2 TESALONICA
Mga Study Note—Kabanata 3
salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa 1Te 1:8 at introduksiyon sa Ap. C3; 2Te 3:1.
mabilis na lumaganap: Lit., “makatakbo.” Ang pandiwang Griego para sa “tumakbo” ay ginamit dito sa makasagisag na diwa at nangangahulugang “kumilos nang mabilis at walang hadlang.” Ginagamit talaga noong unang panahon ang idyomang tumatakbo nang mabilis ang balita. Pero posibleng ang nasa isip dito ni Pablo ay ang Aw 147:15, na nagsasabing “mabilis na tumatakbo” ang salita ng Diyos. Sa dalawang tekstong ito, ikinumpara ang salita ni Jehova sa isang mabilis na mensahero, o lingkod, na nagmamadaling makarating sa destinasyon niya para masunod ang kagustuhan ng kaniyang panginoon. Lumilitaw na hinihiling ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica na ipanalangin nila na maipalaganap sana niya at ng mga kasamahan niya nang mabilis at walang hadlang ang mensahe ng katotohanan. Sa 1Te 1:8, binanggit din ni Pablo ang mabilis na paglaganap ng salita ni Jehova.—Ihambing ang Mat 24:14; Mar 13:10.
maparangalan: Ibig sabihin, kilalanin at tanggapin ito “hindi bilang salita ng tao, kundi . . . bilang salita ng Diyos.”—1Te 2:13.
hindi lahat ng tao ay may pananampalataya: Tinutukoy dito ni Pablo ang “napakasamang mga tao” na umuusig sa kaniya at sa mga kapananampalataya niya. (2Te 3:2, 3) Pero hindi lang sa mga taong iyon tumutukoy ang sinabi ni Pablo. Totoo rin ito sa ibang tao, gaya ng ilang nakasalamuha niya. Kung minsan, kahit iisang bagay ang nakita nila, may mga mananampalataya at may hindi. (Gaw 14:1-4; 17:32-34; Heb 11:3) Hindi naman sinasabi ni Pablo na may mga taong hindi talaga kayang magkaroon ng pananampalataya. Pero kailangan ng banal na espiritu ng Diyos para magkaroon ng tunay na pananampalataya, dahil bunga ito ng espiritu. (Gal 5:22 at study note) Kaya naman sa mga liham niya, pinasigla niya ang mga kapuwa niya Kristiyano na magpaakay sa espiritu ng Diyos. (Gal 5:16, 25; 1Te 5:19) Sa gayon, makikita nila ang malinaw na katibayan ng mga bagay na di-nakikita, na magiging pundasyon ng pananampalataya nila. (Heb 11:1) Para magabayan ng banal na espiritu ang mga Kristiyano, kailangan nilang humingi nito sa Diyos (Luc 11:9-13; 17:5) at pag-aralan ang kaniyang Salita na isinulat sa pamamagitan ng espiritu (2Ti 3:16, 17). Ang mga ayaw magpatulong sa banal na espiritu ay hindi magkakaroon ng pananampalataya, kahit pa napakarami nilang puwedeng maging basehan nito.
Tinatagubilinan namin kayo ngayon: Ito ang introduksiyon ni Pablo nang banggitin niya ang isang problema na kailangang ayusin sa kongregasyon ng Tesalonica. Makikita sa konteksto na may ilan sa kanila na hindi nagtatrabaho at nakikialam pa sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila. (Tingnan ang mga study note sa 2Te 3:11.) Kaya deretsahan silang pinayuhan ni Pablo na “mamuhay nang tahimik at kumain ng pagkain na pinagtrabahuhan nila.”—2Te 3:12.
layuan: Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng kongregasyon na “layuan” ang sinumang “lumalakad nang wala sa ayos,” o iwasang makisama sa kanila.—Tingnan ang mga study note sa 2Te 3:14.
lumalakad nang wala sa ayos: Ayon sa isang reperensiya, ang ekspresyong ito ay nangangahulugang “pagiging iresponsable . . . o paggawa ng mga bagay na di-katanggap-tanggap sa lipunan o salungat sa iniutos.”—Tingnan ang study note sa 1Te 5:14.
mga bagay na itinuro: Gaya sa 2Te 2:15, ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga tradisyong katanggap-tanggap sa tunay na pagsamba.—Tingnan ang study note sa 1Co 11:2.
walang bayad: O “hindi nagbabayad.” Ito rin ang salitang Griego na ginamit sa Mat 10:8: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”
gabi’t araw kaming nagtrabaho at nagpakahirap: Posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mabigat na trabaho niya bilang tagagawa ng tolda. (Gaw 18:3) Umaasa siya na dahil nagtrabaho sila ng mga kasamahan niya para sa mga pangangailangan nila, magiging magandang halimbawa sila sa mga Kristiyano sa Tesalonica at sa iba pang kongregasyon.—Gaw 20:34, 35; 1Te 2:9; 2Te 3:7-10; tingnan sa Media Gallery, “Nagtrabaho si Pablo Para Masuportahan ang Ministeryo Niya sa Tesalonica.”
“Kung ayaw magtrabaho ng isang tao, huwag siyang pakainin”: Sinipi dito ni Pablo ang isang payo na ibinigay na niya noon sa mga taga-Tesalonica. Naging pamantayan ito para sa lahat ng Kristiyano pagdating sa kasipagan. Gaya ng makikita sa konteksto, hindi pananagutan ng kongregasyon na paglaanan sa materyal ang mga kaya namang magtrabaho pero ayaw itong gawin. (2Te 3:6-15) Wala sa Hebreong Kasulatan ang mismong ekspresyong ito, pero makikita ang diwa nito sa ilang teksto gaya ng Aw 128:2; Kaw 10:4; at 19:15.
mga hindi nagtatrabaho: Lumilitaw na malakas naman ang mga taong tinutukoy dito ni Pablo pero ayaw nilang magtrabaho. Umaasa lang sila sa iba. Kaya sinusuway nila ang payo ng Diyos laban sa katamaran. (Kaw 6:6-11; 10:4, 5; 13:4; 20:4; 24:30-34) Posibleng dahil iniisip ng iba na napakalapit na ng panahon ng presensiya ni Jesu-Kristo, ikinatuwiran nilang hindi na nila kailangang magtrabaho. (2Te 2:1, 2) Kaya lumilitaw na naging pabigat sila sa kongregasyon o sa ilang miyembro nito.—2Te 3:8.
nanghihimasok pa sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila: Gumamit dito si Pablo ng nakakatawang ekspresyon na karaniwang ginagamit noon ng mga manunulat na Griego. Pinagsama niya ang dalawang magkaugnay na salita na er·gaʹzo·mai (“nagtatrabaho”) at pe·ri·er·gaʹzo·mai (“nanghihimasok pa sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila.”) Hindi tama ang ‘panghihimasok’ dahil pakikisangkot ito ng isa sa mga bagay na wala naman siyang kinalaman.
markahan ninyo siya: Ang salitang Griego na isinalin ditong “markahan” ay literal na nangangahulugang “paskilan ng babala.” Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa “pagiging mapagbantay laban sa isang tao.” Nagbigay na si Pablo ng malinaw na tagubilin sa buong kongregasyon na iwasan ang paglakad nang wala sa ayos at mga paggawing nakakasira ng pagkakaisa. (2Te 1:1; 3:6 at study note) Ngayon naman, tinatagubilinan niya ang indibidwal na mga Kristiyano na markahan ang kapananampalataya nilang ayaw sumunod dito. Pagkatapos, ipinaliwanag niya kung paano nila iyon gagawin.
at tumigil kayo sa pakikisama sa kaniya: Ang isang miyembro ng kongregasyon na “lumalakad nang wala sa ayos” ay hindi naman nakagawa ng malubhang kasalanan na puwedeng maging dahilan para alisin siya sa kongregasyon. (2Te 3:11) Pero dahil hindi niya itinitigil ang masamang ginagawa niya, puwede niyang masira ang reputasyon ng kongregasyon at maimpluwensiyahan ang ibang Kristiyano. Kaya pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘itigil ang pakikisama’ sa taong iyon sa mga salusalo o paglilibang. (Ihambing ang 2Ti 2:20, 21.) Puwedeng makatulong ito sa kaniya para matauhan siya at mamuhay ulit ayon sa mga prinsipyo sa Bibliya. Pero hindi naman siya lubusang lalayuan ng mga kapananampalataya niya, dahil sinabi ni Pablo na dapat siyang “patuloy [na] paalalahanan bilang kapatid.”—2Te 3:15 at study note.
patuloy siyang paalalahanan bilang kapatid: Ang terminong Griego na isinaling “paalalahanan” ay puwedeng tumukoy sa pagbibigay ng matinding payo nang walang halong galit. Pag-ibig at pagmamalasakit ang nag-uudyok sa isa para magbigay ng ganitong payo.—Gaw 20:31; tingnan ang study note sa 1Te 5:12.
Ganito lagi ang paraan ko ng pagsulat, para matiyak ninyo na ako ang sumulat nito: Sa dulo ng ilang liham ni Pablo, siya mismo ang sumulat ng huling pagbati niya. (1Co 16:21; Col 4:18) Pero dito, idiniin pa niya na siya talaga ang sumulat ng liham na ito. Posible kasing may natanggap ang mga taga-Tesalonica na isang liham na galing daw kay Pablo at nagpapahiwatig na dumating na “ang araw ni Jehova.” (2Te 2:1, 2) Dahil sa sinabi ni Pablo, siguradong nakumbinsi ang mga taga-Tesalonica na galing talaga sa kaniya ang ikalawang liham na ito.