Bakit Tayo Tumatanda?
“Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.”—JOB 14:1.
MARAHIL iniisip mo na ang lahat ng buháy na nilalang ay talagang humihina habang tumatanda. Ang mga sasakyan at mga makinang panahi na ginagamit araw-araw ay hindi na gagana pagtagal-tagal. Hindi nakapagtatakang maisip ng isa na ang mga hayop ay tumatanda at namamatay sa gayunding paraan. Ngunit ganito ang paliwanag ng propesor ng zoology na si Steven Austad: “Ibang-iba ang buháy na mga organismo sa mga makina. Marahil ang pinakamahalagang katangian ng buháy na mga organismo na nagpapaiba sa kanila ay, sa katunayan, ang kanilang kakayahang kumpunihin ang kanilang sarili.”
Kahanga-hanga ang pagkukumpuni ng iyong katawan sa napipinsalang mga bahagi nito, ngunit sa ilang aspekto ay higit na kamangha-mangha ang ginagawa nitong regular na pagkukumpuni. Kuning halimbawa ang iyong mga buto. “Mukhang walang buhay ito, ngunit ang buto ay buháy na himaymay na walang tigil sa pagsira at pagbuong muli sa sarili nito sa buong panahon ng pagkaadulto,” ang paliwanag ng magasing Scientific American. “Dahil sa prosesong ito ng pagbuong muli, napapalitan ang buong kalansay ng katawan kada 10 taon.” Mas madalas na napapanibago ang iba pang bahagi ng iyong katawan. Ang ilang selula sa iyong balat, atay, at bituka ay malamang na halos araw-araw napapalitan. Ang iyong katawan ay gumagawa ng 25 milyong bagong selula bawat segundo bilang panghalili. Kung hindi ito ginagawa ng iyong katawan at lahat ng bahagi nito ay hindi kukumpunihin o papalitan, bata ka pa lamang ay magsisimula ka nang tumanda.
Nang pag-aralan ng mga biyologo ang mga molekula ng buháy na mga selula, lalong lumitaw ang katotohanang hindi nasisira ang katawan dahil sa tagal ng paggamit dito. Kapag napapalitan ng bago ang iyong mga selula, ang bawat bagong selula ay dapat na may kopya ng iyong DNA, ang molekula na naglalaman ng maraming impormasyong kailangan upang mabuong muli ang iyong katawan. Gunigunihin kung gaano karaming beses nang kinopya ang DNA, hindi lamang sa katawan mo habang nabubuhay ka, kundi noong pasimula pa lamang ng buhay ng tao! Upang maunawaan kung gaano kamangha-mangha ito, isipin mo kung ano ang mangyayari kung magpapaseroks ka ng isang dokumento at gagamitin mo ang seroks na kopyang ito upang gumawa ng panibagong mga kopya. Kung paulit-ulit mo itong ipaseseroks, ang kalidad ng mga kopya na lalabas ay hindi na magiging kasingganda ng nauna at hindi na mababasa sa kalaunan. Mabuti na lamang at ang kalidad ng ating DNA ay hindi nagbabago o nasisira habang paulit-ulit na kinokopya ito sa paggawa ng panibagong mga selula. Bakit? Sapagkat may iba’t ibang paraan ang ating mga selula para ayusin ang mga pagkakamali sa DNA habang gumagawa ito ng mga kopya. Kung hindi ito totoo, ang sangkatauhan ay matagal na sanang naging bunton ng alabok!
Yamang ang lahat ng bahagi ng ating katawan—mula sa malalaking bahagi hanggang sa pagkaliliit na mga molekula—ay patuloy na pinapalitan o kinukumpuni, ang tagal ng paggamit dito ay hindi masasabing siyang dahilan ng pagtanda. Maraming taon nang kusang kinukumpuni o pinapalitan ng maraming sistema ng ating katawan ang sarili nito, sa iba’t ibang paraan at bilis. Kung gayon, bakit kaya sabay-sabay na humihintong gumana ang lahat ng sistemang ito?
Nakaprograma ba ang Pagtanda?
Bakit nabubuhay nang 20 taon ang alagang pusa, samantalang ang kasinlaki nitong opossum ay nabubuhay lamang nang 3 taon?a Bakit nabubuhay ang paniki nang 20 o 30 taon, samantalang 3 taon lamang ang daga? Bakit nabubuhay ang higanteng pawikan nang 150 taon, samantalang ang elepante ay 70 taon lamang? Ang ganitong malaking pagkakaiba sa haba ng buhay ng mga nilalang ay hindi kayang ipaliwanag ng mga salik na gaya ng pagkain, timbang ng katawan, laki ng utak, o antas ng paglaki nito at paggamit ng lakas habang nabubuhay. Ganito ang sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Sa loob ng iyong henetikong kodigo, may mga instruksiyon na nagsasabi kung hanggang anong edad lamang maaaring mabuhay ang isa.” Ang haba ng buhay ay nakarekord sa mga gene. Ngunit habang papalapit ang isa sa hangganang iyon ng kaniyang buhay, ano ang nagiging dahilan ng paghinto ng mga sistema ng kaniyang katawan?
Ganito ang isinulat ng molecular biologist na si Dr. John Medina: “Tila may misteryosong mga signal na kusa na lamang lumilitaw sa partikular na mga panahon at nagsasabi sa may-gulang na mga selula na huminto na sa karaniwang trabaho nito.” Sinabi rin niya: “May mga gene na nag-uutos sa mga selula, at sa buong organismo pa nga, na tumanda na ito at mamatay.”
Ang ating katawan ay maaaring ihambing sa isang kompanya na matagumpay na pinatatakbo sa loob ng maraming taon. Bigla na lamang, ang mga manedyer nito ay huminto nang kumuha at magsanay ng mga empleado, magkumpuni at magpalit ng mga makina, at magmantini at mag-ayos ng mga pasilidad. Hindi magtatagal at magsisimula nang bumagsak ang negosyo nito. Ngunit bakit binago ng mga manedyer na iyon ang kanilang matagumpay na pamamalakad? Ang katanungan ding iyan ang napapaharap sa mga biyologo na nag-aaral tungkol sa pagtanda. Sinasabi ng aklat na The Clock of Ages: “Sa pananaliksik hinggil sa pagtanda, ang isa sa pinakamalaking misteryo ay kung bakit humihinto ang mga selula sa pagdami at namamatay.”
Mapipigilan ba ang Pagtanda?
Ang pagtanda ay tinaguriang “pinakamasalimuot na biyolohikal na problema.” Makalipas ang mga dekada ng pag-aaral, hindi pa rin natutuklasan ng mga siyentipiko sa kanilang mga pananaliksik ang sanhi ng pagtanda, ni ang paraan upang mapigilan ito. Noong 2004, inilathala ng magasing Scientific American ang isang babala mula sa 51 siyentipiko na nag-aaral hinggil sa pagtanda. Sinabi nito: “Hanggang sa kasalukuyan, walang anumang ibinebentang produkto—talagang wala—na makapagpapabagal, makapagpapahinto o makapagpapabago sa epekto ng pagtanda ng tao.” Bagaman nakatutulong ang masustansiyang pagkain at ehersisyo upang bumuti ang iyong kalusugan at mabawasan ang panganib na mamatay ka nang maaga dahil sa sakit, wala pang napatunayang anumang bagay na makapagpapabagal sa pagtanda. Ang mga konklusyong ito ay nagpapaalaala sa atin sa mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Bibliya: “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?”—Mateo 6:27.
Bilang konklusyon sa pagsulong ng pagsisikap na makasumpong ng lunas sa pagtanda, isinulat ni Medina: “Hindi talaga natin alam kung bakit tayo tumatanda. . . . Mula nang simulan natin ang pakikipaglaban sa kanser ilang dekada na ang nakalilipas, wala pa rin tayong natutuklasang gamot para rito. At ang proseso ng pagtanda ay higit na komplikado kaysa sa mga sanhi ng kanser.”
Ang Napakahalagang Konklusyon ng Pananaliksik
Ang mga resulta ng pananaliksik hinggil sa kung paano nabubuhay ang mga nilalang at kung bakit sila tumatanda ay hindi naman nangangahulugang wala na tayong pag-asang mabuhay nang mas mahaba. Inakay ang ilan ng kanilang pananaliksik sa iisang konklusyon na napakahalaga sa pag-unawa sa dahilan ng pagtanda. Ganito ang isinulat ng molecular biochemist na si Michael Behe: “Nitong nakalipas na apat na dekada, natuklasan na ng modernong biyokemistri ang mga lihim ng selula. . . . Ang resulta ng pinagsama-samang pagsisikap na ito na pag-aralan ang selula—pag-aralan ito hanggang sa pagkaliliit na molekula—ay ang maliwanag, di-matututulang katotohanan na ‘may nagdisenyo’ nito!” Ang buháy na mga nilalang ay may matalinong disenyador. Sabihin pa, hindi lamang si Behe ang nagkaroon ng ganitong konklusyon. Matapos magbulay-bulay hinggil sa kayarian ng katawan ng tao, isinulat ng salmista noong sinauna: “Sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”—Awit 139:14.
Kung ang lahat ng buháy na nilalang ay idinisenyo, bumabangon ang nakaiintrigang tanong, Ang mga tao kaya ay nilikha ng Diyos, ang Dakilang Disenyador, para mabuhay na kasinghaba lamang ng buhay ng maraming hayop, o nais niyang mabuhay tayo nang mas mahaba pa kaysa sa mga hayop?
[Talababa]
a Ang common opossum na matatagpuan sa Hilagang Amerika ay kapamilya ng kanggaru.
[Blurb sa pahina 6]
‘Kamangha-mangha ang pagkakagawa sa atin’
[Larawan sa pahina 4]
Ang matagal na paggamit ba sa katawan ang sanhi ng pagtanda?
[Picture Credit Line sa pahina 6]
DNA: Photo: www.comstock.com