Kung Bakit ang Iba ay Mabangis at ang Iba Naman ay Maamo
Nito lamang nakalipas na mga buwan ang mga pit bull ay napalagay sa mga ulong-balita sa Estados Unidos. Sila ay kinatatakutan ng marami bilang mga asong sumasalakay, pumipinsala, at kung minsan ay pumapatay ng tao. Ang mga ito ay likas na mabangis, o sila ba ay ginagawang mabangis ng mabangis na mga amo? Ang mga aso ba ay mabangis o maamo sa pamamagitan ng paglalahi o sa pamamagitan ng pagsasanay? Marahil gaya ng sa mga tao, ang kombinasyon ng mga salik na ito ang gumagawa sa kanila kung ano sila.
ANG ulat ay parang isang walang awang pagsasakdal sa mga asong pit bull. Sa California ang dalawang-taóng-gulang na si James Soto ay nadaganan ng isang pit bull ng kapitbahay at kinagat sa mukha at leeg hanggang mamatay. Sa Florida isang pit bull ang gumapang sa kuna ng isang natutulog na sanggol at pinatay ito. Sa Georgia pinatay ng tatlong pit bull ang isang apat-na-taóng-gulang na batang lalaki nang ang bata ay lumakad sa bakuran ng isang kapitbahay. Isang 16-na-buwang-gulang na batang babae sa Oklahoma ang lumalakad-lakad malapit sa isang nakakadenang pit bull—ang alagang hayop ng pamilya—at namatay dahil sa grabeng mga sugat sa lalamunan. Sa Michigan ang 20-buwang-gulang na si Kyle Corullo, habang naglalaro sa likod-bahay ng kaniyang lola, ay sinalakay ng isang pit bull. Nilalabanan ang ina ng bata, kinaladkad nito ang bata sa isang bakanteng lote at inalog ang bata hanggang mamatay. Napatay sa bugbog ng isang pit bull na nagbabantay sa isang taniman ng marijuana sa California ang isang dalawa-at-kalahating-taóng-gulang na batang lalaki. Dinurog ng isang alagang hayop ng pamilya sa Harlem ang ulo ng isang dalawang-buwang-gulang na sanggol. Walang babala, binalingan ng isang alagang pit bull ang humahakbang-hakbang na si Melissa Larabee at pinatay siya sa pamamagitan ng isang lumalangutngot na kagat sa lalamunan.
Biktima rin ang mga adulto. Isang 67-anyos na nurse’s aide sa Kansas ang sinalakay sa kaniyang bakuran, bugbog ang kaniyang katawan, at tanggal ang kaniyang anit. Ang dalawang pit bull ay sinanay na salakayin ang sinuman na may sandata—hawak-hawak niya ang isang binilot na diyaryo. Siya’y namatay sa ospital. Sa Ohio isang 67-anyos na retiradong manggagamot ang pinatay ng dalawang pit bull sa isang pagsalakay na tumagal ng 25 minuto. Sinalakay ng isang pit bull ang isang lalaking walang trabaho habang minamasdan ng lalaki ang mga kuwitis sa Rochester, New York. Siya’y namatay sa ospital.
Ang Humane Society ng Estados Unidos ay nagsasabi na sapol noong 1983, ang mga pit bull ay pumatay ng 21 sa 29 katao na pinatay ng mga aso—72 porsiyento ang pinatay ng 1 porsiyento ng mga aso sa bansa. Si Randall Lockwood, isang eksperto sa Humane Society tungkol sa mababangis na aso, ay nagsasabi: “Ang mga hayop na ito ay maaaring maging mga buwayang aso. Mayroon silang madilim at madugong kasaysayan.”
Pagkatapos ipagbawal sa Inglatera ang pagpapaaway ng mga aso sa toro at oso noong 1835, ang mga minero sa Staffordshire ay naglahi ng kanilang mga aso para sa labanan ng mga aso. Tinutunton ng mga pit bull ngayon ang kanilang lahi sa panahong iyon—kaya ang kanilang kasalukuyang pangalang, American Staffordshire terriers. Ang mga ito ay tinatawag ding American pit bull terriers.
May punggok, maskuladong katawan at animo’y bakal na mga panga na may lakas na 130 kilo por centimetro kuwadrado, ang mga pit bull ay parang kakila-kilabot na mga makinang panlaban. Kadalasang sila’y tahimik na sumasalakay, nang walang pampagalit, at mahigpit na sinusunggaban ng kanilang mga panga ang kanilang biktima na parang gato at inaalog at niluluray-luray na gaya ng isang pating. Maraming biktima ay mga membro ng pamilya. Subalit pinupuri ng isang apisyunadong may-ari ng tatlong pit bull ang mga ito na ‘matapat at mahusay na mga alagang hayop, lalo na sa isang pamilya na may mga bata.’ Gayumpaman, isa sa kaniyang matapat na alaga ang sumakmal sa kaniyang braso at naospital siya ng tatlong araw.
Noong nakaraang taon nasaksihan ng mga nanonood ng panggabing balita sa telebisyong pambansa ang kakila-kilabot na pagsalakay sa opisyal ng Los Angeles animal control na si Florence Crowell. Isang pit bull na nagngangalang Benjamin ang biglang pumasok sa iskrin ng pinto ng isang bahay at dinurog ang isa sa kaniyang mga kamay at malubhang pininsala ang isa pa. Ang hayop ay pinalo kaya’t ito’y umurong subalit muling sumalakay at kinagat ang kaliwa niyang suso. Nagtungo siya sa bahay upang imbestigahan ang isang naunang pagsalakay ng aso. Si Crowell ay naospital ng limang araw. Ang larawan ni Benjamin ay lumilitaw sa pahina 23, nasa pag-iingat ng Los Angeles Department of Animal Regulation. Isang kriminal na demanda para sa pagsalakay na may nakamamatay na sandata ang isinampa laban sa nagmamay-ari kay Benjamin.
Sa nakalipas na mga taon, ang talaan niyaong mga nasaktan sa mga pagsalakay ng pit-bull ay umabot na sa libu-libo. Dahil dito, itinatambak ng mga may-ari ang daan-daang pit bull sa mga lansangan o dinadala ito sa mga tirahan ng hayop upang patayin. Maraming may-ari ang hindi na nakadaramang ligtas, at ang iba pa ay ayaw nang ipagsapalaran ang mga demanda dahil sa paggawi ng kanilang aso. Ang ilang mga tagapagseguro ngayon ay tumatangging saklawin ang seguro sa mga pit bull, Doberman, o German shepherd.
Bagaman tinawag ni Randall Lockwood ang mga pit bull na “mga buwayang aso,” sabi rin niya: “Ang kalunus-lunos na bagay ay na hindi lahat ng mga asong ito ay mapanganib. Hindi naman lahat ng pit bull ay isang munting time bomb na naghihintay sumabog.” At tiyak na hindi ang kaibigang aso ng mga bata sa matandang katatawanang Our Gang! Isang pit bull na tinatawag na Pete, na may itim na bilog sa paligid ng isang mata.
Tipikal sa mga tagapagtanggol ng pit bull ay si Sara Nugent ng Houston, Texas. Siya’y naglahi at nagpalaki nito sa loob ng 22 taon. “Ang problema ay wala sa mga aso, kundi nasa mga may-ari nito,” aniya. Gayunman, sinabi niya na “isa itong aso na mas mahirap alagaan kaysa iba, at hindi lahat ay dapat na mayroon ng isa nito.” Si Andy Johnson ng United Kennel Club ay nagsasabi: “Kung aalagaan mo ang mga pit bull gaya ng nararapat na pag-alaga rito, magkakaroon ka ng isa sa pinakamagandang alagang hayop na maiisip mo.” Si Roy Carlberg, executive secretary ng American Kennel Club, ay mas maingat. Sabi niya na ang ‘ibang mga pit bull ay ganap na matatag, samantalang hindi makontrol ng iba ang kanilang marahas na ugali at superyor na lakas.’
Si Samuel McClain, dating imbestigador para sa SPCA (Society for the Prevention of Cruelty to Animals) sa Philadelphia, ay nagpapatunay sa palagay ni Nugent sa pagsisi sa may-ari: “May bagong uri ng pit bull—mabangis, mabalasik, hindi mapigil. Masasabi mo sa pamamagitan ng mga pangalan nito—Homicide, Switchblade, Crazy Pete. Naglalahi sila ng tinatawag nating mga asong ulol, ama at anak na babae, ina at anak na lalaki.” Hindi lamang sinisira ng paglalahi sa loob ng pamilya ang aso kundi ang pagsasanay rin na nakukuha nito. Animnapung porsiyento ng 3,000 mga pit bull sa Philadelphia ay ginagamit sa labanan ng aso. Upang gawin silang mababangis samantalang bata pa, ang ilan ay binigyan ng mga kuting at mga tuta upang luray-lurayin.
Ang labanan ng aso ay labag sa batas sa lahat ng 50 mga estado at isang krimen sa 36 na estado, subalit ‘matatagpuan mo ang isang labanan ng aso sa anumang dulo ng sanlinggo sa alinman sa 50 mga estado,’ sabi ni Eric Sakach ng Humane Society sa Sacramento, California.
Ang mga pit bull ay naging Ang Aso para sa mga punk sa lansangan. Ang kanilang mga kawalang-kaseguruhan ay nangangailangan ng machong katibayan na nakukuha nila mula sa gayong mga hayop na ginawa nilang mabangis. Ang mabangis na hayop ay parang karugtong nila—“Kami’y siga, huwag kayong makialam sa amin!” Iniaamba ng mga tin-edyer sa Chicago at Philadelphia ang kanilang mabangis na mga pit bull na gaya ng pag-amba nila ng isang balisong o isang baril. Ang mga nagbibili ng droga sa lansangan sa mga lunsod na ito at sa iba pang malalaking lunsod ay nag-aalaga ng ganitong mga aso, na may pangalang gaya ng Murder, Hitler, at Scarface. Sa kanilang mga kulyar na punô ng bakal ay nakatago ang cocaine at ang mga kita sa loob ng isang araw. Itinatago naman ng mga membro ng mga gang sa motorsiklo ang kanilang mga droga sa ilalim ng mga bahay-aso ng kanilang mga pit bull.
Ang mga krimen ay ginagawa na ginagamit ang mga pit bull bilang mga sandata. Nang utusan ng isang lalaki sa New Jersey ang kaniyang pit bull na salakayin ang pulisya, siya ay ipinagsakdal sa salang pagtataglay ng isang nakamamatay na sandata. Nang ipag-utos ng magnanakaw na si Shabu Cooper na salakayin ng kaniyang pit bull ang isang nagdaraang pulis, siya ay idinemanda sa salang paggamit ng isang nakamamatay ng sandata. Isang lalaki sa Michigan ay idinemanda sa salang pagsalakay na gamit ang isang nakamamatay na sandata nang salakayin ng kaniyang pit bull ang isang 12-anyos na batang babae.
Ipinagbawal na ng batas sa ilang munisipyo ang mga pit bull. Gayunman, ang gayong mga ordinansa na tumutukoy sa isang espisipikong lahi ay hindi binabanggit sa hukuman. Ang mga batas na espisipikong nagsasabing “mababangis na aso” ay waring mas maisasagawa. “Ang mabisang batas laban sa mababangis na aso ay kailangang isabatas,” sabi ni Sherl Blair ng paaralang beterinaryo sa Tufts University. Tutal, ang pit bull ay hindi siyang tanging agresibong aso na sumasalakay sa mga tao. Ang mga German shepherd, Doberman, Rottweilers, Akitas, at mga chow ay may sala rin. At ang libu-libong pit bull, pinalahi at sinanay nang wasto, ay mga walang sala.
“Oo, sa responsableng mga pamilya,” sabi ng isang artikulo sa Wall Street Journal, “ang mga pit bull ay maaaring maging mabuting alagang hayop. Ang kanilang pagiging mapaglaro ay madaling mapukaw na gaya ng anumang lahi. Kaunti lang itong dumumi at madaling ayusin. At hindi na kailangan pang sabihin na ang mga pit bull ay mahusay na mga asong bantay.”
Ang pagbanggit na ito tungkol sa mga asong bantay ay nagbabangon ng isang tanong para roon sa mga nag-iisip ng isang aso bilang isang tagapagsanggalang ng pamilya. Anong uri kaya ang nararapat? Isang propesyonal na tagapagsanay ng aso ang kinapanayam para sa mga mungkahi.
Anong uri ng aso ang irirekomenda mo para sa proteksiyon sa pamilya?
“Una, masasabi ko na sa puntong ito maraming tao ang nag-iisip tungkol sa isang sinanay na asong sumasalakay o isang asong bantay. Mapanganib na magkaroon ng gayong mga aso sa bahay. Ang mga ito ay sinanay upang maging mapaghinala at mabilis tumugon. Katulad ito ng pagkakaroon ng isang baril sa bahay—madalas na ang resulta ay malaking kapahamakan kaysa proteksiyon. Kalimitan, sinaktan o pinatay pa nga ng gayong mga aso ang mga bata sa purok, at kung minsan pati na ang mga membro ng kanila mismong pamilya. At kung ang iyong aso ay sinanay na sumalakay at nakakagat, mayroon kang malubhang problema. Kung dadalhin sa hukuman, maaari kang managot. Masama ang tingin ng hukuman sa mga asong sinanay na mangagat. Ang isang asong sinanay sumalakay o bantay sa bahay ay hindi matalino.
“Kung napagpasiyahan ng pamilya na kumuha ng isang aso para sa proteksiyon, makabubuting isaalang-alang nila ang tinatawag na isang asong nagbababala—isa na magbababala sa iyo sa gulo at tatahol ng alarma. Ang pinakamahusay na aso para rito ay isa na malaki at may malakas na tahol na mabangis ang tunog at tatakot sa mga manloloob, subalit ang aso ay hindi sinanay upang mangagat. Ang gayong aso ay isang mabuting panghadlang, gayunma’y hindi isang panganib sa pamilya o sa mga kapitbahay.”
Mahalaga ba na isaalang-alang ang ugali?
“Ang ugali ay dapat isaalang-alang. May malaking pagkakaiba sa pagitan ng isang aso at ng isa pa, kahit na iisang lahi. Ang mga German shepherd na ginagamit bilang mga asong gabay ay sinasanay na maging mahinahon. Kinakailangan na ang mga ito ay maging mahinahong mga aso, napakaingat na mga aso, mga asong magagamit ng maraming iba’t ibang tao. Kakaibang ugali naman ang kinakailangan para sa isang German shepherd na sasanayin upang maging isang asong sumasalakay—mapaghinala, matapang, agresibo. Ang isang asong nagbababala ay dapat na nasa kalagitnaan—maliksi ngunit hindi napakadaling galitin, mahinahon at matatag ngunit hindi matatakutin.
“Sa palagay ko kasiya-siya ring kunin ang aso na tuta pa, lalaki o babae—ang huling banggit ay kadalasang mas madaling supilin. Hayaan siyang lumaki na kasama ng pamilya. Sa gayo’y nadarama niya na ang pamilya ay kaniya. Pamilya niya ito, at habang lumalaki siya, lalo niyang pinangangalagaan ito. Mahalaga rin na bigyan siya ng ilang pagsasanay sa pagsunod. Sa paanuman ay turuan siya ng ilang mahalagang mga utos, gaya ng Pumirme ka, Upô, Gulong, Halika, at Dapâ. Simulan habang siya ay bata pa, mga walong linggong gulang. Sa gulang na iyan sanay na siya sa kung ano ang nais mo at lubusang nakadepende sa iyo at sabik sa iyong pagtanggap at papuri.”
Kumusta naman ang tungkol sa pagtutuwid, kung kinakailangan?
“Ang kombinasyon ng pagtutuwid at gantimpala ay mas mabisa kaysa pagtutuwid lamang. Ang aso ay pinupuri sa mabuting ugali, at kasabay nito ay itinutuwid sa masamang ugali. Kung sinasabi kong itinutuwid, hindi ko ibig tukuyin ang pagpalo. Ito’y bibigang pagsaway, gaya ng ‘Huwag! Salbaheng aso!’ Nadarama niya ang iyong di pagsang-ayon sa tono ng iyong boses. Pagtibayin mo ang mabuting ugali sa pamamagitan ng mga gantimpala—hindi ng mga pirasong masasarap na pagkain kundi ng papuri na may kasamang mga tapik ng pagsang-ayon. Mas gumagana iyan kaysa kagalitan siya. At huwag mong gamitin ang pangalan ng iyong aso kapag ikaw ay nagdidisiplina—pinarurusahan mo ang kaniyang ugali, hindi siya.”
Ngayon, balikan natin ang mga tanong na ibinangon sa pasimula ng artikulong ito. Ang paglalahi ay tiyak na nakakaapekto sa ugali ng mga aso at patiunang tinitiyak ang pagiging agresibo at kaamuan. Subalit ang kapaligiran ay gumaganap din ng mahalagang bahagi. Ang mabait na pakikitungo ay nakakabawas ng pagkaagresibo at nagpapaamo. Ang malupit na pakikitungo ay lalo lamang nakadaragdag sa pagkaagresibo at sinisira ang pagiging maamo ng aso. Ang iisang uri ng aso ay maaaring palakihin at sanayin upang akayin ang bulag o salakayin ang manloloob. Ang kombinasyon ng kalikasan at pangangalaga ay gumagana. Subalit ang pangunahing kalikasan ng aso ay laging naroroon at, sa ilalim ng ilang mga kalagayan, maaaring lumitaw. Ang maigting na kalagayan ay maaaring magpatindi sa agresibong ugali o pangyarihin ang isang napakaamong aso na umurong kung kailan dapat pangalagaan niya ang kaniyang pamilya.
Isang pangwakas na salita sa mga kakilabutan ng labanan ng aso: Isang taong masigasig sa labanan ng aso ay nagsabi tungkol sa kaniyang mga pit bull na “ang pag-aaway ay siyang pinaka-hininga ng buhay sa kanila.” Sinabi niya na ang pabayaan silang mag-away ay hindi kalupitan kundi pagpapakita ng awa. Namamatay silang maligaya, ganap, ginagawa kung ano ang pagkalahi at pagsasanay sa kanila, sabi niya. May kaugnayan sa kakatuwang damdaming ito, isa pang sadistang debotado ng ilegal na labanan ng aso ay nagsabi ng nakasusuyang komentong ito: “Ang aking mga aso ay namamatay na ang kanilang mga buntot ay nakataas at kumakawag.”
Namamatay rin sila na may mga baling buto, gutay-gutay na tainga, luray-luray na katawan, at bumubulwak na dugo. Ang mga labanan ay tumatagal ng isa hanggang tatlong oras. Sila’y maglalaban hanggang kamatayan. Ganito pa ang kabalighuang susog ni Randall Lockwood: “Nababalitaan na rin ngayon ang mga aso na lumalabas sa sabungan o lugar ng away at sinasalakay ang mga manonood. Nakita ito ng ilan sa aming mga imbestigador.” Ganito ang sabi ni sheriff Blackwood ng San Diego: “Nakita na namin ang mga ito, bali ang dalawang paa sa unahan, na kinakaladkad ang kanilang sarili sa kabila ng ring upang lumaban.” Ang mga aso bang ito ay namamatay rin na ang kanilang mga buntot ay nakataas at kumakawag?
Ang tapang at lakas ng mga pit bull ay pambihira. Nakasusuklam nga, nakalulungkot nga, na ang gayong tapang at lakas ay gamitin sa gayong malupit at sadistikong gamit—ang mga aso ay ginagawang mabangis ng mas mabangis na mga tao! Sa katapusan, labis na ikinalulungkot ni Lockwood ang kabangisang ito at ang mga resulta nito: “Ang labanan ng aso ang pinakamatinding kasamaan ng pantanging kaugnayan na umiiral sa pagitan ng tao at mga aso. Ito’y ang hindi kapani-paniwalang pagmamalupit ng tao sa mga aso. At ngayon iyan ay gumawa ng mga asong pumapatay ng mga tao.”
Nagsisimula ka ngayong mag-isip, ang mga pit bull kaya ay nakagawa ng higit na pinsala sa tao, o ang tao kaya ay nagawa ng higit na pinsala sa mga pit bull? Anong pagkaangkup-angkop nga ng mga salita ng Bibliya sa Kawikaan 12:10: “Ang matuwid ay nagpapakundangan sa kaluluwa ng kaniyang alagang hayop, ngunit ang mga kaawaan ng masama ay mabagsik.”
[Blurb sa pahina 24]
“Ang mga hayop na ito ay maaaring maging mga buwayang aso”
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang mabangis na si Benjamin . . .
[Credit Line]
Lunsod ng Los Angeles, Kagawaran ng Regulasyon sa Hayop
. . . at ang maamong si Neha
[Mga larawan sa pahina 26]
Itaas: Siberian husky
Kanan: Akita
Dulong kanan: Samoyed