TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Malalabanan ang Tukso?
Isinulat ni apostol Pablo: “Kapag nais kong gawin ang tama, [ang] masama ay narito sa akin.” (Roma 7:21) Naramdaman mo na ba iyan? Kung oo, tutulungan ka ng artikulong ito na labanan ang tukso na gumawa ng masama.
Ang dapat mong malaman
Mas madaling matukso kapag pine-pressure ka ng iba. Sinasabi ng Bibliya na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Dahil sa pressure mula sa iba o mula sa media, baka magkaroon ka ng mga pagnanasa at matuksong gumawa ng masama. Baka nga ‘sumunod ka pa sa karamihan’ sa paggawa ng masama.—Exodo 23:2.
“Dahil gusto mong tanggapin ka ng iba, baka gawin mo rin ang ginagawa nila para magustuhan ka nila.”—Jeremy.
Pag-isipan: Bakit mas mahirap paglabanan ang tukso kung masyado kang nag-aalala sa sasabihin ng iba?—Kawikaan 29:25.
Tandaan: Huwag mong ikompromiso ang mga pinaninindigan mo dahil lang sa pressure ng mga kaibigan.
Ang puwede mong gawin
Alamin ang pinaninindigan mo. Kapag hindi ka sigurado sa pinaniniwalaan mo, para kang isang puppet na kinokontrol ng iba. Mas mabuting sundin ang payo ng Bibliya: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” (1 Tesalonica 5:21) Kapag naiintindihan mo ang paniniwala mo, mas madali mo itong masusunod at malalabanan mo ang tukso.
Pag-isipan: Bakit ka naniniwala na para sa kabutihan mo ang mga pamantayang moral ng Diyos?
“Kapag naninindigan ako sa paniniwala ko at hindi nagpapadala sa tukso, mas iginagalang ako ng iba.”—Kimberly.
Magandang halimbawa sa Bibliya: Daniel. Kahit tin-edyer pa lang, “ipinasiya ni Daniel sa kaniyang puso” na susundin niya ang kautusan ng Diyos.—Daniel 1:8.
Alamin ang mga kahinaan mo. Binabanggit ng Bibliya na ang “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan” ay napakatindi habang kabataan pa. (2 Timoteo 2:22) Hindi lang seksuwal na pagnanasa ang kasama rito kundi pati ang pagnanais na tanggapin ng iba at pagnanais na magsarili kahit hindi ka pa handa.
Pag-isipan: Sinasabi ng Bibliya na “ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.” (Santiago 1:14) Anong pagnanasa ang talagang nakatutukso sa iyo?
“Maging tapat sa sarili at aminin kung anong mga tukso ang talagang nakakaakit sa iyo. Mag-research kung paano paglalabanan ang mga tuksong iyon, at isulat ang mga puntong magagamit mo para ’pag napaharap ka doon, alam mo kung paano mo iyon paglalabanan.”—Sylvia.
Magandang halimbawa sa Bibliya: David. May pagkakataon na nagpadala siya sa panggigipit ng iba at sa sarili niyang mga pagnanasa. Pero natuto si David sa mga pagkakamali niya at hindi na niya inulit ang mga iyon. Nanalangin siya kay Jehova: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, . . . at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, [na] matatag.”—Awit 51:10.
Labanan ang tukso. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang padaig sa masama.” (Roma 12:21) Hindi mo kailangang maging biktima ng tukso. Puwede mong piliing gawin ang tama.
Pag-isipan: Paano mo lalabanan ang tukso para matiyak na maganda ang kalalabasan ng nakatutuksong sitwasyon?
“Iniisip ko kung ano ang madarama ko kapag nagpadala ako sa tukso. Gagaan ba ang pakiramdam ko? Siguro, pero pansamantala lang. Gaganda ba ang pakiramdam ko pagkalipas ng ilang panahon? Hindi, lalo lang itong sasamâ. Sulit ba ito? Hindi!”—Sophia.
Magandang halimbawa sa Bibliya: Pablo. Inamin ni Pablo na mayroon siyang masasamang tendensiya, pero pinaglabanan niya ang mga ito. Isinulat niya: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin.”—1 Corinto 9:27.
Tandaan: Ikaw ang dapat masunod kung paano mo lalabanan ang tukso.
Tandaan na lilipas din ang mga tukso. “Maraming mabibigat na tukso noong nasa high school ako ang hindi na mahalaga ngayon,” ang sabi ng 20-anyos na si Melissa. “Kapag iniisip ko ito, lumalakas ang loob ko na lilipas din ang mga tuksong nararanasan ko ngayon at balang-araw, makikita kong napabuti ako dahil pinaglabanan ko ang mga iyon.”