Mula sa Aming mga Mambabasa
Kamatayan ng Isang Mahal sa Buhay
Ang liham na ito ay upang pasalamatan kayo sa mahusay na mga artikulo sa “Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay.” (Oktubre 22, 1985 sa Tagalog) Nang ang aking ina ay mamatay dahil sa isang nakamamatay na sakit noong Enero 1984, dumanas ako ng marami sa mga reaksiyon sa pagdadalamhati na binanggit ninyo. Binanggit ninyo na kadalasan ang isang sulat mula sa isang kaibigan ay nakatutulong. Ito ay totoo. Isang mahal na kaibigan ang sumulat na nagpapahayag ng kalungkutan sa aking kawalan, at ito ay totoong nakapagpapatibay-loob anupa’t maraming beses na binasa ko iyon kapag naiisip ko ang aking ina. Nais kong imungkahi na kapag namatayan ng isang mahal sa buhay, ang isang tao ay dapat na magbalik kaagad sa normal na rutina hangga’t maaari. Ako ngayon ay abala sa buong-panahong ministeryo, at ito ay nakatulong sa akin nang malaki.
A. M., Oklahoma
Maraming salamat sa kahanga-hangang impormasyon na ibinigay ninyo sa amin sa mga artikulong “Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay.” Ako ay pinalaki ng aking lola, at nang siya’y mamatay noong nakaraang Enero ang akala ko ako ay masisiraan ng bait. Bagaman taglay ko ang pag-asa na siya ay bubuhaying-muli, ako ay galit na galit at litung-lito. Ako’y nabahala sapagkat ako, na isang lalaki, ay tumangis sa libing. Mula noon, ako ay nabalisa ng mga damdamin ng pagkakasala. Ang inyong mga artikulo ang kinakailangan ko. Nais kong sabihin ang isang bagay doon sa mga may magulang pa. Sabihan sila na mahal ninyo sila, nang madalas hangga’t maaari. Isang araw ay hindi mo na magagawa ito.
P. W., New York
Pagiging Magkaibigan Lang
Lubusan akong hindi sumasang-ayon sa inyong mga palagay sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maaari bang ‘Maging Magkaibigan Lang’ ang Isang Lalaki at Babae?” (Nobyembre 8, 1985 sa Tagalog) Marami akong mga kaibigang lalaki na hindi ako nakadarama ng seksuwal na kaugnayan. Sinasabi ng Bibliya na tratuhin ang isang lalaki na katulad ng iyong kapatid na lalaki. Waring binabaligtad ninyo ito sa pagsasabi na mali na magkaroon na matalik na mga kaibigang lalaki. Talagang naniniwala ako na ang mga lalaki at mga babae ay maaaring “maging magkaibigan lang.”
D. B., Alabama
Oo, maaaring maging isang malusog na bahagi ng paglaki ng isa ang pagkakaroon ng maraming kaibigang lalaki at babae. Espisipikong tinutukoy ng artikulong tinututulan ang tungkol sa isang lalaki o babae na nag-aakala na siya ay maaaring magkaroon ng matalik, kapalagayang-loob na kaibigan na hindi kasekso, isang “steady,” at gayunman ay panatilihin ang kaugnayang ito na platoniko lamang. Hindi makatotohanan na maniwala na maaaring malinang ng isa ang gayong kalapit na pakikipagkaibigan sa isa na hindi kasekso nang hindi nasasangkot sa emosyonal na paraan.—ED.
Ang aking taimtim na pasasalamat sa mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maaari bang ‘Maging Magkaibigan Lang’ ang Isang Lalaki at Babae?” (Nobyembre 8, 1985 sa Tagalog) at “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Anong Masama sa Pagiging ‘Magkaibigan Lamang’?” (Nobyembre 22, 1985 sa Tagalog) Talagang binuksan nito ang aking isipan. Kung nagkaroon lamang ako ng impormasyong ito mga dalawang taon na mas maaga, hindi ko sana daranasin ang emosyonal na kaguluhan na dinaranas ko ngayon. Ang problema ay na hindi ko naalaalang lagyan ng hangganan kung saan kinakailangan. Subalit ang payo ng Kawikaan 22:3 ay tiyak na mag-iingat sa akin ngayon at sa hinaharap.
J. L., New York
Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maaari bang ‘Maging Magkaibigan Lang’ ang Isang Lalaki at Babae?” Tamang-tama ang dating nito. Nang mga sandaling sinisikap kong kalimutan ang mga epekto ng “pagkakapaso” dahilan sa isahang-panig na romantikong damdamin na mula sa ‘pagiging magkaibigan lamang’ sa isa na hindi kasekso. Tunay na ito ay isang emosyonal na kaligaligan.
D. G., Arkansas