Ang Panahon ng Laro ay Panahon ng Paglaki
Para sa batang ito na hahakbang-hakbang ito ay panahon ng paggagalugad. Udyok ng masiglang pag-uusyoso, hinihila at binabatak niya ang lahat sa bahay. Kung ang bahay ay hindi ligtas-bata, ang ina ay sisigaw na “huwag-huwag” at papaluin ang munting mga kamay, at sa paggawa niyaon ay sinusugpo ang pag-uusyoso—ang pag-uusyoso ring iyon na maaaring gumawa sa bata na magtagumpay sa paaralan at sa dakong huli ng buhay. Maging mapagkalinga subalit huwag maging labis na mapagkalinga. Higit na kalayaan ay nagmumula sa labas ng bahay sa isang parke, kung saan ang isang tubo ay maaaring maging isang tunel sa bundok o isang kuweba na tirahan ng Inang oso at ng Batang oso.
Pagkalipas ng ilang taon, ang guniguni ay umuunlad. Ang isang malaking kahon ay nagiging isang tahanan para sa paglalaro ng bahay-bahayan, ang isang silya ay nagiging upuan ng tsuper sa isang kotse, ang walis ay nagiging isang mabilis na kabayo na kumakaskas upang iligtas ang isa. Ang isang kahon ng buhangin, na may mga paso at kaldero at isang timba ng tubig, ay nagbibigay ng walang katapusang pagkakataon. Bagaman ang pangangasiwa ng magulang sa karo ay mahalaga, ito’y hindi kailangang laging isinaayos o organisado kundi maaaring tumugon sa kalagayan ng sandaling iyon. Sa biglang paghahangad ang mumunting bata ay nagiging mga koboy, lumilipad na mga eruplano, mga doktor at nars, tatay-tatayan at nanay-nanayan, mga astronot, at umuugong na mga buldoser—lahat ay sa loob lamang ng kalahating oras.
Ang laro ay mahalaga sa paglaki ng mga bata. Ang alisan ang isang bata ng tamang panahon ng laro at mga materyales para sa paglalaro ay pagtatakda sa paglaki ng kaniyang isipan at katawan, ng kaniyang damdamin at espiritu.