Kung Papaano Tutulungan ang mga Nanlulumo Upang Muling Magalak
SI EPAFRODITO, isang alagad na Kristiyano noong unang siglo, ay nanlulumo noon. Siya’y sinugo upang mag-asikaso sa mga pangangailangan ng nakabilanggong si apostol Pablo ngunit nagkasakit nang malubha. Bagaman si Epafrodito ay gumaling, siya’y dumaan sa panlulumo dahil sa ang kaniyang kinauugnayang kongregasyon, na siyang nagsugo sa kaniya sa Roma, ay “nakabalita na siya’y may sakit.” (Filipos 2:25, 26) Palibhasa’y pagkalayu-layo ngunit ibig niyang maluwagan ang kanilang pag-iisip tungkol dito kung kaya siya’y nanlumo. Malamang, kaniyang nadama rin na sila’y may paniwalang siya’y nabigo. Papaano nga kaya matutulungan siya upang muling magalak?
Si Epafrodito ay pinauwi sa kaniyang tahanan sa Filipos dala ang isang sulat buhat kay apostol Pablo. Sa sulat, itinagubilin ni Pablo sa kongregasyon: “Bigyan ninyo siya ng kinaugaliang pagtanggap sa Panginoon nang may buong kagalakan; at patuloy na mahalin ninyo ang gayong uri ng mga tao.” (Filipos 2:27-30) Ang mga Kristiyano sa Filipos ay hinimok na pakamahalin si Epafrodito sa paraan na naaayon sa natatanging kaurian ng pagsasamahan na makikita sa kongregasyong Kristiyano. Ang kanilang mga salitang pang-aliw ay nagpapakita na siya’y lubhang minamahalaga, oo, ‘minamahal.’ Ang ganitong masayang atensiyon ay malayo ang mararating sa pagtulong sa kaniya na makasumpong ng kaginhawahan buhat sa kaniyang panlulumo.
Ang halimbawang ito ay nagpapakita na bagaman ang mga Kristiyano sa kabuuan ay ‘nagagalak sa Panginoon,’ ang iba naman sa kanila ay dumaranas ng sarisaring uri ng panlulumo. (Filipos 4:4) Ang matinding panlulumo ng isip ay isang malubhang emosyonal na karamdaman na humahantong pa man din sa pagpapatiwakal. Kung minsan, ang chemistry ng utak at iba pang pisikal na mga salik ay kasangkot. Gayunman, ang panlulumo ay malimit na mapagagaan sa pamamagitan ng tulong na ibinibigay ng iba. Sa gayon, si Pablo ay nagpayo: “Aliwin ang mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Kung gayon, ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay dapat may kagalakang magbigay ng emosyonal na tulong sa mga kaluluwang nanlulumo. Ang pananagutang ito ay kinilala ng modernong organisasyong Kristiyano noon pa mang 1903, sapagkat ang The Watch Tower noon ay ganito ang sabi tungkol sa mga kaluluwang nanlulumo, o nanghihina ang loob: “Palibhasa’y nasisiraan ng loob at mahina, sila’y nangangailangan ng tulong, suporta, pampalakas-loob.” Ngunit papaano ninyo matutulungan ang mga kaluluwang nanlulumo?
Una, sa pamamagitan ng pagpapakita ng “pakikiramay sa damdamin” nila, baka matulungan mo ang taong nanlulumo upang isiwalat ang “pagkabalisa” sa kaniyang puso. Pagkatapos, “ang mabuting pananalita” buhat sa iyo ay baka makatulong sa kaniya na magalak. (1 Pedro 3:8; Kawikaan 12:25) Sa kahit lamang pagbibigay sa kaniya ng pagkakataong malayang magsalita at pagpapadama ng iyong pagkabahala ay baka magdulot iyon ng malaking ginhawa. “Ako’y may mga kaibigan na talagang mapagbubuhusan ko ng aking niloob,” ang sabi ni Mary, isang nagsosolong Kristiyano na bumaka sa panlulumo. “Ang kailangan ko’y isang makikinig sa akin.” Kung may isang maaari mong maisiwalat sa kaniya ang iyong kaloob-loobang mga kaisipan tungkol sa mga kahirapan sa buhay, kaylaki-laki ng magagawa nito.
Gayunman, higit pa ang kinakailangan kaysa pakikinig lamang at pagbibigay ng mababaw na payo na gaya baga ng, “Ang maaliwalas na panig ng buhay ang tunghayan mo” o, “Ang isipin mo’y ang positibong panig.” Ang ganiyang mga pangungusap ay maaaring nagsisiwalat ng kakulangan ng empatiya at baka lubusang wala sa lugar pagka ang isang tao’y nanlulumo, gaya ng ipinakikita ng Kawikaan 25:20 sa pagsasabing: “Kung papaano ang taong nag-aalis ng kasuotan sa panahong tagginaw . . . gayon siyang umaawit ng mga awit na may nalulungkot na puso.” Ang di-makatotohanan na malayong mangyaring mga pangungusap ay maaari rin naman lalong magpabalisa sa taong nanlulumo. Bakit? Sapagkat ang gayong mga pangungusap ay hindi nagsisiwalat ng mga kadahilanan para sa kaniyang panlulumo.
Pinalakas ng mga Salita
Ang isang taong may matinding panlulumo ay hindi lamang nalulungkot kundi marahil nakadarama na siya’y walang kabuluhan at walang pag-asa. Ang salitang Griegong isinaling “mga kaluluwang nanlulumo” ay literal na nangangahulugang “mga may bahagyang kaluluwa.” Ganito ang ibinigay na katuturan sa salitang iyan ng isang iskolar na Griego: “Isang nagpapagal sa ilalim ng gayong kabigatan, kung kaya’t ang kaniyang puso ay nanghihina sa loob niya.” Samakatuwid, ang kaniyang pinagkukunan ng emosyonal na kalakasan ay natuyo, at naluluoy ang kaniyang pagpapahalaga-sa-sarili.—Ihambing ang Kawikaan 17:22.
Ang patriarkang si Job ay nagsabi: “Aking palalakasin kayo ng mga salita ng aking bibig.” (Job 16:5) Ang salitang Hebreo para sa “palalakasin” ay kung minsan isinasaling “patitibayin” o “patatatagin.” Ito’y ginagamit upang ilarawan kung papaano ‘pinatibay’ ang templo sa pamamagitan ng pagkukumpuni sa balangkas nito. (Isaias 41:10; Nahum 2:1; 2 Cronica 24:13) Ang iyong mga salita ay kinakailangang maayos ang pagkakahanay-hanay upang muling maibalik ang pagpapahalaga sa sarili ng taong nanlulumo, bawat sunud-sunod na piraso, wika nga. Dito’y kailangan na pukawin mo ang kaniyang “kapangyarihang mangatuwiran.” (Roma 12:1) Ang 1903 labas ng The Watch Tower na binanggit sa may bandang unahan ay nagsabi tungkol sa mga taong nanlulumo: “Sa kawalan . . . ng pagpapahalaga sa sarili, sila’y kailangang itulak nang bahagya paabante, upang mapalitaw ang mga talento na talagang taglay nila, ukol sa kanilang sariling ikatitibay-loob at sa ikapagpapala rin naman ng buong sambahayan ng pananampalataya.”
Ang halimbawa sa Bibliya ni Elkana at ng kaniyang nanlulumong asawang si Ana ay nagpapakita kung papaanong ikaw ay makapagpapatibay sa pamamagitan ng mga salita gaya ng ginawa ni Job. Si Elkana ay may dalawang asawang babae. Sa isa sa kanila, si Peninna, siya’y may maraming anak, ngunit si Ana ay baog. Malamang, si Ana ay nag-isip na siya’y walang kabuluhan. (Ihambing ang Genesis 30:1.) At sa pagtuturing na ang pasaning ito’y hindi naman lubhang napakabigat, niyayamot pa siya ni Peninna hanggang sa sukdulan na siya’y umiiyak at hindi makakain. Bagaman hindi natatalos noon ni Elkana ang tindi ng paghihirap ng kaniyang kalooban, nang makita nito ang kaniyang katayuan, ito’y nag-usisa: “Ana, bakit ka umiiyak, at bakit ayaw mong kumain, at bakit nagdadalamhati ang iyong puso?”—1 Samuel 1:1-8.
Ang may kabaitang mga tanong ni Elkana, na hindi nanunumbat, ay nagbigay kay Ana ng pagkakataon na ihayag ang kaniyang damdamin. Sa sumagot man siya o hindi, siya ay natulungan na suriin kung bakit marahil ay nadama niyang siya’y walang kabuluhan. Samakatuwid, ang isang kaluluwang nanlulumo ay baka magsabi, ‘Talagang isa akong masamang tao.’ Maaari mong itanong, ‘Bakit ganiyan ang palagay mo sa iyong sarili?’ Kung magkagayo’y maingat na makinig ka sa kaniya habang inihihinga niya sa iyo ang kadalamhatian sa kaniyang puso.—Ihambing ang Kawikaan 20:5.
Pagkatapos ay tinanong ni Elkana si Ana ng ganitong lubhang nagpapatibay-loob na katanungan: “Hindi ba ako lalong mabuti sa iyo kaysa sampung mga anak?” Ipinagunita nito kay Ana ang pagmamahal sa kaniya ni Elkana, sa kabila ng pagkabaog niya [ni Ana]. Itinuring ni Elkana na siya [si Ana] ay totoong mahalaga sa kaniya, at samakatuwid maiisip ni Ana ang ganito, ‘Ngayon, may kabuluhan din pala ako. Talagang ako’y minamahal ng aking asawa!’ Ang mga salitang ito ni Elkana ang nagpatibay-loob kay Ana, sapagkat mula noon ay kumain siya at pumaroon na sa templo.—1 Samuel 1:8, 9.
Kung papaanong tiyakan ang mga pangungusap ni Elkana at itinawag-pansin sa kaniyang asawa ang makatuwirang dahilan upang ito’y magpahalaga sa kaniyang sarili, ang mga nagnanais tumulong sa mga taong nanlulumo ay kailangang gumawa rin ng ganiyan. Halimbawa, isang Kristiyanong nagngangalang Naomi ay nagsabi ng ganito tungkol sa kung ano ang nakatulong sa kaniya upang muling magalak: “Pinuri ng mga ibang kaibigan, ang paraan ng pagpapalaki ko sa aking anak, ng pag-aasikaso sa aking tahanan, at maging ng pag-aayos ko sa aking sarili sa kabila ng aking panlulumo. Ang ganitong pampatibay-loob ay malaki ang nagawa sa akin!” Oo, ang nararapat na komendasyon ay tumutulong sa isang kaluluwang nanlulumo upang makita ang kaniyang mabubuting katangian at gumawa ng nararapat na pagpapahalaga sa kaniyang sarili.
Kung ikaw ay isang lalaking may asawang nanlulumo, bakit hindi mo sikaping siya’y palakasing-loob ayon sa Kawikaan 31:28, 29? Doo’y mababasa natin: “Bumabangon ang kaniyang asawa, at pinupuri siya. Maraming anak na babae na nagpakitang sila’y mahuhusay, subalit ikaw—nakahihigit ka sa kanilang lahat.” Sa kabila nito, ang isang babaing nanlulumo ay baka hindi sumang-ayon sa ganiyang pagpuri, sapagkat baka inaakala niyang siya’y isang kabiguan dahilan sa hindi niya maasikaso ang mga gawaing bahay na gaya ng inaakala niyang dapat niyang gawin. Sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa kaniya ng kaniyang panloob na mga katangian, at ng kaniyang pagkatao bago siya nakaranas ng panlulumo, baka makumbinsi mo siya na ang iyong pagpuri ay hindi hamak na panunuya lamang. Maaari mo ring kilalanin na ang kaniyang ginagawa ngayon ay isang sukdulang pagsusumikap. Maaari mong sabihin: ‘Batid ko ang laki ng iyong pagsasakripisyo upang magawa ito. Karapat-dapat kang purihin sa paggawa ng ganiyang kalaking pagsusumikap!’ Ang pagtanggap ng pagsang-ayon at pagpuri buhat sa asawa at mga anak na sila ang numero unong nakakakilala sa nanlulumo, ang pinakamahalagang salik upang maibalik ang pagpapahalaga niya sa sarili.—Ihambing ang 1 Corinto 7:33, 34.
Ang paggamit ng mga halimbawa sa Bibliya ay makatutulong sa taong nanlulumo upang makita kung ano ang mga pagbabagong kailangang gawin sa kaisipan. Halimbawa, baka ang isang tao ay labis na sensitibo tungkol sa mga opinyon ng iba. Maaari mong talakayin sa kaniya ang halimbawa ni Epafrodito at itanong: ‘Bakit inaakala mong siya’y nanlumo nang kaniyang maalaman na nabalitaan ng kaniyang sariling kongregasyon ang tungkol sa kaniyang pagkakasakit? Talaga bang isa siyang bigo? Bakit sinabi ni Pablo na siya’y pakamahalin? Ang tunay na halaga ba ni Epafrodito bilang isang tao ay depende sa pribilehiyo ng paglilingkuran na taglay niya?’ Ang gayong mga tanong ay makatutulong sa mga Kristiyanong nanlulumo upang ikapit iyon sa kaniyang sarili at matanto na siya’y hindi pala isang bigo.
“Alalayan ang Mahihina”
Ang Bibliya ay nagpapayo: “Alalayan ang mahihina.” (1 Tesalonica 5:14) Ang pagkakaroon ng maraming kaibigang Kristiyano na makapaglalaan ng praktikal na tulong ay isa pang bentaha ng tunay na relihiyon. Ang tunay na mga kaibigan ay yaong mga “ipinanganak para sa kagipitan,” at sila’y talaga namang maaasahan ng isang taong nanlulumo. (Kawikaan 17:17) Nang si apostol Pablo ay makadama ng “panlulupaypay” at may “panloob na mga pangamba,” siya’y naaliw “sa pagdating ni Tito.” (2 Corinto 7:5, 6) Sa katulad na paraan, ang masisiglang pagdalaw at mga pagtawag sa telepono sa angkop na mga panahon ay malamang na lubhang pasalamatan ng mga kaluluwang nanlulumo. Marahil ay maitatanong mo kung may anumang paraan na sa ganoo’y makapagbibigay ka ng praktikal na tulong, tulad halimbawa ng pamimili, paggawa ng mga trabahong-bahay, o iba pa, para sa nanlulumo.a Isang Kristiyanong nagngangalang Maria ang nagsabi: “Nang ako’y nanlulumo, isang kaibigan ang sumulat sa akin mga ilang beses at laging naglalakip siya ng nakapagpapatibay-loob na mga kasulatan. Paulit-ulit na binabasa ko ang liham, umiiyak ako habang binabasa ko. Ang ganiyang mga liham ay mistulang ginto sa akin.”
Pagkatapos himukin ang kongregasyon na tulungan “ang mga kaluluwang nanlulumo,” sinabi ni Pablo: “Maging mapagbata sa lahat. Huwag gumanti ang sinuman ng masama sa masama.” (1 Tesalonica 5:14, 15) Kailangan ang pagtitiyaga, sapagkat dahil sa pagkabagabag ng isip, negatibong kaisipan, at pagkahapo dahilan sa kakulangan ng tulong, ang isang taong nanlulumo ay baka tumugon ng “pabigla-bigla,” gaya ni Job. (Job 6:2, 3) Si Raquel, isang Kristiyanong ang ina’y dumanas ng malubhang panlulumo, ay ganito ang ipinagtapat: “Malimit na si Inay ay nagsasalita ng isang bagay na totoong nakapopoot. Sa ganitong mga sandali, malimit na ipinagugunita ko sa aking sarili kung ano bagang talaga ang uri ng pagkatao ni Inay—mapagmahal, mabait, at bukas-palad. Napag-alaman ko na ang mga taong nanlulumo ay nagsasabi ng maraming bagay na hindi iyon ang talagang ibig nilang sabihin. Ang pinakamalubhang magagawa ng isang tao ay ang gantihin ng ganoon din ang masasamang salita o pagkilos.”
Ang ibang maygulang na mga babaing Kristiyano ay marahil nasa katayuan na makatulong sa mga ibang babaing dumaranas ng pagkabagabag ng emosyon. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:9, 10.) Ang may kakayahang mga babaing Kristiyanong ito ay maaaring sa tuwina’y makipag-usap nang may pang-aaliw sa gayong mga tao kung sakaling dumating ang mga pagkakataon na nararapat. Kung minsan lalong angkop na ang maygulang na mga kapatid na babaing Kristiyano imbis na mga kapatid na lalaki ang patuloy na tumulong sa isang babae. Sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga bagay-bagay at pamamanihala sa wastong paraan, ang mga elder na Kristiyano ay makatutulong para ang mga kaluluwang nanlulumo ay maasikaso.
Matatanda na May Tinuruang mga Dila
Ang espirituwal na mga pastol ang lalo nang kailangang may “kaalaman at matalinong unawa” upang kanilang “makilala kung papaano makikipag-usap upang patibaying-loob ang nanlulupaypay.” (Jeremias 3:15; Isaias 50:4, Beck) Gayunman, kung ang isang elder ay hindi maingat, baka sa di-sinasadya’y lalong palalain niya ang kalagayan ng isang taong nanlulumo. Halimbawa, ang tatlong kasama ni Job ay inaakalang “lumapit sa kaniya upang makiramay at mang-aliw sa kaniya.” Subalit ang kanilang pananalita, na udyok ng isang maling pagkakilala sa kalagayan ni Job, ay nagsilbi pa ngang ‘pandurog’ sa kaniya imbis na umaliw sa kaniya.—Job 2:11; 8:1, 5, 6; 11:1, 13-19; 19:2.
Sarisaring artikulo sa mga lathalain ng Watch Tower ang bumalangkas ng mga simulain na maikakapit sa pagpapayo sa mga indibiduwal.b Karamihan ng mga elder ay nagkapit ng gayong materyal. Subalit, sa mga ilang kaso ang di-pinag-iisipang mga pangungusap ng mga elder—maging sa pamamagitan ng personal na paraan o ng mga pahayag—ay naging totoong nakapipinsala. Kaya ang hinirang na matatanda ay huwag ‘magsasalita ng di-iniisip gaya ng mga saksak ng isang tabak’ kundi taglay ang ‘nagpapagaling na dila ng mga pantas.’ (Kawikaan 12:18) Kung ang isang matanda ay iisipin muna niya ang posibleng magiging epekto ng kaniyang mga salita bago magsalita, ang kaniyang pangungusap ay maaaring makaginhawa. Kung gayon, kayong matatanda, maging mabilis sa pakikinig at mabagal sa pagbuo ng mga konklusyon nang hindi ninyo nakikita ang buong pangyayari.—Kawikaan 18:13.
Pagka ang matatanda ay nagkaroon ng tunay na interes sa mga taong nanlulumo, ang gayong mga tao ay nakadarama na iniibig at pinahahalagahan sila. Ang gayong walang-imbot na pagkabahala ay maaaring magpakilos sa mga taong ito na huwag nang pansinin ang anumang mga pangungusap na nakapanghihina ng loob. (Santiago 3:2) Ang mga taong nanlulumo ay kalimitang nadadaig ng pagkadamang sila’y nagkasala, at ang matatanda ay makatutulong sa kanila na magkaroon ng timbang na pangmalas sa mga bagay-bagay. Kahit na kung isang malubhang pagkakasala ang nagawa, ang espirituwal na tulong buhat sa matatanda ay makatutulong ‘sa pilay upang gumaling.’—Hebreo 12:13.
Pagka nadama ng mga taong nanlulumo na ang kanilang mga panalangin ay walang bisa, ang matatanda ay maaaring manalangin kasama nila at para sa kanila. Sa pamamagitan ng pagbabasa sa kanila ng mga artikulong salig sa Bibliya tungkol sa panlulumo, magagawa ng matatanda na ang gayong mga tao ay ‘pahiran’ ng nakagiginhawang mga salitang ukol sa espiritu. (Santiago 5:14, 15.) Ang matatanda ay makatutulong din sa isang taong nanlulumo upang gumawa ng maka-kasulatang mga hakbang upang malutas ang anumang personal na suliranin na namamagitan sa kaniya at sa kaninuman, kung ito ang problema. (Ihambing ang Mateo 5:23, 24; 18:15-17.) Kadalasan, ang gayong mga alitan, lalo na sa pamilya, ang ugat ng panlulumo.
Tantuin na ang paggaling ay nangangailangan ng panahon. Maging ang mapagmahal na pagsisikap man ni Elkana ay hindi karakaraka nakapagpagaling kay Ana sa kaniyang panlulumo. Ang kaniyang sariling mga panalangin at gayundin ang pampatibay-loob buhat sa mataas na saserdote ang sa wakas tumulong upang siya’y gumaling. (1 Samuel 1:12-18) Kung gayon, maging matiyaga kung mabagal ang pagtugon. Kung sa bagay, ang matatanda sa pangkalahatan ay hindi naman mga doktor at marahil ang kanilang mga pagsisikap ay limitado sa mga ilang kaso. Sila, kasama ang mga miyembro ng pamilya ng taong nanlulumo, ay baka kailangang magpatibay-loob sa taong iyon upang kumonsulta sa isang propesyonal na manggagamot. Kung kinakailangan, ang matatanda o mga miyembro ng pamilya ay makapagpapaliwanag sa sinumang propesyonal ng kahalagahan ng paggalang sa relihiyosong paniwala ng taong nanlulumo.
Hangga’t hindi dumarating ang bagong sanlibutan ng Diyos, walang sinuman ang makapagkakaroon ng sakdal na pisikal, mental, o emosyonal na kalusugan. Samantala, sinumang Kristiyano na nawawalan ng kaniyang kagalakan dahil sa panlulumo ay maaaring kumuha ng lakas hindi lamang sa kongregasyong Kristiyano kundi gayon din sa ating Ama sa langit, “na umaaliw sa mga nanlulumo.”—2 Corinto 7:6, New American Standard Bible.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Pagdaig sa Panlulumo—Kung Paano Makatutulong ang Iba” sa Gumising! ng Nobyembre 8, 1987, pahina 12-16.
b Tingnan ang mga artikulong “An Educated Tongue—‘To Encourage the Weary’ ” sa The Watchtower ng Hunyo 1, 1982, at “ ‘Espirituwal na mga Salita’ Para sa Nababagabag ang Isip” sa labas ng Nobyembre 15, 1988.
[Kahon sa pahina 29]
KUNG PAPAANO MAGSASALITA NANG MAY PANG-ALIW
□ MAKINIG NANG MAINGAT—Sa tulong ng mga katanungang umuunawa ‘igibin’ ang saloobin na nasa puso ng isang tao. Maging mabilis na makinig at mabagal na gumawa ng anumang konklusyon bago makita ang buong pangyayari.—Kawikaan 20:5; 18:13.
□ MAGPAKITA NG EMPATIYA—“Pakikiramay sa damdamin ng kapuwa” ang dapat makasama ng ‘malumanay na kaawaan’ upang ang isa’y makaisang-damdamin ng taong nanlulumo. ‘Makiiyak sa isang umiiyak.’—1 Pedro 3:8; Roma 12:15.
□ MAGING MATIISIN—Baka kailanganin ang paulit-ulit na pakikipagtalakayan, kaya’t maging matiyaga. Huwag pansinin ang “pabigla-biglang” pagsagot ng isang nalulungkot dahilan sa pagkasiphayo.—Job 6:3.
□ PAGPAPATIBAY SA PAMAMAGITAN NG MGA SALITA—Tulungan ang taong nanlulumo upang makita ang kaniyang mabubuting katangian. Papurihan siya nang tiyakan. Ipakita na ang mga suliranin, nakalipas na masasamang karanasan, o mga kahinaan ay hindi siyang batayan sa personal na kahalagahan ng isang tao. Ipaliwanag kung bakit siya’y iniibig ng Diyos at may pagtingin sa kaniya.—Job 16:5.