Mula sa Aming mga Mambabasa
Madaling Pagsasaulo
Ako po’y sumusulat sa inyo may kaugnayan sa artikulong “When Memorizing Comes Easy.” (Hulyo 22, 1987 sa Ingles) Mayroong isang aspekto tungkol sa paksa na dapat sana’y nagkaroon ng isang mabuting epekto subalit bahagya lamang nabanggit. Yaon ay huwag hayaang maging palalo ang mga bata dahilan sa madali silang makasaulo. Sinasabi ko po ito mula sa aking sariling karanasan. Nang ako ay apat na taóng gulang, nasaulo ko ang mga teksto sa Bibliya; sa gulang na lima ako ay nakikibahagi sa bahay-bahay na ministeryo; at sa gulang na anim ako ay nagbibigay ng mga pahayag sa paaralan sa pagmiministro. Lagi kong ipinagmamalaki ito, at sa akala ko ako na ang pinakamagaling. Ngayon ay napag-uunawa ko kung gaano katawa-tawa ito. Mayroong isang batang lalaki sa aming kongregasyon na gayundin ang nagagawang mga bagay, at siya at talagang nakakainis! Pakisuyong babalaan po ninyo ang mga magulang na huwag hayaang maging palalo ang kanilang mga anak upang ang nangyari sa akin ay huwag mangyari sa kanila.
F. R., Brazil
Talagang pinahahalagahan namin ang paggawa ng Kristiyanong mga magulang ng lahat ng kanilang magagawa upang linangin sa kanilang mga anak ang mga katangian ng kapakumbabaan, kahinhinan, at pagkamakatuwiran. (Kawikaan 11:2; Mikas 6:8; Roma 12:3; Santiago 3:17; 4:6, 10) Binanggit ng artikulo: “Sa paano man, ang mahalaga ay hindi ang bagay na pinahahanga ng inyong anak ang iba kundi ang bagay na kayo ay mayroong masigla, maibiging panahon na matuto sa kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos.” At ikinagagalak naming palawakin ang kaisipang iyan dito. Ang pangunahing punto ng artikulo ay na ang mga bata ay maaaring matuto sa maagang gulang at na dapat samantalahin ng Kristiyanong mga magulang ang kakayahang ito sa pamamagitan ng maagang pagtuturo sa kanila ng kapaki-pakinabang na mga bagay, lalo na yaong buhat sa Bibliya, na makapagdadala ng walang-hanggang mga pakinabang sa mga bata gayundin sa kanilang mga magulang.—ED.
Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay
Maraming salamat sa kahanga-hangang artikulong iyon na “Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay!” (Pebrero 22, 1986) Ang aming mahal na anak na lalaki ay dalas-dalas ang pagkúkursó at kinahapunan ay nagsusuka at nanlalata. Nanlalalim ang kaniyang mga mata, at ang balat niya sa tiyan ay hindi na nababanat. Inisip naming dalhin siya sa ospital, subalit naalaala ng mister ko ang artikulong iyon, at hinanap namin ito sa aming salansan. Inihanda namin ang inumin ayon sa nakasaad sa artikulo at ipinainom ito sa aming anak. Hindi kapani-paniwala kung paano siya gumaling. Kinabukasan siya ay halos magaling na. Kami’y lubos na nagpapasalamat sa impormasyong ito.
M. S., Brazil
Kami’y nagagalak na malaman na ang simpleng panlunas ay nakatulong. Mangyari pa, nais naming idiin na ang iminungkahing paggamot ay hindi nilayon bilang isang kahalili sa kinakailangang propesyonal na medikal na pangangalaga.—ED.
Maraming salamat sa inyong artikulong “Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay!” Kamakailan ang aming aso ay nagkaroon ng maselang operasyon sa gulugod. Pagkatapos ng operasyon, nagkaroon ng mga komplikasyon sa anyo ng grabeng pagkúkursó dahil sa reaksiyon sa iniresetang mga pamatay-kirot. Hindi nagtagumpay ang mga pagsisikap ng beterinaryo upang sugpuin ang kaniyang lumulubhang kalagayan. Naalaala ng mister ko ang nabanggit na artikulo. Pagkatapos hanapin ito, kaagad naming pinuno ang kaniyang lalagyan ng tubig ng itinimplang maalat na solusyon at minasdan namin ang pag-ubos niya nito. Pagkalipas lamang ng magdamag ay bumuti na ang kaniyang kalagayan, at siya ngayon ay pagaling na. Ang inyong artikulo ay talagang naglilitas-buhay para sa lahat, sa mga tao at sa mga hayop.
S. M., Estados Unidos