TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?
Mga terror na teacher
Halos lahat ng estudyante ay nakaranas nang magkaroon ng teacher na unfair, masyadong maraming ipinapagawa, o sadyang masungit lang.
Si Luis, 21, ay nagsabi: “May teacher ako noon na palamura at namamahiya ng estudyante. Malapit na kasi siyang mag-retire no’n, kaya baka hindi siya takót masesante.”
Naalala naman ni Melanie, 25, na pinag-iinitan siya ng teacher niya noon. “Hindi raw kasi ako miyembro ng kilaláng relihiyon, kaya sinusungitan niya ’ko. Sabi niya mararanasan ko raw ’yon hanggang pagtanda ko, kaya sinasanay lang niya ’ko.”
Kung may ganiyan kang teacher, may magagawa ka para hindi naman maging miserable ang buhay mo sa school. Subukan ang sumusunod.
Ang puwede mong gawin
Matutong mag-adjust. Magkakaiba ang inaasahan ng mga teacher sa kanilang mga estudyante. Alamin ang inaasahan sa iyo ng teacher mo at sikapin mong gawin iyon.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang taong marunong ay nakikinig at kumukuha ng higit pang instruksiyon.”—Kawikaan 1:5.
“Naisip ko na kailangan kong mag-adjust sa style ng teacher ko. Kaya kapag may ipinapagawa siya, ginagawa ko iyon sa paraang gusto niya. Dahil diyan, nakakasundo ko siya.”—Christopher.
Maging magalang. Maging mabait kapag nakikipag-usap sa mga teacher mo. Huwag mo silang sagot-sagutin, kahit na hindi maganda ang trato nila sa iyo. Tandaan, estudyante ang tingin nila sa iyo, hindi kaibigan.
Prinsipyo sa Bibliya: “Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin, para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.”—Colosas 4:6.
“Maraming estudyante ang hindi gumagalang sa mga teacher nila, kaya kung irerespeto mo ang mga teacher mo, siguradong magiging maganda ang trato nila sa ’yo.”—Ciara.
Maging maunawain. Tao lang din ang mga teacher mo. Nape-pressure din sila at nagkakaproblema gaya ng ibang tao. Kaya huwag mo agad isipin, ‘Salbahe ’tong teacher ko’ o ‘Galít sa ’kin ang teacher ko.’
Prinsipyo sa Bibliya: “Lahat tayo ay nagkakamali.”—Santiago 3:2.
“Mahirap maging teacher. Ang hirap kayang turuan at pasunurin ng mga estudyante. Kaya naisip ko, magpapakabait na lang ako. At least, hindi na niya ako poproblemahin.”—Alexis.
Kausapin ang mga magulang mo. Laging handang tumulong sa iyo ang mga magulang mo. Gusto nilang maging masaya ka sa pag-aaral. Makakatulong ang payo nila kapag nahihirapan ka sa teacher mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Nabibigo ang plano kapag hindi napag-uusapan.”—Kawikaan 15:22.
“Mas marami nang napagdaanang problema ang mga magulang kaysa sa mga kabataan. Kaya makinig sa payo nila. Makakatulong iyan sa ’yo.”—Olivia.
Kung paano kakausapin ang teacher mo
Baka may mga pagkakataon na kailangan mong kausapin ang teacher mo para sabihing nahihirapan ka. Kung natatakot kang magkasagutan kayo, huwag kang mag-alala—hindi naman ito komprontasyon, mag-uusap lang kayo. Baka magulat ka na madali lang pala iyon at effective.
Prinsipyo sa Bibliya: “Itaguyod . . . ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.”—Roma 14:19.
“Kung parang sa ’yo lang masungit ang teacher mo, tanungin siya kung may nagawa kang hindi niya nagustuhan. Makakatulong iyon para malaman mo kung ano ang dapat mong baguhin.”—Juliana.
“Kung gusto mong kausapin ang teacher mo tungkol sa problema mo, gawin iyon nang kalmado ka. Mas maganda kung lalapitan mo siya bago o pagkatapos ng klase. Malamang na matutuwa siya sa ginawa mong paglapit sa kaniya, at mas makikinig siya sa ’yo.”—Benjamin.
KARANASAN
“Ang bababa ng grades ko, at hindi nakakatulong ang teacher ko. Gusto ko nang huminto sa pag-aaral, kasi nahihirapan ako dahil sa kaniya.
“Humingi ako ng payo sa ibang teacher. Ang sabi niya: ‘Hindi ka niya kilala, at hindi mo rin talaga siya kilala. Kaya kailangan mong sabihin sa kaniya na nahihirapan ka. Baka matulungan mo pa nga ang ibang estudyante na natatakot makipag-usap sa kaniya.’
“Sa totoo lang, ayaw ko talagang gawin iyon! Pero naisip ko, tama ang sinabi niya. Kung gusto kong gumanda ang sitwasyon, kailangang may gawin ako.
“Kinabukasan, nilapitan ko ang teacher ko at magalang na sinabi sa kaniya na gustong-gusto kong matuto sa klase niya, kaso nahihirapan ako at hindi ko talaga alam ang gagawin. Nag-suggest siya ng mga puwede kong gawin at sinabi pa nga niya na puwede niya akong turuan pagkatapos ng klase o sa e-mail.
“Nagulat talaga ’ko! Dahil sa pag-uusap na iyon, nawala ang gap sa pagitan namin ng teacher ko at mas na-enjoy ko na ang pag-aaral.”—Maria.
Tip: Kung nahihirapan ka sa teacher mo, isiping pagsasanay ito para maging handa ka kapag naging adulto ka na. Si Katie, 22, ay nagsabi: “Pagka-graduate mo, malamang na makatagpo ka ng mga taong may katungkulan o posisyon na hindi rin magandang makitungo sa iba. Kung kaya mong pakitunguhan ang isang terror na teacher, mas madali mo nang magagawa iyan sa iba pang taong mahirap pakitunguhan.”