handang Tumulong
NILALAMANa
1. Anong magandang katangian ang ipinapakita ng bayan ni Jehova?
NOON pa man, inihula na ng Bibliya na “kusang-loob na ihahandog ng bayan [ng Diyos] ang kanilang sarili” sa paglilingkod kay Jehova sa ilalim ng pangunguna ng kaniyang Anak. (Awit 110:3) Kitang-kita na natutupad na ang hulang iyan. Taon-taon, milyon-milyong oras ang ginagamit ng masisigasig na lingkod ni Jehova sa pangangaral. Kusang-loob nila itong ginagawa at sa sarili nilang gastos. Tinutulungan din nila ang mga kapananampalataya nila sa pisikal, emosyonal, at espirituwal. Maraming oras din ang ginagamit ng mga inatasang brother sa paghahanda ng mga bahagi sa pulong at pagse-shepherding sa mga kapatid. Bakit nila iyon ginagawa? Dahil sa pag-ibig—pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa.—Mat. 22:37-39.
2. Anong halimbawa ni Jesus ang makikita natin sa Roma 15:1-3?
2 Ipinakita ni Jesus na lagi niyang inuuna ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya. At nagsisikap tayo na tularan siya. (Basahin ang Roma 15:1-3.) Kapag ginawa natin iyan, siguradong makikinabang tayo. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang sakripisyong ginawa ni Jesus para paglingkuran ang iba at kung paano natin siya matutularan. Pag-uusapan din natin kung paano pa natin mapapatindi ang pagnanais natin na paglingkuran ang iba.
TULARAN ANG HALIMBAWA NI JESUS
4. Paano inuna ni Jesus ang kapakanan ng iba?
4 Handang tumulong si Jesus kahit pagód siya. Pansinin ang ginawa ni Jesus nang napakaraming tao ang naghihintay sa kaniya pagkababa niya ng bundok, malamang na malapit sa Capernaum. Magdamag na nanalangin si Jesus nang gabing iyon. Siguradong pagod na pagod siya. Pero nang makita niya ang napakaraming tao, naawa siya sa mahihirap at mga maysakit. Bukod sa pinagaling niya sila, ibinigay rin niya ang isa sa pinakanakapagpapatibay na pahayag sa buong kasaysayan—ang Sermon sa Bundok.—Luc. 6:12-20.
5. Paano tinutularan ng mga ulo ng pamilya ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus kapag pagód sila?
5 Kung paano tinutularan ng mga ulo ng pamilya si Jesus. Pag-isipan ito: Pagkatapos ng maghapong trabaho, umuwing pagod na pagod ang ulo ng pamilya. Naisip niyang huwag na munang ituloy ang Pampamilyang Pagsamba nila nang gabing iyon, pero humingi siya ng lakas kay Jehova. Sinagot ni Jehova ang panalangin niya kaya natuloy ang pag-aaral nila. May natutuhang mahalagang aral ang mga anak nila nang gabing iyon. Nakita nila sa mga magulang nila na espirituwal na mga bagay ang pinakamahalaga.
6. Magbigay ng isang halimbawa kung paano isinakripisyo ni Jesus ang oras na para sana sa sarili niya.
6 Hindi ipinagdamot ni Jesus ang oras na para sana sa sarili niya. Isip-isipin ang naramdaman ni Jesus nang mabalitaan niyang pinugutan ng ulo ang kaibigan niyang si Juan Bautista. Siguradong lungkot na lungkot siya. Sinasabi ng Bibliya: “Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya sakay ng bangka papunta sa isang liblib na lugar para mapag-isa.” (Mat. 14:10-13) Maiintindihan natin kung bakit gusto niyang mapag-isa. Ganiyan din ang marami sa atin kapag nagdadalamhati. Pero hindi ganoon ang nangyari kay Jesus. Bago pa siya dumating sa liblib na lugar na iyon, marami nang tao ang naghihintay sa kaniya. Ano ang ginawa ni Jesus? Nakita niya na kailangan siya ng mga tao, at “naawa siya” sa kanila. Alam niya na kailangang-kailangan nila ng pampatibay sa espirituwal kaya agad niya silang tinulungan. Sa katunayan, hindi lang kaunti ang itinuro niya, kundi “tinuruan niya sila ng maraming bagay.”—Mar. 6:31-34; Luc. 9:10, 11.
7-8. Magbigay ng halimbawa kung paano tinutularan ng mga elder si Jesus kapag may nangangailangan ng tulong.
7 Kung paano tinutularan ng mga elder si Jesus. Talagang pinapahalagahan natin ang pagiging mapagsakripisyo ng mga elder para sa kapakanan natin. Karamihan sa mga ginagawa nila ay hindi nakikita ng kongregasyon. Halimbawa, kapag may emergency, tumutulong agad sa mga kapatid ang mga miyembro ng Hospital Liaison Committee. Kadalasan nang dis-oras ng gabi nangyayari ang gayong mga emergency. Pero dahil naaawa sila sa kapatid na nangangailangan, inuuna ng mga elder na iyon at ng mga pamilya nila ang kapakanan ng mga kapatid.
8 Tumutulong din ang mga elder sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at ng iba pang pasilidad. Nandiyan din sila kapag may sakuna. Malaking panahon din ang ginagamit nila sa pagtuturo, pagpapatibay, at pagsuporta sa mga kapatid sa kongregasyon. Kaya karapat-dapat ang mga elder pati na ang kanilang pamilya sa ating taimtim na komendasyon. Patuloy sanang pagpalain ni Jehova ang mga pagsisikap nila. Pero kailangan ding maging balanse ng mga elder. Hindi dapat mapabayaan ang pangangailangan ng pamilya dahil sa pagtulong sa gayong teokratikong mga gawain.
KUNG PAANO MAGIGING MAPAGSAKRIPISYO
9. Ayon sa Filipos 2:4, 5, anong kaisipan ang dapat taglayin ng lahat ng Kristiyano?
9 Basahin ang Filipos 2:4, 5. Totoo, hindi elder ang karamihan sa atin, pero kaya nating lahat na tularan ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus. Sinasabi ng Bibliya na “nag-anyong alipin” si Jesus. (Fil. 2:7) Ano ang matututuhan natin dito? Humahanap ng mga pagkakataon ang isang alipin, o isang lingkod, para mapaluguran ang panginoon niya. Bilang alipin ni Jehova at isang lingkod sa mga kapatid, tiyak na gusto mo na higit pang magamit ni Jehova at makatulong sa mga kapatid. Magagawa mo iyan sa tulong ng sumusunod na mga mungkahi.
10. Anong mga tanong ang puwede nating pag-isipan?
10 Suriin ang sarili mo. Tanungin ang sarili: ‘Gusto ko ba talagang magsakripisyo para matulungan ang iba? Ano ang gagawin ko kung hilingan akong dalawin ang isang may-edad na brother sa nursing home o ihatid ang isang may-edad na sister sa pulong? Handa ba akong magboluntaryo kapag kailangang linisin ang lugar ng kombensiyon o mantinihin ang Kingdom Hall?’ Inialay na natin kay Jehova ang sarili natin at nangako tayo na gagamitin natin ang lahat ng taglay natin para paglingkuran siya. Masaya si Jehova kapag ginagamit natin ang ating oras, lakas, at materyal na mga bagay para tulungan ang iba. Kung may kailangan pa tayong pasulungin, ano ang puwede nating gawin?
11. Paano makakatulong ang panalangin para maging mapagsakripisyo tayo?
11 Marubdob na manalangin kay Jehova. Halimbawa, nakita mo na kailangan mo pang maging mapagsakripisyo, pero kulang ang pagnanais mo na gawin iyon. Ano ang puwede mong gawin? Marubdob na manalangin kay Jehova. Sabihin sa kaniya ang talagang nararamdaman mo at hilingin sa kaniya na bigyan ka ng “pagnanais at lakas para kumilos.”—Fil. 2:13.
12. Paano makakatulong sa organisasyon ang isang kabataang brother na bautisado?
12 Kung isa kang kabataang brother na bautisado, hilingin kay Jehova na bigyan ka ng pagnanais na higit pang makatulong sa kongregasyon. Sa ilang bansa, mas marami ang elder kaysa sa ministeryal na lingkod, at ang karamihan sa ministeryal na lingkod na iyon ay nagkakaedad na o may-edad na. Habang lumalaki ang organisasyon, kailangan natin ng mas maraming kabataang brother na mangangalaga sa mga kapatid sa kongregasyon. Kung handa kang maglingkod kung saan may pangangailangan, magiging masaya ka. Bakit? Kasi mapapasaya mo si Jehova, magkakaroon ka ng magandang reputasyon, at magiging masaya ka dahil nakatulong ka sa iba.
13-14. Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga kapatid? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
13 Maging maagap sa pangangailangan ng iba. Sinabi ni apostol Pablo sa mga Hebreo: “Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo, dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.” (Heb. 13:16) Napakagandang payo! Di-nagtagal pagkatanggap ng liham na ito, kinailangang iwan ng mga Kristiyano sa Judea ang bahay nila, negosyo, at di-sumasampalatayang mga kamag-anak at “tumakas papunta sa kabundukan.” (Mat. 24:16) Noong panahong iyon, kailangang-kailangan nilang magtulungan. Kung bago mangyari ito, sinusunod na nila ang payo ni Pablo na magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon sila, hindi na sila mahihirapan sa bagong buhay nila.
14 Hindi laging ipinapaalám ng mga kapatid kung ano ang kailangan nila. Halimbawa, isang brother ang namatayan ng asawa. Kailangan kaya niya ng tulong sa mga gawaing-bahay, paghahanda ng pagkain, o ng masasakyan? Dahil ayaw niyang maging pabigat, baka hindi siya humingi ng tulong sa atin. Pero tiyak na magpapasalamat siya kung kusa tayong tutulong sa kaniya. Hindi natin dapat isipin na may iba namang tutulong sa kaniya o na lagi siyang magsasabi sa atin. Tanungin ang sarili, ‘Kung ako ang nasa sitwasyon niya, ano kayang tulong ang gusto kong matanggap?’
15. Ano ang dapat nating gawin kung gusto nating tulungan ang iba?
15 Maging madaling lapitan. Tiyak na may mga kakongregasyon ka na laging handang tumulong sa iba. Hindi nila ipinaparamdam sa atin na pabigat tayo sa kanila. Alam natin na maaasahan natin sila sa panahon ng pangangailangan, at gusto nating maging gaya nila. Gusto ni Alan, isang elder na 45 taóng gulang, na maging madaling lapitan. Sinabi niya tungkol kay Jesus: “Maraming ginagawa si Jesus, pero gustong-gusto ng mga tao, anuman ang edad nila, na lumapit sa kaniya at hindi sila nahihiyang humingi ng tulong. Alam nila na talagang nagmamalasakit siya sa kanila. Gusto ko ring maging gaya ni Jesus na madaling lapitan, mapagmalasakit, at mapagmahal.”
16. Paano makakatulong ang pagsunod sa Awit 119:59, 60 para matularan natin si Jesus?
16 Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung hindi tayo maging kagayang-kagaya ni Jesus. (Sant. 3:2) Hindi lubusang magagaya ng isang estudyante ng art ang ginagawa ng guro niya. Pero habang natututo siya sa mga pagkakamali niya at sinisikap na tularan ang guro niya, unti-unti siyang huhusay. Kung gagawin din natin ang mga natututuhan natin sa personal na pag-aaral ng Bibliya at itatama ang mga pagkakamali natin, matutularan natin si Jesus.—Basahin ang Awit 119:59, 60.
MGA PAKINABANG NG PAGIGING MAPAGSAKRIPISYO
17-18. Ano ang mga pakinabang kung tutularan natin ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus?
17 Ang pagiging mapagsakripisyo ay nakakahawa. Sinabi ng elder na si Tim: “May mga kabataang brother kami na sumulong at naging mga ministeryal na lingkod, kahit napakabata pa ng ilan sa kanila. Nakita kasi nila ang pagiging handang tumulong ng iba at tinularan nila iyon. Dahil sa pagiging mapagsakripisyo ng mga kabataang iyon, nakatulong sila sa kongregasyon at sa mga elder.”
18 Maraming tao sa ngayon ang napakamakasarili. Pero ibang-iba ang bayan ni Jehova. Gustong-gusto nating tularan ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus. Hindi natin perpektong masusundan ang mga yapak ni Jesus, pero ‘masusundan nating mabuti ang mga yapak niya.’ (1 Ped. 2:21) Kapag ginagawa natin ang lahat para tularan ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus, magiging masaya rin tayo dahil alam nating sinasang-ayunan tayo ni Jehova.
AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran
a Laging inuuna ni Jesus ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano natin matutularan ang halimbawa niya. Tatalakayin din natin kung paano tayo makikinabang kapag tinularan natin ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus.
b LARAWAN: Nakita ng kabataang brother na si Dan kung paano dinalaw ng dalawang elder ang tatay niya sa ospital. Nakaimpluwensiya kay Dan ang magandang halimbawa ng mga elder kaya naging maagap din siya kapag may nangangailangan ng tulong sa kongregasyon. Nakita naman ng kabataang brother na si Ben ang pagiging mapagmalasakit ni Dan. Kaya napatibay rin si Ben na tumulong sa paglilinis ng Kingdom Hall.