ARALING ARTIKULO 38
Mga Kabataan—Anong Buhay ang Gusto Ninyo?
“Iingatan ka ng kaunawaan.”—KAW. 2:11.
AWIT BLG. 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”
NILALAMANa
1. Ano ang naging sitwasyon nina Jehoas, Uzias, at Josias?
ISIPIN na isa ka lang bata o tin-edyer at gagawin kang hari sa bayan ng Diyos! Paano mo gagamitin ang awtoridad mo? Sa Bibliya, may ilang kabataan na naging hari ng Juda. Halimbawa, naging hari si Jehoas noong 7 taóng gulang siya, 16 naman si Uzias, at 8 si Josias. Siguradong hindi iyon madali para sa kanila! Pero may mga tumulong sa kanila para maging matagumpay sila.
2. Bakit dapat nating pag-aralan ang buhay nina Jehoas, Uzias, at Josias?
2 Kahit hindi tayo hari o reyna, may matututuhan tayo sa tatlong haring iyon. Matututo tayo sa tama at maling mga desisyon nila. Makikita natin kung bakit kailangan nating pumili ng mabubuting kasama, manatiling mapagpakumbaba, at patuloy na hanapin si Jehova.
PUMILI NG MABUBUTING KASAMA
3. Ano ang epekto kay Jehoas ng patnubay ni Jehoiada?
3 Tularan ang tamang mga desisyon ni Jehoas. Lumaki si Haring Jehoas na walang ama. Pero pinalaki siya ng mataas na saserdoteng si Jehoiada na parang sarili niyang anak at tinuruan tungkol kay Jehova. Kahit bata pa lang si Jehoas, nakagawa siya ng tamang desisyon. Nagpagabay siya kay Jehoiada, at dahil dito, nagdesisyon si Jehoas na manguna sa paglilingkod at pagsamba kay Jehova. Ipinakumpuni pa nga niya ang templo ni Jehova.—2 Cro. 24:1, 2, 4, 13, 14.
4. Paano tayo makikinabang kung papahalagahan natin ang mga utos ni Jehova? (Kawikaan 2:1, 10-12)
4 Kung may nagtuturo sa iyo na mahalin si Jehova at mamuhay sa mga pamantayan niya, tumatanggap ka ng isang mahalagang regalo. (Basahin ang Kawikaan 2:1, 10-12.) Puwede kang turuan ng mga magulang mo sa iba’t ibang paraan. Tingnan kung paano tinulungan si Katya ng tatay niya na makagawa ng tamang mga desisyon. Araw-araw, kapag inihahatid siya ng tatay niya sa school, pinag-uusapan nila ang daily text. Sinabi ni Katya, “Nakatulong sa akin ang mga pag-uusap namin ni Tatay para maharap ko ang mga problema sa bawat araw.” Pero paano kung pakiramdam mo, sobrang higpit ng mga utos ng mga magulang mo na batay sa Bibliya? Ano ang tutulong sa iyo para sundin sila? Naalala ng sister na si Anastasia na ipinaliwanag nang mabuti ng mga magulang niya ang dahilan ng mga utos nila. Sinabi niya, “Dahil doon, naintindihan ko na ang mga utos nila ay hindi restriksiyon, kundi proteksiyon, kasi mahal nila ako.”
5. Ano ang mararamdaman ng mga magulang mo at ni Jehova kung magiging masunurin ka sa kanila? (Kawikaan 22:6; 23:15, 24, 25)
5 Kapag sinunod mo ang mga payo mula sa Bibliya, mapapasaya mo ang mga magulang mo. At ang mas mahalaga, mapapasaya mo ang Diyos at magiging mas malapít ka sa kaniya. (Basahin ang Kawikaan 22:6; 23:15, 24, 25.) Hindi ba magandang dahilan iyan para tularan mo si Jehoas noong bata pa siya?
6. Pagkamatay ni Jehoiada, kaninong payo ang pinakinggan ni Jehoas, at ano ang resulta? (2 Cronica 24:17, 18)
6 Matuto sa maling mga desisyon ni Jehoas. Pagkamatay ni Jehoiada, masasamang kasama ang pinili ni Jehoas. (Basahin ang 2 Cronica 24:17, 18.) Nakinig siya sa matataas na opisyal ng Juda na walang pag-ibig kay Jehova. Dapat sana, iniwasan niya sila kasi masama ang ginagawa nila. (Kaw. 1:10) Pero nakinig siya sa mga payo nila. At nang ituwid siya ng pinsan niyang si Zacarias, ipinapatay niya ito. (2 Cro. 24:20, 21; Mat. 23:35) Napakasama ng ginawa niya! Maganda ang simula ni Jehoas. Pero nakakalungkot, naging apostata at mamamatay-tao siya. Nang bandang huli, pinatay siya ng sarili niyang mga lingkod. (2 Cro. 24:22-25) Hindi sana nangyari iyon kung patuloy siyang nakinig kay Jehova at sa mga nagmamahal sa Kaniya! Ano ang matututuhan natin dito?
7. Sino ang dapat mong piliing kaibigan? (Tingnan din ang larawan.)
7 Natutuhan natin sa maling desisyon ni Jehoas na kailangan nating pumili ng mga kaibigan na may mabuting impluwensiya sa atin—mga kaibigan na nagmamahal kay Jehova at gusto siyang mapasaya. Puwede rin tayong makipagkaibigan sa mga hindi natin kaedaran. Malaki ang agwat ng edad ni Jehoas at ng kaibigan niyang si Jehoiada. Ngayon, isipin ang mga kaibigan mo at tanungin ang sarili: ‘Napapatibay ba nila ang pananampalataya ko kay Jehova? Tinutulungan ba nila akong masunod ang mga pamantayan niya? Bukambibig ba nila si Jehova at ang katotohanan sa Bibliya? Iginagalang ba nila ang mga pamantayan ng Diyos? Sinasabi lang ba nila ang gusto kong marinig, o pinapayuhan nila ako kung kailangan?’ (Kaw. 27:5, 6, 17) Sa totoo lang, kung hindi mahal ng mga kaibigan mo si Jehova, hindi mo sila kailangan. Pero kung mahal nila si Jehova, pahalagahan mo sila—mabuting impluwensiya sila sa iyo.—Kaw. 13:20.
8. Kung may social media tayo, ano ang dapat nating pag-isipan?
8 Sa tulong ng social media, nakakausap natin ang mga kapamilya at kaibigan natin. Pero marami ang gumagamit nito para magpasikat. Nagpo-post sila ng mga picture at video ng mga binili o ginawa nila. Kung may social media ka, tanungin ang sarili: ‘Gusto ko bang magpa-impress? O gusto kong mapatibay ang iba? May negatibong impluwensiya ba ang social media sa iniisip, sinasabi, at ginagawa ko?’ Ganito ang payo ni Brother Nathan Knorr, na miyembro noon ng Lupong Tagapamahala: “Huwag ninyong sikaping palugdan ang mga tao. Kung gagawin ninyo ito, wala kayong mapalulugdan sa bandang huli. Palugdan ninyo si Jehova, at mapalulugdan ninyo ang lahat ng umiibig kay Jehova.”
MANATILING MAPAGPAKUMBABA
9. Ano ang mga nagawa ni Uzias sa tulong ni Jehova? (2 Cronica 26:1-5)
9 Tularan ang tamang mga desisyon ni Uzias. Mapagpakumbaba si Haring Uzias noong kabataan siya. Natuto siyang “matakot sa tunay na Diyos.” Umabot siya sa edad na 68, at halos buong buhay niya, pinagpala siya ni Jehova. (Basahin ang 2 Cronica 26:1-5.) Maraming kaaway ang natalo ni Uzias, at napalakas niya ang depensa ng Jerusalem. (2 Cro. 26:6-15) Siguradong masaya si Uzias sa lahat ng nagawa niya sa tulong ng Diyos.—Ecles. 3:12, 13.
10. Ano ang nangyari kay Uzias?
10 Matuto sa maling mga desisyon ni Uzias. Nasanay si Haring Uzias na sinusunod siya ng iba. Posible kayang inisip niya na puwede na niyang gawin ang lahat ng gusto niya? Minsan, pumasok si Uzias sa templo ni Jehova at nangahas siyang magsunog ng insenso sa altar. Hindi ito puwedeng gawin ng mga hari. (2 Cro. 26:16-18) Itinuwid siya ng mataas na saserdoteng si Azarias, pero nagalit si Uzias. Nakakalungkot, hindi nanatiling tapat si Uzias. Pinarusahan siya at nagkaroon ng ketong. (2 Cro. 26:19-21) Hindi sana nangyari iyon kung nanatili siyang mapagpakumbaba!
11. Ano ang makakatulong para manatili tayong mapagpakumbaba? (Tingnan din ang larawan.)
11 Nang maging makapangyarihan si Uzias, nakalimutan niya na kay Jehova galing ang lakas at kasaganaan niya. Ang aral? Tandaan natin na galing kay Jehova ang mga pagpapala at pribilehiyo natin. Imbes na ipagyabang ang mga nagagawa natin, ibigay natin ang papuri kay Jehova.b (1 Cor. 4:7) Tanggapin natin na hindi tayo perpekto at na kailangan natin ang disiplina. Sinabi ng isang brother na mahigit 60 taóng gulang na: “Kapag napapansin ng iba ang mga pagkakamali ko, hindi na ako masyadong nagdaramdam. Sinisikap kong itama iyon at pagbutihin pa ang paglilingkod ko.” Kung may takot tayo kay Jehova at mananatili tayong mapagpakumbaba, magiging masaya ang buhay natin.—Kaw. 22:4.
PATULOY NA HANAPIN SI JEHOVA
12. Paano hinanap ni Josias si Jehova noong kabataan pa siya? (2 Cronica 34:1-3)
12 Tularan ang tamang mga desisyon ni Josias. Noong 16 si Josias, sinimulan niyang hanapin si Jehova. Gusto niyang makilala si Jehova at gawin ang kalooban Niya. Pero hindi iyon naging madali para sa kaniya. Laganap kasi noon ang huwad na pagsamba. Pero nilakasan niya ang loob niya! Wala pang 20 si Josias nang alisin niya ang huwad na pagsamba sa bansa.—Basahin ang 2 Cronica 34:1-3.
13. Ano ang magiging epekto sa buhay mo ng pag-aalay kay Jehova?
13 Kahit napakabata mo pa, puwede mong tularan si Josias. Hanapin mo si Jehova at alamin ang mga katangian niya. Kung gagawin mo iyan, gugustuhin mong ialay ang sarili mo sa kaniya. Ano ang magiging epekto nito sa buhay mo? Sinabi ni Luke, na nabautismuhan sa edad na 14, “Mula ngayon, uunahin ko na sa buhay ko ang paglilingkod kay Jehova at sisikapin kong mapasaya siya.” (Mar. 12:30) Siguradong pagpapalain ka kung ganiyan din ang gagawin mo!
14. Paano tinularan ng ilang kabataan si Haring Josias?
14 Mga kabataan, anong mga pagsubok ang nararanasan ninyo bilang mga lingkod ni Jehova? Sinabi ni Johan, na nabautismuhan noong 12 siya, na pine-pressure siya ng mga kaklase niya na gumamit ng vape (electronic cigarette). Para hindi matukso si Johan, tinatandaan niya na makakasamâ sa kalusugan niya at sa pakikipagkaibigan niya kay Jehova ang paggamit ng vape. Sinabi naman ni Rachel, na nabautismuhan noong 14 siya, kung ano ang nakatulong sa kaniya para makayanan ang mga pagsubok sa school: “Ikino-connect ko sa espirituwal na mga bagay ang mga nangyayari doon. Halimbawa, kung history ang pinag-aaralan namin, iniisip ko ang mga pangyayari o hula sa Bibliya. Kapag kakuwentuhan ko naman ang mga kaeskuwela ko, nag-iisip ako ng teksto na puwede kong i-share sa kanila.” Baka hindi kapareho ng mga naranasan ni Haring Josias ang mga pagsubok na napapaharap sa iyo. Pero gaya niya, puwede ka ring maging marunong at tapat. Kapag nakayanan mo ang mga pagsubok ngayong kabataan ka pa, magiging handa kang harapin ang mga pagsubok kapag adulto ka na.
15. Ano ang nakatulong kay Josias na maging tapat sa paglilingkod kay Jehova? (2 Cronica 34:14, 18-21)
15 Noong 26 na si Haring Josias, ipinaayos niya ang templo. Habang ginagawa ito, natagpuan ang “aklat ng Kautusan ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.” Nang basahin ito sa harap ng hari, kumilos siya agad para masunod ito. (Basahin ang 2 Cronica 34:14, 18-21.) Regular mo bang binabasa ang Bibliya? Kung oo, nae-enjoy mo ba ito? Tinatandaan mo ba ang mga teksto na makakatulong sa iyo? Isinusulat ni Luke, na binanggit kanina, ang mga puntong nagugustuhan niya. Puwede mo rin bang gawin iyon para maalala mo ang mga teksto o punto na gusto mo? Habang lumalalim ang kaalaman at pagpapahalaga mo sa Bibliya, mas gugustuhin mong paglingkuran si Jehova. At gaya ni Haring Josias, mapapakilos ka rin ng Salita ng Diyos.
16. Bakit nakagawa ng malaking pagkakamali si Josias, at ano ang matututuhan natin dito?
16 Matuto sa maling desisyon ni Josias. Noong mga 39 na si Josias, may nagawa siyang pagkakamali na naging dahilan ng kamatayan niya. Nagtiwala siya sa sarili niya imbes na humingi ng patnubay kay Jehova. (2 Cro. 35:20-25) Ang aral? Anuman ang edad natin o kahit gaano na tayo katagal na nag-aaral ng Bibliya, dapat na patuloy pa rin nating hanapin si Jehova. Kaya lagi tayong manalangin para sa patnubay niya, mag-aral ng Salita niya, at makinig sa payo ng mga kapatid na mahusay sa espirituwal. Kung gagawin natin iyan, malamang na maiwasan nating makagawa ng malaking pagkakamali at magiging mas masaya tayo.—Sant. 1:25.
MGA KABATAAN—PUWEDENG MAGING MASAYA ANG BUHAY NINYO!
17. Ano ang natutuhan natin sa tatlong hari ng Juda?
17 Marami kang magagawa habang kabataan ka pa. Makikita natin kina Jehoas, Uzias, at Josias na puwedeng makagawa ng tamang mga desisyon ang mga kabataan at mapapasaya nila si Jehova. Totoo, napahamak din ang mga haring ito dahil sa maling desisyon nila. Pero kung tutularan mo ang magagandang ginawa ng mga haring ito at iiwasan ang mga pagkakamali nila, magiging masaya ang buhay mo.
18. Kanino pang mga halimbawa ang puwede mong pag-aralan? (Tingnan din ang larawan.)
18 May mga halimbawa sa Bibliya ng iba pang kabataan na naging kaibigan ni Jehova. Minahal sila ng Diyos, at naging masaya ang buhay nila. Isa na diyan si David. Bata pa lang siya, pinaglingkuran na niya ang Diyos. Nang maglaon, naging tapat na hari siya. Totoo, nakagawa siya ng mga pagkakamali. Pero sa kabila nito, itinuring siya ng Diyos na tapat. (1 Hari 3:6; 9:4, 5; 14:8) Kung pag-aaralan mo ang buhay ni David, mapapatibay ka na maglingkod nang tapat kay Jehova. Puwede mo ring gawing study project ang halimbawa ni Marcos o ni Timoteo. Mula pagkabata, naglingkod sila nang tapat kay Jehova. Napasaya nila si Jehova, at naging masaya rin ang buhay nila.
19. Anong buhay ang puwede mong maranasan?
19 Nakadepende sa ginagawa mo ngayon ang magiging kinabukasan mo. Kung magtitiwala ka kay Jehova at hindi sa sarili mo, papatnubayan niya ang mga hakbang mo. (Kaw. 20:24) Puwedeng maging masaya at makabuluhan ang buhay mo. Tandaan na pinapahalagahan ni Jehova ang ginagawa mo para sa kaniya. Magagamit mo sa pinakamabuting paraan ang buhay mo kung paglilingkuran mo ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova.
AWIT BLG. 144 Masdan Mo ang Gantimpala!
a Mga kabataan, alam ni Jehova na kung minsan, baka mahirapan kayong gawin ang tama at manatiling kaibigan niya. Paano kayo makakagawa ng tamang mga desisyon na magpapasaya sa kaniya? Pag-aaralan natin ang halimbawa ng tatlong kabataan na naging hari ng Juda. Ano ang matututuhan ninyo sa mga desisyon nila?
b Tingnan sa jw.org ang kahong “Iwasan ang ‘Pasimpleng Yabang’” na makikita sa artikulong “Gaano Kahalaga ang Pagiging Sikát Online?”
c LARAWAN: Pinapayuhan ng isang sister na mahusay sa espirituwal ang isang kabataang sister.
d LARAWAN: May bahagi sa asamblea ang isang sister. Nagtiwala siya kay Jehova at ibinigay sa Kaniya ang papuri.