TESALONICA, MGA LIHAM SA MGA TAGA-
Dalawang kinasihang liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, marahil ay ang unang isinulat ng apostol na si Pablo, na nagpakilala bilang ang manunulat ng dalawang liham. (1Te 1:1; 2:18; 2Te 1:1; 3:17) Noong panahong isulat ang mga liham na ito, kasama ni Pablo sina Silvano (Silas) at Timoteo. (1Te 1:1; 2Te 1:1) Ipinahihiwatig nito na ipinadala ang mga liham mula sa Corinto dahil walang rekord na ang tatlong lalaking ito ay muling gumawang magkakasama pagkatapos nilang mamalagi sa Corinto noong panahon ng ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. (Gaw 18:5) Yamang lumilitaw na ang 18-buwang gawain ng apostol sa Corinto ay nagsimula noong taglagas ng 50 C.E., malamang na noong mga panahong iyon isinulat ang unang liham sa mga taga-Tesalonica. (Gaw 18:11; tingnan ang KRONOLOHIYA [Ang mas huling kapanahunang apostoliko].) Ang ikalawang liham ay tiyak na isinulat di-nagtagal pagkatapos nito, malamang na noong mga 51 C.E.
Ang dalawang liham na ito ay nakatala bilang kanonikal sa lahat ng namumukod-tanging mga katalogo ng ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo C.E. Ang mga ito ay lubusan ding kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan sa pagpapaalaala sa mga lingkod ng Diyos na panatilihin ang mainam na paggawi sa lahat ng panahon. Gayundin, kapansin-pansin na idiniriin sa mga liham na ito ang pananalangin. Kasama ng kaniyang mga kamanggagawa, palaging inaalaala ni Pablo ang mga taga-Tesalonica sa panalangin (1Te 1:2; 2:13; 2Te 1:3, 11; 2:13), at pinasigla sila ng apostol: “Manalangin kayo nang walang lubay. May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.” (1Te 5:17, 18) “Mga kapatid, magpatuloy kayo sa pananalangin para sa amin.”—1Te 5:25; 2Te 3:1.
Mga Kalagayan Nang Isulat ang Unang Tesalonica. Halos sa pasimula pa lamang, ang kongregasyong pinatungkulan ng Unang Tesalonica ay dumanas na ng pag-uusig. Pagkarating ni Pablo sa Tesalonica, nangaral siya sa sinagoga roon sa loob ng tatlong Sabbath. Malaking bilang ng mga tao ang naging mga mananampalataya, at isang kongregasyon ang naitatag. Gayunman, nagsulsol ng marahas na pang-uumog ang mga panatikong Judio. Nang hindi masumpungan ng mga mang-uumog sina Pablo at Silas sa tahanan ni Jason, kinaladkad nila si Jason at ang ilan pang mga kapatid sa harap ng mga tagapamahala ng lunsod, anupat inakusahan sila ng sedisyon. Pinalaya lamang si Jason at ang iba pa nang magbigay sila ng “sapat na paniguro.” Ito ang nag-udyok sa mga kapatid na payaunin sina Pablo at Silas patungo sa Berea nang kinagabihan, maliwanag na para sa kapakanan ng kongregasyon at sa kaligtasan ng dalawa.—Gaw 17:1-10.
Nang maglaon, bukod pa sa patuloy na pag-uusig (1Te 2:14), ang kongregasyon ay waring lubhang nalumbay dahil sa pagkawala ng isa (o ilan) sa kanila sa kamatayan. (4:13) Palibhasa’y batid ni Pablo ang panggigipit na dinaranas ng bagong kongregasyon at lubha niyang ikinababahala ang epekto nito, isinugo niya si Timoteo upang aliwin at palakasin ang mga taga-Tesalonica. Mas maaga rito, makalawang ulit na sinikap ng apostol na dalawin sila, ngunit ‘humarang si Satanas sa kaniyang landas.’—2:17–3:3.
Nang matanggap ni Pablo ang nakapagpapatibay-loob na ulat ni Timoteo tungkol sa katapatan at pag-ibig ng mga taga-Tesalonica, siya ay nagsaya. (1Te 3:6-10) Gayunman, kailangan nila ng higit pang pampatibay-loob at payo upang malabanan ang mga kahinaan ng laman. Kaya naman bukod sa pagpuri ni Pablo sa mga taga-Tesalonica dahil sa kanilang tapat na pagbabata (1:2-10; 2:14; 3:6-10) at pag-aliw sa kanila sa pamamagitan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli (4:13-18), pinayuhan din niya sila na patuloy na tumahak sa isang landasing sinasang-ayunan ng Diyos at gawin iyon nang lubus-lubusan. (4:1, 2) Bukod sa iba pang mga bagay, pinayuhan sila ng apostol na umiwas sa pakikiapid (4:3-8), ibigin ang isa’t isa nang lalo pang higit, gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay (4:9-12), manatiling gising sa espirituwal (5:6-10), isaalang-alang yaong mga nagpapagal sa gitna nila, “paalalahanan ang magugulo, magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat,” at ‘umiwas sa bawat anyo ng kabalakyutan’ (5:11-22).
Mga Kalagayan Nang Isulat ang Ikalawang Tesalonica. Ang pananampalataya ng mga Kristiyano sa Tesalonica ay lumalaki nang labis-labis, ang pag-ibig nila sa isa’t isa ay lumalago, at patuloy nilang binabata nang may katapatan ang pag-uusig at kapighatian. Kaya naman, gaya sa kaniyang unang liham, pinapurihan sila ng apostol na si Pablo at pinatibay-loob na patuloy na tumayong matatag.—2Te 1:3-12; 2:13-17.
Gayunman, may-kamaliang iginigiit ng ilan sa kongregasyon na malapit na ang pagkanaririto ni Jesu-Kristo. Posibleng isang liham pa nga na may-kamaliang ipinalagay na kay Pablo ang binigyang-pakahulugan bilang nagpapahiwatig na “ang araw ni Jehova ay narito na.” (2Te 2:1, 2) Maaaring ito ang dahilan kung bakit binanggit ng apostol ang pagiging tunay ng kaniyang ikalawang liham, nang sabihin niya: “Narito ang aking pagbati, ni Pablo, sa aking sariling kamay, na siyang tanda sa bawat liham; ganito ang paraan ko ng pagsulat.” (3:17) Dahil ayaw niyang madaya ang mga kapatid sa pagtanggap ng maling turo, ipinakita ni Pablo na may iba pang mga pangyayari na kailangan munang maganap bago dumating ang araw ni Jehova. Sumulat siya: “Hindi ito darating malibang ang apostasya ay dumating muna at ang taong tampalasan ay maisiwalat.”—2:3.
Isang problema na umiral na sa kongregasyon noong una ang kinailangan pa ring bigyang-pansin. Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica, sinabi ni Pablo sa kanila: “Pinapayuhan namin kayo, mga kapatid, . . . na gawing inyong tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang inyong sariling gawain at gumawa sa pamamagitan ng inyong mga kamay, gaya ng iniutos namin sa inyo; upang kayo ay lumakad nang disente kung tungkol sa mga tao sa labas at hindi mangailangan ng anuman.” (1Te 4:10-12) Hindi isinapuso ng ilan sa kongregasyon ang payong ito. Dahil dito, inutusan ni Pablo ang gayong mga tao na gumawa nang may katahimikan at kumain ng pagkain na kanila mismong pinagpagalan, anupat idinagdag pa: “Ngunit kung ang sinuman ay hindi masunurin sa aming salita sa pamamagitan ng liham na ito, panatilihin ninyong markado ang isang ito, huwag na kayong makisama sa kaniya, upang siya ay mapahiya. Gayunma’y huwag ninyo siyang ituring na kaaway, kundi patuloy na paalalahanan siya bilang isang kapatid.”—2Te 3:10-15.
[Kahon sa pahina 1300]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG TESALONICA
Pampatibay-loob at payo sa isang halos bagong-tatag na kongregasyon
Isinulat ni Pablo noong mga 50 C.E., ilang buwan pagkatapos niyang lisanin ang Tesalonica dahil sa marahas na pang-uumog
Komendasyon para sa kongregasyon (1:1-10)
Magiliw na pinapurihan ni Pablo ang mga taga-Tesalonica dahil sa kanilang tapat na gawa at pagbabata
Ang mga taga-Tesalonica ay naging isang halimbawa sa iba pang mga mananampalataya sa pagtanggap sa salita sa ilalim ng kapighatian at taglay ang kagalakang ibinubunga ng espiritu ng Diyos
Sa lahat ng dako ay nababalitaan kung paano nila iniwan ang idolatriya at kung paano sila bumaling sa pagpapaalipin sa buháy na Diyos at sa paghihintay kay Jesus
Halimbawang ipinakita ni Pablo noong kasama nila siya (2:1-12)
Pagkatapos pakitunguhan nang walang pakundangan sa Filipos, si Pablo ay nag-ipon ng lakas mula sa Diyos at may-katapangang nangaral sa mga taga-Tesalonica
Iniwasan ni Pablo ang pagiging labis na mapamuri, mapag-imbot, at mapaghanap ng kaluwalhatian
Iniwasan niyang maging pasanin sa mga kapatid, kundi sa halip ay pinakitunguhan niya sila nang banayad gaya ng ginagawa ng isang nagpapasusong ina at pinayuhan niya sila gaya ng isang maibiging ama
Pampatibay-loob na manatiling matatag sa harap ng pag-uusig (2:13–3:13)
Ang mga kapatid sa Tesalonica, pagkatapos tanggapin ang mensaheng ipinahayag sa kanila bilang ang salita ng Diyos, ay pinag-usig ng kanilang mga kababayan; gayundin ang nangyayari sa Judea, kung saan nagdurusa ang mga Kristiyano sa mga kamay ng mga Judio
Lubhang ninasa ni Pablo na makita ang mga taga-Tesalonica; nang hindi na niya matiis na wala siyang anumang balita tungkol sa kanila, isinugo niya si Timoteo, at noo’y kararating lamang ni Timoteo dala ang mabuting balita tungkol sa kanilang espirituwal na kalagayan
Ipinanalangin ni Pablo na patuloy silang lumago
Payo may kinalaman sa saloobin at paggawi (4:1–5:28)
Lumakad nang lubus-lubusan sa landasing kalugud-lugod sa Diyos; umiwas sa pakikiapid
Ibigin ang mga kapatid nang lalo pang higit; gumawa sa pamamagitan ng inyong mga kamay upang makita maging ng mga tao sa labas na lumalakad kayo nang disente
Aliwin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pag-asa na, sa pagkanaririto ni Kristo, ang mga inianak-sa-espiritung mga mananampalataya na namatay na ang unang ibabangon at makakaisa ni Kristo; pagkatapos, yaong mga buháy pa ay makakasama niya at ng mga binuhay-muli
Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagaya ng isang magnanakaw—kapag sinabi nila: “Kapayapaan at katiwasayan!” ang biglang pagkapuksa ay darating; dahil dito, manatiling gising sa espirituwal, anupat protektado ng pananampalataya at pag-ibig bilang baluti at ng pag-asa ng kaligtasan bilang helmet
Magkaroon ng matinding pagpapahalaga sa mga namumuno sa kongregasyon; maging mapagpayapa, itaguyod kung ano ang mabuti, laging magsaya, mag-ukol ng pasasalamat, tiyakin ang lahat ng bagay, manghawakang mahigpit sa kung ano ang mainam, at umiwas mula sa kabalakyutan
[Kahon sa pahina 1301]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG TESALONICA
Isang liham na naglalayong magtuwid ng isang maling pangmalas may kinalaman sa pagkanaririto ni Kristo at magbigay ng payo kung paano pakikitunguhan ang mga taong magugulo
Isinulat ni Pablo di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica
Ang ginhawa ay darating sa pagkakasiwalat kay Kristo (1:1-12)
Pinapurihan ang mga taga-Tesalonica sa kanilang pagbabata at pananampalataya habang dumaranas ng mga pag-uusig at kapighatian
Ang ginhawa ay darating sa pagkakasiwalat kay Kristo; pagkatapos ay pupuksain ni Jesu-Kristo, kasama ng makapangyarihang mga anghel, yaong mga hindi sumusunod sa mabuting balita at luluwalhatiin siya may kaugnayan sa kaniyang mga banal
Ipinanalangin ni Pablo na ang mga taga-Tesalonica ay maibilang na karapat-dapat upang maluwalhati sa kanila ang pangalan ng Panginoong Jesus
Ang taong tampalasan ay masisiwalat bago ang pagkanaririto ni Kristo (2:1-17)
Pinayuhan ang mga taga-Tesalonica na huwag matinag o mabagabag ng anumang mensahe na nagpapahiwatig na ang araw ni Jehova ay dumating na sa kanila
Dapat na dumating muna ang apostasya, at ang taong tampalasan ay dapat na maisiwalat; itataas niya ang kaniyang sarili sa ibabaw ng bawat bagay na pinagpipitaganan at itatanghal niya ang sarili bilang isang diyos
Kapag naalis siya na nagsisilbing pamigil, isisiwalat ang isa na tampalasan, na ang pagkanaririto ay makikita sa pamamagitan ng kasinungalingang mga tanda at bawat likong panlilinlang upang linlangin yaong mga nalilipol
Papawiin siya ni Jesu-Kristo sa pagkakahayag ng Kaniyang pagkanaririto
Kung paano pakikitunguhan ang mga taong magugulo (3:1-18)
Lumayo sa mga magugulo, yaong mga nanghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila, yaong mga nagwawalang-halaga sa utos na: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin”
Markahan ang gayong mga tao bilang hindi dapat pakisamahan, ngunit paalalahanan sila bilang mga kapatid upang magbago sila ng kanilang mga lakad