PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Roma 12:12—“Ikagalak ang Pag-asa; Maging Matatag sa Paghihirap at Magpatuloy sa Pananalangin”
“Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo. Magtiis kayo habang nagdurusa. Magmatiyaga kayo sa pananalangin.”—Roma 12:12, Bagong Sanlibutang Salin.
“Ikagalak ang pag-asa; maging matatag sa paghihirap at magpatuloy sa pananalangin.”—Roma 12:12, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Ibig Sabihin ng Roma 12:12
Sa tekstong ito, pinatibay ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Roma na gawin ang tatlong bagay na tutulong sa kanila na makapanatiling tapat sa kabila ng pag-uusig at iba pang paghihirap.
“Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo.” May napakagandang pag-asa ang mga Kristiyano. Ang ilan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa langit at ang karamihan ay sa paraisong lupa. (Awit 37:29; Juan 3:16; Apocalipsis 14:1-4; 21:3, 4) Makikita rin nilang aalisin ng Kaharian ng Diyosa ang lahat ng problema ng tao. Kasama ito sa pag-asa nila. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Kahit nakakaranas ng mga paghihirap ang mga lingkod ng Diyos, puwede pa rin silang maging masaya, kasi sigurado sila sa pag-asa nila at alam nilang nalulugod sa kanila ang Diyos kapag nagtitiis sila.—Mateo 5:11, 12; Roma 5:3-5.
“Magtiis kayo habang nagdurusa.” Sa Bibliya, ang pandiwang Griego na isinaling “magtiis” ay karaniwan nang ginagamit para magbigay ng ideya ng “pananatili sa halip na pagtakas; pagtitiyaga; pananatiling matatag.” Ang mga tagasunod ni Kristo ay ‘hindi bahagi ng sanlibutan,’b kaya inaasahan nilang pag-uusigin sila at kailangan nilang magtiis. (Juan 15:18-20; 2 Timoteo 3:12) Kapag nananatiling tapat ang isang Kristiyano sa Diyos kahit na kailangan niyang magtiis ng mga pagsubok, tumitibay ang pananampalataya niya na gagantimpalaan siya ng Diyos. (Mateo 24:13) Dahil dito, makakapagtiis siya ng mga pagsubok nang masaya.—Colosas 1:11.
“Magmatiyaga kayo sa pananalangin.” Paulit-ulit na ipinapaalala sa mga Kristiyano na dapat silang patuloy na manalangin para makapanatiling tapat sa Diyos. (Lucas 11:9; 18:1) Palagi nilang hinihingi ang patnubay ng Diyos at umaasa sila sa kaniya sa lahat ng ginagawa nila. (Colosas 4:2; 1 Tesalonica 5:17) Kumbinsido sila na ibibigay ng Diyos ang mga hinihiling nila kasi sinusunod nila ang mga utos niya at ginagawa nila ang buong makakaya nila para mapasaya siya. (1 Juan 3:22; 5:14) Naniniwala din sila na kung magiging matiyaga sila sa pananalangin, ibibigay ng Diyos ang lakas na kailangan nila para makapanatiling tapat anuman ang pagsubok na mapaharap sa kanila.—Filipos 4:13.
Konteksto ng Roma 12:12
Isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga Kristiyanong nakatira sa Roma noong mga 56 C.E. Sa kabanata 12 ng liham na ito, nagpayo siya tungkol sa kung paano ipapakita ang mga Kristiyanong katangian, kung paano makikitungo sa mga kapananampalataya at sa iba, at kung paano haharapin ang mga pag-uusig. (Roma 12:9-21) Napapanahon ang payong ito ni Pablo para sa mga Kristiyano sa Roma kasi di-nagtagal, nakaranas sila ng malupit na pag-uusig.
Pagkalipas ng ilang taon, noong 64 C.E., halos nawasak ang lunsod ng Roma dahil sa malaking sunog. Sinasabi ng maraming tao na si Emperador Nero ang may kagagawan nito. Ayon kay Tacitus, isang Romanong istoryador, isinisi ni Nero ang pangyayaring ito sa mga Kristiyano para ipagtanggol ang sarili niya. Dahil dito, pinag-usig nang matindi ang mga Kristiyano. Nakatulong ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano para mapanatili ang dignidad nila at katapatan habang hinaharap ang pag-uusig. (1 Tesalonica 5:15; 1 Pedro 3:9) Maraming matututuhan ang mga mananamba ng Diyos ngayon sa halimbawa nila.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Roma.
a Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyernong itinatag ng Diyos sa langit para gawin ang kalooban niya sa lupa. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Kaharian ng Diyos?”
b Sa Bibliya, ang salitang “sanlibutan” ay puwedeng tumukoy sa mga taong hiwalay sa Diyos.