Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 5—c. 1000—31 B.C.E.—Gawa-gawang Diyos na Walang Halaga
“Ang bawat relihiyon ay nagmula sa Asia.”—kawikaang Haponés
ANG mga Haponés ay tama. Ang ugat ng relihiyon ay matutunton sa Asia. Mas espisipiko, ang pangunahing mga turo at gawain ng relihiyon na masusumpungan sa mga relihiyon ng daigdig ay nagmula sa sinaunang Babilonya, na nasa Asia.
Bilang patotoo, ang aklat na The Religion of Babylonia and Assyria ay nagsasabi: “Nadama ng Ehipto, Persia, at Gresya ang impluwensiya ng relihiyong Babiloniko . . . Ang malakas na pagkakahalo ng Semitikong mga elemento kapuwa sa unang mitolohiyang Griego at sa mga kultong Griego ay lubhang inaamin ngayon ng mga iskolar upang huwag nang humiling ng karagdagang komento. Ang Semitikong mga elementong ito sa kalakhang bahagi ay lalo nang Babiloniko.”
Ang Babilonikong mga elemento ng mitolohiyang Griego ay madaling isinama sa unang relihiyong Griego, na, sang-ayon sa The Encyclopedia of Religion, ay “walang banal na aklat kung saan inaayos ang katotohanan minsan at magpakailanman . . . Sapat na ito sa isang taong nagsasagawa ng mga ritwal upang paniwalaan ang maraming kuwentong natutuhan sa pagkabata. Ang bawat kuwentong ito ay umiral sa maraming bersiyon, nagpapahintulot ng malawak na palugit ng interpretasyon.”
Kahawig ng gayong mga kuwento yaong mga binanggit sa Iliad at sa Odyssey ni Homer, isang kilalang makatang Griego marahil noong ikawalo o ikasiyam na siglo B.C.E. Ang kaniyang mga gawa, itinatampok ang mga kaugnayan sa pagitan ng gawa-gawang mga diyos sa Bundok Olympus at ng mga tao, pati na ang nasa pagitan na tulad-diyos na mga mortal na sinasamba bilang mga bayani, ay naging handang bukal kung saan maaaring humalaw ang relihiyong Griego. Iyan ang dahilan, sabi ng manunulat na si G. S. Kirk, “na nagsasanib ang alamat at relihiyon.”
Ang relihiyong Griego ay humalaw rin mula sa iba pang bukal. Binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica na “ang Helenistikong daigdig, na pabor sa lihim na mga relihiyon taglay ang pantanging sigasig, ay tinanggap [mula sa Ehipto] ang mga kulto ni Osiris, Isis, at Horus.” Mula roon “ito ay lumaganap sa buong Imperyo ng Roma.” Paano nangyari ito?
Binihag ng Mitolohiyang Griego ang Roma
Ang unang mga ninuno ng mga Romano ay nagsasagawa ng payak na relihiyon na naniniwalang ang mga diyos ay impersonal na mga espiritu na naninirahan sa materyal na mga anyo ng lahat ng uri. Isa itong relihiyon ng pamahiin na kinikilala ang mga pangitain at mahikong mga katangian ng mga halaman o mga hayop. Ito’y nagdaraos ng taunang mga kapistahan, gaya ng Saturnalia sa Disyembre, kung kailan ang mga tao ay nagpapalitan ng mga regalo. Inilalarawan ito ng aklat na Imperial Rome bilang “isang relihiyon ng anyo, ng ritwal, na may kaunting pagdiriin sa espirituwal. Ang Romano ay gumagawa ng isang kasunduan sa kaniyang mga diyos—gumawa ka ng isang bagay para sa akin at gagawa naman ako ng isang bagay para sa iyo—at ang kaniyang relihiyon ay masugid na pagsunod sa kasunduang iyon.” Ito ang gumawa ng isang espirituwal na tigang na relihiyon, nagpangyari sa mga Romano na hanapin ang espirituwal na pagkain sa ibang dako.
Ang mas maluhong relihiyosong mga kapistahan, gayundin ang paggamit ng mga templo, mga istatuwa, at mga imahen, ay ipinakilala nang dakong huli ng mga Etruscano.a Sinasabi ng aklat ding iyon na sila rin “ang nagbigay sa Roma ng pinakamaagang pakikitungo sa mga diyos at diyosang Griego, marami rito ay tinanggap sa wakas ng mga Romano nang walang pagbabago.” Hindi nagtagal masasabing “ang relihiyon sa Roma ay nagtataglay ng maraming mukha at maraming pangalan: bawat bagong bayan na nakakatagpo ng mga Romano sa pamamagitan ng pagsalakay o kalakal ay waring nakaragdag sa panteong Romano.”
Ang unang mga klerong Romano ay hindi inaasahang maging espirituwal o moral na mga lider. Sapat na, sabi ng Imperial Rome, para sa kanila na makilala “ang wastong anyo ng pagtawag sa diyos, ang mga pagbabawal may kaugnayan sa kaniyang pagsamba, at ang masalimuot na liturhiya.” Kabaligtaran sa karaniwang mga tao, kilala bilang mga mababang uri at hindi maaaring humawak ng mataas na tungkulin, ang kilalang mga klerigo ay nagkamit ng dakilang mga kapangyarihan sa pulitika at sa lipunan.
Sa gayon, sa loob halos ng isang libong taon, mula sa panahon ni Homer patuloy, ang mitolohiyang Griego ay lubhang nakaimpluwensiya sa mga relihiyon kapuwa sa Gresya at sa Roma anupa’t ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang kahalagahan ng mitolohiyang Griego sa intelektuwal, artistiko, at emosyonal na kasaysayan ng Kanluraning tao ay hindi lubhang matataya.” Sa paano man sa relihiyosong paraan, si Horace, isang makatang Latin noong unang siglo B.C.E., ay tama nang sabihin niya: “Binihag ng bihag na Gresya ang Roma.”
Isang Griegong Diyos ang Umaabante
Si Alexander III ay isinilang noong 356 B.C.E. sa Pella sa Macedonia. Pinalaki sa maharlikang kapaligiran, tinamasa niya ang pagtuturo ng kilalang pilosopong Griego na si Aristotle, na tumulong sa kaniya na magkaroon ng interes sa pilosopya, medisina, at siyensiya. Ang sakop ng pilosopikal na mga turo ni Aristotle na umugit sa paraan ng pag-iisip ni Alexander ay isang bagay na pinagtatalunan. Subalit walang gaanong pag-aalinlangan tungkol sa epekto sa kaniya ni Homer, sapagkat si Alexander, isang masugid na mambabasa, ay nahuhumaling sa mga alamat na isinulat ni Homer. Sa katunayan, sinasabing saulado niya ang Iliad, isang kahanga-hangang gawa, yamang ito ay nangangahulugan ng pagsasaulo ng 15,693 mga taludtod ng tula.
Sa edad na 20 anyos, pagkaraang ang ama niya ay pataksil na patayin, si Alexander ang humalili sa trono ng Macedonia. Sinimulan niya agad ang isang kampaniya ng pananalakay at sa wakas ay inani niya ang titulong Alejandrong Dakila. Kinikilala ng lahat bilang isa sa pinakadakilang militar na tao sa lahat ng panahon, ang kaniyang kadakilaan ay nagtaas sa kaniya sa pagka-diyos. Bago at pagkamatay niya, ang pagka-diyos ay ipinatungkol sa kaniya.
Pinaalis ni Alexander ang mga Persiano mula sa Ehipto, kung saan siya ay ibinunyi bilang isang tagapagligtas. Ang aklat na Man, Myth & Magic ay nagsasabi: “Siya ay tinanggap bilang Faraon at nang dalawin niya ang orakulo ng diyos na si Ammon . . . siya ay pormal na ibinunyi ng mga saserdote bilang ‘anak ni Ammon.’” Ang pangyayaring ito ay nagpapaliwanag sa kuwento na siya ang anak ni Zeus, ang punong diyos ng panteong Griego.
Si Alexander ay tumulak pasilangan, sa wakas ay narating niya ang mga bahagi ng India. Habang daan ay nasakop niya ang Babilonya, kung saan galing ang maraming ideyang masusumpungan sa mga alamat at relihiyon ng kaniyang lupang tinubuan. Angkop samakatuwid na binalak niyang gawin itong kabisera ng kaniyang imperyo. Subalit noong Hunyo 13, 323 B.C.E., pagkatapos maghari ng mahigit 12 taon lamang, ang dakilang diyos na Griego ay natigilan—namatay sa gulang na 32!
Isang Sinasambang Romanong Diyos
Ang lungsod ng Roma ay itinatag sa kalapit na peninsula ng Italya noong kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E., mga dantaon bago naabot ng Gresya ang tugatog nito sa kapangyarihang pandaigdig sa ilalim ni Alexander. Pagkamatay ni Alexander, ang kapangyarihang pandaigdig ay marahang lumipat sa direksiyon ng Roma. Si Heneral Julius Cesar, pinuno ng estadong Romano, ay pataksil na pinatay noong 44 B.C.E., at pagkaraan ng mga 13 taon ng kaguluhan, tinalo ng kaniyang ampong anak na si Octavian ang kaniyang mga kalaban at humayo upang itatag ang Imperyo ng Roma noong 31 B.C.E.
Tinatawag ng Imperial Rome si Octavian na ang “pinakadakila sa maraming emperador ng Roma,” sinasabi na “tinawag siyang Augustus ng mga Romano, na nangangahulugang ‘ang pinagpipitaganan,’ at ibinunyi siya ng mga pinunong relihiyoso bilang isang diyos.” Upang patunayan ang mga opinyong ito, si Augustus ay nagpagawa ng pantatak na mga singsing na may larawan niya at ni Alexander, na nauna sa kaniya. Si Augustus nang dakong huli ay ginawang diyos ng Senadong Romano, at mga dambana ay itinayo sa buong imperyo sa karangalan niya.
Naging Marapat ba Sila sa Pangalan?
Ngayon, walang sinuman ang maglalagak ng kaniyang pag-asa para sa pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan sa mga kamay ng Romano o Griegong mga diyos—hindi sa gawa-gawang mga diyos na nagpuno sa Bundok Olympus, ni sa tunay na mga tao na nagpupuno sa pulitikal na mga trono. Gayunman, mula sa kanilang Asiatikong pinagmulan hanggang sa mga araw na ito, patuloy na inililigaw ng huwad na mga relihiyon ang mga tao sa paglalagak ng kanilang tiwala sa gawa-gawang mga diyos na nagtataglay ng pangalan subalit walang halaga. Angkop naman, isinulat ng kinagigiliwan ni Alexander na si Homer sa Iliad: “Walang saysay nga, kung walang halaga, ang pangalan.”
Sinasabing ipinalalagay ng sinaunang mga Griego ang Iliad “bilang isang pinagmumulan ng moral, at praktikal pa nga, na tagubilin.” Ngayon, maraming iba pang mga akda na gayundin ang turing. Kung paano wastong tatasahin ang gayong pinakamabiling mga aklat ng relihiyon ang magiging paksa ng aming artikulo sa labas ng Marso 22.
[Talababa]
a Ang pinagmulan ng mga Etruscano ay kontrobersiyal, subalit ang teoriya na malawakang itinataguyod ay na sila ay nandayuhan sa Italya mula sa Aegeo-Asian na dako noong ikawalo o ikapitong siglo B.C.E., dala-dala nila ang kultura at relihiyon ng Asia.
[Kahon sa pahina 23]
Malaganap na Debosyong Griego
Ang sinaunang mga Griego ay walang espisipikong salita para sa relihiyon mismo. Ginagamit nila ang katagang eu·seʹbei·a, na maaaring isalin bilang “kabanalan,” “wastong asal may kaugnayan sa mga diyos,” “pagpipitagan nang husto,” at “maka-Diyos na debosyon.”b
Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang relihiyong Griego, sa ganap na anyo nito, ay tumagal ng mahigit na isang libong taon, mula sa panahon ni Homer (marahil noong ika-9 o ika-8 siglo BC) hanggang sa paghahari ni emperador Julian (ika-4 na siglo AD), bagaman ang mga pinagmulan nito ay matutunton sa pinakamalayong panahon. Noong panahong iyon ang impluwensiya nito ay kumalat hanggang sa malayong kanluran sa Espanya, sa silangan sa Indus, at sa buong daigdig ng Mediteraneo. Ang epekto nito ay kitang-kita sa mga Romano, na kinikilala ang kanilang mga diyos sa mga Griego. Sa ilalim ng Kristiyanismo, ang mga bayaning Griego at pati na ang mga diyos ay nakaligtas bilang mga santo, samantalang ang kalabang mga madonna ng mga pamayanan sa timugang Europa ay nagpapabanaag ng kasarinlan ng lokal na mga kulto.”
Kailangang harapin ng unang mga Kristiyano ang mga mananamba ng huwad na mga diyos ng mga Griego at mga Romano. Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi sa atin: “At ang karamihan, nang makita nila ang ginawa ni Pablo, ay nagsigawan, na sinasabi sa wikang Licaonia: ‘Ang mga diyos ay nagsibaba sa atin sa anyo ng mga tao!’ At tinawag nilang Zeus [namumunong diyos ng panteong Griego] si Bernabe, at Hermes [diyos na naglilingkod bilang mensahero ng iba pang diyos] si Pablo, sapagkat siya ang nangunguna sa pagsasalita. At ang mga saserdote ni Zeus, na ang templo ay nasa harap ng lungsod, ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-bayan at ibig maghaing kasama ng mga karamihan. Datapuwat, nang marinig ito ng mga apostol na si Bernabe at si Pablo, hinapak nila ang kanilang panlabas na mga kasuotan at nagsipanakbo sa gitna ng karamihan, na nagsisigaw at nagsisipagsabi: ‘Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami’y mga tao ring may mga karamdamang gaya ninyo, at naghahayag ng mabubuting balita sa inyo, upang mula sa mga bagay na itong walang kabuluhan ay magsibalik kayo sa Diyos na buháy, na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng nasa mga iyon.’”—Gawa 14:11-15.
[Talababa]
b Tingnan ang 1 Timoteo 4:7, 8 sa The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Tsart/Mga larawan sa pahina 24]
Griego at Romanong mga Diyos
Maraming diyos at diyosa sa mitolohiyang Griego ang may katulad na mga tungkulin sa mitolohiyang Romano. Inililista ng talaan sa ibaba ang ilang mahalagang Griego at Romanong mga diyos.
Griego Romano Tungkulin
Aphrodite Venus Diyosa ng pag-ibig
Apollo Apollo Diyos ng liwanag,
medisina, at tula
Ares Mars Diyos ng digmaan
Artemis Diana Diyosa ng pangangaso at
panganganak
Asclepius Aesculapius Diyos ng paggaling
Athena Minerva Diyosa ng mga kasanayan,
digmaan, at karunungan
Cronus Saturno Sa mitolohiyang Griego,
pinuno ng mga Titan
at ama ni Zeus; sa
mitolohiyang Romano,
diyos din ng agrikultura
Demeter Ceres Diyosa ng mga bagay na
lumalago
Dionysus Bacchus Diyos ng alak,
palaanakin, at marahas
na ugali
Eros Kupido Diyos ng pag-ibig
Gaea Terra Sagisag ng lupa,
at ina at asawa ni
Uranus
Hephaestus Vulcan Panday ng mga diyos
at diyos ng apoy at
paggawa ng bakal
Hera Juno Tagapagtanggol ng
pag-aasawa at mga babae.
Sa mitolohiyang Griego,
kapatid at asawa ni
Zeus; sa mitolohiyang
Romano, asawa ni Jupiter
Hermes Mercury Mensahero ng mga diyos;
diyos ng kalakal at
siyensiya; at
tagapagtanggol ng mga
manlalakbay, magnanakaw,
at mga taong palaboy
Hestia Vesta Diyosa ng dapog
Hypnos Somnus Diyos ng tulog
Pluto, o Pluto Diyos ng libingan, Hades
Poseidon Neptune Diyos ng dagat. Sa
mitolohiyang Griego,
diyos din ng mga lindol
at ng mga kabayo
Rhea Ops Asawa at kapatid
ni Cronus
Uranus Uranus Anak at asawa ni Gaea
at ama ng mga Titan
Zeus Jupiter Pinuno ng mga diyos
Pinagmulan: “The World Book Encyclopedia,” edisyong 1987, Tomo 13, pahina 820
[Mga larawan]
Hermes
Diana
Asclepius
Jupiter
[Credit Lines]
Pinagmulan ng larawan: Hermes, Diana, at Jupiter—Sa kagandahang-loob ng British Museum, London
Asclepius—National Archaeological Museum, Atenas, Gresya
[Larawan sa pahina 20]
Atena, diyosa ng digmaan at karunungan—istatuwa sa pintuang bayan, Wesel, Alemanya
Ang huwad na mga turo ng relihiyon ay kumalat mula sa Babilonya tungo sa sinaunang daigdig