Pagdaig sa Panlulumo—Kung Paano Makatutulong ang Iba
ITO ang ikatlong beses sa loob lamang ng mga ilang araw na si Ann ay tumawag sa telepono na long distance nang walang kadahi-dahilan. Napansin ng kaniyang ina, si Kay, na ang boses ni Ann ay tila walang sigla. “Para ba itong isang tinig ng panlulumo,” sabi ni Kay. “Bagaman hindi siya nagrireklamo, ang tono ng kaniyang boses ay malakas na nagsasabing, ‘Kailangan ko ng tulong!’” Kinabahan si Kay sapagkat nararamdaman niya na may problema.
“Sinabi ko sa aking anak na bukas na bukas din ay paroroon ako!” gunita ni Kay. “Umiyak na si Ann, nagsabi ng ‘Sige po,’ at saka ibinaba ang telepono.” Pagdating na pagdating, ang ina ay nagulat na malaman na si Ann ay nagsabi sa kaniyang mga kaibigan na inaakala niyang siya’y lubhang walang pag-asa at walang halaga. Seryosong nasabi pa nga niya ang tungkol sa pagpapatiwakal! Gayumpaman, ang pagtangkilik na ibinigay ni Kay noong limang-araw na pagdalaw niya ay tumulong sa kaniyang anak na gumaling. Ito ay isang malaking pagbabago. “Nagturo ito sa akin ng isang leksiyon tungkol sa pakikinig,” gunita ng ina. “Maaaring napatay niya ang kaniyang sarili, at tiyak na hindi kami matatahimik kung hindi kami tumulong sa panahon na siya’y nangangailangan.”
Ang tulong buhat sa iba ay kadalasang maaaring mangahulugan ng kaibhan sa pagitan ng buhay at kamatayan sa isang lubhang nanlulumong tao. Ikaw kaya’y maaaring maging alisto na gaya ni Kay? Yamang sa bawat taon isang daang milyong mga tao sa buong daigdig ang nagkakaroon ng matinding panlulumo, ang tsansa ay na isa sa iyong kaibigan o kamag-anak ay baka maapektuhan. Datapuwat ang pagtulong sa isa na matinding nanlulumo ay maaaring maging nakayayamot.
Si Dr. Leonard Cammer sa kaniyang aklat na Up From Depression ay bumabanggit tungkol sa isang ina na hindi malaman kung ano ang kaniyang gagawin sa nanlulumong anak na lalaki. Nang ang babae at ang kaniyang anak ay sumangguni sa doktor, idinaing ng babae: “Basta siya lumalayo sa amin at kumikilos na para bang wala kami roon. Alam niyang mahal namin siya. Bakit kailangang saktan niya kami sa ganitong paraan? Hindi n’yo lang alam kung ano ang naranasan ko, Doktor.” Si Dr. Cammer ay nagsabi: “Kung nalalaman lamang niya ang paghihirap na dinaranas ng anak na lalaki! . . . Nadarama ng nanlulumo na siya ay isang pabigat sa pamilya. At siya ay pabigat din sa kaniyang sarili, sapagkat wala siyang magawa upang ituwid ang kaniyang kalagayan at siya ay nahihiya at nanliliit dahil dito. Ang tanging mababalingan niya ay ang paglayo.” Ang kawalan ng pakiramdam ng ina ay nagpalala sa kalagayan. Kaya nga, upang makatulong mahalaga ang . . .
Empatiya
Ang empatiya, o “pakikiramay,” ay isang pagsisikap na emosyonal na makiisa sa iba. (1 Pedro 3:8) Alamin na ang nanlulumo ay talagang nasasaktan. Ang kaniyang pagkabalisa ay tunay at hindi gawa-gawa lamang. “Makiiyak kayo sa mga taong nagsisiiyak,” ang payo ni apostol Pablo. (Roma 12:15) Sa ibang pananalita, sikaping unawain ang kirot na nadarama ng nanlulumo.
Bagaman hindi mo malalaman nang eksakto kung ano ang nadarama niya, maaari kang magpakita ng tunay na interes sa pagnanais mo na malaman. Himukin mo ang isang iyon na magsalita, at kapag ibinubulalas niya ang kaniyang mga damdamin, tingnan mo ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang paningin, inilalagay ang iyong sarili sa kaniyang lugar. Iwasan ang mga pananalitang humahatol na gaya ng, ‘Hindi ka dapat maging ganiyan’ o, ‘Maling saloobin iyan.’ Ang mga damdamin ng nanlulumong tao ay lubhang mahina, at ang gayong mapamintas na mga komento ay lalo lamang magpapasamâ sa palagay niya sa kaniyang sarili. Karaniwan nang ang kaniyang pagpapahalaga-sa-sarili ay naglaho.
Pagtatayong-muli ng Pagpapahalaga-sa-Sarili
Upang ibalik ang kaniyang pagpapahalaga-sa-sarili, dapat mong maantig ang katuwiran ng tao. Mahinahon, tulungan siyang makita na ang mababang pagtasa niya sa kaniyang sarili ay hindi tama. Subalit ang basta pagbibigay sa kaniya ng isang masiglang talumpati, sinasabi sa kaniya na siya ay ‘mabuting tao,’ ay hindi siyang kasagutan. “Siyang nang-aagaw ng kasuotan sa panahong malamig ay gaya ng sukà sa sosa at gaya ng umaawit ng mga awit sa mabigat na puso,” sabi ng Kawikaan 25:20. Ang gayong pahapyaw na mga pagsisikap ay mag-iiwan sa isang nanlulumo na emosyonal na malamig at naiinis, yamang bihira nitong tinutukoy ang mga dahilan kung bakit ang isa ay nakadarama ng kawalang-halaga.
Halimbawa, ang isang nanlulumong tao ay maaaring magsabi: ‘Para bang ako’y walang halaga at na kailanman ay hindi ako magiging mahalaga.’ Sa paraang hindi nanghahamon maaari mong itanong: ‘Maaari mo bang sabihin sa akin kung bakit ganiyan ang palagay mo?’ Habang siya ay nagpapaliwanag, makinig na mabuti. Ang gayong matamang pakikinig ay tumitiyak sa kaniya na ang sinasabi niya ay mahalaga. Habang inihihinga niya sa iyo ang kaniyang mga damdamin, magagawa mong magtanong pa upang tulungan siya na makilala at iwasto ang mga pangangatuwiran na maaaring pagmulan ng panlulumo.a
Gumamit ng payak, tuwirang mga tanong, hindi sa paraang nagagalit, kundi sa isang pagsisikap na magawa mong mangatuwiran ang tao. (Tingnan ang kahon, sa pahina 13.) Kung nakikita mong ang taong iyon ay gumagawa ng mga bagay na nakadaragdag sa kaniyang problema, kung gayon sa isang paraang hindi nagpaparatang, may kabaitang maitatanong mo: ‘Ang ginagawa mo ba hanggang sa puntong ito ay nakatutulong sa iyo? Mayroon ka bang dapat baguhin?’ Ang magawa mo na siya ay magbigay ng mga mungkahi ay maaaring magpanumbalik ng kaunting pagtitiwala niya sa sarili.
Ang taong nanlulumo ay may hilig na waling-bahala ang lahat ng kaniyang mabubuting mga katangian; kaya ituon mo ang kaniyang pansin sa kaniyang personal na mga katangian at kakayahan. Baka may pambihirang kakayahan siya sa mga halaman o baka mahusay siyang magluto. Maaaring nakapagpalaki siya ng maligaya, matatag na mga anak. Hanapin ang mga dako kung saan ang nanlulumo ay nagtagumpay at itawag-pansin ito sa kaniya. Maaari mo pa ngang ipasulat sa kaniya ang ilan sa mga ito upang repasuhin sa dakong huli. Makatutulong din kung maaaring gamitin ng isang iyon ang kaniyang talino sa pagtulong sa iyo.
Halimbawa, si Maria, na isang mahusay na mananahi, ay lubhang nanlumo. Isa sa kaniyang mga kaibigan ay nagtanong: “Nais mo bang tulungan akong pumili ng tela at padron? Gusto kong gumawa ng isang terno.” Si Maria ay nag-alok na siya na ang gagawa nito para sa kaniya. “Oh, talaga?” tugon ng kaniyang kaibigan. Nang dakong huli, masigla niyang pinasalamatan si Maria dahil sa ternong ginawa niya at sa pamamagitan ng sulat ay sinabi niya sa kaniya ang lahat ng magagandang papuri na tinanggap niya dahil dito. “Dinagdagan nito ang aking pagtitiwala at pinasigla nito ang aking mga araw,” sabi ni Maria. “Nang maglaon ay natuklasan ko na siya pala ay nakaranas ng panlulumo at alam niya na ang atas na ito ay magiging isang malaking tulong. Ito nga ay isang malaking tulong. Malaki ang nagawa niya sa akin kaysa nagawa ko sa kaniya.”
Kaya tulungan ang mga nanlulumo na magkaroon ng ilang espisipikong panandaliang mga tunguhin na nasa kanilang kakayahan at kalagayan. Maaaring ito’y simpleng mga gawain sa bahay, isang proyekto sa mga yaring-kamay, o kahit na kaaya-ayang mga salita. Gaya ng sabi ng isang babaing nanlulumo: “Sinisikap ko sa bawat araw na magsabi ng isang bagay na nakapagpapatibay sa aking pamilya o sa isang kaibigan.” Ang pag-abot sa maliliit na mga tunguhing ito ay nagbibigay ng pagpapahalaga-sa-sarili.
Kapag Ito’y ang Iyong Asawa
Ang unang palagay ng marami na ang mga kabiyak ay lubhang nanlumo ay na sila sa paanuman ay may pananagutan sa mababang kondisyon ng kalooban ng asawa. Mangyari pa, ito ay lumilikha ng pagkadama ng pagkakasala na nagbubunga ng alitan. Gayunman, ang panlulumo ay hindi basta isang palatandaan na ang isa ay nagkaroon ng isang hindi mabuting pag-aasawa.
Pagkatapos pag-aralan ang mga buhay ng 40 nanlulumong mga babae, sina Myrna Weissman at Eugene Paykel sa kanilang aklat na The Depressed Woman ay naghinuha: “Hindi lahat ng nanlulumong mga babae ay may hindi mabuting pag-aasawa bago sila nagkasakit. Nasumpungan namin ang maraming pag-aasawa kung saan umiral ang malaya at maayos na pakikipagtalastasan, pagkadama sa pangangailangan ng isa’t isa, . . . bago ang panlulumo. Ang karamdaman ay naglagay ng di-mumunting pinsala sa kaugnayan.”—Amin ang italiko.
Kung minsan, gayunman, bagaman hindi laging pinagmumulan ng panlulumo, ang napinsala o malayong kaugnayan sa isang kabiyak ay maaaring lumikha ng isang kapaligiran na pagmumulan ng panlulumo. Ang ilang mga salik na humihikayat ng panlulumo ay nakatala sa kahon sa pahina 15. Ganito ang sabi ng isang asawang lalaki na ang nanlulumong asawa ay nais magpatiwakal: “Hindi ko binibigyan-pansin ang kaniyang emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan. Para sa akin siya ay isang kakuwarto sa halip na isang asawa. Abalang-abala ako sa pagtulong sa iba upang bigyan siya ng katiyakan at pag-ibig na ninanais at kailangan niya. Kailangan kong pagsikapan ang tungkol sa pakikipagtalastasan gayundin ang ibahagi ang aking sarili at ang aking buhay sa kaniya.” Mayroon ka bang nakikitang mga dako sa iyong pamilya na maaaring nangangailangan ng pagsulong? Subalit ano pa ang makatutulong sa isang asawa?
◻ Magtiis, Magtiis, Magtiis! Sapagkat ang isang taong nanlulumo ay emosyonal na nasasaktan, maaaring batikusin niya ng salita ang isang kabiyak. Si Victoria, na dumaranas ng matinding panlulumo, ay nagsabi: “Kinasusuklaman ko ang aking sarili at inaakala kong ako’y kahabag-habag. Natitiyak ko na ang aking asawa at mga anak ay nagnanais na ikulong ako sa aparador at itapon ang susi. Gayunman, daan-daang beses kong narinig, ‘Mahal ka namin; batid namin na hindi mo sinasadya ito’ o, ‘Pagod ka lamang.’” Oo, alamin na ang taong iyon ay magsasabi ng maraming bagay na hindi niya sinasadya. Kahit na si Job, isang tao ng pananampalataya, ay umamin na dahil sa kaniyang pagkayamot “ang aking pananalita ay napabigla.” (Job 6:3) Ang pagkakaroon ng unawa na malaman na hindi ikaw ang pinatatamaan ay magpapangyari sa iyo na tumugon nang mahinahon, at may kabaitan na karaniwang magpapahinahon sa kalagayan. (Kawikaan 15:1; 19:11) Huwag asahang gagaling sa magdamag ang asawa.
◻ Umalalay sa Espirituwal at Emosyonal na Paraan. Nasumpungan ng maraming nanlulumong tao na ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng espirituwal na pangganyak na magtiis. (Hebreo 10:25) Datapuwat si Irene, na ang panlulumo ay tumagal ng 18 buwan, ay nagsabi: “Isang gabi bago ang pulong, umiyak ako sapagkat hindi ko kayang isipin kung paano ko haharapin ang lahat.” Sabi pa niya: “Subalit pinatibay-loob ako ng aking asawa, at pagkatapos manalangin, ang aming pamilya ay umalis. Bagaman kailangan kong paglabanan ang mga luha sa panahon ng pulong, ako’y labis na nagpapasalamat sa Diyos na Jehova sa pagbigay sa akin ng lakas upang dumalo roon.”
Karagdagan pa sa espirituwal na tulong, kailangan ng nanlulumong asawa ang katiyakan na taglay niya ang inyong emosyonal na pagsuporta. Inilalarawan ni Irene kung paano ito ginawa ng kaniyang asawa: “Sa bahay pagka tulog na ang mga bata, kaming mag-asawa ay mag-uusap, at kung minsan ako’y iiyak sa loob halos ng isang oras. Ang kaniyang mapagtaguyod na pang-unawa ay lubhang nakatulong. Siya’y nanalangin na kasama ko, nakinig sa akin, o hinahayaan akong umiyak sa kaniyang balikat—anuman ang kailangan ko sa panahong iyon.” Yamang ang isang Kristiyano ay nababahala sa pagbibigay-lugod sa kaniyang asawa, madalas na tiyakin sa nanlulumo na ginagawa niya ito.—1 Corinto 7:33, 34.
◻ Maglaan ng Pisikal na Tulong. Ang mga gawain sa bahay at pangangalaga sa mga bata ay maaaring biglang magtinging labis-labis sa isang nanlulumong asawang babae. Ang asawang lalaki (gayundin ang mga anak) ay maaaring tumulong sa paglilinis at pagluluto. Iwasan ang tanungin siya kung ano ang gagawin, yamang ito ay maaaring magdagdag ng kahirapan. “Hindi hinahayaan ng aking asawa, si Bob, na tambakan ako ng sinuman ng anumang bagay nang panahong iyon. Para siyang isang pananggalang,” paliwanag ni Elizabeth, isang ina na lubhang nanlumo. “Ang talagang pinagbuhusan ko ng isip ay ang paggaling.” Sabi pa niya: “Ang doktor ay hindi lamang nagriseta ng medikasyon kundi sinabihan din ako na mag-ehersisyo araw-araw. Pinalakas-loob ako ni Bob na sundin ang mga utos ng doktor. Kami ay lumakad araw-araw.” Ang isang binalak-na-mainam na pamamasyal na kasama ng nanlulumo ay nakatutulong din. Lahat ng ito ay nangangailangan ng pangunguna sa bahagi ng asawang lalaki.
Tulong Buhat sa Iba
“Ang tunay na kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak para sa kagipitan,” sabi ng Kawikaan 17:17. Ang pagiging tunay ng isang pagkakaibigan ay nakikita sa panahon ng kagipitan, gaya ng panlulumo. Paano makatutulong ang isang kaibigan?
“Nang ako’y nanlulumo, isang kaibigan ang sumulat sa akin ng ilang beses at laging nilalakipan ng nakapagpapatibay-loob na mga Kasulatan,” sabi ni Maria. “Paulit-ulit kong binabasa ang sulat, umiiyak habang binabasa ko ito. Ang gayong mga sulat ay parang ginto sa akin.” Ang nakapagpapatibay na mga sulat, mga kard, at mga tawag sa telepono ay lubhang pinahahalagahan. Nakatutulong din ang masiglang mga pagdalaw. “Kung walang dumadalaw, idiniriin nito ang ideya na tayo’y nag-iisa,” sabi ni Elizabeth. “Manalangin na kasama ng taong iyon, magkuwento ng nakapagpapatibay na mga karanasan, magluto pa nga ng isang pagkain at dalhin ito bilang isang pamilya. Isang kaibigan ang iginawa ako ng isang kahon ng mumunting mga abubot. Ang pagbubukas sa bawat bagay ay naglaan ng gayong kaaya-ayang sorpresa.”
Mangyari pa, pagdating sa mga bagay na gaya ng pagsunod sa mga pag-uutos at paggawa ng mga gawain sa bahay alang-alang sa isang nanlulumong tao, maging maunawain. Makinig sa kaniya. Huwag ipilit ang paggawa ng isang bagay kung ayaw niyang gawin ito. Kung minsan, ang pagkaalam na mayroong gumagawa sa gawain na dapat sana’y ginagawa niya ay nakadaragdag ng pagkadama ng pagkakasala. Baka gustuhin pa ng nanlulumo na pabayaan ito.
Ang mga matatanda, o espirituwal na mga pastol, sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay rin ng mahalagang tulong. Si Irene ay nagpapaliwanag: “Kinausap ko ang mga matatanda tungkol sa aking problema. (Ang aking asawa ay sumama sa akin bilang pagsuporta.) Ito ay isang malaking hakbang at nakatulong sa akin nang malaki. Nasumpungan ko na ang mga taong ito ay talagang nagmamalasakit.” Sa pamamagitan ng maingat na pakikinig at sa pagiging handa, nagawa ng mga lalaking ito na “aliwin ang mga kaluluwang namamanglaw.”b—1 Tesalonica 5:14; Kawikaan 12:18.
Mahalagang malaman kung kailan hihingi ng propesyonal na tulong—sa katunayan, maaari itong magligtas ng buhay! Kung minsan ang kalagayan ay nagiging napakatindi anupa’t ang mga kaayusan ay dapat gawin upang matiyak na makukuha ng nanlulumo ang kinakailangang propesyonal na pangangalaga. Huwag iasa sa nanlulumo ang pagpapasiya. Kadalasan nang ito’y nangangahulugan ng paggawa ng kinakailangang pakikipagtipan para sa kaniya. Mabibigyan mo siya ng katiyakan sa pagsasabi na: ‘Natitiyak ko na ang iyong karamdaman ay hindi grabe, gayumpaman dapat itong masuri upang mawala ang mga pangamba ng lahat. Bagaman mahal na mahal kita, hindi ako isang doktor.’ Maging mabait ngunit matatag!
Ang pagtulong sa isang kaibigan o kabiyak na daigin ang panlulumo ay hindi isang madaling atas, ngunit ang pagtitiyaga ay maaaring maging nagliligtas-buhay. Ang iyong pagmamalasakit ay mahalaga. Halimbawa, si Margaret, nang siya’y lumung-lumo, ay nagsabi sa kaniyang asawa na nais na niyang sumuko at nais na niyang mamatay. Maibiging sinabi ng asawang lalaki: “Tutulungan kitang huwag sumuko.” Nalipos dahil sa pagmamalasakit ng kaniyang asawa, sinabi ni Margaret: “Natalos ko noon na makakayanan ko ito.” Nakayanan nga niya ito at sa wakas ay nadaig niya ang kaniyang panlulumo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang “Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo” sa aming labas noong Oktubre 22 sa taóng ito.
b Tingnan ang “Isang Naturuang Dila—‘Upang Patibayin-Loob ang Nanghihina’” sa Hunyo 1, 1983, labas ng aming kasamang magasin, Ang Bantayan.
[Kahon sa pahina 13]
Pangangatuwiran sa Paraang Nagdaragdag ng Pagpapahalaga-sa-Sarili
Isang babae, na ang pag-aasawa ay nawasak dahil sa kataksilan ng kaniyang asawang lalaki, ay nanlumo at nais magpakamatay. Nang maglaon ay ipinagtapat niya sa isang may kasanayang tagapayo: “Kung wala si Raymond, wala akong halaga . . . Hindi ako maaaring lumigaya kung wala si Raymond.”
Ang tagapayo ay nagtanong: “Nasumpungan mo ba ang iyong sarili na maligaya kung kasama mo si Raymond?” Ang kaniyang tugon: “Hindi, lagi kaming nag-aaway at masahol pa ang nadarama ko.” Sabi pa ng tagapayo: “Sinasabi mong ikaw ay walang halaga kung wala si Raymond. Bago mo nakilala si Raymond, nadama mo ba na ikaw ay walang halaga?”
“Hindi, nadama kong ako’y may sinabi rin naman,” naibulalas ng babae. Pagkatapos ay sinabi ng tagapayo: “Kung ikaw ay may sinabi bago mo nakilala si Raymond, bakit kailangan mo siya ngayon?” Tinatalakay ang kasong ito sa kaniyang aklat na “Cognitive Therapy and the Emotional Disorders,”, si Dr. Aaron Beck ay nagsabi: “Sa isang kasunod na panayam, binanggit ng babae na ang punto na tumimo sa kaniyang isip ay: Paano nga siya maaaring maging ‘walang halaga’ kung wala si Raymond—gayong siya’y nabuhay na maligaya at isang nasisiyahang tao bago niya nakilala ito?” Nadaig niya ang kaniyang panlulumo.
[Kahon sa pahina 15]
Ang Iyo bang Kapaligiran sa Tahanan ay Maaaring Pagmulan ng Panlulumo?
◻ Ang iyo bang pagpapahalaga-sa-sarili ay pinanghihina ng walang-ingat na mga komento na gaya ng ‘Bakit hindi ka maging mas mabuting asawa?’ ‘Mahal kita sa kabila ng pagkatao mo,’ o ‘Bakit ba lagi ka na lang walang-ingat?’
◻ Ang pagkadama ba ng pagkakasala ay paulit-ulit na pinupukaw sa pamamagitan ng laging pagpapadama sa asawa ng pananagutan, sa kabila ng mga katotohanan?
◻ Ang kapaligiran ba sa tahanan ay hindi humihikayat sa hayagang pagpapakita ng mga damdamin, ginagawa ang sinuman na nagpapakita ng gayong damdamin na magtinging mahina?
◻ Ipinadarama ba sa isa na siya ay dapat na maging halos sakdal upang makatugon sa mga inaasahan ng isang asawa?
◻ Ang bukás at tuwirang pakikipagtalastasan ba ay nahahadlangan?
[Mga larawan sa pahina 16]
Isang nanlulumong tao ang nagsabi na ‘ang mga sulat buhat sa isang kaibigan ay parang ginto’