Sino si Miguel na Arkanghel?
Ang sagot ng Bibliya
Lumilitaw na ang Miguel, na tinutukoy ng ilang relihiyon bilang “San Miguel,” ay pangalang ibinigay kay Jesus bago at pagkatapos niyang mabuhay sa lupa.a Nakipagtalo si Miguel kay Satanas pagkamatay ni Moises at tinulungan niya ang isang anghel na ihatid ang mensahe ng Diyos kay propeta Daniel. (Daniel 10:13, 21; Judas 9) Kumikilos si Miguel kaayon ng kahulugan ng pangalan niya—“Sino ang Tulad ng Diyos?”—sa pamamagitan ng pagtatanggol sa pamamahala ng Diyos at pakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos.—Daniel 12:1; Apocalipsis 12:7.
Pag-isipan kung bakit makatuwirang sabihin na si Jesus ang arkanghel na si Miguel.
Si Miguel ang “arkanghel.” (Judas 9) Sa dalawang talata lang sa Bibliya lumilitaw ang titulong “arkanghel,” na nangangahulugang “pinuno ng mga anghel.” Sa dalawang paglitaw na ito, ang salitang ginamit ay pang-isahan, na nagpapahiwatig na iisang anghel lang ang may gayong titulo. Sinasabi ng isa sa mga talatang iyon na ang binuhay-muling Panginoong Jesus ay “bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel.” (1 Tesalonica 4:16) Si Jesus ay may “tinig ng arkanghel” dahil siya mismo ang arkanghel, si Miguel.
Pinamumunuan ni Miguel ang hukbo ng mga anghel. “Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon,” si Satanas. (Apocalipsis 12:7) Makapangyarihan si Miguel sa dako ng mga espiritu, dahil tinatawag siya na “isa sa mga pangunahing prinsipe” at “ang dakilang prinsipe.” (Daniel 10:13, 21; 12:1) Ipinakikilala ng mga titulong ito si Miguel bilang ang “punong kumandante ng hukbo ng mga anghel,” sabi nga ng iskolar sa Bagong Tipan na si David E. Aune.
Sa Bibliya, may binanggit na pangalan ng isa pang persona na may awtoridad din sa hukbo ng mga anghel. Inilalarawan nito ang “pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti.” (2 Tesalonica 1:7, 8; Mateo 16:27) Si Jesus ay “pumaroon . . . sa langit; at ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.” (1 Pedro 3:21, 22) Hindi makatuwirang isipin na gusto ng Diyos na maging magkaribal sina Jesus at Miguel sa pagiging kumandante ng banal na mga anghel. Sa halip, mas makatuwirang isipin na ang dalawang pangalan, Jesus at Miguel, ay tumutukoy sa iisang persona.
Si Miguel ay “tatayo” sa “panahon ng kabagabagan” na wala pang katulad sa kasaysayan. (Daniel 12:1) Sa aklat ni Daniel, ang pananalitang “tatayo” ay madalas na tumutukoy sa pagtindig ng isang hari para sa pantanging pagkilos. (Daniel 11:2-4, 21) Si Jesu-Kristo, na tinutukoy na “Ang Salita ng Diyos,” ay kikilos bilang “Hari ng mga hari” upang lipulin ang lahat ng kaaway ng Diyos at protektahan ang bayan ng Diyos. (Apocalipsis 19:11-16) Gagawin niya iyon sa panahon ng “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan.”—Mateo 24:21, 42.
a May iba pang mga indibiduwal sa Bibliya na tinukoy sa higit sa isang pangalan, gaya nina Jacob (tinawag ding Israel), Pedro (tinawag ding Simon), at Tadeo (tinawag ding Hudas).—Genesis 49:1, 2; Mateo 10:2, 3; Marcos 3:18; Gawa 1:13.