TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Mga Pakinabang ng Creative Play
Ang “creative play” ay tumutukoy sa mga activity na tumutulong sa mga bata na matuto at gamitin ang kanilang imahinasyon. Nakakatulong din ito para mag-mature ang isang bata at mapahusay niya ang kaniyang mga skill.
Ito ang ilang halimbawa:
Pagdo-drawing
Pagbe-bake
Paglalaro ng bahay-bahayan, doktor-doktoran, at iba pa
Pagkanta
Paggamit ng mga laruan na kailangang buoin
Paglalaro gamit ang mga simpleng bagay (puwedeng paganahin ang imahinasyon gamit ang isang karton)
Sa maraming lugar, imbes na gumawa ng ganitong mga bagay, nanonood na lang ng palabas ang mga bata o sumasama na lang sa mga naka-set na activity o lesson.
Dapat ka bang mag-alala?
Ang dapat mong malaman
Nakakatulong ang creative play para mag-mature ang bata. Maganda ang epekto nito sa pisikal at mental na kalusugan niya, napapagana niya ang imahinasyon niya, at nasasanay siyang makisalamuha sa iba. Natututo din siyang maging matiyaga, gumawa ng magagandang desisyon, at kontrolin ang kaniyang emosyon. Ibig sabihin, nakakatulong ang creative play para maging handa ang isang bata sa pagiging adulto.
Nakakasamâ ang sobrang paggamit ng gadyet. Nakakaadik ang sobrang paggamit ng gadyet, at marami sa mga naaadik dito ang nagiging sobrang taba o nagiging magagalitin o marahas. Kaya dapat pag-isipan ng mga magulang kung pababayaan nilang magbabad sa gadyet ang maliliit nilang anak.
May masamang epekto sa mga bata ang sobrang daming naka-set na activity o lesson. Kapag sunod-sunod na ang mga nakaiskedyul na activity ng mga bata, wala na silang panahon para sa creative play na tumutulong sa kanilang matuto at gamitin ang kanilang imahinasyon.
Ang puwede mong gawin
Maglaan ng panahon para sa creative play. Kung posible, payagang magpunta sa labas ang anak mo para mapagmasdan niya ang kalikasan. Hayaan siyang magkaroon ng hobby at bigyan siya ng mga laruan na tutulong sa kaniyang mag-isip.a
Pag-isipan: Sa creative play, magkakaroon ng anong mga katangian at skill ang anak ko, at paano iyon makakatulong sa kaniya paglaki niya?
Prinsipyo sa Bibliya: “May . . . pakinabang sa pag-eehersisyo.”—1 Timoteo 4:8, talababa.
Limitahan ang paggamit ng gadyet. Huwag basta pabayaan ang anak mo na gumamit ng gadyet o manood ng TV para lang malibang siya. Inirerekomenda ng mga pediatrician na huwag pagamitin ng gadyet o panoorin ng TV ang mga bata na wala pang dalawang taóng gulang, at huwag naman lumampas ng isang oras bawat araw sa mga bata na edad dalawa hanggang lima.b
Pag-isipan: Gaano katagal kong pagagamitin ng gadyet ang anak ko? Dapat ko ba siyang subaybayan? Ano ang magandang ipalit sa gadyet?
Prinsipyo sa Bibliya: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Efeso 5:15, 16.
Pag-isipan kung paano makakaapekto sa anak mo ang mga naka-set na activity o lesson. Totoo, nakakatulong ang mga ito sa anak mo para maging mas magaling siya sa isang sport o sa paggawa ng isang bagay. Pero madalas na kapag sobrang dami na niyang activity, mai-stress siya, pati na ang magulang na hatid-sundo sa kaniya. Magagamit din dito ang prinsipyo sa Efeso 5:15, 16 tungkol sa kung paano natin gagamitin ang oras sa pinakamabuting paraan.
Pag-isipan: Sobrang dami na bang naka-set na activity ng mga anak ko? Kung oo, anong mga pagbabago ang puwede naming gawin?
Prinsipyo sa Bibliya: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—Filipos 1:10, talababa.
a Maraming laruan na hindi masyadong nakakatulong sa mga bata na maging creative. Pero may mga simpleng laruan o bagay, gaya ng mga building block o karton, na tutulong sa mga bata na mag-isip o gamitin ang kanilang imahinasyon.
b Tumutukoy ito sa oras na ginagamit sa paglilibang, hindi sa pakikipag-usap sa mahal sa buhay o sa pakikibahagi sa espirituwal na mga gawain kasama ng pamilya.