Ang Kamangha-manghang Regalo—Ang Tinig Mo
‘SANGKAP ng iyong sistema sa paghinga ang mahahalagang bahagi ng maraming instrumento sa musika. Ang iyong diaprama ay nakakatulad ng isang tambol na pinagmumulan ng ugong. Ang iyong mga kuwerdas vocales, na nangangatal pagsasalita mo o pagkanta mo, ay mga kuwerdas ng biolin. Ang iyong sistema sa paghinga ay pinagdaraanan ng hangin na galing sa mga baga at dumaraan sa traquea, laringhe, ilong naglalagos sa pagitan ng mga ngipin at mga labi, at ang resulta’y tunog ng mga instrumentong pinatutunog sa pamamagitan ng hangin. Dala mo na sa iyong katawan ang isang orkestra.’
Sa tuwina’y ganiyan kung mangusap sa amin ang aming guro sa tinig, sa tono na malinaw at may mahugong na tinig. ‘Isipin ninyo na ang inyong tinig ay isang walang kahalintulad na instrumento sa musika habang tayo’y nanggagalugad sa kasalimuotan nito.’ Siya’y tumuturo sa isang malaking ilustrasyon na nakapaskil sa dingding.
Protektado ng tulad-haulang mga tadyang ang dalawang baga. Ito’y nasasarhan buhat sa tiyan na nasa ibaba nito sa pamamagitan ng isang pakurbang kalamnan, ang diaprama. ‘Ang diaprama.’ Siya’y huminga nang malalim at hinipo ng kaniyang banat na mga daliri ang gawing ibaba ng kaniyang tadyang. ‘Damahin ito,’ ang wika niya. ‘Damahin ninyo ang inyong diaprama habang kayo’y humihinga nang malalim. Importanteng malaman kung nasaan ang inyong diaprama at kung ano ito.’
Pagka tayo’y huminga, alam ninyo, ang ating diaprama ay bumababa at lumalapad. Kasabay nito na ang mga kalamnan sa pagitan ng mga tadyang ay tumataas at nabubuksan ang pinaka-haulang mga tadyang sa harap at sa likod. Bumababa ang presyon ng hangin sa loob ng ating mga baga. Hangin sa labas naman ang dagling pumapasok. Tayo’y huminga nang paloob.
Pagkatapos ay nagluluwag ang diaprama. Ang mga organo sa ilalim nito ay tumutulak na pataas. Nagluluwag ang mga kalamnan sa pagitan ng mga tadyang. Ang mga tadyang ay dumidiin na paloob. Ang mga baga ay napipipi. Puwersadong lumalabas ang hangin. Tayo’y huminga naman nang palabas.
Papaanong ang hanging ito ay lumilikha ng tunog ng tinig natin?
‘Pagka sinilip ng doktor ang loob ng bibig mo sa tulong ng kaniyang pansilip na salamin,’ ang sabi ng guro, ‘doon sa dulo ng iyong lalamunan ay may nakikita siyang isang korteng triyanggulo. Sa dalawang tabi nito ay may mga membrano na tinatawag na mga kuwerdas vocales. Ito’y nangangatal pagka ikaw ay humihinga. Ang tunog na nililikha nito ay yaong tinig mo. Ang korteng triyanggulong ito ay ang iyong kahon-de-voca, ang iyong laringhe.
Ang haba at lapad ng atin-ating mga kuwerdas vocales ang dahilan ng pagkakaiba-iba ng atin-ating mga boses. Ang mga kuwerdas na ito ay maaaring bumagay para sa iba’t-ibang tinig. Ang lakas ng tinig ay depende sa kung paano natin pinatitindi ang pangangatal. Tayo’y nagsasalita at humihinga nang hindi na natin pinag-iisipan. Subali’t mientras naiintindihan natin ang kamangha-mangha ang pagkadisenyo na “balbulang” ito, at kung paano gumagana ito sa ating buong sistema ng paghinga, lalong mahusay na magagamit at makukontrol natin ang ating tinig.
Ang tinig mo ba ay kalugud-lugod na pakinggan. Iyon ba ay nanginginig? Matunog? Iba’t-iba? Kung kulang ito ng ano mang ninanais na katangian o may ano mang kapangitan, malamang na sa pamamagitan ng masidhing pagsusumikap ay mapahuhusay mo. Upang makontrol ang tinig kailangan na makontrol ang paghinga, at apektado rin ito ng tindig at ng pagsasanay sa mga pangunahing kalamnan sa mukha, panga, dila, labi, leeg, balikat, sa katunayan ay sa buong katawan.
Halimbawa, ang kaigtingan sa laringhe, na dahil sa maigting na panga, o leeg o balikat, ay maaaring makasira ng tono ng boses. Ang wala sa ayos na paghinga at pagtindig ay makakaapekto rin sa iyong tinig.
Paghinga sa Diaprama
Para sa mahusay na “orkestrasyon” ay kailangang bigyang-pansin ang buong sistema ng paghinga. Nguni’t umpisahan natin sa papel na ginagampanan ng diaprama. Sa karaniwang paghinga ay nagpapasok tayo ng humigit-kumulang isang pinta ng hangin, mga isang kawalo ito ng kapasidad ng ating baga. Paano natin magagamit ang natitirang bahagi?
Bueno, kailangang gamitin nating lahat ito. Samakatuwid nga, kailangang huminga tayo nang malalim hanggang sa ibaba ng mga baga natin. Ang malaking bahagi ng mga baga ay umaabot hanggang sa ibaba pa ng mga tadyang natin. Ang pagpapaangat ng dibdib at pati balikat ay walang gaanong kinalaman sa malalim na paghinga. Sa malalim na paghinga kailangang madama natin na ang unang tumatambok ay ang banda na malapit sa ating diaprama, at ang dibdib ay tumatambok kasama nito. Iyan ang paghinga sa diaprama. Ang hangin ay pinaaabot hanggang sa ibaba ng baga at lumalagi roon bilang reserbang paghinga, kaya naman madaling makakapaglabas-masok ang hangin. Dahil sa reserbang hanging ito, maluwag na tumataas at bumababa ang diaprama. Ito’y tumutulong sa pagpapagaang sa gawing itaas ng katawan. Kaya’t upang makapanatiling gayon kailangan natin ang mainam at diretsong tindig. Kailangan dito ang kaunting hersisyo.
Ayon kay Bernice Loren, sa kaniyang aklat na Effective Speaking, ang mga hersisyo raw para sa tamang tindig at pagsasanay sa pagsasalita ay kapuna-puna ang pagkakahawig doon sa “inirerekomenda sa mga magasin sa pagpapaganda para sa mga may dobleng baba, mga hukot,” at iba pa. Ang kaniyang unang-unang leksiyon para sa pagwawasto ng hitsura ng katawan at ng paghinga ay nangangailangan, hindi ng pagsisikap, kundi ng simpleng “pag-aarya.” “Iyuko nang bahagya ang ulo at saka walong beses na gawin ang gayon na isinasauli ang ulo sa dating tindig na pagkadiretso.” Pagkatapos ay lalong ilaylay nang patungo ang ulo hanggang sa hugpungan ng leeg at balikat; pagkatapos ay ayrahan naman ang ulo at dibdib hanggang sa balikat; pagkatapos ay ang ulo at mga tadyang ay aryahan hanggang sa baywang; pagkatapos ay unti-unting angatin ang mga sakong, pagkatapos ay ang mga tuhod, saka mga hita, hanggang sa lubusan kang makatayo, kasabay ng pag-aarya sa bawa’t bahagi ng gulugod.
Ang pinakamagaling na paraan upang magluwag ang iyong panga at mga kalamnan sa mukha ay ang ngumiti kang malimit. Panatilihing malambot ang dila at nakapuwesto nang maalwan. Ipagpalagay na ang dila ay konektado at lagusan hanggang sa diaprama. Kaya sa ganito’y nagluluwag ang panga, leeg at mga kalamnan ng balikat.
Ang mga Labi at ang Dila
Isang pantanging salita tungkol sa dila. Ito ang pinakaaktibong sangkap sa pagsasalita. Ito’y isang masalimuot na bunton ng mga kalamnan. Ito’y nakagagalaw sa maraming direksiyon, at nakapagbabago ito hanggang sa iba’t-ibang korte. Naaaring mag-iba-iba ito ng posisyon para makibagay sa bawa’t patinig, at ito ang umaandar sa pagbigkas sa mahigit na kalahati ng mga katinig.
Datapuwa’t, hindi ibig sabihin na ang mga labi ay dapat panatilihing matigas at di man lamang gumagalaw na gaya ng tuka ng isang pato. Ang labi sa itaas lalo na ang dapat na laging iginagalaw, sa paghubog ng mga salita. Malaki ang kaugnayan ng galaw ng mga labi sa kumpletong pagbigkas ng maraming patinig. Ang mga labi ang “dulo ng trumpeta,” na tumatapos sa may kinalaman sa pagbigkas ng maraming katinig. Ito man ay dapat na hindi maigting, kundi naibabagay at maligsi.
Ang Pagpapataginting ng Boses
Samantalang tayo’y may wastong tindig para sa maluwag at madali na paghinga, na nanggagaling hanggang sa kailaliman ng diaprama, suriin pa natin ang mga bagay upang alamin kung wala nang iba pang nakakasagabal sa pagpapahusay ng ating tinig. Tayo’y ‘humihinga sa diaprama.’ Ang panga, leeg at balikat ay lubusang nakarelax. Pasimulan natin na huminga nang palabas, at gumawa ng tunog ng hhhhhhhh pagkatapos ay isama rito ang tunog ng mmmmmmmm. Gunigunihin na ang hhhmmm ay dumaraan sa lalamunan at sa ibabaw ng ngalangala, at tumatawid nang husto sa balingusan ng ilong. Bahagyang nadarama ng mga dulo ng daliri ang pangangatal ng balagat, ng lalamunan, ng palibot ng ilong. Ating pinatataginting ang tinig.
Ganito ang masiglang paghahalimbawa ng ating guro sa tinig, ‘Ang maluwag at kalugud-lugod na tinig ay resulta ng pagtutulong-tulong ng lahat ng sangkap ng katawan sa pagsasalita at katulad ng armonya sa isang orkestra. Nakikini-kinita ng maykatawan ang pag-andar ng diaprama na para bang ito’y nakakabit sa mga kalamnan ng mukha na walang anumang namamagitan. Siya’y nagsasalita buhat sa diaprama diretso hanggang sa mga mata.’
Ang ating kamangha-mangha at masalimuot na sistema ng tinig ay sumusunod sa mga prinsipyong sinusunod din ng isang kaayusan ng sarisaring instrumento sa musika. Nguni’t ang bawa’t gawang-taong instrumento ay may nagdisenyo. Makatuwiran bang isipin na sumipot na lamang ang ating tinig nang walang Tagapagdisenyo? “Sino ba ang nagbigay sa tao ng kaniyang bibig?” Ganiyan ang minsang tanong ni Jehova sa isang tao at pagkatapos ay sinagot niya, “Ako.” Ang ating tinig at ang kakayahan na makipag-usap o magsalita ay tunay nga na isang kamangha-manghang regalo buhat sa Diyos. (Exodo 4:11, Today’s English Version)—Isinulat.
[Blurb sa pahina 21]
Para mapakinggan mo ang sarili mo magsalita ka sa isang sulok na ang mga kamay mo’y kapuwa nakatakip sa mga tainga mo. Mas maigi ang isang tape recorder
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
MAPAHUHUSAY MO ANG TINIG MO
Ugaliin ang mabuting pagtindig
Ang ibaba ng baga mo ang punuin muna. Huwag paangatin lamang ang dibdib mo
Magsanay ng paghinga sa diaprama
Luwagan ang iyong panga, leeg at mga kalamnan ng balikat
Panatilihing malambot ang dila at nakapuwesto nang maalwan. Dapat na ang labi’y relax, naibibigay, maliksi
Sanayin ang dila at mga labi
[Larawan sa pahina 19]
BAGA
DIAPRAMA