Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Mabuhay, Hindi Upang Mamatay
KUNG maiaantala lamang ang pagtanda! Inaasam-asam mo ba ang gayong pagsulong ng kaalaman? Aba, oo. Sino ang hindi nagnanais matakasan ang mga kulubot, puting buhok, malutong na mga buto, panghihina, pagkamakalilimutin, pagiging madaling tablan ng sakit, at sa wakas ang kamatayan?
Yamang nalalaman ng sistema sa komersiyo kung ano ang nadarama ng mga tao tungkol sa pagtanda, ang mga anunsiyo ay sumasamo sa epekto nito. Ang paksa ay karaniwang itinatampok sa mga artikulo ng magasin at mga aklat. Ang iba ay gumagawa ng kamanghamanghang mga pag-aangkin. Ganito ang simula ng The Complete Book of Longevity:
“Ang ilan sa inyo na bumabasa ng mga salitang ito ay maaaring mapabilang sa unang mga taong hindi na mamamatay. Dahil sa ang mga sakit ng pagtanda—at ang mekanismo ng kamatayan mismo—na halos babagsak na sa sumusulong na hukbo ng siyensiya, ang tanong ay hindi kung paano mangyayari ang bagong kaalamang ito tungkol sa kawalang kamatayan . . . kundi kung paano mananatiling buháy hanggang sa mangyari ito.”
Mula sa nagawa na ng siyensiya, mayroon bang anumang tunay na saligan para sa gayong pag-asa?
Nadagdagan ba ng Siyensiya ang Haba ng Buhay ng Tao?
Sa loob ng siglong ito, naranasan ng maunlad na mga bansa ng daigdig ang malaking pagsulong sa haba ng buhay ng tao. Halimbawa, noong taóng 1900 ang katamtamang haba ng buhay ng mga lalaki sa Estados Unidos ay 46 na mga taon. “Mula noong 1900 hanggang 1980 ang haba ng buhay ng lalaki mula sa pagsilang ay sumulong ng 51% tungo sa 69.9 mga taon,” sabi ng Journal of Gerontology ng Amerika. Ngayon ito ay 71.8 mga taon para sa mga lalaki at 78.8 mga taon para sa mga babae. Maraming iba pang bansa ang mayroong mas malawig na haba ng buhay, na ang Hapón ang pinakamataas—74.2 mga taon para sa mga lalaki at 79.8 mga taon para sa mga babae. Nangangahulugan ba ito na ang haba ng buhay ng tao ay napalawig?
Ang malaking pagsulong na binabanggit sa itaas ay pangunahin ng dahilan sa mas kaunting mga sanggol na namamatay. Ngayon, mas maraming sanggol ang nabubuhay hanggang sa pagkaadulto kaysa noong nakalipas na mga dantaon. “Ang mga pagsulong sa medisina,” sabi ng The Body Book, “ay nakaragdag sa katamtamang haba ng buhay, subalit hindi nito naragdagan ang pinakamatagal na haba ng buhay.” Gaya ng pagkakasabi rito ni Brian Stableford, isang biyologo sa University of Reading, Inglatera, sa kaniyang aklat na Future Man: “Ang haba ng ating buhay ay natuos na mula noong panahon ng Bibliya na 70 taon, at bagaman dalawang libong taon ng siyentipikong pagsulong ay nagpahintulot sa mas maraming tao na marating ang taning na panahong iyan, sa paano man ay walang nagawa ang mga siyentipiko upang palawigin ito.”
Tinutukoy ni Stableford ang mga salitang sinulat 3,500 taon na ang nakalipas ng sinaunang Israelitang si Moises: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpong taon; at kung dahilan sa natatanging kalakasan ay umaabot ng walumpung taon, gayunma’y laging may kabagabagan at kapanglawan.” (Awit 90:10) ‘Bakit,’ maitatanong mo, ‘hindi mababago ng modernong medisina ang katotohanang ito ng buhay?
Pagtanda—Sang-ayon sa Siyensiya
Ang pagtanda ay isang karaniwang karanasan na iilang tao lamang ang nagtatanong kung bakit ito nangyayari. Gayunman, sa siyentipikong kaisipan ang pagtanda ay isang malaon nang palaisipan. Bakit? “Wari bang ito ay salungat sa pagnanais na mabuhay na saligan ng karamihan ng mga gawain ng katawan,” sabi ng aklat na The Living Body, ni Karl Sabbagh. Gaano kalapit ang mga siyentipiko upang maunawaan ang dahilan ng pagtanda?
“Walang isa mang teoriya ang nagpapaliwanag sa lahat ng palatandaan ng pagtanda.”—The New Encyclopædia Britannica.
“Nakakaharap ng kotemporaryong estudyante ng pagtanda ang mas maraming teoriya kaysa paa ng alakdan.”—Dr. Gairdner Moment, propesor emeritus ng biyolohikal na siyensiya.
“Maraming gerontologo ang sasang-ayon na ito ang pinakamalabong panahon para sa atin. Hindi natin alam kung ano ang saligang mekanismo ng pagtanda, ni nalalaman man nating sukatin nang wasto ang bilis ng pagtanda sa biyokemikal na mga termino.”—Journal of Gerontology, Setyembre 1986.
“Ang talinghaga ng taong bulag na inilalarawan ang isang elepante ay naglalarawan din sa mga suliranin ng mga mananaliksik sa pagtanda.”—Dr. C. E. Finch, propesor ng biyolohiya at gerontolohiya.
Ang isang paraan upang ipaliwanag ang pagtanda, gaya ng iminumungkahi sa aklat na The Living Body, ay na ang mga selula ay mayroong “katutubong orasan” na nagpapangyari sa mga ito na magparumi hanggang sa “panahon na upang huminto.” Ano, kung gayon, ang tungkol naman sa mga selula ng utak, na hindi nagpaparami pagkasilang? Karamihan ng mga neuron ay nakaliligtas mula sa pagsilang ng isang tao hanggang sa pagtanda. Kaya, sa kaso ng isang sentenaryo, ang mga neuron ding iyon ang nagtatrabaho sa loob ng isang daang taon.
Gayunman, angaw-angaw na mga neuron ang namamatay sa loob ng panahong ikinabubuhay ng isang tao, at ang dami ng namamatay na neuron ay dumarami habang ang isa ay tumatanda. Ang isa pang teoriya ng pagtanda ay na ang bisa ng mga selula na magtrabaho ay umuunti dahil sa pagkaubos at pagkasira. “Datapuwat yamang maaaring kumpunihin at itayong-muli ng mga sistema ng katawan ang sarili nito, bakit kaya hindi gamitin ang mga kakayahang ito nang lubusan upang ayusin ang pagkaubos at pagkasira?” tanong ni Dr. Richard Cutler sa aklat na The Biology of Aging. “Ang isa pang problema sa teoriya ng pagkaubos at pagkasira,” sabi pa niya, “ay kung paano ipaliliwanag ang malaking agwat ng mga haba ng buhay na katangian ng iba’t ibang uri ng mga mammal.”
Ang mga chimpanzee ay may haba ng buhay na 40 taon, at ang gorilya, na mas malaki, ay isa na 30 taon lamang. Bakit ang mga tao ay nabubuhay nang mas mahaba kung malapit nang maubos at masira ang pagtanda? Bakit ang ilang mga reptilya, gaya ng mga pawikan, ay mas mahaba ang buhay kaysa tao? At bakit ang ilang anyo ng buhay ay waring nagtatagal nang walang-hanggan?
Isang Aral Mula sa Pinakamaliit at sa Pinakamalaki
Isaalang-alang sumandali ang organismong tinatawag na amoeba. “Ang isang-selulang protozoang ito,” sabi ng magasing Science Digest, “ay hindi namamatay, sa pisikal. Ang isang selula nito ay nahahati at nagiging dalawa, at ito kapuwa ay mas masigla kaysa nang sila ay iisa.” Sa gitna ng isang-selulang organismo, ang amoeba ay walang ipinagkaiba. Gaya ng idiniriin ni Dr. Tracy Sonneborn sa aklat na The Biology of Aging: “Maraming mas mababang anyo ng buhay . . . ang hindi dumaranas sa likas na pagtanda o kamatayan; ang mga ito ay maaaring patuloy na mabuhay, lumaki, magparami magpakailanman nang buong sigla.”
Kumusta naman ang mas mataas na anyo ng buhay na binubuo ng maraming selula? Ang mga puno ng sequoia ang pinakamalaking nabubuhay na bagay sa lupa. Pinapatay ng apoy ang batang mga sequoia, subalit ang iba ay nakaliligtas at nagiging mga dambuhala ng kagubatan. Habang kumakapal ang mamulamulang balat nito, mas nalalabanan nito ang banta ng apoy. Tunay, ang hindi tinatablan ng apoy na balat nito ay maaaring mahigit na 0.6 metro ang kapal.
Kung minsan napapasok ng apoy ang balat at ang katawan ng pulang kahoy ay napipilatan. Ang nanghihinang mga punungkahoy sa gayon ay maaaring bumagsak dahil sa bigat nito. Ang isa pang panganib ay ang malambot na lupa o pagguho ng lupa, na maaaring magpangyari sa isang sequoia na humilig sa isang panig. Gayunman, upang panatilihing tuwid ang puno isang kamangha-manghang mekanismo ang nagpapangyari ng ekstrang paglaki ng katawan at mga sanga sa kabilang panig. Kung ito ay mabigo, ito ay maaaring biglang bumagsak sa lupa. Subalit ang kamatayan dahil sa katandaan ay hindi pa naitatala.
Ganito ang sabi ng aklat na Giant Sequoias: “Ang pinakamalaki at ang pinakamatandang-tingnan na mga punungkahoy ay patuloy na lumalaki taglay ang kitang-kitang kasiglahan, naglalagay ng taunang mga suson ng kahoy na ang kapal ay halos katulad ng nagdaang mga siglo. Ang mga punungkahoy na patuloy na nagiging malaya sa pinsala ng apoy at nananatiling tuwid ay maaaring mabuhay ng maraming-maraming taon na kung minsan ay inihuhula sa mga ito.”
Ihambing mo ito sa mga halaman na taun-taon ay namumulaklak at namamatay. “Ang taunang mga halaman,” sabi ni Dr. Carl Leopold, isang dalubhasa sa pananaliksik sa mga halaman, “ay iprinogramang mamatay pagkatapos ng isang paglaki sa loob ng isang panahon, samantalang ang ibang uri ay maaaring manatili sa loob ng mahabang panahon. Kilala sa haba ng buhay nito ang mga puno ng sequoia, na ang haba ng buhay ay tumatagal ng 3000 taon.”
Kung ang mga sequoia ay idinisenyo upang mabuhay ng mahaba, bakit hindi ang tao? Kung ang isang-selulang organismo ay patuloy na nagpaparumi nang hindi tumatanda, bakit hindi ang mga selula ng katawan ng tao? At kung naiingatan nito ang mga selulang hindi nagpaparami, gaya ng mga neuron, sa loob ng daan-daang taon, bakit hindi hanggang sa walang-hanggan?
Bagaman ang mga siyentipiko ay nagpupunyaging masumpungan ang dahilan ng pagtanda, marami ang nakasumpong ng kasagutan mula sa ibang mga pinagmumulan. Ang Bibliya ay isang aklat na nag-aangking kinasihan ng Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova. (2 Timoteo 3:16) Kung gayon nga ito, ang Bibliya ay dapat na magbigay ng kasiya-siyang kasagutan sa tanong na nakalilito sa mga siyentipikong tao. Gayon nga ba ang ginagawa nito?
Pagtanda—Sang-ayon sa Bibliya
Sang-ayon sa Bibliya, ang tao ay nilalang na sakdal, taglay ang pag-asa na mabuhay magpakailanman. Ito ay nasa harapan niya bilang isang gantimpala sa pagpasa sa isang payak na pagsubok ng pagkamasunurin. Ang ating unang mga magulang ay inutusan na huwag kakain sa bunga ng isang punungkahoy na tinatawag na “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Ang punungkahoy ay nagsisilbing isang maibiging paalaala sa kanila ng di-nakikitang pagkanaroroon ng Diyos at ng kaniyang awtoridad na tiyakin kung ano ang mabuti at kung ano ang masama para sa kaniyang mga nilikha. Sila ay malinaw na binabalaan ng Diyos na Jehova: “Sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.”—Genesis 2:16, 17; 3:3.
Nakalulungkot sabihin, at unang lalaki at babae ay naghimagsik at kumain ng ipinagbabawal na bunga. Dahil sa pagiging isang Diyos ng katotohanan, napilitang tuparin ng kanilang Maylikha ang kaniyang salita, at sa gayo’y hinatulan niya sila ng kamatayan. Ang Bibliya ay hindi naglalaman ng biyolohikong mga detalye kung papaano ito ginawa ng Diyos. Gayunman, ang nalalaman natin ay na ipinasa nina Adan at Eva ang kanilang makasalanang katayuan sa kanilang mga anak. Gaya ng paliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, sa gayon ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Ito ay isang hatol na hindi maaaring baligtarin ng sinumang siyentipikong tao. Subalit nalalaman ng Diyos na Jehova, ang Maygawa sa katawan ng tao, kung paano gagawin ito. Maibigin, ibinigay niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, upang tubusin ang mga anak ni Adan at ni Eva. Lahat ng nagpapahalaga sa paglalaang ito ay sa wakas mapapalaya mula sa pagtanda at kamatayan.—Juan 3:16.
Maaari Mong Tamasahin ang Buhay Magpakailanman sa Paraiso
Ang bagay na ang ating unang mga magulang ay ginawa upang mabuhay, hindi upang mamatay, ay isang bagay na kahanga-hangang pag-isipan. Isa itong tulong sa pag-unawa sa kapana-panabik na pangakong ito: “Ang buong nilalang . . . ay palalayain mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magkakaroon ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
Gayundin naman, ang naiwala nila Adan at Eva ay maisasauli sa wakas sa marami sa kanilang mga anak. Isaalang-alang kung ano ang kahulugan niyan sa iyo. Ang ating unang mga magulang ay tumira sa pinakamagandang lugar na kailanma’y umiral sa lupa. Sang-ayon sa Bibliya, “Inilagay ng Diyos na Jehova ang isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang. At pinatubo ng Diyos na Jehova sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakalulugod sa paningin at mabuting kanin.”—Genesis 2:8, 9.
Ilarawan ang lahat ng dakilang mga punungkahoy na iyon upang masiyahan ang kanilang paningin at ang sarisaring kaakit-akit na bunga ng mga punungkahoy upang masiyahan ang kanilang panlasa. Idagdag mo pa rito ang sarisaring maiilap na hayop—isang walang katapusang pinagmumulan ng kahali-halinang pananaliksik. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “At nilalang ng Diyos na Jehova sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid, at pinagdadala sa lalaki upang maalaman kung anong itatawag ng lalaki, sa bawat nabubuhay na kaluluwa, yaon ang naging pangalan niyaon.”—Genesis 2:19.
Karagdagan pa rito, sina Adan at Eva ay binigyan ng kasiya-siyang layunin sa buhay. Sila ay magtatayo ng isang malaking pamilya. Pagkatapos, habang lumalaki ang kanilang pamilya, kanilang susupilin ang iba pang bahagi ng lupa, ginagawa itong isang pangglobong paraiso. Subalit ang pagkalakilaking proyektong ito ay maaari lamang magtagumpay kung sila ay pasasakop sa patnubay ng kanilang makalangit na Maylikha.—Genesis 1:26.
Yamang pinili nila ang kumilos nang hiwalay sa Diyos, libu-libong taon ng kahirapan, sakit, pagtanda, at kamatayan ang naging bunga. Subalit bago palayasin ang ating unang mga magulang buhat sa Paraisong halamanang iyon, ang Diyos na Jehova ay nagbitiw ng isang pangungusap na nakatala para sa ating kapakinabangan: “ ‘Narito ang tao’y naging parang isa sa atin na nakakakilala ng mabuti at ng masama, at baka ngayo’y iunat ang kaniyang kamay at pumitas naman ng bunga ng punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay magpakailanman,—’ Kaya pinalayas siya ng Diyos na Jehova sa halamanan ng Eden.”—Genesis 3:22, 23.
Kung ang ating unang mga magulang ay naging masunurin sa ilalim ng pagsubok, sila sana ay pinahintulutang kumain mula sa “punungkahoy ng buhay,” na kumakatawan sa gantimpala ng Diyos sa kanila na buhay na walang-hanggan. Ito, kung gayon, ang patotoo pa na ang tao ay ginawa upang mabuhay, hindi upang mamatay.
Ang layunin ng Diyos ay hindi nagbago. (Isaias 55:11) Pinatunayan ito ni Jesus noong araw ng kaniyang kamatayan. Sa nagsising magnanakaw na namatay na katabi niya, si Jesus ay nangako: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:42, 43) Hindi na magtatagal, sa panahon ng paghahari ni Jesu-Kristo mula sa langit, titiyakin niya na ang lupa ay magiging isang paraiso. Pagkatapos ang magnanakaw na iyon, pati na ang bilyun-bilyong iba pang mga patay na tao, ay bubuhaying-muli sa buhay. Kung ang mga binuhay-muling iyon ay ‘gagawa ng mabubuting bagay,’ hindi na sila muling mamamatay; ang kanilang pagkabuhay-muli ay magiging “isang pagkabuhay-muli sa buhay.”—Juan 5:28, 29.
Ngunit binabanggit din ng Bibliya ang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng bansa” na kailanma’y hindi na mangangailangan ng isang pagkabuhay-muli. Ito ang lahat ng mga taong nabubuhay ngayon na nananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Sila ay makaliligtas sa lupa kapag pinuksa ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan sa dumarating na “malaking kapighatian.” Pagkatapos niyaon sila ay patuloy na aakayin sa “mga bukal ng tubig ng buhay”—oo, sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa.—Apocalipsis 7:9, 10, 14, 17.
Ngayon pa lamang ang internasyonal na “malaking pulutong” ay angaw-angaw na ang bilang. Ikaw man ay maaaring maging kabilang sa kanila. Paano? Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos na Jehova at sa kaniyang paglalaan para sa kaligtasan. Pagkatapos, kung ikaw ay patuloy na susunod sa nakaulat sa Kawikaan 3:5, 6 at Juan 3:16, personal na mararanasan mo na ang tao ay ginawa upang mabuhay, hindi upang mamatay.—Apocalipsis 21:3-5.
[Larawan sa pahina 23]
Sino ang hindi nagnanais makatakas sa mga epekto ng pagtanda?
[Larawan sa pahina 25]
Personal na mararanasan ng angaw-angaw na nabubuhay ngayon na ang tao ay ginawa upang mabuhay, hindi upang mamatay
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga pinsala ng pagtanda ay babaligtarin sa bagong sanlibutan ng Diyos