“Alalahanin ang Pearl Harbor!”
ISANG magandang umaga ng Linggo noon sa Isla ng Oahu. Si Adeline, isang ikaanim-na-baitang na Haponesa-Hawayanang bata, ay nasa kanilang bakuran sa kabayanan ng Honolulu. Nakita niya ang lumilipad na mga eruplano at usok na nanggagaling sa direksiyon ng Pearl Harbor. Isa ba lamang itong pagsasanay militar?
Ang mga tao sa Oahu ay sanay na sa militar na mga maneobra at kunwang mga pagputok ng kanyon, anupa’t kahit na si Bise Almirante William S. Pyre ng U.S. Pacific Fleet ay sumungaw sa bintana ng kaniyang apartment at nagsabi sa kaniyang asawa: “Waring kakatuwa na ang Army ay nagpapraktis ng target sa umaga ng Linggo.” Ang Linggo ng umagang iyon ay Disyembre 7, 1941.
Naririnig ang papalapit na mga eruplano, isang 13-anyos na batang lalaki ay sumilip sa bintana. “Itay,” ulat niya sa kaniyang tatay, na komandante ng Kaneohe Naval Air Station, “ang mga eruplanong iyon ay may pulang bilog.” Isang sulyap sa pulang bilog, sa sumisikat na araw, sa mga eruplano ng Imperial Navy ng Hapón, ay sapat na upang ipaliwanag kung ano ang nangyayari—isang biglaang pagsalakay!
Si Almirante H. E. Kimmel, komandante ng U.S. Pacific Fleet sa Pearl Harbor, ay tumanggap ng isang report ng pagsalakay sa telepono. Ang kaniyang mukha ay “kasimputi ng unipormeng suot niya” habang siya ay nakatayo na sindak, pinagmamasdan ang mga eruplano ng kaaway na umuugong na parang mga pukyutan habang binobomba nila ang kaniyang plota. “Agad kong natalos,” gunita niya, “na may katakut-takot na bagay na nangyayari, na hindi ito isang karaniwang pagsalakay ng ilan lamang naligaw na mga eruplano. Ang himpapawid ay punô ng mga eruplano ng kaaway.”
“Tora, Tora, Tora”
Mga ilang minuto bago winasak ng mga pagsabog ng torpedo at bomba ang katahimikan ng Pearl Harbor, nakita ng isang opisyal na sakay ng isang Hapones na dive-bomber ang isla ng Oahu. “Ang islang ito ay napakatahimik upang salakayin,” naisip niya.
Gayunman, ang pagitan sa mga ulap ay nakaapekto kay Komandante Mitsuo Fuchida, ang lider ng hukbong panghimpapawid na sumalakay, sa ganap na kakaibang paraan. “Ang Diyos ay tiyak na sumasa-amin,” naisip niya. “Tiyak na ang Diyos ang humawi ng mga ulap na tuwiran sa Pearl Harbor.”
Noong ika–7:49 n.u., ibinigay ni Fuchida ang hudyat ng pagsalakay, “To, To, To,” ibig sabihi’y “Lusob!” sa Haponés. Umaasang ang mga hukbong Amerikano ay ganap na walang kamalay-malay sa pagsalakay, nag-utos siya na ihatid ang mensahe sa pamamagitan ng Morse code na nagsimula na ang biglaang pagsalakay—ang kilalang kodigong mga salita na “Tora, Tora, Tora” (“Tigre, Tigre, Tigre”).
Nagawa ang Biglaang Pagsalakay
Papaano nga palihim na nakapasok ng mga 370 kilometro mula sa Oahu ang isang malaking hukbo na kinabibilangan ng anim na aircraft carrier at nakapaglunsad ng unang pangkat ng 183 eruplanong sumalakay, na naiwasan ang mga network ng radar at hinampas ng matinding dagok ang U.S. Pacific Fleet? Sa isang bagay, kinuha ng hukbong Haponés ang isang ruta sa gawing hilaga sa kabila ng maalong dagat ng taglamig. Ang patrolya ng E.U. ay pinakamahina sa hilaga ng Pearl Harbor. At pinanatili ng mga aircraft carrier ng Hapón ang mahigpit na katahimikan ng radyo.
Gayunman, binabantayan ng radar ang estratihikong isla upang manmanan ang anumang papalapit na eruplano. Noong bandang ikapito ng umagang iyon, napansin ng dalawang sundalong ultimo na nasa tungkulin sa Opana Mobile Radar Station sa isla ng Oahu ang di-pangkaraniwang malalaking blips sa oscilloscope, kumakatawan “marahil sa mahigit na 50” eruplano. Subalit nang kanilang bigyan hudyat ang Sentro ng Impormasyon, sila’y sinabihan na huwag mag-alala. Ipinalagay ng opisyal na nasa Sentro ng Impormasyon na ito ang paglipad ng mga B-17 bombers ng Amerika na nakaiskedyul na darating mula sa mainland ng Estados Unidos.
At, sabihin pa, hindi ba naghihinala ang pamahalaan ng E.U. na magkakaroon ng pagsalakay? Ang pamahalaang Haponés ay nagpadala ng isang 14-bahaging mensahe sa mga sugo nito sa Washington, D.C., upang ihatid kay Cordell Hull, ang kalihim ng estado, noong eksaktong ika–1:00 n.h. Pamantayang Oras sa Silangan noong Disyembre 7, 1941. Iyan ang umaga ng Disyembre 7 sa Pearl Harbor. Ang mensahe ay naglalaman ng pangungusap na ang Hapón ay nakikipagsirâ na ng negosasyon sa Estados Unidos may kaugnayan sa mahalagang pulitikal na mga bagay. Palibhasa’y naharang ang mensahe, nabatid ng pamahalaan ng E.U. ang kaselanan ng kalagayan. Noong gabi bago ang napakahalagang araw na iyon, natanggap ni Franklin D. Roosevelt, noo’y presidente ng Estados Unidos, ang unang 13 bahagi ng naharang na dokumento. Pagkatapos basahin ito, sinabi niya, sa diwa, “Ito’y nangangahulugan ng digmaan.”
Bagaman inaakala ng mga opisyal ng E.U. na nalalapit na ang galit na pagkilos ng mga Haponés, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Wala silang kaalaman tungkol sa panahon o lugar kung saan ito mangyayari.” Inaakala ng karamihan na ito ay sa isang lugar sa Dulong Silangan, marahil sa Thailand.
Ang usapan noong ika–1:00 n.h. ay naantala sapagkat ang mga sekretarya sa embahada ng Hapón ay mabagal sa pagmamakinilya ng mensahe sa Ingles. Nang iabot ng embahador ng Hapón ang dokumento kay Hull, ika–2:20 n.h. na sa Washington. Noong oras na iyon, ang Pearl Harbor ay sinasalakay na at pinagbabantaan ng ikalawang pangkat ng pagsalakay. Ang balita tungkol sa pagsalakay ay nakarating na kay Hull. Hindi man lamang niya inalok ang mga sugo na maupo; binasa niya ang dokumento at malamig na tumango sa kanila at pinalabas sa pinto.
Ang pagkaantala sa paghahatid ng nilalayong ultimatum ang nagpatindi sa galit ng Amerikano laban sa Hapón. Kahit na ang ilang Haponés ay nag-akala na ang kalagayang ito ang gumawa sa pagsalakay sa Pearl Harbor mula sa estratihikong biglaang pagsalakay tungo sa lihim na pagpasok na pagsalakay. “Ang mga salitang ‘ALALAHANIN ANG PEARL HARBOR’ ay naging isang sumpa na pumukaw sa espiritu ng pakikidigma ng mga Amerikano,” sulat ni Mitsuo Fuchida, ang komandante ng unang-pangkat ng pagsalakay ng mga eruplano. Kinilala niya: “Ang pagsalakay ay nagdala sa Hapón ng kahihiyan na hindi naglaho kahit na pagkatapos ng kaniyang pagkatalo sa digmaan.”
Tinawag ni Franklin D. Roosevelt ang Disyembre 7 na “isang petsa na mananatili sa kabuktutan.” Noong araw na iyon sa Pearl Harbor, walong bapor de gera ng E.U. at sampung iba pang sasakyan pandagat ang lumubog o malubhang napinsala, at mahigit na 140 eruplano ang nasira. Ang mga Haponés ay nawalan ng 29 na eruplano sa 360 fighter at bomber na mga eruplano na sumalakay sa dalawang pangkat, karagdagan pa sa limang midyet na mga submarino. Mahigit na 2,330 Amerikano ang nasawi, at 1,140 ang nasugatan.
Sa sigaw na “Alalahanin ang Pearl Harbor!” ang opinyon ng madla sa Amerika ay nagkaisa laban sa Hapón. “Taglay ang iisa lamang tumututol na boto sa Kapulungan ng mga Kinatawan,” sabi ng aklat na Pearl Harbor as History—Japanese-American Relations 1931-1941, “ang Kongreso (gaya ng mga Amerikano sa pangkalahatan) ay nagkaisa sa pagsuporta kay Presidente Roosevelt sa pagpapasiyang talunin ang kaaway.” Ang paghihiganti sa pagsalakay ay higit pang dahilan para sa kanila na simulan ang digmaan laban sa Lupain ng Sumisikat na Araw.
Isang Biglaang Pagsalakay sa Kapayapaang Pandaigdig?
Papaano binigyang-matuwid ng mga pinunong Haponés ang kanilang masamang kilos? Wari ngang hindi kapani-paniwala, sinasabi nila na ito’y upang magtatag ng pandaigdig na kapayapaan sa pamamagitan ng pagbubuklod sa ‘buong daigdig tungo sa isang malaking pamilya,’ o hakkō ichiu. Ito ang naging sawikain na nagtulak sa mga Haponés sa pagbububo ng dugo. “Ang pangunahing layunin ng patakarang pambansa ng Hapón,” pahayag ng gabineteng Haponés noong 1940, “ay nasa matibay na pagtatatag ng kapayapaang pandaigdig ayon sa mataas na diwa ng hakkō ichiu kung saan natatag ang bansa, at sa pagtatayo, bilang unang hakbang, ng isang bagong kaayusan sa Kalakhang Silangang Asia.”
Karagdagan sa sawikaing hakkō ichiu, ang pagpapalaya sa Asia mula sa Kanluraning mga kapangyarihan ang naging isa pang tunguhin ng pakikidigma ng mga Haponés. Ang dalawang layuning ito ay ipinalalagay na kagustuhan ng emperador. Upang magawa ang pandaigdig na pananakop na ito, inakay ng mga militarista ang bansa sa pakikidigma sa Tsina at pagkatapos ay sa Kanluraning mga kapangyarihan, pati na sa Estados Unidos.
Gayunman, si Isoroku Yamamoto, punong komandante ng Pinagsamang Plota ng Hapón, ay makatotohanang naghinuha na sa anumang paraan ay hindi magagapi ng mga hukbong Haponés ang Estados Unidos. Isa lamang tsansa ang nakita niya upang mapanatili ang pangingibabaw ng Hapón sa Asia. Dapat na “matinding salakayin at wasakin [ng Imperial Navy] ang pangunahing plota ng E.U. sa pasimula ng digmaan, upang ang morál ng U.S. Navy at ng kaniyang bayan” ay “lumubog sa sukdulan anupa’t hindi na ito makabawi,” katuwiran niya. Sa gayo’y nagsimula ang biglaang pagsalakay sa Pearl Harbor.
[Larawan sa pahina 4]
Ang Pearl Harbor na sinasalakay
[Credit Line]
U.S. Navy/U.S. National Archives photo