Ang Daigdig Mula Noong 1914
Bahagi 4—1940-1943 Panggigipuspos ng mga Bansa, Dala ng Takot
ANG kaniyang mga salita ay sapat na upang makatakot sa pinakamatapang na mga tao. “Wala akong maiaalay kundi dugo, pagpapagal, mga luha at pawis,” sabi ng bagong kahihirang na punong ministrong Winston Churchill sa mga membro ng Britanong House of Commons. Idiniriin ang kaselangan ng kalagayan, ipinahayag niya: “Tagumpay anuman ang mangyari, tagumpay sa kabila ng sindak, tagumpay gaano man katagal at kahirap ang daan; sapagkat walang kaligtasan kung walang tagumpay.”
Oo, noong araw na iyon, Mayo 13, 1940, ang Britano ay mayroon ng lahat ng dahilan na matakot. Sa sumunod na anim na buwan, ang Alemang Luftwaffe (hukbong panghimpapawid ng Nazi noong Digmaang Pandaigdig II), bilang paghahanda para sa isang pagsalakay, ay nagpapadala ng daan-daang mga eruplano nito upang paulanan ng toni-toneladang mga bomba kapuwa ang militar at di-militar na mga target. Nang dakong huli ito ay nakilala bilang ang Digmaan ng Britaniya, at ito ay idinisenyo upang sirain ang lakas sa himpapawid ng Britaniya at upang sirain ang moral ng mga tao nito. Subalit kung para sa Luftwaffe ay totoong masama ang kinalabasan ng digmaan. Si Hitler ay nag-urong-sulong, at noong Oktubre—sa huling sandali—ang mga plano sa pagsalakay ay kinansela.
Kalayaan Mula sa Takot?
Sa Estados Unidos, ang simpatiya para sa mga Britano ay tumindi, sinisira ang opisyal na patakarang Amerikano tungkol sa neutralidad. Nililinaw ang kaniyang mga intensiyon, ang Pangulong Roosevelt ay nagsabi noong 1940: “Binigyan natin ang mga Britano ng maraming materyal na suporta at higit pa ang ating ibibigay sa hinaharap.”
Noong Enero 6, 1941, siya ay lumabis pa ng isang hakbang. Sa isang pahayag sa Kongreso, binanggit niya ang tungkol sa tinatawag niyang Apat na Kalayaan. Upang makamit ang isa sa mga ito—ang kalayaan mula sa takot—iminungkahi niya ang isang pangglobong “pagbabawas ng mga armas hanggang sa isang punto at sa isang lubusang paraan anupa’t walang bansa ang malalagay sa isang katayuan na magsagawa ng isang akto ng pisikal na pagsalakay sa alinmang kalapit na bansa—saanman sa daigdig.” Ito, sa katunayan, ay isang di-tuwirang deklarasyon ng digmaan sa mga patakaran at mga tunguhin ng mga kapangyarihang Axis.
Pagkalipas ng dalawang buwan binigyan-karapatan ng Kongreso ng E.U. ang isang programa na tinawag na magpautang-magpaupa (lend-lease). Ito ay nagpahintulot sa pangulo na magtustos ng mga materyales sa digmaan, gaya ng mga tangke at mga eruplano, gayundin ng mga pagkain at mga paglilingkod, sa alinmang bansa na ang depensa ay inaakala niyang mahalaga sa kapakanan ng E.U.a Sa kabila ng nagtatagal na pagtutol mismo sa Amerika, maliwanag na ang Estados Unidos ay higit at higit na napapasangkot sa digmaan sa Europa.
Samantala, napasigla dahil sa tagumpay ng mga alyado nito sa Europa, inaakala ng Hapón na maaari na itong kumilos ngayon tungo sa Timog-silangang Asia nang hindi gaanong natatakot na pakikialaman ng mga Britano o mga Olandes. Nang salakayin nito ang Indochina noong Setyembre 1940, matinding tumutol ang Washington. At nang magtungo sa gawing timugan ng bansa ang Hapón, sinundan ito ng pagkilos. Ang mga pag-aaring Haponés na nasa ilalim ng kontrol ng Estados Unidos ay nilagyan ng restriksiyon, at nagkaroon ng embargo o pagbabawal sa pagpapadala ng langis sa Hapón. Sapagkat ang kanilang mahalagang mga kapakanan ay pinagbabantaan, napilitan ngayon ang mga Haponés na alisin ang panganib sa anumang higit pang pakikialam ng Estados Unidos.
Ang mga lider militar ay nangangatuwiran na ang mga kakayahan ng E.U. na gumanti ay lubhang mababawasan sa pagwawagi ng isang tiyak na tagumpay sa mga hukbong pandagat nito, na nakahihigit sa Hapón sa lakas ng mga 30 porsiyento. Sa gayon sa pagbihag sa mga teritoryong Amerikano, Britano, at Olandes, ang Hapón ay magkakaroon ng mga base sa lupa kung saan maaari nitong ipagtanggol ang kaniyang sarili kung ito man ay dumanas ng kontra-salakay sa dakong huli. Ang simula, na napagpasiyahan, ay gagawin sa Wai Momi.
Ito’y nangangahulugang “mga perlas sa tubig,” at iyan ang dating tawag ng mga Hawayano sa wawa ng Pearl River, dahilan sa mga talaba ng perlas na dating lumalaki roon. Ito ay mga ilang milya sa kanluran ng kabayanan ng Honolulu. Subalit noong umaga ng Linggo, Disyembre 7, 1941, ang mga tubig ng Wai Momi ay hindi napunô ng perlas kundi ng lumubog na mga labí ng nabagbag na mga bapor at ng sugatang mga bangkay ng kanilang mga tripulante. Ang mga eruplanong pandigma ng mga Haponés na sumalakay sa pangunahing base ng hukbong-dagat ng E.U. sa Pasipiko na naroroon ay nagpasapit ng matinding kawalan.
Ang pagsalakay sa Pearl Harbor ay totoong nagpahinto sa mga puwersa ng hukbong-dagat ng Amerika sa Pasipiko, maliban na lamang sa mga aircraft carrier. Sa loob lamang ng mga ilang oras, ang iba pang mga base na panghimpapawid ng E.U. ay binomba, at ito ay nagpangyari ng mahigit 50 porsiyentong kagibaan sa mga eruplano ng Army ng E.U. sa Dulong Silangan. Pagkaraan ng tatlong araw, sinalakay ng Hapón ang Pilipinas, binihag ang Manila nang wala pang isang buwan pagkatapos nito, at sinakop ang buong Kapuluan ng Pilipinas noong kalagitnaan ng Mayo. Mabilis, isa-isang bumagsak ang Hong Kong, Burma, Java, Singapore, Thailand, Indochina, Malaya na nasa ilalim ng Britaniya, Sumatra, Borneo, mga bahagi ng New Guinea, East Indies na nasa ilalim ng Netherlands, gayundin ang marami pang mga isla sa Pasipiko, sa mga kamay ng Haponés. Ang blitzkrieg (mabilis at malakas na pakikidigma) sa Asia ay hindi nahuhuli sa katulad nito sa Europa.
Habang papalapit na sa wakas ang 1942, ang kalayaan mula sa takot ay malayung-malayo sa kalagayan ng daigdig. Lalong tumpak ang makahulang mga pananalita ni Jesus: “Sa lupa’y manggigipuspos ang mga bansa, . . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:25, 26.
Nagmintis ang Gakidlat na Pakikidigma ng Alemanya
Samantala, pinalalawak ng Alemanya at Italya ang pananakop nila sa Balkans. Ipinadala ni Hitler ang kaniyang mga kawal na nagmamartsa tungo sa Yugoslavia at Gresya noong Abril 6, 1941. Wala pang dalawang linggo, bumagsak ang Yugoslavia, sinundan ng Gresya noong bago ang kalagitnaan ng Mayo.
Ang sumunod na hakbang ni Hitler ay inudyukan ng ilang mga naisin. Marahil ay layunin pa rin niya na impluwensiyahan ang Inglatera na makipagpayapaan. Nais rin niyang alisin ang panggigipit sa Haponés, na nakikipagbaka sa mga Sobyet sa Tsina, upang kanila namang masukol ang mga Amerikano. Kaya inihanda ni Hitler ang kaniyang mga kawal para sa isang pagsalakay laban sa Unyong Sobyet, ang kaniyang alyado sa labanang Polako.
Napasigla ng naunang mga tagumpay, inakala ng mga heneral ni Hitler na kung sasalakay sila sa Hunyo, ang Europeong Russia at ang Ukraine ay mapapasa-kanila bago ang taglamig. Kaya noong Hunyo 22, 1941, sila ay sumalakay. Gakidlat silang kumilos mula sa isang tagumpay tungo sa isa pang tagumpay. Sa dalawang okasyon napaligiran nila ang malalaking pangkat ng mga hukbong Sobyet at kanilang nakuha ang mahigit kalahating milyong mga bilanggo sa bawat pagkakataon. Ang Leningrad ay tila malapit nang bumagsak, at maaga noong Disyembre, ang mga hukbong Aleman ay pumapasok na sa mga hangganan ng Moscow.
Gayunman, malapit na ang taglamig, at minsan pa ang mga kawal ni Hitler ay huli sa iskedyul. Ang Leningrad at Moscow ay nanindigang matatag. Pinatigil ng mga hukbong Sobyet, na ngayo’y nakabawi na mula sa kanilang pagkabigla at mas nasasangkapan kaysa kanilang kalabang Aleman para sa pakikidigma sa taglamig, ang matatag na puwersa ng Aleman. Sa katunayan, kanila pa ngang pinilit itong umurong.
Nang sumunod na tag-araw bumawing-muli ang mga Aleman. Gayunman, ang kanilang puspusang pagsalakay sa Stalingrad (ngayo’y Volgograd) ay umakay sa kanilang pagkatalo. Maaga noong 1943 pinaligiran ng mga Sobyet ang sampu-sampung libong mga kawal na nakatayong matatag upang kubkubin ang lunsod at pinilit ang mga ito na sumuko. Si John Pimlott, senior lecturer sa Royal Military Academy Sandhurst, ay nagkukomento: “Ito ay isang malaking dagok sa moral ng mga Aleman at isang malaking pagbabago sa digmaan sa Silanganang Larangan. Bago ang Stalingrad ang mga Ruso ay hindi dumanas ng lubusang tagumpay; pagkatapos nito sila ay dumanas ng kaunting pagkatalo.”
Sa pagtatapos ng 1943, halos dalawang-ikatlo ng napakalaking teritoryong sinakop ng mga Aleman noong naunang dalawang taon ay nabihag-muli. Nagmintis ang gakidlat na pakikidigma ng mga Aleman.
Hinabol ni “Monty” ang “Desert Fox”
Noong 1912 ang Cyrenaica at Tripolitania (ngayo’y bahagi ng Hilagang Aprikanong bansa ng Libya) ay isinuko sa Italya. Ang mga 300,000 mga sundalong Italyano na nakaistasyon doon noong dakong huli ng 1940 ay naglagay ng isang malaking banta o panganib sa mas maliit na garison ng mga hukbong Britano sa Ehipto na nagbabantay sa mga paglapit sa estratehikong Suez Canal. Upang alisin ang panganib na ito, ipinasiya ng mga Britano na unang sumalakay. Natamo nila ang isa sa unang tiyak na panalo ng Allied, dinadala ang sampu-sampung libong mga bilanggo at itinaboy ang mga Italyano tungo sa lahatang pag-urong. Ang tagumpay ay mas malaki pa sana kung hindi tinanggap ng Gresya nang panahon ding iyon ang tulong ng mga Britano sa di-matagumpay na pagpupunyagi nito laban sa sumasalakay na kapangyarihang Axis. Pansamantala, nahinto ang labanan sa Hilagang Aprika. Ito ay nagbigay ng panahon sa kapangyarihang Axis na magreorganisa.
Ang mga hukbong Aleman sa ilalim ng pamamahala ni Erwin Rommel, na nang dakong huli ay nakilala bilang Desert Fox, ay nagtagumpay sa pagbabago ng pagkatalo sa digmaan tungo sa tagumpay at sa paggawa ng malaking pakinabang. Ang kaniyang pinakadakilang tagumpay ay dumating noong 1942, nang sa pasimula ng Hulyo ang kaniyang mga kawal ay umabante sa Alamein, mga 60 milya (100 km) ang layo sa Alexandria. Ang blitzkrieg ng Aprika ay nakatayong matatag ngayon upang sakupin ang Ehipto at magkaroon ng kontrol sa Suez Canal. Subalit pagkatapos maglunsad ng impanteriyang pagsalakay ang mga hukbong Britano, sa ilalim ng pangunguna ni Heneral Sir Bernard Law Montgomery, noong Oktubre 23, si Rommel ay napilitang unti-unting umurong na nauwi sa isang malaking pagkatalo. Pagkatapos noong Nobyembre 1942 ang mga Allies ay matagumpay na lumapag sa Morocco at sa Algeria. Noong sumunod na Mayo, nawala ng mga kawal ng kapangyarihang Axis, na ngayo’y nasukol ng mga hukbo ng kalaban na sumusugod sa silangan at kanluran, ang kanilang pagsisikap na makontrol ang Hilagang Aprika.
Pasigsag na Paglukso sa Timog Pasipiko
Noong tagsibol ng 1942 maipagmamalaki ng Hapón ang isang imperyo na lumaki tungo sa pinakamalaking paglawak nito. Subalit ang balak ng Allied ay makuhang muli ang teritoryong ito mula sa mga Haponés, pasigsag na luksuhin ng mga hukbo nito ang Pasipiko mula sa isla at isla hanggang sa wakas ay marating nito ang lupaing Haponés. Sinundan ito ng mahabang serye ng mabagsik na mga labanan ng hukbong-dagat. Ang hindi gaanong kilalang mga isla sa Pasipiko na gaya ng Saipan, Guadalcanal, Iwo Jima, at Okinawa ay sinalakay sa napakalaking pinsala ng magkabilang panig. Ang mga pangarap ng kabataan tungkol sa mga paraisong isla ay nagbigay-daan sa ganap na katotohanan at nakatatakot na karanasan ng putul-putol na mga bangkay sa madugong mga dalampasigan. Ang pagkatalo ay mapait, subalit maging ang tagumpay man ay nabahiran ng takot, ang takot sa kung ano ang darating pa.
Mga Plano para sa Kinabukasan
Kahit na sa gitna ng digmaan, ginagawa na ang mga plano ukol sa kapayapaan. Halimbawa, noong kalagitnaan ng 1942 mahigit na 30 mga ahensiya ng pamahalaan ng E.U. ang sinasabing kalahok sa pagpaplano pagkatapos ng digmaan—gayunman, taglay ang takot at pangamba. Gaya ng maliwanag na pagkakasabi ni Churchill: “Ang mga suliranin ng tagumpay ay higit na kasiya-siya kaysa roon sa pagkatalo, subalit ang mga ito man ay mahirap.”
Walang alinlangan na ang isa sa pinakamahirap sa mga suliraning ito ng tagumpay ay ang pagkasumpong ng isang kahalili para sa hindi na umiiral na Liga ng mga Bansa. Bagaman ang ibang mga tao marahil ay nag-aalinlangan, ang mga Saksi ni Jehova ay nakatitiyak na ang gayong kahalili ay masusumpungan. Sa isang diskurso na ipinahayag sa kanilang kombensiyon noong 1942 sa Cleveland, Ohio, sinabi ng tagapagsalita: “Bago dumating ang Armagedon, ipinakikita ng Kasulatan, na kailangang dumating ang kapayapaan. . . . Yaong may demokratikong isipan ay umaasa ng isang Estados Unidos ng daigdig, isang ‘sambahayan ng mga bansa,’ isang ‘samahang pandaigdig’ na batay sa United Nations (Nagkakaisang mga Bansa).” Binabanggit ang hula sa Apocalipsis 17:8, sinabi niya nang maliwanag: “Ang samahan ng makasanlibutang mga bansa ay muling babangon.”
Subalit magdadala kaya ito ng isang nagtatagal na kapayapaan? “Ang maliwanag na sagot ng Diyos ay, Hindi!” sabi ng tagapagsalita. Gayunman, sa kabila ng pansamantalang kalikasan nito, ang dumarating na panahon ng kapayapaan ay malugod na tatanggapin. Walang takot sa hinaharap, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsimulang gumawa ng mga plano upang palawakin ang kanilang gawaing pangangaral minsang matapos ang digmaan. Noong 1942 itinatag nila ang isang paaralang misyonero upang sanayin ang mga ministrong Kristiyano sa paglilingkod sa ibang lupain. Nang sumunod na taon ipinakilala ang isang programa para sa pagsasanay sa mga tagapagsalita sa madla o publiko upang gawing posible ang isang pinalawak na kampanya sa pahayag-pangmadla.
Sa pagtatapos ng 1943, ang mga bansa ay nanggigipuspos pa rin, dala ng takot. Subalit ang mga tao sa magkabilang panig ng labanan, pagod na sa digmaan, ay nagsimulang umasa sa ipinangakong ginhawa na iniaalok ng daigdig pagkatapos ng digmaan. Dadalhin kaya nito ang “kalayaan mula sa takot” na binanggit ni Roosevelt? Sa kabaligtaran, sa sandaling panahon ang pangglobong takot ay titindi sa bagong antas! Tumbalik sa inaasahan, ang pangunahing salarin ay ang mismong instrumento na tinawag ng ilan bilang sugo ng Diyos sa pagwawakas sa napakahirap na mga taon ng digmaan.
[Talababa]
a Pangunahing tinutukoy ang Gran Britaniya at ang Commonwealth na mga bansa, bagaman noong Abril nang taóng iyon, ang tulong ay pinarating din sa Tsina at noong Setyembre sa mga Sobyet. Sa pagtatapos ng digmaan, mga 50 bilyong dolyar ang naibigay bilang tulong sa 38 iba’t ibang bansa.
[Kahon sa pahina 15]
Iba Pang Bagay na Naging Balita
1941—Ipinahayag ng komperensiya ng mga obispong Katoliko sa
Alemanya ang pagsuporta nito sa digmaan laban sa Unyong
Sobyet
Unang lansakang pagpatay sa pamamagitan ng gas sa piitang kampo
ng Auschwitz
1942—Ang Bombay, India, ay hinampas ng unos at baha; 40,000 ang
mga nasawi
Unang nuklear na kawing-kawing na reaksiyon ang nagawa sa
University of Chicago
Pinagtibay ng Komperensiya sa Wannsee ang paglipol bilang
“pangwakas ng lunas” ng Nazi sa suliraning Judio
1943—Kinitil ng lindol sa Turkey ang 1,800 katao
Mahigit na isang milyon ang namamatay sa gutom sa Bengal
Ipinasiya ng Korte Suprema ng E.U., bilang pagbaligtad sa
desisyon noong 1940, na ang sapilitang pagsaludo sa bandila sa
mga paaralang bayan ay hindi ayon sa konstitusyon
Mga kaguluhan dahil sa lahi sa malalaking lunsod sa E.U.; sa
Detroit 35 ang nasawi at 1,000 ang nasugatan
[Dayagram/Mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang lawak ng pananakop ng Hapón noong 1942
[Mga larawan sa pahina 13]
Ang mga bansa na nasa matinding paghihirap ng digmaan
[Credit Line]
U.S. Army photos