Kabanata 3
Magkakatulad na Hibla sa Mitolohiya
1-3. (a) Bakit tayo dapat maging interesado sa mga alamat? (b) Ano ang sasaklawin sa kabanatang ito?
BAKIT pa isasaalang-alang ang mitolohiya? Hindi ba ito kathang-isip lamang mula sa nakalipas? Bagaman totoo na marami ang nakasalig sa kathang-isip, ang iba naman ay nasasalig sa katotohanan. Kuning halimbawa ang mitolohiya at alamat na masusumpungan sa buong daigdig na nakasalig sa katotohanan ng pandaigdig na Delubyo, o Baha, na isinasalaysay ng Bibliya.
2 Ang isang dahilan ng pagsasaalang-alang sa mga alamat ay sapagkat saligan ito ng mga paniwala at rituwal na masusumpungan pa rin sa mga relihiyon ngayon. Halimbawa, ang paniwala sa isang di-namamatay na kaluluwa ay matutunton mula sa mga Asiryo-Babilonikong alamat at maging sa mitolohiyang Ehipsiyo, Griyego, at Romano, magpahanggang sa Sangkakristiyanuhan, na kung saan ito ang saligang turo sa kaniyang teolohiya. Ang mga alamat ay ebidensiya na ang sinaunang tao ay naghahanap sa mga diyos, at pati na sa kahulugan ng buhay. Sa kabanatang ito ay pahapyaw na sasaklawin ang ilan sa magkakatulad na tema na lumilitaw sa mitolohiya ng pangunahing mga kultura ng daigdig. Samantalang nirerepaso natin ang mga alamat na ito, matutuklasan natin kung papaanong ang paglalang, ang Baha, ang mga diyosdiyosan at bayani, ang kawalang-kamatayan ng kaluluwa, at ang pagsamba sa araw ay paulit-ulit na lumilitaw bilang magkakatulad na hibla sa tagni-tagning kayo ng mitolohiya. Bakit nagkaganito?
3 Malimit ay may masusumpungang butil ng makasaysayang katotohanan, isang tao, o pangyayari na sa dakong huli ay pinalalaki o pinipilipit upang bumuo ng isang alamat. Isa sa makasaysayang katotohanang ito ay ang ulat ng Bibliya sa paglalang.a
Katotohanan at Kathang-Isip Hinggil sa Paglalang
4, 5. Ano ang ilan sa mga paniwala ng mitolohiyang Griyego?
4 Laganap ang mga alamat hinggil sa paglalang, subalit isa man ay hindi nagtataglay ng lohika ng ulat ng Bibliya sa paglalang. (Genesis, mga kabanatang 1, 2) Halimbawa, ang ulat na inihaharap ng Griyegong mitolohiya ay waring napakalupit. Si Hesiod ang unang Griyego na gumawa ng sistematikong pagsulat ng mitolohiya, na sumulat ng kaniyang Theogony noong ikawalong siglo B.C.E. Ipinaliliwanag niya ang pasimula ng mga diyos at ang daigdig. Nagpapasimula siya kay Gaea, o Gaia (Lupa), na nagsilang kay Urano (Langit). Kung ano ang sumunod ay ipinaliliwanag ng iskolar na si Jasper Griffin sa The Oxford History of the Classical World:
5 “Isinasalaysay ni Hesiod, na batid din ni Homer, ang paghahalihalili ng mga diyos sa langit. Si Urano ang unang naging kataastaasan, subalit sinansala niya ang kaniyang mga anak, kaya hinimok ni Gaia ang anak nitong si Cronus na kapunin siya. Pagkatapos ay nilamon naman ni Cronus ang sarili niyang mga anak, hanggang sa ibigay sa kaniya ng asawa niyang si Rhea ang isang bato upang kanin na kahalili ni Zeus; ang batang si Zeus ay pinalaki sa Creta, at pinilit ang kaniyang ama na iluwa ang kaniyang mga kapatid, at sa tulong nila at ng iba pa ay dinaig si Cronus at ang kaniyang mga Titan at saka sila ibinulid sa Tartaro.”
6. Ayon kay Jasper Griffin, saan malamang na nagmula ang karamihan ng mitolohiyang Griyego?
6 Saan kinuha ng mga Griyego ang kakatwang alamat na ito? Ang may-akda rin ay sumasagot: “Waring ito ay talagang nagmula sa Sumerya. Sa mga kuwentong silanganing ito ay matutuklasan ang paghahalihalili ng mga diyos, at ang mga tema ng pagkakapon, ng paglulunok, at ng bato, bagaman nagkakaiba-iba, ay paulit-ulit na lumilitaw sa paraan na talagang nagpapamalas na ang pagkakahawig kay Hesiod ay hindi nagkataon lamang.” Dapat tayong tumingin sa sinaunang Mesopotamya at Babilonya bilang pinagmulan ng napakaraming alamat na lumaganap sa ibang kultura.
7. (a) Bakit mahirap kumuha ng impormasyon hinggil sa sinaunang mitolohiyang Intsik? (b) Papaano ipinaliliwanag ng isang alamat-Intsik ang paglalang sa lupa at sa tao? (Ihambing ang Genesis 1:27; 2:7.)
7 Mahirap ipaliwanag ang sinaunang mga alamat ng katutubong relihiyon ng mga Intsik, pagkat maraming ulat ang nasira noong 213-191 B.C.E.b Gayunman, nanatili ang ilan, gaya niyaong naglalarawan kung papaano nabuo ang lupa. Sumulat ang isang propesor ng sining sa Oriente, si Anthony Christie: “Matututunan natin na ang Kalituhan ay gaya ng itlog ng manok. Wala pa noon ang Langit o Lupa. Mula sa itlog ay isinilang si P’an-ku, at mula sa mabibigat na elemento nito ay ginawa ang Lupa at mula naman sa magagaang na elemento ay ang Langit. Si P’an-ku ay isinasagisag ng isang duwende, na nabibihisan ng balat ng oso o ng mga dahon. Sa loob ng 18,000 taon ang agwat ng Lupa at Langit ay lumaki nang sampung piye bawat araw, at ganito rin kabilis ang paglaki ni P’an-ku kung kayat ang puwang ay napuno ng kaniyang katawan. Nang mamatay siya, ang iba’t-ibang sangkap ng katawan niya ay naging iba’t-ibang elemento ng kalikasan. . . . Ang mga pulgas sa katawan niya ay naging lahi ng tao.”
8. Ayon sa mitolohiyang Inca, papaano nagkaroon ng mga wika?
8 Mula sa Timog Amerika ipinaliliwanag ng isang alamat-Inca kung papaanong ang isang mitolohikong maylikha ay nagkaloob ng wika sa bawat bansa. “Ibinigay niya sa bawat bansa ang wika nito . . . Binigyan niya ng buhay at kaluluwa ang bawat isa pati na ang mga lalaki at babae at inutusan ang bawat bansa na lumubog sa ilalim ng lupa. Kaya ang bawat bansa ay napailalim sa lupa at lumitaw sa mga dakong iniatas sa kanila.” (The Fables and Rites of the Yncas, ni Cristóbal de Molina ng Cuzco, sinipi sa South American Mythology) Maliwanag na ang makatotohanang butil ng mitolohiyang ito ng mga Inca ay ang ulat ng Bibliya hinggil sa paglito ng mga wika sa Babel. (Genesis 11:1-9.) Subalit ibaling natin ngayon ang pansin sa Delubyo na inilalarawan sa Bibliya sa Genesis 7:17-24.
Ang Baha—Katotohanan o Alamat?
9. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga kalagayan sa lupa bago mag-Baha? (b) Ano ang dapat gawin ni Noe at ng kaniyang pamilya upang maligtas sa Baha?
9 Kung babalik tayo nang 4,500 taon sa nakalipas, sa 2,500 B.C.E., sinasabi ng Bibliya na ang mapaghimagsik na mga espiritung anak ng Diyos ay nagbihis ng katawang-tao at “nagsikuha ng kanikaniyang asawa.” Ang di-likas na pagpapalahing ito ay nagluwal ng mararahas na Nepilim, ang mga “makapangyarihan noong unang panahon, na mga lalaking bantog.” Ang kanilang tampalasang paggawi ay lubhang nagpasamâ sa daigdig bago ang Baha anupat nagpasiya si Jehova: “ ‘Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa . . . sapagkat pinagsisisihan ko na aking nilalang sila.’ Datapwat si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova.” At ipinagpapatuloy ng ulat ang tiyak at praktikal na mga hakbang na kinuha ni Noe upang iligtas ang sarili mula sa Baha, kasama ang kaniyang pamilya at ang iba’t-ibang uri ng mga hayop.—Genesis 6:1-8, Genesis 6:13–8:22; 1 Pedro 3:19, 20; 2 Pedro 2:4; Judas 6.
10. Bakit hindi dapat ituring na alamat ang ulat ng Bibliya hinggil sa Baha?
10 Ayon sa makabagong mga kritiko alamat lamang ang ulat ng Genesis sa mga pangyayari bago mag-Baha. Gayunman, ang kasaysayan ni Noe ay tinanggap at pinaniwalaan ng tapat na mga taong gaya nina Isaias, Ezekiel, Jesu-Kristo, at nina apostol Pedro at Pablo. Sinusuhayan din ito ng bagay na ito ay maaaninaw sa napakaraming mitolohiya ng daigdig, pati na sa sinaunang Alamat ni Gilgames at maging sa mga alamat ng Tsina at ng mga Aztec, Inca, at Maya. Taglay sa isipan ang ulat ng Bibliya, isaalang-alang natin ang Asiryo-Babilonikong mitolohiya at ang pagtukoy nito sa isang baha.c—Isaias 54:9; Ezekiel 14:20; Mateo 24:37; Hebreo 11:7.
Ang Baha at ang Diyos-Taong si Gilgames
11. Saan nasasalig ang kaalaman natin hinggil sa Alamat ni Gilgames?
11 Kung babalik tayo nang mga 4,000 taon sa kasaysayan, matatagpuan natin ang tanyag na mitolohiyang Akkadiyano na Epic of Gilgamesh. Ang alam natin tungkol dito ay nasasalig pangunahin na sa isang kasulatang cuneiform mula sa aklatan ni Asurbanipal na naghari sa sinaunang Nineve.
12. Sino si Gilgames, at bakit hindi siya naging tanyag? (Ihambing ang Genesis 6:1, 2.)
12 Salaysay ito tungkol sa mga kabayanihan ni Gilgames, na inilalarawan bilang dalawang-katlong bahagi na diyos at isang-katlong bahagi na tao, o isang mestisong diyos. Ang isang bersiyon ng epic ay nagsasaad: “Sa Uruk ay nagtayo siya ng mga pader, isang napakalaking kuta, at ng templo ng pinagpalang si Eanna para sa diyos ng papawirin na si Anu, at para kay Istar na diyosa ng pag-ibig . . . . , ang ating ginang ng pag-ibig at digmaan.” (Tingnan ang kahon, pahina 45, ukol sa talaan ng Asiryo-Babilonikong mga diyos at diyosa.) Gayunman, walang nasisiyahan kapag si Gilgames ay nasa sa paligid. Nagreklamo sa mga diyos ang mga mamamayan ng Uruk: “Sa sobrang kalibugan wala na siyang pinapatawad na birhen kahit ito’y may katipan na, maging ang anak na babae ng mandirigma ni ang asawa ng isang mahal na tao.”
13. (a) Anong aksiyon ang ginawa ng mga diyos at ano ang ginawa ni Gilgames? (b) Sino si Utnapistim?
13 Anong aksiyon ang itinugon ng mga diyos sa protesta ng taong-bayan? Si Enkidu ay nilikha ng diyosang si Aruru upang maging taong kalaban ni Gilgames. Gayunman, sa halip na maging magkaaway, ang dalawa’y naging matalik na magkaibigan. Nang maglaon, si Enkidu ay namatay. Litung-lito, si Gilgames ay napaiyak: “Kapag namatay ako, hindi ba ako magiging gaya ni Enkidu? Kaabahan ay nasok sa aking tiyan. Nangangambang mamatay, ako’y pagala-gala sa ilang.” Hinangad niyang matuklasan ang lihim ng kawalang-kamatayan kaya sinikap niyang hanapin si Utnapistim, ang nakaligtas sa delubyo at pinagkalooban ng kawalang-kamatayan na kasama ng mga diyos.
14. (a) Ano ang iniutos kay Utnapistim? (Ihambing ang Genesis 6:13-16.) (b) Ano ang kinalabasan ng maka-alamat na paglalakbay ni Gilgames?
14 Nang maglao’y nasumpungan ni Gilgames si Utnapistim, na nagsalaysay sa kaniya tungkol sa baha. Gaya ng sinasabi sa kasulatang XI ng Alamat, ang Kasulatan ng Baha, inulit ni Utnapistim ang mga tagubiling ibinigay sa kaniya tungkol sa baha: “Gibain ang bahay (na ito), magtayo ng isang barko! Itakwil ang mga ari-arian, hanapin mo ang buhay. . . . Isakay mo sa barko ang binhi ng bawat bagay na nabubuhay.” Hindi ba nakakahawig ito ng ulat ng Bibliya hinggil kay Noe at sa Baha? Ngunit hindi maaaring ipagkaloob ni Utnapistim ang kawalang-kamatayan kay Gilgames. Bigung-bigo, si Gilgames ay umuwing pabalik sa Uruk. Ang ulat ay nagtatapos sa kaniyang pagkamatay. Ang pangkalahatang mensahe ng alamat ay ang kalungkutan at kawalang-pag-asa ng kamatayan at ng kabilang-buhay. Ang Diyos ng katotohanan at pag-asa ay hindi natuklasan ng mga sinaunang ito. Gayumpaman, napakaliwanag ang pagkakaugnay ng alamat na ito sa payak na ulat ng Bibliya hinggil sa panahon bago mag-Baha. Bumaling tayo ngayon sa ulat ng Baha ayon sa pagsasalaysay rito ng iba pang alamat.
Alamat ng Baha sa Ibang Kultura
15. Bakit tayo interesado sa alamat ng Sumerya sa baha?
15 Mas nauna pa sa ulat ng Alamat ni Gilgames ay ang mitolohiyang Sumeryano na naghaharap kay “Ziusudra, katumbas ng maka-biblikong si Noe, na inilalarawan bilang isang haring banal at maytakot-sa-diyos, na laging nag-aabang ng banal na mga kapahayagan sa mga panaginip o orasyon.” (Ancient Near Eastern Texts Relating to the Old Testament) Ayon din sa reperensiyang ito, ang alamat ay “naghaharap ng pinakamalapit at pinaka-litaw na pagkakatulad sa maka-biblikong materyal na kailanma’y natuklasan sa panitikang Sumeryano.” Ang mas nahuling mga kabihasnan ng Babilonya at Asirya ay naimpluwensiyahan ng sa Sumerya.
16. Saan maaaring nagmula ang mga alamat-Intsik hinggil sa baha?
16 Sinasabi ng aklat na China—A History in Art na ang isa sa sinaunang tagapamahala ng Tsina ay si Yü, “manlulupig ng Dakilang Baha. Pinaagos ni Yü ang mga tubig-baha tungo sa mga ilog at dagat upang may matirahan ang kaniyang mga sakop.” Ganito ang isinulat ng eksperto sa mitolohiya na si Joseph Campbell hinggil sa “Yugto ng Dakilang Sampu” ng mga Intsik: “Sa mahalagang panahong ito na nagtatapos sa isang Delubyo, sampung emperador ang itinatala noong maagang panahon ng mitolohiyang Chou. Kaya, lumilitaw na ito ay isang lokal na bersiyon ng serye ng talaan ng matatandang haring Sumeryano.” Pagkatapos ay binanggit ni Campbell ang iba pang punto mula sa mga alamat-Intsik na waring “sumusuporta sa pangangatuwiran na ito’y galing sa Mesopotamya.” Dinadala tayong pabalik nito sa iisang saligang pinagmulan ng napakaraming mga alamat. Gayumpaman, ang salaysay ng Baha ay lumitaw din sa Amerika, sa Mehiko bilang halimbawa, noong ika-15 at -16 na siglo C.E, na panahong-Aztec.
17. Anong mga alamat hinggil sa baha ang taglay ng mga Aztec?
17 Ang mitolohiyang Aztec ay bumabanggit ng apat na naunang kapanahunan, at sa una sa mga ito ang lupa ay pinanahanan ng mga higante. (Nagpapaalaala pa rin ito sa mga Nepilim, ang mga higante na binabanggit sa Bibliya sa Genesis 6:4.) May alamat sila tungkol sa isang sinaunang baha na kung saan “nagsalubong ang mga tubig sa itaas at sa ibaba, anupat napawi ang abot-tanaw at ang lahat ay naging isang walang-hanggang kosmikong karagatan.” Si Tlaloc ang diyos ng ulan at tubig. Gayunman, napakataas ang halaga ng kaniyang ulan at ipinagkaloob lamang na “kapalit ng dugo ng inialay na mga biktima na ang umaagos na luha ay kahawig ng ulan at naging dahilan upang bumuhos ito.” (Mythology—An Illustrated Encyclopedia) Ayon sa isa pang alamat ang ikaapat na panahon ay pinagharian ni Chalchiuhtlicue, diyosa ng tubig, nang ang sansinukob ay malipol dahil sa baha. Ang mga tao ay naligtas nang sila’y maging isda!
18. Anong mga ulat ang laganap sa mitolohiya ng Timog Amerika? (Ihambing ang Genesis 6:7, 8; 2 Pedro 2:5.)
18 Kahawig nito, ang mga Inca ay may mga alamat din ng Baha. Sinabi ng Ingles na manunulat na si Harold Osborne: “Marahil ang pinakamalaganap na katangian ng mitolohiya ng Timog Amerika ay ang mga kuwento ng delubyo . . . Ang mga alamat ng delubyo ay laganap-na-laganap sa mga taga-bundok at maging sa mga tribo sa kapatagan. Ang delubyo ay karaniwan nang iniuugnay sa paglalang at kasabay ng paghahayag ng isang diyos-na-maylikha. . . . Kung minsan ito ay itinuturing na banal na kaparusahan na lumipol sa buong sangkatauhan bilang paghahanda sa isang bagong lahi.”
19. Ilarawan ang alamat ng mga Maya hinggil sa baha.
19 Kahawig nito, ang mga Maya sa Mehiko at Sentral Amerika ay may alamat din ng pandaigdig na delubyo, o haiyococab, na nangangahulugang “tubig sa ibabaw ng lupa.” Iniulat ni Las Casas, Katolikong obispo, na ang mga Indiyan sa Guatemala ay “tumukoy dito bilang Butic, na nangangahulugan ng baha ng maraming tubig at ng pangwakas na paghatol, at naniwala sila na may darating pa uling isang Butic, na isa pang baha at paghatol, hindi ng tubig, kundi ng apoy.” Marami pang alamat ng baha ang umiiral sa buong daigdig, subalit sapat na ang mga nabanggit upang makilala ang pinagkunan ng alamat, ang makasaysayang salaysay sa aklat ng Genesis.
Ang Palasak na Paniwala sa Kaluluwang Di-namamatay
20. Ano ang Asiryo-Babilonikong paniwala hinggil sa kabilang-buhay?
20 Sa kabila nito, hindi lahat ng alamat ay nakasalig sa katotohanan o sa Bibliya. Sa paghahanap sa Diyos, ang tao’y nangapa sa dilim, at napadala sa guni-guni ng kawalang-kamatayan. Gaya ng makikita sa kabuoan ng aklat na ito, ang paniwala sa kaluluwang hindi namamatay o mga kahawig nito ay namana natin sa paglipas ng libulibong taon. Ang mga tao sa sinaunang Asiryo-Babilonikong kultura ay naniwala sa kabilang-buhay. Nagpapaliwanag ang New Larousse Encyclopedia of Mythology: “Sa ilalim ng lupa, lampas pa sa kalaliman ng Apsu [punô ng sariwang tubig na pumapalibot sa lupa], ay ang maapoy na tahanang-dako na pinatutunguhan ng mga patay. Yaon ang ‘Lupain ng walang pagbabalik’ . . . Ang kaluluwa ng mga patay ay nasa mga dakong ito ng walang-hanggang kadiliman—edimmu—‘nabibihisan ng kasuotang pakpak, gaya ng mga ibon,’ at nagkakalahuk-lahok.” Ayon sa alamat ang daigdig sa kalaliman ay pinagharian ng diyosang si Ereshkigal, “Prinsesa ng dakilang lupa.”
21. Ayon sa paniwalang Ehipsiyo, ano ang nangyayari sa mga patay?
21 Ang mga Ehipsiyo ay may sarili ding paniwala sa kaluluwang di-namamatay. Bago marating ng kaluluwa ang maligayang hantungan, kailangang timbangin ito sa harapan ni Maat, diyosa ng katotohanan at katarungan, na isinagisag ng pakpak ng katotohanan. Si Anubis, diyos na may ulo ng aso, o si Horus, ang lawin, ay tumulong sa pagtimbang. Kapag sinang-ayunan ni Osiris, ang kaluluwa ay pinapayagang magtamasa ng kaligayahan sa piling ng mga diyos. (Tingnan ang larawan, pahina 50.) Gaya ng malimit mangyari, masusumpungan natin dito ang nakakatulad na hibla ng paniwalang Babiloniko hinggil sa kaluluwang di-namamatay na humuhubog sa relihiyon, buhay, at paggawi ng mga tao.
22. Ano ang paniwala ng mga Intsik hinggil sa patay, at ano ang ginawa upang tulungan sila?
22 Kalakip sa sinaunang mitolohiyang Intsik ay ang paniwala sa kabilang-buhay at ng pagpapalugod sa ninuno. Ang mga ninuno ay “itinuring na buháy at makapangyarihang mga espiritu, na nababahala sa kapakanan ng kanilang buháy na mga inapo, subalit nagpaparusa kapag nagalit.” Lahat ng tulong ay dapat iukol sa mga namatay, pati na ang paglilibing ng mga taong buháy kasabay nila. Kaya, “may mga haring Shang . . . na inililibing kasama ng isang daan hanggang tatlong daang tao, na magiging mga alipin sa kabilang-buhay. (Ang kaugaliang ito ay nag-uugnay ng Tsina sa Ehipto, Aprika, Hapon, at iba pang dako, na doon ay may ganito ring mga paghahain.)” (Man’s Religions, ni John B. Noss) Sa mga kasong ito ang paniwala sa kaluluwang di-namamatay ay umakay sa paghahain ng mga tao.—Ihambing ang Eclesiastes 9:5, 10; Isaias 38:18, 19.
23. (a) Sa mitolohiyang Griyego, sino at ano ang Hades? (b) Ano ang Hades ayon sa Bibliya?
23 Ang mga Griyego, na lumikha ng napakaraming diyos sa kanilang mitolohiya, ay nabahala rin sa mga patay at sa hantungan nito. Ayon sa mga alamat, ang itinalagang tagapamahala ng pusikit na kadilimang yaon ay ang anak na lalaki ni Cronus at kapatid ng mga diyos na sina Zeus at Poseidon. Ang pangalan niya ay Hades, at ang kaniyang kaharian ay ipinangalan sa kaniya. Papaano nakarating sa Hades ang kaluluwa ng mga patay?d
24. (a) Ayon sa mitolohiyang Griyego, ano ang nangyayari sa daigdig ng mga patay? (b) Anong pagkakahawig sa Alamat ni Gilgames ang masusumpungan sa mitolohiyang Griyego?
24 Nagpapaliwanag ang manunulat na si Ellen Switzer: “Sa daigdig ng mga patay ay may nakapanghihilakbot na mga nilikha. Naroon si Charon, na gumagaod ng bangka na sinasakyan niyaong mga bagong kamamatay mula sa daigdig ng mga buhay tungo sa daigdig ng mga patay. Si Charon ay sumisingil ng pasahe sa kaniyang bangka [na tumatawid sa Ilog Styx], kaya malimit ilibing ng mga Griyego ang patay na may barya sa ilalim ng dila upang matiyak na mayroon silang sapat na pasahe. Ang mga hindi makabayad ay iniiwan sa kabilang ibayo ng ilog, sa isang no-man’s-land, at mula roo’y bumabalik sila upang magmulto sa mga buháy.”e
25. Sino ang naimpluwensiyahan ng kaisipang Griyego hinggil sa kaluluwa?
25 Ang Griyegong mitolohiya ng kaluluwa ay patuloy na nakaimpluwensiya sa paniwalang Romano, at dahil sa malakas na impluwensiya ng mga pilosopong Griyego, tulad ni Plato (mga 427-347 B.C.E.), ang mga sinaunang apostatang Kristiyano ay tumanggap sa turo ng kaluluwang di-namamatay, bagaman wala ito sa Bibliya.
26, 27. Papaano minalas ng mga Aztec, Inca at Maya ang kamatayan?
26 Ang mga Aztec, Inca, at Maya ay naniwala rin sa kaluluwang hindi namamatay. Gaya din sa ibang sibilisasyon, ang kamatayan ay naging napakamahiwaga para sa kanila. Ang kanilang mga seremonya at paniwala ay tumulong upang matanggap nila ito nang walang tutol. Nagpaliwanag ang arkeolohistang mananalaysay na si Victor W. von Hagen sa kaniyang aklat na The Ancient Sun Kingdoms of the Americas: “Ang mga patay ay hindi talaga patay: lumipat lamang sila sa kabilang buhay; sila’y hindi nakikita, hindi nahihipo, hindi nasasaktan. Ang mga patay . . . ay naging di-nakikitang miyembro ng angkan.”—Ihambing ang Hukom 16:30; Ezekiel 18:4, 20.
27 Sinasabi din ng reperensiyang ito na “naniwala ang [Inca] Indiyan sa kawalang-kamatayan; ang totoo’y hindi siya naniniwala sa kamatayan, . . . Ang bangkay ay hindi talaga patay kundi may taglay na kapangyarihan ng mga di-nakikitang espiritu.” Ang mga Maya rin ay naniwala sa kaluluwa at sa 13 langit at 9 na impiyerno. Kaya, saanman tayo pumaroon, tinatanggihan ng tao ang pagiging-totoo ng kamatayan, at ang kaluluwang hindi namamatay ay naging saklay na kanilang masasandigan.—Isaias 38:18; Gawa 3:23.
28. Ano ang ilan sa mga paniwalang napatanyag sa Aprika?
28 Ang mga mitolohiya ng Aprika ay tumutukoy din sa isang kaluluwang hindi namamatay. Maraming Aprikano ang takut-na-takot sa kaluluwa. Sabi ng New Larousse Encyclopedia of Mythology: “Mahigpit itong nauugnay sa isa pang paniwala—ang pananatiling-buháy ng kaluluwa pagkamatay ng tao. Ang mga salamangkero ay nanawagan sa mga kaluluwa upang humingi ng lakas. Ang kaluluwa ng namatay ay malimit na lumilipat sa katawan ng mga hayop, at maging sa mga halaman.” Kaya ang mga Zulu ay hindi papatay ng isang ahas kung naniniwala sila na ito ay espiritu ng yumaong kamag-anak.
29. Ipaliwanag ang mga alamat ng ilang tribo sa timog Aprika. (Ihambing ang Genesis 2:15-17; 3:1-5.)
29 Ang mga Masai ng timog-silangang Aprika ay naniniwala sa isang maylikha na nagngangalang ’Ng ai, na nag-aatas ng anghel-dela-guwardiya sa bawat Masai. Sa oras ng kamatayan, inihahatid ng anghel ang kaluluwa tungo sa kabilang-buhay. Ang Larousse na sinipi kanina ay naghaharap ng isang alamat-Zulu hinggil sa kamatayan at doon ang unang tao, si Unkulunkulu, ay naging diyos. Isinugo niya ang isang hunyango upang sabihin, “Hindi mamamatay ang mga tao!” Mabagal ang hunyango at naligaw ng daan. Kaya nagsugo si Unkulunkulu ng naiibang mensahe sa pamamagitan ng butiki, na nagsasabi, “Mamamatay ang mga tao!” Naunang dumating ang butiki, “at magbuhat noon wala nang taong nakaligtas sa kamatayan.” Bagamat may bahagyang mga pagbabago, ang alamat ding ito ay masusumpungan sa mga tribong Bechuana, Basuto, at Baronga.
30. Sa aklat na ito ano ang higit pa nating matutuklasan hinggil sa kaluluwa?
30 Habang ipinagpapatuloy ang pagsusuri sa paghahanap ng tao sa Diyos, lalo nating matutuklasan kung gaano kalaki ang epekto sa sangkatauhan ng alamat ng kaluluwang di-namamatay, noon at ngayon.
Pagsamba sa Araw at Paghahain ng mga Tao
31. (a) Ano ang paniwala ng mga Ehipsiyo hinggil kay Ra na diyos-ng-araw? (b) Papaano ito ihahambing sa sinasabi ng Bibliya?
31 Ang mitolohiya ng Ehipto ay sumasaklaw sa napakalaking pantheon ng mga diyos at diyosa. Gaya ng maraming sinaunang lipunan, samantalang ang Diyos ay hinahanap ng mga Ehipsiyo, sila’y naakit na sumamba sa tumutustos sa kanilang araw-araw na buhay—ang araw. Kaya, sa ilalim ng pangalan ni Ra (Amon-Ra), sinamba nila ang soberanong panginoon ng langit, na araw-araw ay namamangka mula silangan hanggang kanluran. Pagkagat ng dilim ay tinatalunton niya ang isang mapanganib na landas sa daigdig ng mga patay.
32. Ilarawan ang isa sa mga kapistahan ukol sa diyos-ng-apoy na si Xiuhtecutli (Huehueteotl).
32 Sa relihiyon ng mga Aztec, Inca, at Maya ang mga haing-tao ay karaniwang bahagi ng pagsamba sa araw. Ipinagdiwang ng mga Aztec ang isang patuloy na siklo ng relihiyosong mga kapistahan, ng paghahain ng mga tao sa iba’t-ibang diyos, lalo na sa kanilang diyos-ng-araw na si Tezcatlipoca. Gayon din, sa kapistahan ng diyos-ng-apoy na si Xiuhtecutli (Huehueteotl), “ang mga bihag sa digmaan ay sumasayaw na kasabay ng mga tagabihag . . . pinaiikot sa nakasisilaw na apoy at saka inihahagis sa gitna ng mga baga, at muling iniaahon habang buháy pa upang dukitin ang kanilang tumitibok na puso bilang handog sa mga diyos.”—The Ancient Sun Kingdoms of the Americas.
33. (a) Ano ang kalakip sa pagsamba ng mga Inca? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga taong inihahain? (Ihambing ang 2 Hari 23:5, 11; Jeremias 32:35; Ezekiel 8:16.)
33 Sa timog naman, ang relihiyong Inca ay may sariling mga hain at alamat. Noong sinauna, ang mga bata at hayop ay inihahandog sa diyos-ng-araw na si Inti at kay Viracocha, ang maylikha.
Maka-Alamat na mga Diyos at Diyosa
34. Sinu-sino ang bumubuo ng pinakatanyag na trinidad sa Ehipto, at anu-anong papel ang ginampanan nila?
34 Ang pinakatanyag na trinidad sa Ehipto ay yaong binubuo nina Isis, sagisag ng banal na pagka-ina; Osiris, kapatid niya at konsorte; at si Horus, anak nila, na sinasagisag ng lawin. Madalas, si Isis ay inilalarawan sa mga estatwang Ehipsiyo na nagpapasuso sa kaniyang anak na agad nagpapaalaala ng birhen-at-sanggol ng Sangkakristiyanuhan na lumitaw pagkaraan ng mahigit na dalawang libong taon. Di nagtagal, si Osiris ay napatanyag bilang diyos ng mga patay dahil sa alok niyang pag-asa ng walang-hanggang maligayang buhay para sa mga kaluluwa sa kabilang-buhay.
35. Sino si Hathor, at ano ang kaniyang pangunahing taunang kapistahan?
35 Si Hathor ng Ehipto ay diyosa ng pag-ibig at kagalakan, tugtugin at sayaw. Naging reyna siya ng mga patay, at tinutulungan niya sila na makarating sa langit sa pamamagitan ng isang tulay. Gaya ng paliwanag ng New Larousse Encyclopedia of Mythology, ipinagdiwang siya sa mararangyang kapistahan, “lalo na kapag Bagong Taon, na anibersaryo ng kapanganakan niya. Bago magbukang-liwayway ang imahen ni Hathor ay inilalabas sa asotea ng mga babaeng saserdote upang masilayan ito ng sumisikat na araw. Ang kasunod na pagsasaya ay nagiging isang tunay na kapistahan, at ang araw ay nagwawakas sa awitan at lasingan.” Pagkaraan ng libulibong taon may ipinagbago ba ang pagdiriwang ng Bagong Taon?
36. (a) Ano ang relihiyosong kalagayan ng Israel noong ika-16 na siglo B.C.E.? (b) Ano ang kapansinpansing idinulot ng Sampung Salot?
36 Sa pantheon ng mga Ehipsiyo ay napakarami ring diyos at diyosang hayop, gaya ni Apis na toro, ni Banaded na kambing, ni Heqt na palaka, ni Hathor na baka, at ni Sebek na buwaya. (Ihambing ang Roma 1:21-23) Sa gitna ng relihiyosong tagpong ito namuhay ang mga Israelita bilang mga alipin noong ika-16 na siglo B.C.E. Upang mapalaya sila sa mahigpit na panunupil ni Paraon, napilitan si Jehova, Diyos ng Israel, na magpadala ng sampung iba’t-ibang salot laban sa Ehipto. (Exodo 7:14–12:36) Ang mga salot na yaon ay sinadya upang hiyain ang maka-alamat na mga diyos ng Ehipto.—Tingnan ang kahon, pahina 62.
37. (a) Ano ang ugali ng ilan sa mga diyos na Romano? (b) Papaano nakaapekto sa kanilang tagasunod ang paggawi ng mga diyos? (c) Ano ang naranasan nina Pablo at Bernabe sa Listra?
37 Bumaling tayo sa mga diyos ng sinaunang Gresya at Roma. Ang Roma ay nanghiram ng maraming diyos sa sinaunang Gresya, lakip na ang kanilang mga kagalingan at bisyo. (Tingnan ang mga kahon, pahina 43 at 66.) Halimbawa, sina Venus at Flora ay mga patutot na walang-kahihiyan; si Bacchus ay lasenggo at manggugulo; si Mercurio ay tulisan sa lansangan; at si Apollo ay manrarahuyo ng kababaihan. Ayon sa ulat si Jupiter, ama ng mga diyos, ay nakipagkalunya o nagkasala ng insesto sa 59 na babae! (Katulad-na-katulad ito ng mga rebeldeng anghel na sumiping sa mga babae bago ang Baha!) Palibhasa’y naaninaw sa mga mananamba ang paggawi ng kanilang diyos, katakataka ba na ang mga Romanong emperador na gaya nina Tiberio, Nero, at Caligula ay naging mangangalunya, mapakiapid, at mamamatay-tao?
38. (a) Ilarawan ang uri ng pagsamba na isinagawa sa Roma. (b) Papaano naimpluwensiyahan ng relihiyon ang kawal Romano?
38 Sa kanilang relihiyon, inilakip ng mga Romano ang mga diyos mula sa maraming tradisyon. Halimbawa, maluwag nilang tinanggap ang pagsamba kay Mithras, Persyanong diyos ng liwanag, na naging kanilang diyos-ng-araw (tingnan ang kahon, mga pahina 60-1), at ang Siryanong diyosa na si Atargatis (Ishtar). Binago nila ang mangangasong si Artemis ng Gresya upang maging si Diana at may sarili din silang bersiyon ni Isis ng Ehipto. Ginaya din nila ang tatluhang diyosa ng pagpapakarami ng mga Celt.—Gawa 19:23-28.
39. (a) Sino ang namuno sa pagkasaserdoteng Romano? (b) Ilarawan ang isa sa mga relihiyosong seremonya ng mga Romano.
39 Sa pangmadlang mga kulto sa daandaang dambana at templo, sila ay nagkaroon ng iba’t-ibang mga saserdote, na pawang “sakop ng kapangyarihan ng Pontifex Maximus [Supremong Papa], pinuno ng relihiyon ng estado. (Atlas of the Roman World) Sinasabi din ng atlas na ang isa sa mga seremonyang Romano ay ang taurobolium, na doon “ang mananamba ay tumatayo sa isang hukay at pinaliliguan ng dugo ng toro na inihahandog sa ulunan niya. Umaahon siya mula sa rituwal na ito sa isang kalagayan ng dinalisay na kawalang-sala.”
Kristiyanong Mitolohiya at mga Alamat?
40. Papaano minamalas ng maraming iskolar ang mga pangyayari sa sinaunang Kristiyanismo?
40 Ayon sa ilang makabagong kritiko, ang Kristiyanismo ay yumayakap din sa mitolohiya at mga alamat. Ganoon nga ba? Maraming iskolar ang nagsasabing alamat lamang ang pagsilang ng birhen kay Jesus, ang kaniyang mga himala, at pagkabuhay-na-muli. Sinasabi pa ng iba na hindi siya kailanman umiral at na ang kaniyang alamat ay hango lamang sa mas matatandang mitolohiya at pagsamba sa araw. Sumulat si Joseph Campbell, eksperto sa mitolohiya: “Iminumungkahi ng maraming iskolar na hindi kailanman nagkaroon ng Juan [Tagapagbautismo] o ng Jesus, kundi ng isang diyos-ng-tubig at diyos-ng-araw.” Subalit dapat tandaan na marami sa mga iskolar na ito ay mga ateyista na lubusang nagtatatwa ng paniwala sa Diyos.
41, 42. Anong ebidensiya ang umaalalay sa pagiging makasaysayan ng sinaunang Kristiyanismo?
41 Gayumpaman, ang mapag-alinlangang punto-de-bistang ito ay napaparam sa liwanag ng ebidensiya ng kasaysayan. Halimbawa, sumulat ang Judiong mananalaysay na si Josephus (c. 37-c.100 C.E.): “Para sa ilang Judio ang pagkalipol ng hukbo ni Herodes ay paghihiganti ng Diyos, at tiyak na isang makatarungang paghihiganti, dahil sa pagtrato niya kay Juan, na tinaguriang Tagapagbautismo. Sapagkat ipinapatay siya ni Herodes, bagaman siya’y mabuting tao.”—Marcos 1:14; 6:14-29.
42 Ang mananalaysay na ito ay nagpatotoo din sa makasaysayang pag-iral ni Jesu-Kristo, nang isulat niya na bumangon “ang isang tinatawag na Jesus, taong pantas, kung dapat nga siyang taguriang tao . . . na tinawag ng kaniyang mga alagad na anak ng Diyos.” Sinabi pa niya na “hinatulan siya ni Pilato . . . At hanggang sa ngayon ay umiiral pa rin yaong mga tinatawag sa pangalan niya, ang ‘mga Mesiyanista.’”f—Marcos 15:1-5, 22-26; Gawa 11:26.
43. Ano ang saligan ng paniwala ni apostol Pedro kay Kristo?
43 Kaya, bilang mismong nakasaksi sa pagbabagong-anyo ni Jesus, sumulat nang buong-pagtitiwala ang Kristiyanong apostol na si Pedro: “Kami ay hindi nagsisunod sa maiinam na katha [Griyego, myʹthos] nang aming ipakilala ang kapangyarihan at pagparito ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan. Sapagkat siya’y tumanggap ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama, nang dumating sa kaniya ang ganitong mga salita sa marangal na kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang aking sinisinta, na siya kong kinalulugdan.’ Oo, ang mga salitang ito ay aming narinig mula sa langit nang kami’y kasama niya sa banal na bundok.”—2 Pedro 1:16-18.g
44. Anong simulain sa Bibliya ang dapat manaig sa alinmang salungatan sa pagitan ng opinyon ng tao at ng Salita ng Diyos?
44 Sa salungatang ito sa pagitan ng “ekspertong” opinyon ng tao at ng Salita ng Diyos, dapat nating ikapit ang simulain na isinaad sa pasimula: “Ano nga kung ang ilan ay hindi sumampalataya, ang kawalan ba nila ng pananampalataya ay magpapawalang-halaga sa pagiging-tapat ng Diyos? Huwag nawang mangyari! Bagkus pa nga hayaang maging tapat ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling, gaya nga ng nasusulat: ‘Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita at makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan.’ ”—Roma 3:3, 4.
Magkakatulad na Hibla
45. Ano ang ilan sa magkakatulad na hibla na masusumpungan sa mitolohiya ng daigdig?
45 Ang maikling repasong ito ng ilan sa mga alamat ng daigdig ay tumulong upang makilala ang magkakatulad na katangian, na marami ay matutunton pabalik sa Babilonya, ang lunday sa Mestopotamya ng karamihan ng relihiyon. May magkakatulad na hibla, maging sa katotohanan ng paglalang, o sa mga ulat noong panahon na ang mga mestisong-diyos at higante ay nasa lupa at isang delubyo ang lumipol sa masasama, o sa saligang relihiyosong mga paniwala hinggil sa pagsamba sa araw at kawalang-kamatayan ng kaluluwa.
46, 47. (a) Anong paliwanag sa Bibliya ang maihaharap hinggil sa magkakatulad na pinagmulan at mga hibla ng mitolohiya? (b) Ano pang karagdagang katangian ng sinaunang pagsamba ang tatalakayin natin?
46 Mula sa punto-de-bista ng Bibliya, maipaliliwanag natin ang magkakatulad na hiblang ito kung ating tatandaan na pagkaraan ng Baha, sa udyok ng Diyos, ang sangkatauhan ay nangalat mula sa Babel sa Mesopotamya mahigit na 4,200 taon na ngayon. Bagaman nagkahiwahiwalay, at bumuo ng mga sambahayan at tribo na may iba’t-ibang wika, talagang nagsimula sila sa iisang saligang unawa hinggil sa naunang kasaysayan at relihiyosong paniwala. (Genesis 11:1-9) Sa paglipas ng mga dantaon, ang unawang ito ay napilipit at ginayakan ng bawat kultura, at ang ibinunga ay mga kathang-isip, alamat, at mitolohiya na nakarating sa atin ngayon. Ang mga alamat na ito, palibhasa hiwalay sa katotohanan ng Bibliya, ay hindi nakapaghatid sa tao nang lalong malapit sa tunay na Diyos.
47 Gayumpaman, ipinahayag din ng tao ang kaniyang relihiyosong damdamin sa iba’t-iba pang paraan—espiritismo, shamanismo, salamangka, pagsamba sa ninuno, at iba pa. May masasabi ba ang mga ito hinggil sa paghahanap ng tao sa Diyos?
[Mga talababa]
a Ukol sa detalyadong pagsasaalang-alang ng paglalang, tingnan ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society.
b Ang mas nahuling mitolohiya ng Tsina, na bunga ng impluwensiya ng Budhismo, Taoismo at Confucianismo, ay tatalakayin sa Kabanata 6 at 7.
c Ukol sa mas detalyadong pagtalakay sa mga patotoo ng Baha bilang kasaysayan, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, mga pahina 327-8, 609-12, lathala ng Watchtower Society.
d Ang “Hades” ay lumilitaw nang sampung beses sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego, hindi bilang maalamat na tao, kundi ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. Ito ang katumbas sa Griyego ng Hebreong she’ohlʹ.—Ihambing ang Awit 16:10 at Gawa 2:27, Kingdom Interlinear.—Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, mga pahina 1015-16, lathala ng Watchtower Society.
e Kapansinpansin na si Utnapistim, bayani ng Alamat ni Gilgames, ay may bangkero, si Ursanabi, na nagtawid kay Gilgames sa mga tubig ng kamatayan upang salubungin ang nakaligtas sa baha.
f Ayon sa tradisyonal na teksto ni Josephus, talababa, pahina 48 ng edisyon ng Harvard University Press, Tomo IX.
g Ukol sa karagdagang impormasyon hinggil sa Pagkakristiyano, tingnan ang Kabanata 10.
[Kahon sa pahina 43]
Mga Griyego at Romanong Diyos
Maraming diyos at diyosa sa mitolohiyang Griyego ay may kahawig na posisyon sa mitolohiyang Romano. Itinatala sa ibaba ang ilan.
Griyego Romano Tungkulin
Aprodite Venus Diyosa ng pag-ibig
Apollo Apollo Diyos ng liwanag,
medisina at tula
Ares Mars Diyos ng digmaan
Artemis Diana Diyosa ng pangangaso
at panganganak
Asclepio Aesculapio Diyos ng pagpapagaling
Athena Minerva Diyosa ng mga sining,
digmaan, at karunungan
Cronus Saturno Sa mga Griyego, pinuno ng
mga Titan at ama ni Zeus.
Sa mitolohiyang Romano,
diyos din ng agrikultura
Demeter Ceres Diyosa ng mga bagay na tumutubo
Dionisio Bacchus Diyos ng alak, pag-aanak, at
ng walang taros na paggawi
Eros Cupido Diyos ng pag-ibig
Gaea Terra Sagisag ng lupa,
ina at asawa ni Urano
Hefesto Vulcan Panday ng mga diyos
at diyos ng apoy at
ng mga yaring-bakal
Hera Juno Tagapagsanggalang ng pag-aasawa
at mga babae. Sa mga Griyego,
kapatid na babae at asawa ni Zeus;
sa mga Romano, asawa ni Jupiter
Hermes Mercurio Mensahero ng mga diyos;
diyos ng komersiyo at siyensiya;
tagapagsanggalang ng mga
manlalakbay, magnanakaw
at lagalag
Hestia Vesta Diyosa ng dapugan
Hypnos Somnus Diyos ng pagtulog
Pluto, Hades Pluto Diyos ng daigdig ng mga patay
Poseidon Neptuno Diyos ng dagat.
Sa mitolohiyang Griyego,
diyos din ng mga lindol at kabayo
Rhea Ops Asawa at kapatid na babae
ni Cronus
Urano Urano Anak at asawa ni Gaea
at ama ng mga Titan
Zeus Jupiter Pinuno ng mga Diyos
Salig sa The World Book Encyclopedia, 1987, Tomo 13.
[Kahon sa pahina 45]
Mga Diyos at Diyosa ng Asiryo-Babilonya
Anu—kataastaasang diyos, nagpupuno sa mga langit; ama ni Istar
Assur—pambansang mandirigmang-diyos ng mga taga-Asirya; diyos din ng pag-aanak
Ea—diyos ng tubig. Ama ni Marduk. Nagbabala kay Utnapistim tungkol sa baha
Enlil (Bel)—diyos ng hangin; nang maglao’y nakatumbas ni Zeus sa mitolohiyang Griyego. Inilakip ng mga taga-Babilonya kay Marduk (Bel)
Istar—banal na personipikasyon ng planetang Venus; bahagi ng kaniyang pagsamba ang banal na pagpapatutot. Siya’y si Astarte ng Fenicia, Atargatis ng Sirya, Astoret sa Bibliya (1 Hari 11:5, 33), Aprodite sa Gresya, Venus sa Roma
Marduk—pangunahing diyos ng Babilonya; “sinaklaw ang lahat ng ibang diyos at inangkin ang lahat ng kanilang sarisaring tungkulin.” Tinawag ng mga Israelita na Merodak
Shamas—diyos-araw ng liwanag at katarungan. Tagapagpauna ng Griyegong si Apollo
Sin—diyos ng buwan, miyembro ng trinidad na naglakip kay Shamas (ang araw) at kay Istar (planetang Venus)
Tammuz (Dumuzi)—diyos ng pag-aani. Mangingibig ni Istar
(Salig sa New Larousse Encyclopedia of Mythology)
[Kahon/Mga larawan sa pahina 60, 61]
Mga Diyos ng Kawal Romano
Napatanyag ang Roma dahil sa disiplinadong hukbo nito. Ang pagkakaisa ng imperyo ay umasa sa kasiglahan at bisa ng hukbong sandatahan. Ang relihiyon ba ay salik na dapat isaalang-alang? Oo, at sa kapakanan natin, ang mga Romano ay nag-iwan ng maliwanag na ebidensiya ng kanilang mga gawain na gaya ng mga lansangan, moog, bambang ng tubig, mga coliseum, at mga templo. Halimbawa, nasa Northumbria, sa hilaga ng Ingglatiyera, ang Pader ni Hadrian, na itinayo noong mga 122 C.E. Ano ang isiniwalat ng mga paghukay hinggil sa gawain sa mga kampamentong Romano at ang papel na ginampanan ng relihiyon?
Sa Museo ng Housesteads, na itinayo malapit sa nahukay na mga kagibaan ng kampamentong Romano sa Pader ni Hadrian, isang exhibit ang nagsasaad: “Ang relihiyosong buhay ng kawal Romano ay may tatlong bahagi. Una . . . ang kulto ng mga Dinidiyos na Emperador at ang pagsamba sa tagapagtanggol na mga diyos ng Roma na sina Jupiter, Victory at Mars. Sa bawat moog isang dambana ang iniaalay kay Jupiter taun-taon sa dakong pinagdarausan ng parada. Lahat ng kawal ay inasahang makibahagi sa mga kapistahan na nagdiriwang ng kapanganakan, araw ng pagluklok sa trono at tagumpay ng mga Dinidiyos na Emperador.” Hawig-na-hawig ito sa kaugalian ng mga hukbong-sandatahan ngayon, na kung saan ang mga kapelyan, dambana, at bandila ay palagiang bahagi ng pagsamba ng hukbo.
Subalit ano ang ikalawang bahagi ng relihiyosong buhay ng kawal Romano? Ito’y ang pagsamba sa tagapagtanggol na mga diyos at sa anghel-dela-guwardiya ng kanilang partikular na hukbo “pati na rin sa mga diyos na dinala mula sa kanilang mga bayang sinilangan.”
“Sa wakas ay naroon ang kulto na sinunod ng indibiduwal. Mentras tinutupad ng isang kawal ang kaniyang mga obligasyon sa opisyal na mga kulto siya ay malayang sumamba sa kaninomang diyos na naisin niya.” Waring ito’y nagpapahiwatig ng kalayaan sa pagsamba, subalit “hindi saklaw nito ang mga relihiyon na ang mga kaugalian ay itinuring na hindi makatao, gaya ng mga Druids, at pati na rin yaong ang katapatan sa Estado ay pinag-aalinlanganan, gaya halimbawa ng Kristiyanismo.”—Ihambing ang Lucas 20:21-25; 23:1, 2; Gawa 10:1, 2, 22.
Kawiliwiling pansinin, na noong 1949 isang templo ni Mitras ang natuklasan sa isang lusak sa Carrawburgh, malapitlapit sa Pader ni Hadrian. (Tingnan ang larawan.) Sa tantiya ng mga arkeologo ito ay itinayo noong mga 205 C.E. Naglalaman ito ng imahen ng diyos-araw, mga dambana, at isang inskripsiyon sa Latin na sa isang bahagi ay nagsasabi, “Sa walang-pagkalupig na diyos na si Mitras.”
[Kahon sa pahina 62]
Mga Diyos ng Ehipto at ang Sampung Salot
Iginawad ni Jehova ang paghatol sa walang-kapangyarihang mga diyos ng Ehipto sa pamamagitan ng Sampung Salot—Exodo 7:14–12:32.
Salot Paglalarawan
1 Ang Nilo at iba pang tubig ay naging dugo. Napahiya ang diyos-Nilo na si Hapi
2 Mga palaka. Hindi ito nahadlangan ng diyosa-ng-palakang si Heqt
3 Alikabok naging mga kuto. Si Thot, panginoon ng salamangka, ay hindi nakatulong sa mga salamangkerong Ehipsiyo
4 Mga bangaw sa buong Ehipto maliban na sa Gosen na tirahan ng Israel. Walang diyos na nakahadlang dito—maging si Ptah, maylikha ng sansinukob, ni si Thot, panginoon ng salamangka
5 Salot sa mga baka. Maging ang banal na diyosa-ng-baka na si Hator at si Apis na toro ay hindi nakahadlang dito
6 Mga bukol. Hindi nakatulong ang mga diyos ng pagpapagaling na sina Thot, Isis, at Ptah
7 Kulog at graniso. Inilantad ang kawalang-kapangyarihan ni Respu, tagasupil ng kidlat, at ni Thot, diyos ng ulan at kulog
8 Mga balang. Naging hampas ito sa diyos ng pag-aanak na si Min, tagapagsanggalang ng mga pananim
9 Tatlong araw ng kadiliman. Napahiya si Ra, pangunahing diyos-araw, at si Horus, isang diyos ng araw
10 Kamatayan ng panganay pati na yaong kay Paraon na itinuring na diyos na nagkatawang-tao. Hindi ito nahadlangan ni Ra (Amon-Ra), diyos-araw at kung minsan ay isinasagisag ng lalaking kambing
[Kahon sa pahina 66]
Mitolohiya at Kristiyanismo
Nasa kasagsagan ang pagsamba sa mitolohikal na mga diyos sa sinaunang Gresya at Roma nang lumitaw ang Kristiyanismo mahigit na dalawang libong taon na ang nakalilipas. Sa Asya Minor nanatili pa rin ang mga pangalang Griyego, na siyang dahilan kung bakit ang Kristiyanong mga tagapagpagaling na sina Pablo at Bernabe ay tinukoy ng mga taga-Listra na “mga diyos,” at tinawag sila na Hermes at Zeus, sa halip na sina Mercurio at Jupiter ng Roma. Sinasabi ng ulat na “ang saserdote ni Zeus, na may templo sa harapan ng lungsod, ay nagdala ng mga baka at bulaklak sa pintuang-bayan at nagnais na maghandog ng mga hain kasama ng karamihan.” (Gawa 14:8-18) Lubhang nahirapan sina Pablo at Bernabe na hadlangan ang mga tao na maghandog sa kanila. Ipinakikita lamang nito kung gaano kaseryoso ang mga taong yaon sa mitolohiya.
[Larawan sa pahina 42]
Bundok Olympus, Gresya, di-umano’y tahanan ng mga diyos
[Larawan sa pahina 47]
Sulatang putik sa cuneiform na may bahagi ng Alamat ni Gilgames
[Larawan sa pahina 50]
Si Anubis, diyos na may ulo ng jackal, tinitimbang ang isang puso-kaluluwa, sa kaliwa, ayon sa pamantayan ni Maat, diyosa ng katotohanan at katarungan, isinasagisag ng isang pakpak; isinusulat ni Thot ang resulta sa isang sulatan bago niya ito ipatalastas kay Osiris
[Mga larawan sa pahina 55]
Si Chalchiuhtlicue, diyosa ng sariwang tubig ng mga Aztec; hugis-kuwagong sisidlan na may butas na pinaglalagakan di-umano ng inihandog na mga puso
[Larawan sa pahina 57]
Ang trinidad ng mga Ehipsiyo: mula sa kaliwa, si Horus, si Osiris, at si Isis
[Mga larawan sa pahina 58]
Ang pagsamba ng mga Inca sa araw ay isang kaugalian sa Machu Picchu, Peru
Ang Intihuatana, nakapaloob, na “pinagtatalian” ng araw, marahil ay ginagamit kaugnay ng pagsamba sa araw sa Machu Picchu
[Mga larawan sa pahina 63]
Mga sagisag nina Horus na lawin, Apis na toro, at Heqt na palaka. Ang mga diyos ng Ehipto ay hindi nakahadlang sa mga salot na ipinadala ni Jehova, pati na ang paggawang dugo sa Nilo
[Mga larawan sa pahina 64]
Mga diyos na Griyego, mula sa kaliwa, Aprodite; Zeus na bumubuhat kay Ganymede, tagapagdala ng kopa ng mga diyos; at Artemis