TALAMBUHAY
“Makikita ang Kapangyarihan Ko Kapag Mahina ang Isa”
NANG dumating kami ng asawa ko sa Colombia noong 1985, napakagulo sa bansang iyon. Mayroon kasing malalaking sindikato ng droga sa mga lunsod at mga rebelde naman sa mga bundok. At tinutugis sila ng gobyerno. Sa Medellín, na isa sa mga lugar kung saan kami naglingkod, pagala-gala sa kalsada ang mga gang ng armadong mga kabataan. Nagbebenta sila ng droga, tinatakot nila ang mga tao para bigyan sila ng pera, at pumapatay sila kapalit ng pera. Wala sa mga kabataang iyon ang nabubuhay nang matagal. Ibang-iba ito sa kinalakhan naming lugar.
Paano napunta sa South America ang dalawang ordinaryong tao mula sa Finland, na isa sa mga bansang nasa pinakahilaga ng mundo? At ano ang mga natutuhan ko sa loob ng maraming taon?
NOONG KABATAAN AKO SA FINLAND
Ipinanganak ako noong 1955, at ako ang bunso sa tatlong magkakapatid na lalaki. Lumaki ako sa lunsod na tinatawag ngayong Vantaa, na malapit sa timugang baybayin ng Finland.
Nabautismuhan si Nanay bilang isang Saksi ni Jehova mga ilang taon bago ako ipanganak. Pero inuusig siya ni Tatay, at ayaw nitong turuan kami ni Nanay ng Bibliya o isama kami sa mga pulong. Kaya tinuturuan na lang kami ni Nanay kapag wala si Tatay.
Bata pa lang ako, gusto ko nang sundin si Jehova. Halimbawa, noong pitong taóng gulang ako, galit na galit sa akin ang teacher ko kasi ayaw kong kumain ng verilättyjä (pancake sa Finland na may halong dugo). Pilit niyang binubuksan ang bibig ko para maisubo sa akin ang pancake. Pero tinabig ko ang kamay niya, kaya nabitawan niya ito.
Namatay si Tatay noong 12 ako. Kaya nakakadalo na ako sa mga pulong. Ang bait sa akin ng mga kapatid sa kongregasyon, at nakatulong iyan para maging mas malapít ako kay Jehova. Sinimulan kong basahin ang Bibliya araw-araw, at pinag-aralan kong mabuti ang mga publikasyon natin. Nakatulong ang mga iyan para mabautismuhan ako sa edad na 14, noong Agosto 8, 1969.
Pagka-graduate ko, nag-regular pioneer agad ako. Makalipas lang ang ilang linggo, lumipat ako sa lugar na mas malaki ang pangangailangan, sa Pielavesi, malapit sa sentro ng Finland.
Nakilala ko sa Pielavesi ang mahal kong asawa na si Sirkka. Nagustuhan ko siya kasi mapagpakumbaba siya at mahal na mahal niya si Jehova. Gusto niya rin ng simpleng buhay. Pareho naming gustong paglingkuran si Jehova nang buong makakaya namin, anumang pribilehiyo o atas ang ibigay sa amin. Ikinasal kami noong Marso 23, 1974. Pero sa halip na mag-honeymoon, pumunta kami sa Karttula, kung saan mas malaki ang pangangailangan.
INILAAN NI JEHOVA ANG PANGANGAILANGAN NAMIN
Noong bagong kasal pa lang kami, ipinakita agad sa amin ni Jehova na ilalaan niya ang materyal na mga pangangailangan namin kung uunahin namin ang Kaharian niya. (Mat. 6:33) Halimbawa, nagbibisikleta lang kami sa Karttula kasi wala kaming sasakyan. Pero sobrang lamig doon kapag winter, kaya kailangan talaga namin ng sasakyan para makapangaral sa malawak na teritoryo ng kongregasyon. Pero wala kaming pambili.
Hindi namin inaasahan na dadalaw ang kuya ko. Ibinigay niya sa amin ang kotse niya at bayád na rin ang insurance. May sasakyan na kami! Kailangan na lang naming magpa-gas.
Talagang ipinakita sa amin ni Jehova na ilalaan niya ang mga pangangailangan namin. Ang kailangan lang naming gawin ay unahin ang Kaharian niya.
PAG-AARAL SA GILEAD
Habang nag-aaral kami sa Pioneer Service School noong 1978, pinasigla kami ng isa sa mga instructor namin na si Raimo Kuokkanena na mag-apply sa Gilead. Kaya nag-aral kaming mag-English para maging kuwalipikado kami doon. Pero bago pa kami makapag-apply, naimbitahan kaming maglingkod sa tanggapang pansangay sa Finland noong 1980. Hindi puwedeng mag-Gilead ang mga Bethelite nang mga panahong iyon. Pero ayaw naming ipilit ang gusto namin. Handa kaming maglingkod kung saan kami ilagay ni Jehova. Kaya tinanggap namin ang imbitasyon sa Bethel. Pero ipinagpatuloy namin ang pag-aaral ng English sakaling puwede na kaming mag-apply sa Gilead.
Makalipas ang ilang taon, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na makapag-aral sa Gilead ang mga Bethelite. Masaya naman kami sa Bethel, pero nag-apply agad kami. Gusto kasi naming makapaglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan sakaling kuwalipikado kami. Nakapag-aral kami sa ika-79 na klase ng Gilead at nagtapos noong Setyembre 1985. Inatasan kami sa Colombia.
ANG UNANG ATAS NAMIN BILANG MISYONERO
Ang unang atas namin ay maglingkod sa tanggapang pansangay sa Colombia. Ibinigay ko naman ang buong makakaya ko sa atas ko, pero makalipas ang isang taon, naramdaman kong hindi namin kayang magtagal doon. Kaya humingi ako ng panibagong atas. Ito ang una at huling pagkakataon na ginawa ko iyon. Inatasan kaming maging misyonero sa lunsod ng Neiva, sa rehiyon ng Huila.
Gustong-gusto ko talaga ang ministeryo. Noong binata pa ako at nagpapayunir sa Finland, may mga pagkakataong mangangaral ako nang maagang-maaga at matatapos nang gabing-gabi na. Nang mag-asawa na ako, kasama ko na si Sirkka sa maghapong paglilingkod. Kapag malayo ang teritoryo namin, kung minsan, sa sasakyan na kami natutulog. Kaya mabilis kaming nakakabiyahe at maaga kaming nakakapagsimulang mangaral.
Bumalik ang sigla namin sa ministeryo nang maatasan kaming maging misyonero. Lumaki ang kongregasyon namin, at ang mga kapatid doon ay magalang, mapagmahal, at mapagpahalaga.
SINAGOT ANG PANALANGIN KO
Walang mga Saksi sa ilang bayan na malapit sa Neiva kung saan kami naatasan. Lagi kong iniisip kung paano makakarating doon ang mabuting balita. Pero dahil sa mga rebelde, hindi ligtas ang lugar na iyon para sa mga dayo. Kaya nanalangin ako na sana, magkaroon ng kahit isang Saksi na tagaroon. Naisip ko, kailangan muna niyang tumira sa Neiva para malaman ang katotohanan. Kaya ipinanalangin ko rin na sana, sumulong siya pagkatapos ng bautismo at bumalik sa lugar niya para mangaral. Pero mayroon palang mas magandang solusyon si Jehova.
Di-nagtagal, na-Bible study ko ang kabataang lalaki na si Fernando González. Nakatira siya sa Algeciras, isa sa mga bayan na walang Saksi. Linggo-linggo, naglalakbay si Fernando nang mahigit 50 kilometro para magtrabaho sa Neiva. Pinaghahandaan niya ang bawat pag-aaral namin, at dinaluhan niya agad ang lahat ng pulong. Sa unang linggo pa lang ng pagba-Bible study niya, ibinahagi na niya sa iba ang mga natutuhan niya. Tinatawag niya ang ilan sa mga kababayan niya para magsama-sama sila at itinuturo sa kanila ang mga napag-aralan niya sa Bibliya.
Nabautismuhan si Fernando noong Enero 1990, anim na buwan mula nang mag-Bible study siya. Pagkatapos, naging regular pioneer siya. Dahil may Saksi na sa Algeciras, puwede nang mag-atas doon ng mga special pioneer ang tanggapang pansangay. Noong Pebrero 1992, nabuo ang isang kongregasyon sa bayang iyon.
Hindi lang sa sarili niyang bayan nangaral si Fernando. Nang makapag-asawa siya, lumipat sila sa San Vicente del Caguán, isa pang bayan na walang Saksi. Tumulong sila na makapagtatag ng kongregasyon doon. Noong 2002, naatasan si Fernando na maging tagapangasiwa ng sirkito. Hanggang ngayon, naglilingkod pa rin sila ng asawa niyang si Olga sa gawaing paglalakbay.
Natutuhan ko sa karanasang ito na napakahalagang ipanalangin nang espesipiko ang mga bagay na may kaugnayan sa atas natin. Kayang gawin ni Jehova ang mga bagay na hindi natin magagawa. Tandaan natin na sa kaniya ang gawaing ito, hindi sa atin.—Mat. 9:38.
IBINIBIGAY SA ATIN NI JEHOVA ANG “PAGNANAIS AT LAKAS PARA KUMILOS” TAYO
Noong 1990, naatasan kami sa gawaing pansirkito. Sa Bogotá kami unang naatasan, ang kabisera ng bansa. Nag-alala kami na baka hindi namin ito magampanan nang mahusay. Ordinaryong tao lang kaming mag-asawa at hindi naman kami magaling. Hindi rin kami sanay tumira sa lunsod. Pero tinupad ni Jehova ang pangako niya sa Filipos 2:13: “Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo ayon sa kagustuhan niya.”
Pagkatapos, naatasan kami sa isang sirkito sa lunsod ng Medellín, na nabanggit ko sa umpisa. Sanay na sanay na ang mga tao doon sa karahasan; hindi na sila natatakot. Halimbawa, nang minsang nagba-Bible study kami sa isang bahay, may nagbarilan sa labas. Dadapa na sana ako, pero tuloy-tuloy lang sa pagbasa ng parapo ang Bible study ko. Pagkatapos niyang magbasa, nagpaalam lang siya saglit at lumabas. Dala na niya pagbalik ang dalawang maliliit niyang anak, at sinabi niya, “Pasensiya na, ipinasok ko lang ang mga anak ko.”
May iba pang pagkakataon na muntik kaming mapahamak. Minsan, habang nagbabahay-bahay kami, tumakbo palapit sa akin ang asawa ko na namumutla. Muntik na daw siyang mabaril. Kaya nataranta ako. Pero nalaman namin na hindi si Sirkka ang target kundi ang lalaking dumaan sa tabi niya.
Paglipas ng panahon, naka-adjust din kami sa kalagayan doon. Napatibay kami sa pagiging matatag ng mga kapatid doon na napaharap sa ganoon ding mga sitwasyon o mas malala pa. Naisip namin na kung tinutulungan sila ni Jehova, tutulungan niya rin kami. Lagi kaming nakikinig sa mga elder doon at nag-iingat, at ipinapaubaya na namin kay Jehova ang lahat.
Pero may mga sitwasyon namang hindi kasinlala ng iniisip namin. Minsan, nang may dinalaw kami, may narinig akong dalawang babaeng nagsisigawan sa labas ng bahay. Hindi naman ako interesadong makita iyon, pero sinabi sa akin ng may-bahay na pumunta ako sa beranda. Ang narinig ko pala na dalawang babaeng nagsisigawan ay dalawang parrot na nanggagaya ng boses ng kapitbahay.
KARAGDAGANG MGA PRIBILEHIYO AT MGA HAMON
Noong 1997, nagkapribilehiyo akong maging instructor sa Ministerial Training School.b Gustong-gusto kong mag-aral sa mga teokratikong paaralan natin, pero hindi ko akalain na makakapagturo ako sa isa sa mga ito.
Pagkatapos, naging district overseer ako. Nang ihinto ang kaayusang ito, bumalik ako sa gawaing pansirkito. Kaya sa loob ng mahigit 30 taon, nakapaglingkod ako bilang instructor at naglalakbay na tagapangasiwa. Napakarami kong pagpapalang tinanggap dahil sa mga atas na ito. Pero hindi iyon laging madali. Bakit?
Malakas ang loob ko at may kumpiyansa ako. At nakatulong sa akin iyan sa mahihirap na sitwasyon. Pero may mga panahong nasosobrahan ako kapag nagtutuwid ng ilang problema sa kongregasyon. Minsan, naging mapuwersa ako sa pagpapayo sa iba na maging mas maibigin at mas makatuwiran. Pero nakakahiya kasi hindi ko naipakita ang mismong mga katangiang iyon nang pagkakataong iyon.—Roma 7:21-23.
Kung minsan, nasisiraan ako ng loob dahil sa mga kahinaan ko. (Roma 7:24) Sinabi ko pa nga kay Jehova sa panalangin na mas mabuti pang huminto na ako sa pagmimisyonero at umuwi na sa Finland. Pero napatibay ako sa pulong nang gabing iyon na manatili sa atas ko at pagsikapang mapagtagumpayan ang mga kahinaan ko. Hanggang ngayon, naiiyak pa rin ako kapag naaalala ko kung paano sinagot ni Jehova ang panalangin kong iyon. Ipinagpapasalamat ko rin na matiyaga akong tinulungan ni Jehova na mapagtagumpayan ang mga kahinaan ko.
MASAYA ANUMAN ANG MANGYARI SA HINAHARAP
Malaki ang utang na loob namin kay Jehova dahil hinayaan niya kami ni Sirkka na magamit ang buhay namin sa buong-panahong paglilingkod. Nagpapasalamat din ako kay Jehova dahil binigyan niya ako ng isang mapagmahal at tapat na asawa.
Malapit na akong mag-70, at kailangan ko nang huminto sa pagiging instructor at naglalakbay na tagapangasiwa. Pero hindi ako nalulungkot. Kasi naniniwala ako na ang talagang nagpapasaya kay Jehova ay ang mapagpakumbabang paglilingkod natin at buong-pusong pagpuri sa kaniya. (Mik. 6:8; Mar. 12:32-34) Hindi natin kailangan ng malaking atas para maparangalan si Jehova.
Kapag binabalikan ko ang mga naging atas ko, alam kong hindi ko natanggap ang mga iyon dahil mas karapat-dapat ako o mas magaling kaysa sa iba. Nagpakita lang sa akin si Jehova ng walang-kapantay na kabaitan. Ibinigay niya sa akin ang mga pribilehiyong ito kahit may mga kahinaan ako. Alam kong nagampanan ko lang ang mga atas ko sa tulong ni Jehova. Kaya masasabi kong totoo ang sinabi niya na “makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.”—2 Cor. 12:9.
a Ang talambuhay ni Raimo Kuokkanen na “Determinadong Maglingkod kay Jehova” ay inilathala sa Bantayan, isyu ng Abril 1, 2006.
b Pinalitan ito ng School for Kingdom Evangelizers.